Popular Posts

Tuesday, August 14, 2012

Pasasalamat

Kaunti lang naman ang nagbabasa ng mga blogs ko, pero masaya na rin ako kung meron. Kaya, una kong pasasalamatan ang lahat ng nagtiyagang basahin ang Kapritso.

Malapit sa puso ko ang sinulat ko na 'to, dahil malapit din sa puso ko ang musika. Pinapasalamatan ko ang mga kabanda ko dahil kung hindi sa kanila, wala akong maisusulat na magagandang karanasan ukol sa pagbabanda.

Pinapasalamatan ko rin ang mga kaeskwela ko sa college dahil sa pagtangkilik nila sa Kapritso (kahit konti pa lang ang nababasa nila). Nagpapasalamat din ako sa aking pamantasan na nagbigay sa akin ng inspirasyon na magsulat. (Miss ko na school ko. Out of school youth ako ngayon e. :D)

Sana lang sa pagbabasa niyo nito ay maalala niyo kung gaano kaganda ang OPM. Hindi naman masamang makinig at magkagusto sa mga foreign acts. Aminado akong nakikinig ako sa kanila. Pero, alalahanin din natin na marami tayong magagaling at malikhaing mga musikero.

Higit sa lahat, gusto kong maramdaman ng mga mambabasa na hindi masama ang mangarap. Tulad ni Kapritso, kung gusto natin, hindi tayo susuko. At kung hindi tayo susuko, maaabot natin ang ating mga pangarap.

Maraming salamat, mga kapatid. :)



Photo ng first gig ko with Soaring Aphrodite. :D






13. Sagupaan


Dumating na ang araw na pinakahihintay. Ang araw na pinanakaabangan hindi lang ng Kapritso kundi ng labing-siyam pa na kalahok na mga banda -- mga banda na kinakatawan ang iba't ibang pamantasan sa Maynila at mga karatig-lungsod -- ang Clash of the Real Titans.

Ginanap ang nasabing patimpalak sa Quirino Grand Stand. Hindi pa nagsisimula ay napuno na ang venue ng samu't saring tao - mga estudyante at alumni ng iba't ibang eskwelahan, mga tindero, mga bystanders at mga miyembro ng mga kalahok na banda.

Sakay ng pamasadang dyip ni Mang Obet ay ang mga miyembro ng Kapritso at ng pamilya Tolentino. Isa-isa silang bumaba ng sasakyan, si Andres ang nahuhuli. Pagtapak niya sa semento, lumingon siya sa lupon ng tao sa harap ng entabladong puno ng kagamitan para sa tugtugan. Napahimas ng mukha ang binata at naramdaman niya ang malamig niyang pawis.

"Deng!" Sigaw ng nananabik na si Sandra. Niyakap niya ng mahigpit ang kapatid sa sobrang galak. "Excited na kaming makita ka sa stage!"

"Kaya nga, anak!" Tumugma ang nararamdaman ni Aling Cely sa nararamdaman ng kanyang panganay. "Pati tatay mo, ready na ready."

"Bakit? Ano ginawa niya?" Tanong ni Andres.

"Basta. Gugulatin ko na lang ang banda niyo kapag kayo na." Sagot ni Mang Obet.

Natawa na lang si Andres sa kanyang tatay upang mabawasan ang kabang nadarama niya. Lumapit siya kay Justin na nakamasid sa paligid.

"Ang daming manonood." Wika ni Justin sa kanyang sarili, ngunit alam din niya na nasa tabi niya si Andres. "Mas marami pa sa mga dati kong nasalihan."

"Weh?" Napalunok na lang si Andres.

"Oo, 'tol. Pero, no pressure, ah?" Binuksan ni Justin ang bote ng mineral water na hawak niya at lumagok mula dito. "Gusto mo?"

Hindi na nagsalita si Andres at inagaw niya ang bote ng tubig mula sa kamay ni Justin. Ininom niya ang kalahati ng laman nito at ang natitira ay ibinuhos niya sa kanyang ulo. Iniling niya nang mabilis ang kanyang ulo upang matanggal ang mga tumutulong tubig. "Lez do diz! Whooh!"

"You're welcome." Ngumiti na lang si Justin nang iabot sa kanya ni Andres ang bote na wala nang laman.

"Guys! Band meeting!" Sigaw ni Tor sa kanyang mga kasama, na siyang naging dahilan upang lumapit sila sa kanya. Nag-huddle sila na parang sa mga time-out sa laro ng basketball. "Eto na ang hinihintay natin. Ano'ng feeling?"

"Excited!" Sagot ni Justin.

"Masaya!" Sunod si Sage.

"Sobrang blessed!" Tugon ni Kidron.

"Kinakabag." Wika ni Andres.

"Lahat ng nararamdaman niyo, nararamdaman ko rin." Sumang-ayon si Tor. "Masaya, excited, blessed - at kinakabag na rin. Pero nagpapasalamat na rin ako at kayo ang kasama ko ngayon."

Sandali silang nag-group hug na nahinto rin nang maramdaman nila kung gaano ka-nakakangalay ang group hug habang nakayuko.

"Pag nag-perform tayo mamaya, ano ang dapat nating tandaan?" Tinanong ni Tor muli sa kanyang mga kasama.

"Dapat nakapako ang puso natin sa stage." Sabi ni Justin.

"Nasa likod natin ang ating Creator sa ating performance." Sagot ni Kidron.

"Walang makakapigil sa atin." Wika ni Sage.

"Ang performance na 'to ay para sa mga kabataang nagmamahal sa musika." Sabi ni Andres.

"Pagbilang ko ng tatlo." Sinabi ni Tor sa mga kasama niya. "Isa, dalawa, tatlo!"

"Kapritso!" Sabay nilang isinigaw sa ere. Tumayo sila at isa-isa nilang niyakap ang bawat isa.

"Cute naman."

Napatingin ang lahat sa kung saan nanggaling ang anonimosong boses na iyon. Nakita nila si Yasmin na kasama ang mga kabanda niyang si Cloe at si Jade. Kasama din nila ang lalaking isinama ng Ten-Twenty sa pagpupulong.

"Handa na ba kayong mapahiya sa stage?" Tinanong ni Yasmin sa Kapritso.

Si Tor na padating pa lang ang Kawaii ay napapangiwi na, ay gusto sanang sumagot sa sinabi ni Yasmin ngunit naging mabilis si Sage sa pagtakip ng bibig nito.

Humakbang si Sage papalapit kay Yasmin, na siyang ginawa ng isa pa. Pinagmasdan ni Sage ang grupo. Sila ay naka-costume ng school uniform na katulad ng sa Japan.

"Nasunod talaga ang binabalak niyong theme ng costume ha." Sinabi ni Sage sa kanila.

"Hmp." Umismid lamang si Yasmin. "Ganoon talaga pag creative thinker ka. Not like you."

"Whatever."

"Any last words bago kayo malampaso sa stage?"

"Good luck." Humakbang pa papalapit si Sage kay Yasmin. Tinapat niya ang kanyang bibig sa tainga nito at binulong, "kasi kakailanganin niyo yun."

Napamulsa si Sage habang pinagmamasdan niya ang ekspresyon ng pagkagimbal sa mukha ni Yasmin. Hindi na ito sumagot at nilayasan na ng Kawaii ang Kapritso.

"Uy, kailangan na pala nating pumunta sa may back stage." Sabi ni Justin sa kanila. "Alamin na natin kung pang-ilan tayo."

Naunang maglakad si Justin at sumunod naman ang mga kasama niya.

Habang naglalakad, nakarinig si Andres ng pagsitsit. Noong una ay hindi niya pinapansin, ngunit nang magtagal ay nararamdaman niyang patukoy sa kanya ang mga pagsitsit na iyon.

"Psst... psst... psst... Kuya... Kuya..."

"ANOOOOOO?!"

Pagsigaw ni Andres ay lumingon siya sa kanyang likuran. Nakita niya ang isang babae na kasing-edad niya lang. May dala siyang maliit na backpack. Nakataas ang dalawa niyang kamay na parang huhulihin ng pulis.

"Kuya, pwede ba kita kausapin?"

"Andres?" Sumigaw ang mga kasama niya na ilang dipa na ang layo sa kanya at malapit nang malunod sa dami ng tao. "Tara na."

"Balikan niyo na lang ako dito!" Sinagot ni Andres sa kanila. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon ang naging desisyon ni Andres. Hindi niya kilala ang babae at hindi rin siya sigurado kung importante ang sasabihin niya. Naisip niya na baka isa 'to sa mga saksi ng kung ano man na humihingi ng oras para ikalat ang salita ni kung kanino man.

Tinitigan niya ang babae na tinawag ang kanyang atensyon. Hinila naman ng babae ang kanyang braso upang malugar sila sa gilid ng daan.

"Kuya, naghanda ka ba?" Tinanong ng babae kay Andres. Maya't maya ang lingon ng kanyang ulo.

"Ha?" Napakamot ng ulo si Andres.

"Pinaghandaan ba ng banda niyo ang lahat ng pwedeng mangyari sa tugtugan na 'to? Bokalista ka ng Kapritso di ba?"

"Oo." Nagmukha pang hindi sigurado si Andres sa kanyang sagot. "Ano'ng 'pinaghandaan' pinagsasasabi mo, ate?"

Nagmistulang naubusan ng salita ang babae at hinanap na lang ito sa paligid. Hindi mapakali si ate at napapakagat na lamang ng labi.

"Akin na cellphone mo."

"Ha? Ate, adik ka ba?"

"Hindi ko nanakawin cellphone mo. Dali!"

Ura-uradang kinuha ni Andres ang kanyang cellphone mula sa kanyang bulsa. Sinalampak niya ito sa palad ng ate. Nagsimula namang mag-type si ate sa cellphone niya, saka ibinalik sa may ari na natatanga na sa mga pangyayari.

"Number ko. I-save mo. At i-text mo ako kapag nagka-aberya ang banda niyo." At biglang sumibat si Ate.

Sabay naman ang pagdating ng mga kabanda ni Andres.

"Alam niyo ba-"

"Hulaan mo kung pang-ilan tayo, 'tol." Pinutol ni Tor ang sasabihin ni Andres.

"Pang-ilan nga ba tayo?"

Nagtaas silang apat nang tig-iisang kamay na nakatikas ang limang daliri.

"Pang-lima tayo?"

Sabay-sabay silang umiling at sabay din nilang sinagot:

"Pang-twenty."

"Twenty? Ibig sabihin..."

Alam na ng apat ang sasabihin kaya tumango sila at sabay-sabay nilang dinugtong:

"Last band."

Hindi maisip ni Andres kung maganda ba ang pagkakalugar nila sa patimpalak o hindi. At naguguluhan pa din siya kay ate na lumapit sa kanya.

--

Napagpasiyahan ng banda na panoorin na lang nila lahat ng mga kalahok ng Clash - kasama na ang Ten-Twenty at Kawaii. Naupo ang Kapritso sa bubong ng dyip habang ang mag-anak naman ni Mang Obet ay nakaupo sa hood. Aminado si Andres na maganda ang kompetisyon. Magagaling ang mga kasaling banda. Sa katunayan, isang daang beses na siyang nasisita ni Mang Obet dahil sa kalikutan niya (ito ang nagiging reaksyon ni Andres sa tuwing magaling ang bandang napapanood niya)

"Woooooh! Ayan na ang mga panget!" Sinigaw ni Justin. Nang tumingin ang mga kasama niya sa stage, nakita nila na ang bandang Ten-Twenty na ang nagse-set up sa stage. 

"Kami nga pala ang Ten-Tweeeeeeeeeeeeeeeentyyyyyyyyyyyyyyyy!" Sinigaw ng bokalista sa mikropono. Itinaas niya ang kanyang kamay na naka-devil sign. At nagsimula na silang tumugtog.

"Sage?" Sigaw ng isang babae. Agad naman itong napansin ni Sage. Pagtingin niya sa ibaba, nakita niya si Rose na kanina pa naghahanap sa kanya.

"Mama!" Tumalon si Sage pababa at niyakap ang kanyang ina. "Naligaw ba kayo papunta sa pwesto namin?"

"Hindi naman. Nahirapan lang ako i-locate yung pwesto ni Mr. and Mrs. de Jesus."

"Kidron!" Sinigaw ng kanyang mga magulang.

"Ma? Pa?" Sumilip si Kidron mula sa bubong ng dyip. Nang masiguro niyang hindi siya nagkakamali, tumalon siya pababa at sinugod ang mga magulang upang yakapin ang mga ito.

"Anak naman, hindi nag-iingat." Pangaral ni Mr. de Jesus kay Kidron. Ngunit hindi niya maitatago na masaya siya dahil nakita niya ang sigla sa kanyang anak.

"May kasunod pa kami." Sinabi ni Rose kay Sage.

"Ganun? Sino?"

"Justin?"

"Po?" Sumilip si Justin mula sa itaas ng dyip.

"Bumaba ka na rito bago ka pa magtatatalon dyan."

Sumunod naman ang binata sa ina ni Sage. Napaisip si Justin kung bakit pinagawa sa kanya iyon hanggang sa makita niya ang mga parating.

"Kuya!"

Tumalon papunta kay Justin ang bunsong kapatid na si Marilyn. Patakbo namang sumunod ang kanyang dalawang ate, sina Charlene at Kristine, at ang kanilang ama, si Marlon.

"Sino ang naiwan sa bahay?" Tinanong ni Justin sa kanyang mga kapatid.

"Malamang, wala." Nagmamataray pa si Charlene sa kanyang pagsagot. "Gusto naming manood e."

"Moral support ba!" Dagdag ni Kristine.

"Tapos, kuya, andito daw po crush ni ate Tintin tsaka ate Lenlen. Nagtext daw po. Punta daw po sila kaya nipilit nila po si Papa." Sinabi ni Marilyn habang pinagmamasdan ang imprinta sa damit ni Justin.

"Nako po!" Napakamot ng ulo si Justin. "Sumbong ko kaya kayo kay Papa."

Napansin ni Justin na nakikipagkilala ang tatay nila sa mga magulang ng kanyang mga kabanda. Natupad din ni papa yung promise niya, naisip niya sa kanyang sarili.

"SHIIIIIIT!"

Napalingon ang lahat kay Tor. Nanlaki ang kanilang mga mata, lalo na ang mga nakatatanda. Tinakpan ni Justin ang mga tainga ni Marilyn. Napatakip tuloy ng bibig si Tor at tumuro sa stage.

Ten-Twenty pa rin ang nakasalang sa entablado. Sinimulan nila ang kanilang pangalawang kanta. Ang madlang nasa harap nila ay nagtatalunan at sumasayaw sa saliw ng isang epikong kanta ng Eraserheads - Ligaya.

Hindi nagkamali ng rinig si Tor. Ganoon rin ang kanyang mga kabanda. Kinanta ng kalaban nila ang isa sa mga pondo nila. Umakyat ang lahat sa bubungan ng dyip nang makita nila ng buo ang Ten-Twenty sa entablado.

"Paano 'to?" Tinanong ni Tor sa kanyang mga kasama. Natameme lang silang lima at inisip kung papaano ito nangyari.

"May isa pa naman tayong kanta na di pa natutugtog." Naalala ni Kidron. Pinipilit niyang maging masigla at hawaan na rin ang kanyang mga kabanda sa pagiging positibo.

"Tama si pards." Tumugon si Andres. "Hindi na nila makukuha yung isa pa nating kanta. Kaya natin 'to!"

"Oo nga. Wag tayo panghinaan ng loob." Wika ni Tor.

Nanatili sa estado ng pagiging tahimik si Sage. Matapos magtanghal ng Ten-Twenty, sumalang naman sa entablado ang Kawaii, kasama ang kanilang bagong lalaking bahista. Bukod sa banda, may umakyat na tatlong assistant upang ayusin ang kanilang mga instrumento. At habang ginagawa ito ng mga alalay, nakikipag-interact ang tatlong babae sa kanilang male fans.

"Hi, kami ang Kawaii!" Sinigaw ni Yasmin sa mic sabay posing na parang nagpapa-picture lang. "Ang first song namin ay galing sa bandang... K-J-one."

Napakunot ang noo ng mga manonood sa sinabi ni Yasmin. Ngayon lang nila narinig ang bandang iyon. Lumapit ang lalaking miyembro kay Yasmin at bumulong sa kanya.

"Oops! 'Kwan' pala ang basa don. Sorry guys!"

"Ang ganda mo!" Sigaw ng isang istambay mula sa di kalayuan.

"I know, right?" Ngumiti si Yasmin at nag-curtsy sa stage.

Inayos ng bagong bahista ang kanyang mic at sinenyasan ang tatlong babae na umayos na dahil magsisimula na sila.

"Hindi..." Tila desperado si Sage sa kanyang hinihiling. "Hindi pwede."

Nang tumugtog ang banda at narinig niya ang pamilyar na melody, lyrics at beat, nabaon na lang ni Sage ang mukha niya sa kanyang mga palad.

"Kinuha ng Kawaii yung isa pa nating pondo." Pinagbagsakan ng langit at lupa si Sage. Ganoon din ang naramdaman ng kanyang mga kabanda nang malaman nila ang balita.

Tumayo si Andres sa hood ng dyip. Tiningnan niya ang entablado, matapos ay ang kanyang mga kabanda na walang ibang magawa kundi ang yumuko. Tumalon siya pababa at napa-squat sa sahig.

"Andeng..." Lumapit sa kanya si Sandra. "May problema ba?"

Hindi sumagot si Andres. At bigla niyang naalala...

"Kapritso! Band meeting. Hangga't may oras pa tayo."

Nagkatinginan silang apat, ngunit sumunod na lang din sila kay Andres na nagsisimulang maglakad, habang nagte-text.

--

Sa kanto ng PNU, nag-aabang ang Kapritso, ngunit hindi alam nila Tor, Sage, Justin at Kidron kung ano talaga ang kanilang inaabangan.

"Tol, ano ba hinihintay natin?" Tinanong ni Tor kay Andres. Hindi sumagot ang binata, bagkos ay pabalik-balik lang na naglalakad sa isang dipang distansya.

"Natanggap ko ang text mo." Sumulpot sa kanilang pwesto ang ateng kumausap kay Andres. Hingal na hingal dulot ng pagtakbo niya. "Tara na?"

Nagsimulang maglakad sina Andres. Sumunod na rin sa kanya ang mga kabanda niya.

"Ano ang problema?" Nagmamadaling maglakad ang ate. Pinipilit niyang magsalita kahit hinahabol na niya ang kanyang hininga.

"Kinuha yung mga kakantahin namin." Sagot ni Andres.

"Nino? Ng Ten-Twenty?"

"Paano mo sila nakilala?"

"Sila ba ang nagnakaw ng pondo niyo?"

"Oo, tsaka yung isa pang banda. Yung-"

"Kawaii, tama?"

"Teka! Kilala mo yung dalawang bandang yun?"

"Oo naman. Madalas ko silang makita."

Nakinig lang ang apat sa usapan, ngunit hindi nila mapigilan na hindi makialam.

"Ate," Ang tawag ni Kidron sa babae. "Mawalang galang na po, pero sino kayo?"

"LJ." Sagot ng babae. Saglit siyang lumingon sa kanilang apat bilang pagkilala.

"Ako nga po pala si-"

"Kidron. Drummer ng Kapritso. Alam ko. Si Tor at Justin ang mga guitarista, si Sage naman ang bassist, at si Andres ang vocalist."

"Teka nga!" Huminto si Andres sa paglalakad, na siyang ginaya ng mga kasama niya. "Sino ka ba talaga?"

"Ano?" Nanlaki ang mga mata ni Justin. "Ibig mong sabihin, hindi mo man kakilala 'tong babaeng 'to?"

"E sabi niya kasi, i-text ko daw siya kapag nagkaproblema e." Nagtaas ng tono si Andres.

"Andres! Wag kang magsayang ng oras sa tao na di naman natin kilala."

"E anong gusto mong gawin ko?"

"Awat na, awat!" Sinigaw ni Sage. Tiningnan niya nang matalim ang dalawa. Lumabot naman sila kaagad at humingi ng patawad sa isa't isa.

"Hindi ngayon ang oras para mag-away." Sinabi ni LJ sa banda. "Wag kayo magpapatalo."

Pinagmasdan ng grupo si LJ. Nasa kanyang mga mata ang sinseridad at determinasyon. Saka lang nila namalayan na nawawala na sa kanila ang mga bagay na iyon dahil lang sa mga suliraning alam naman nilang kaya nilang solusyonan.

"Tama si LJ." Nagsalita si Tor. "So, ano ba pwede naming gawin?"

"Kinuha nila yung mga kanta niyo, di ba? Wala na ba kayong pwede pang i-cover?"

"Naisip na namin yan e." Nayamot si Justin nang maalala niya. "Kaso, lahat ng alam namin, kinanta na ng iba pang mga kasali."

"Ganun?" Tinakpan ni LJ ang kanyang bibig habang nag-iisip. "Pang-ilan ba kayo?"

"Huling banda kami na sasalang." Sagot ni Tor.

"Hindi pa sila nakakasampung banda." Lumingon si LJ sa gawi ng Quirino Grand Stand. Sumasayaw ang mga ilaw sa ere habang rinig sa puwesto nila ang maingay na tambol at gitara ng mga tumutugtog na banda. "Marami pa kayong time."

Nagpatuloy sa paglalakad si LJ. Sumunod naman sa kanya ang Kapritso.

Nakarating sila sa isang boarding house sa may Ayala Boulevard. Sa tapat ng boarding house, may grupo ng mga lalaking may hawak na gitara, nagdya-jamming at nagkukwentuhan.

"Guys," Tinawag ni LJ ang atensyon ng grupo ng mga lalaki. "Ipinakikilala ko nga pala sa inyo ang Kapritso."

Agad-agad na tumayo ang grupo ng mga lalaki at nakipagkamay sa bawat miyembro ng Kapritso. Habang nakikipagkamay ang isang lalaki na mala-afro ang hairstyle kay Tor, napalanghap si Tor ng hininga at napatakip ng bibig.

"Tin!" Kinalabit ni Tor si Justin. Tinuro niya ang mukha ni kuya na naka-afro habang nakikipagkamay pa siya dito. "Di ba siya yung sa-"

Napalanghap din ng hininga si Justin. Lumuwa ang kanyang mata at halos hindi makapaniwala. Isa-isa niyang tiningnan ang mga lalaki at si LJ.

"Shoot Me!" Sinigaw ni Justin.

Nagulat ang lahat kay Justin.

"Pards, wag kang sumigaw ng ganyan." Kabadong sinabi ni Kidron. " Baka may makarinig sa 'yo."

"Hindi!" Hinawakan ni Justin ang ulo ng naka-afro na lalaki at hinarap ito sa kanyang mga kabanda. "Siya, tsaka sila, tsaka si LJ... ay member ng bandang Shoot Me."

"Weh?" Tinitigan ni Andres ang mga kasama niya. "Sino yun?"

"Sila lang naman ang sikat na punk cover band sa buong U-Belt." Sinagot ni Tor.

"Hindi naman." Namumula ang mga pisngi ni LJ mula sa pagkikilala pa lang sa kanilang banda.

"E bakit hindi kayo sumali sa Clash?" Tinanong ni Andres sa mga miyembro ng banda. Hindi sila nakapagsalita at nagkatinginan sila sa isa't isa.

"Lots," Tinawag ni LJ sa lalaking afro ang hairstyle. "Dalhin mo sila sa studio."

Inaya ni Lots ang Kapritso sa loob ng kanilang boarding house. Sumunod sa kanila ang iba pang miyembro ng shoot. Naiwan naman sa labas ng gate sina Andres at LJ.

"Bakit hindi kayo kasali?" Inulit ni Andres ang tanong.

"Dapat sana, kasali kami." Bumuntong-hininga si LJ. "School mates kami ng Ten-Twenty. Nagpaunlak sila na isasabay na nila yung video entry namin sa kanila. Tapos nung tumawag ako sa mga organizers ng pa-battle, sinabi nila sa 'kin na hindi daw nakalista yung banda namin. Siyempre, nagtaka ako. Naniguro ako, sinabi ko pa nga sa kanila na ibang banda ang nag-submit ng entry namin. Ang sagot nila sa akin, ilang araw na daw mula nung nakuha yung last slot sa battle. Nakuha daw yun ng Ten-Twenty."

Walang masabi si Andres.

"Kasalanan din namin siguro yun." Dugtong ni LJ. "Masyado kaming nagtiwala sa kanila."

"E ano naman ang koneksyon mo sa Kawaii?"

"Wala naman. Pero ex ko yung boyfriend ng isang member. Yun na siguro pinakamalapit kong koneksyon sa kanila. Imbyerna sila sa akin e."

"E bakit kami ang tinutulungan mo ngayon?"

"Narinig ko kasi yung dalawang banda na may pinaplano para manabutahe ng performance. Tapos narinig ko yung pangalan ng banda niyo, kaya inisip ko na kayo ang target nila. E base sa nangyari sa inyo, mukhang hindi ako nagkamali."

Habang nagkukwento si LJ, nakasarado ang kamao ni Andres. Halos mapiga na niya ang dugo sa kanyang palad sa sobrang higpit ng kanyang pagkakasara.

"Tol!" Sumungaw ang ulo ni Tor mula sa pinto ng boarding house. Wala pang sampung minuto sa loob ng studio ay tagaktak na ang pawis niya. "Pasok ka na sa loob."

Sumunod naman ang dalawa kay Tor.

Ganito ang dinatnan nila sa loob ng studio. Bawat isang miyembro ng Kapritso ay may kapares na isang miyembro ng Shoot Me. Nakikinig sila ng kanta sa kani-kanilang mga headset habang pinag-aaralan ang isang panibagong kanta.

"Ano'ng kanta ang pinag-aaralan niyo?" Tinanong ni Andres kay Tor.

"Eto." Inabot ni Tor ang dalawang piraso ng papel na naglalaman ng lyrics ng dalawang kanta. "Kakantahin sana yan ng Shoot Me kung kasali sila."

"Ayos lang sa inyo?" Lumingon si Andres kay LJ.

"Hindi naman namin siguro maaagaw pa yung slot niyo sa Clash, 'no?" Ngumisi si LJ kay Andres. "Bigyan pa natin sila ng fifteen minutes para mapag-aralan yung kanta. Samahan mo na lang ako sa 7-11 para mabilhan natin sila ng inumin."

--

Walang puknat na inantabayanan ng mga kapamilya ng bandang Kapritso ang Clash of the Real Titans. Minsan pa nga ay sumasabay sila sa mga kantang alam nila.

Si Rose ay nakaupo sa hood ng dyip ni Mang Obet, tahimik na nanonood. Nabasag lamang ang kanyang katahimikan nang may bumulahaw sa kanya.

"Hi Tita!" Bumulaga sa harap ni Rose sina Yasmin, Jade at Cloe.

"Hello, girls." Walang buhay na bati ni Rose sa kanila. Hindi niya tinanggal ang pagkakatingin niya sa stage.

"Tita, hihiramin po sana namin yung guitar ni Sage. Nagpaalam na po kami sa kanya."

"Ganun? E baka nasa loob ng dyip yung mga gamit nila. Tingnan niyo na lang."

"Okay po!"

Pumasok naman sa loob ng dyip ang tatlong babae. Wala pang dalawang minuto ay lumabas na sila.

"Tita, we changed our minds na pala." Sinabi ni Yasmin kay Rose. "Sige po. Bye-bye."

"Okay." Hindi na muling pinansin ni Rose at nanood na lang.

--

Matapos ang isang oras, naplantsa ng Kapritso ang dalawang bagong kanta na itinuro sa kanila ng Shoot Me. Paglabas nila sa mainit na studio ng boarding house, ganado at handang makipagsagupaan ang kanilang pakiramdam.

Kinuha ni Andres ang kanyang phone. Binasa niya ang text mula sa kanyang ate.

"Pang-18 na banda na ang nakasalang. Alis na tayo."

Dali-dali naman silang naglakad pabalik sa Quirino Grand Stand, ang Kapritso at Shoot Me. Matapos ang sampung minutong pakikipagsiksikan sa maraming tao, nakarating na rin sila sa pinagparadahan ng dyip ni Mang Obet.

Pumasok sina Tor, Justin at Sage sa loob ng dyip para sana kunin ang kanilang mga instrumento nang biglang-

"Shiiiiiiiiiiiiiiit!"

"Oy, oy." Kinatok ni Mang Obet ang dyip. "May gasolina ako dyan sa compartment. Baka gusto niyong ipamumog ko sa inyo yan."

Lumabas sina Sage, Tor at Justin hawak ang kanilang mga gitara. Putol ang bawat string nito at basa ang jack.

"Sino gumawa niyan?" Nagimbal si Andres sa kanilang natuklasan.

"Ewan ko." Mangiyak-ngiyak na ang tono ng pananalita ni Sage. "Wala naman kaming dalang pamalit."

"Basa din mga distortion tsaka effects namin." Dagdag ni Tor.

Tumingin si Andres kay LJ.

"Pumunta na kayo sa stage. Kami na ang bahala."

Umalis ang buong banda ng Shoot Me. Naglapitan ang mga miyembro ng Kapritso sa isa't isa.

"Wag tayong magpapatalo." Inulit ni Andres ang sinabi ni LJ sa kanilang grupo. "Tutulungan tayo ng Shoot Me. Wag tayong sumuko."

"Tama." Pinunasan ni Sage ang kanyang luha na di niya mapigilang tumulo.

"Pagbilang ko ng tatlo." Nilahad ni Andres ang kanyang kanang kamay sa gitna ng kanilang bilog. Gumaya din sa kanya ang apat. "Isa, dalawa, tatlo."

"KAPRITSO!" Sinigaw nilang muli tulad ng kanina, pero mas malaman. Ang sigaw nila ay patunay sa mga naninindak sa kanila na hindi sila papatalo.

Nagsimula na silang maglakad patungo sa entablado. Habang nakikipagsiksikan sila, nakasalubong nila ang grupo ng Rondalla at Chorale.

"Justin!" Sigaw ni Nicole na may hawak pang bandila ng kanilang grupo. "Kayo na ang susunod di ba?"

"Oo! Di niyo sinabi na pupunta pala kayo dito."

"Kasama namin sila." Tinuro ni Nicole ang mga miyembro ng Wet and Wild na nasa kanyang likuran. Kumaway sila at binigyan sila ng thumbs up. "Maraming PNUans ang manonood. Galingan niyo, Kapritso!"

"Salamat. Maraming, maraming salamat." Halos maluha si Justin. Hindi siya makapaniwala sa suportang natatanggap ng grupo nila.

Si Kidron naman na nasa kanyang likod ay nakikinig sa kanilang usapan. Walang umano'y niyakap niya si Nicole at nagpasalamat dito. Hindi makapaniwala ang dalaga at natutula ito sa ere.

Pagdating ng Kapritso sa backstage, nakita nila ang pang-labingsiyam na banda na paalis na ng stage.

"Kuya, kuya?" Kinalabit ni Andres ang isang lalaking namamahala sa sound system ng palabas. "Tapos na sila?"

"Oo. Isang banda na lang. Yung..." Kinuha ng lalaki ang isang papel sa kanyang mesa at binasa ang pangalan na pinakababa nito. "Kapritso."

"Kami po yun."

"Oh, ayun. Mag-set up na kayo sa stage habang nagsasalita pa yung mga emcee."

"E kuya..." Tumingin si Andres sa kanyang mga kabanda at naghahanap ng pwedeng sabihin. "Hindi pa pwede."

"Hindi pa pwede? Bakit hindi pa pwede?"

"Kasi kuya, yung mga gitara ng kabanda ko... nasira."

Napanganga ang lalaki sa sinabi ni Andres.

"E ano'ng gagawin natin niyan?" Pamimilosopo niya kay Andres.

"Bigyan niyo lang kami ng konting oras."

"Nako, bata. Di ko alam kung magagawa ko yun. Pag 5 minutes at hindi pa kayo umaakyat dyan sa stage, madi-disqualify kayo."

Nagulat ang lahat sa narinig nila. Ngayon lang nila narinig ang patakaran na iyon sa Clash.

Pumunta si Andres sa harap ng stage. Tumayo siya sa gitna at tiningnan ang lupon ng tao na naghihintay ng susunod na tutugtog. Hindi kalayuan sa stage ay ang pedestal kung saan nakapuwesto ang judges' table. Nakaupo dito ang isang sexy star na madalas maging cover model ng men's magazine, isa sa pinakabatang kagawad ng Maynila at ang kumpare ni Norman, si Serge.

Tumalon si Andres pababa ng stage at pumunta sa gawi ng judges' table. Lumitaw siya sa harap ng mga hurado na siyang ikinagulat ng tatlo at ipinagtataka naman ng mga manonood.

"Mga sir at ma'am," May bakas ng pagsusumamo sa boses ni Andres. "Bigyan niyo lang po kami ng five minutes pa. Nasira po kasi yung mga gitara namin. Ginagawan na po namin ng paraan."

Lumingon ang mga hurado sa isa't isa, pero si Serge ay diretso at seryoso ang titig niya kay Andres. Parang basang sisiw si Andres, naliligo siya sa sarili niyang pawis. Naghalo-halo sa pandinig ni Andres ang mga kuro-kuro ng mga tao.

"Sige, hihintayin namin kayong makapag-ayos." Sinabi ni Serge kay Andres nang walang kurapan.

"Talaga po?" Hindi makapaniwala si Andres.

"Nakita mo ba akong kumurap?" Gustong isipin ni Andres na sinusubukan ni Serge na magbiro ngunit hindi man lang nagbago ang ekspresyon sa kanyang mukha.

Bumalik si Andres sa entablado at hinarap ang madla. Napansin niya na nagsisimula na silang mainip. Naririnig niya ang mga sigawan na kesyo ang tagal nila, bakit hindi pa sila magsimulang tumugtog at hinihintay na lang nila ang awarding.

"Pasensya na po. Nagkaroon lang kami ng konting dyahe." Sumulpot naman ang mga 'boo' ng madla.

Naramdaman ni Andres na may umakbay sa kanya. Pagtingin niya ay si Kidron.

"Pards, ready na tayo." Nakangiti si Kidron nang sinabi niya ito.

"Asan na sila?"

"Kinukuha lang yung mga gamit mula sa Shoot Me."

Nakita ni Andres na isa-isang nag-akyatan sa stage sina Sage, Tor at Justin dala ang mga gitara at iba pang gamit mula sa studio ng boarding house ng Shoot Me. Sumilip si Andres sa entrance ng backstage upang makita ang Shoot Me na nakadungaw sa entablado. Kumaway ang grupo sa kanya at sumigaw ng 'galingan niyo'.

Kinuha ni Andres ang mikropono mula sa stand at hinagod muli ng tingin ang napakaraming tao na dumalo sa makasaysayang sagupaan na ito.

"Pasensya na po ulit sa paghihintay at maraming salamat sa pagdalo niyo rito." Lumingon si Andres sa kanyang mga kabanda. Lahat sila ay nagbigay ng pahiwatig na okay na ang lahat. "Kami ang Kapritso. Kami ay mula sa Pamantasang Normal ng Pilipinas."

Nagsimula si Kidron sa mabilis na pagpapalit na pagpalo sa snare at bass drum. Matapos ang four counts, nagsimula sa guitar intro si Tor. Matapos muli ang apat na bilang, sumali na sina Sage at Justin.

Sawa ka na ba sa mga hassle sa buhay mo

Binalik ni Andres ang mikropono sa mic stand. Mahigpit ang kanyang kapit sa mikropono.

Ayaw mo na bang mag-isip para sa sarili
Tinatamad ka nang bumiyahe
Ang gusto mo'y nakahiga na lang
Napapagod ka na ba sa kakayakap sa asawa mo

Nanonood ang Ten-Twenty at Kawaii sa gilid ng stage. Nalaglag ang kanilang panga sa kanilang nakita.

"Akala ko ba, ginupit niyo yung strings ng gitara nila?" Nanggigigil si Rigor.

"Oo nga!" Natuliro na rin si Yasmin. "Akala ko, okay na!"

"Okay na? E bakit andyan pa sila sa stage? Bakit nakakatugtog sila? Tsaka akala ko kinuha niyo na pondo nila?"

Tinadyakan ni Rigor ang isang basurahan malapit sa kanila.

Ako ang kailangan mo
I-dial lang ang telepono

Tumayo si Mang Obet sa bubong ng kanyang dyip. Hinubad niya ang kanyang t-shirt upang ilahad ang ginuhit niyang peace sign sa kanyang katawan.

"Pa! Lipstick ko ba ginamit niyo dyan?!" Tinanong ni Sandra sa ama ngunit hindi siya narinig.

Hindi na dapat maghirap sa iisang iglap
Ang buhay mo ay sasarap, wag nang mag-atubili
Kumuha na ng superproxy

Tumalon si Andres, kasabay niyang tumalon ang mga manonood. Hanggang sa huling kaskas ng kanta, sumabay sa kanya ang lahat ng tao.

"Bitin ba?" Ngumiti si Andres sa madla. Nakatanggap siya ng masigabong hiyawan. Kumaway siya sa magkabilang banda, at mainit naman itong ginantihan ng mga kinawayan niya. "Ang susunod na kantang 'to ay para sa kabataan."

Umakyat ang isang miyembro ng Shoot Me upang abutan si Tor ng isang acoustic guitar. Tinanggal ni Tor ang electric guitar na hawak niya.

Nang maayos ni Tor ang acoustic guitar, nagsimula siya sa kanyang pagkaskas. Matapos ang 8 counts, sumunod si Sage. Saka naman sumunod sina Justin at Kidron nang tumalon si Andres.


Natatawa sa atin kaibigan

At nangangaral ang buong mundo
Wala na raw tayong mga kabataan
Sa ating mga ulo


Kinuha ni Andres ang mikropono at tumalon pababa ng entablado. Lumapit siya sa madlang nahaharangan ng barikada.


Kung gusto niyo kaming sigawan

Bakit hindi niyo subukan? 
Lalo lang kayong hindi maiintindihan



"Sabay-sabay tayo!"


Ang awit ng kabataan

Ang awit ng panahon
Hanggang sa kinabukasan
Awitin natin ngayon

Muling humiyaw ang madla. Lumingon si Andres sa gawi kung saan nakapuwesto ang grupo ng Rondalla at Chorale. Tinuro niya ito at pumalakpak bilang pagkilala sa kanila.


Hindi niyo kami mabibilang

At hindi rin maikakahon
Marami kami ngunit iisa lamang
Ang aming pasyon

Tinapat ni Andres ang mikropono sa mga manonood. Nagkakaisa sila sa pagkanta. Tumatalon at nagsasaya, hindi nagkakasakitan.


At sa pag-tulog ng gabi

Maririnig ang dasal
Ng kabataang uhaw
Sa tunay na pagmamahal

Nagsimula si Justin sa guitar riff. Maririnig ang malakas na sigawan ng buong Rondalla at Chorale.

"Ang galing pala ng kuya mo!" Sinabi ni Marlon sa kanyang mga dalaga.


Nawawala, nagtatago

Naghahanap ng kaibigan

Nagpalakad-lakad si Andres sa entablado at tumingin sa mga hurado. Nakita niya si Serge na nakangiti sa kanya.


Nagtataka, nagtatanong

Kung kailan kami mapakikinggan

Nakita din ni Andres kung saan nakapuwesto ang dalawang bandang nagbalak na sirain ang gabi ng Kapritso. Napangiti siya at tumuro sa kanilang dako.


Kung gusto mo akong subukan

Bakit hindi mo subukan
Subukan nyo akong pigilan
Subukan nyo kami

Nagsabay si Andres at ang mga tao sa pagkanta ng koro. Nang matapos ito, narinig niya ang mga tao na sinisigaw sa hangin...

Kabataan...
Panahon...
Kabataan...
Awitin natin ngayon...

Tinapos ni Kidron ang kanilang pagtatanghal sa matagal na rollings at malakas na hampas sa cymbals. Tumayo silang lahat sa isang hilera at nag-bow.

Pagbaba nila ng stage, sinalubong sila ng mga yakap ng buong banda ng Shoot Me.

Niyakap ni LJ ng mahigpit si Andres. Nang makita ni Andres ang mukha ni LJ, napagtanto niyang namamaga ang mata niya.

"Umiyak ka ba?" Sinubukan ni Andres na maghanap na pwedeng pamunas ngunit bigo siya.

"Natuwa lang ako. Ang galing niyo kasi. Sobrang galing."

"Ano ba? Wala kaming makakanta kung hindi dahil sa tulong niyo?"

"Alam ko. Pero, mas maganda ng sampung beses yung pagkakakanta niyo kaysa sa amin. Pwera biro!"

Nahinto ang kanilang pag-uusap nang marinig nila ang emcee na nagsasabi ng announcement. Pinapakiusapan nilang pumunta sa backstage ang mga kalahok na banda para sa awarding.

--

Matapos ang tatlumpung minutong diskusyon ng mga hurado - kasama na ang pagkwenta sa puntos na nakuha ng bawat kalahok mula sa kanila - nakapagdesisyon na rin sila kung sino ang kampyon ng mga patimpalak.

Sa kanang bahagi ng stage, nakalagay ang mga tropeya sa third, second at first place. Mayroon ding maliliit na tropeyo para sa mga special awards nila. Nabigay na ng mga emcee ang mga premyo para sa best vocalist, best guitarist, best bassist at best drummer.

At heto na, ang inaabangan ng lahat.

"Ladies and gentlemen," Sabi ng isang emcee habang binabasa niya ang nakalagay sa kanyang cue card. "Third place goes to..."

Ang third place ay napunta sa isang banda na mula sa Adamson University. Inabot sa kanila ang tropeyo at ang kanilang cash prize.

"Thank you. Ladies and gentlemen, second place goes to..."

Pigil ang hininga ng mga natitirang banda.

"Kapritso! Congratulations!"

Lumapit sa harap ng stage ang Kapritso. Narinig nila ang malakas na hiyawan at palakpakan mula sa maraming tao.

Ang nag-abot ng tropeyo at salapi ay walang iba kundi si Lee, ang isa sa mga organizers ng patimpalak.

"Congrats, ha." Kinamayan ni Lee ang bawat miyembro ng banda. Nang marinig nila ang pangalan ng kanilang banda na isinisigaw, kumaway sila sa maraming tao.

"Salamat po." Sabay nilang sinabi kay Lee.

"Pinapasabi nga pala ni Serge, yung isa sa mga judges, na pumunta kayo sa studio niya next week. Gusto niya sana kayong kausapin. Tungkol siguro sa chances niyo na makatugtog sa mga bars."

Hindi makapaniwala ang banda sa narinig nila. Nagmadali silang bumaba ng entablado.

Nakita nilang nag-aabang ang kanilang mga kaanak. Kagaya ng ginawa sa kanila ng Shoot Me, niyakap ang bawat isa sa kanila nang mahigpit.

"Ang galing niyo, Andeng!" Pinanggigilan ni Sandra ang kanyang nakababatang kapatid.

"Papa!" Napasigaw si Andres nang makita ang itsura ng tatay niya. "Ano yan?"

"Ganito kami nung panahon namin." Sagot ni Mang Obet sabay tabig sa dibdib.

"Ang galing-galing ni kuya mag-guitar." Sinabi ni Marilyn sabay nagpabuhat kay Justin.

"Ano pa, ayos ba?" Ngumisi si Justin kay Marlon.

"Ayos!" Sabay tawa ng malakas si Marlon.

"Hay nako, Mama! Akala ko, puro kalbaryo kami ngayon." Sabi ni Sage sa ina habang yakap-yakap niya ito.

"Akala mo lang yun." Sagot ni Rose sa anak.

"Second place, anak." Mahinay na sinabi ni Mrs. de Jesus kay Kidron.

"Hindi na masama." Wika ni Kidron.

"Ano ka ba? Malaking bagay ang second place. Hindi basta-basta nakukuha yun. Kelangan ng talento yun." Katwiran ng ama.

"Opo, papa! Kasi mana ako sa inyo." Niyakap ni Kidron ang kanyang ama sabay kindat sa kanyang ina.

"Ikaw," Bahagyang siniko ni LJ si Tor, "Asan na moral support mo?"

"Yung mga parents ko, nasa London. Yung mga kasama ko naman sa bahay, ayokong maistorbo. Tsaka, sapat nang moral support ang nakukuha ko mula sa mga kabanda ko."

Tumango si LJ bilang pagsang-ayon.

"Eto na!" Sinigaw ni Lots the Afroman. "Ia-announce na kung sino ang first placer."

Sa mahabang paghihintay at matagal na pa-suspense, inanunsyo din ng mga emcee ang isang banda mula sa PUP bilang first placer sa Clash of the Real Titans. Nagsimula nang umalis ang mga manonood sa grand stand. Lumabas naman ang mga banda mula sa pinto ng stage.

Sabay na bumaba sa entablado ang Ten-Twenty at Kawaii. Lumapit ang dalawang grupo sa Kapritso at tiningnan ang tropeyo na hawak nila.

"Congrats." Pinilit ni Rigor na ngumiti habang sinasabi niya ito, ngunit nahatak pababa ang sulok ng kanyang mga labi.

"Salamat." Ngumisi si Andres at hinalikan ang tropeyo sa harapan nila. Umalis kaagad ang dalawang grupo.

"Hanep ah." Umakbay si LJ kay Andres. "May 'angas' factor pa."

Natawa lang sa kanya si Andres.

"LJ, pa-picture naman oh." Inabot ni Tor ang kanyang DSLR.

Nagsama sina Andres, Tor, Justin, Sage at Kidron. Hawak nilang lima ang pilak na tropeyo. Si Kidron na dating drummer sa kanilang simbahan, si Justin na dating isang miyembro ng rondalla, si Sage na dating bahista ng isang all-girl band, si Tor na matagal ding nahinto sa pagtugtog at si Andres na hindi naisip sa sarili na magiging miyembro ng isang banda. Silang lima ang bumubuo ng Kapritso. Dito pa lang nagsisimula ang kanilang mga pangarap.

--

THE END