Popular Posts

Friday, October 21, 2011

1. Ang Mga Pangarap


Room 204. Calculus class. Okupado ang class room na ito ng 43 students at isang panot na propesor na may birth control glasses. Bakit naging birth control glasses? Dahil sa sobrang sama ng itsura ng kanyang salamin e walang papatol sa kanya, miski ang kumausap man lang. Ang mga girls ay nagchichismisan. Ang mga guys naman ay inoobserbahan ang mga girls na nagchichismisan. May mga natutulog, may mga nagte-text, may mga nakikinig naman, awa ng Diyos. At may mga ibang katulad ni Andres na di mapakali sa kahihintay ng oras.

“Pare, najejebs ka ba?” banat ni Tor na katabi ni Andres sa class room at kaibigan niya simula noong mag-college siya.

“Ha? Hindi ‘no. adik!”, sinagot ni Andres na nakadungaw sa bintana ng class room. “Pare, naririnig mo ba ‘yon?”

“Ang alin?” tanong ni Tor na ginaya si Andres na nakaturo ang ulo sa isang direksyon.

“Yung bell ng city hall.”, tinutukoy ni Andres ang bell ng Manila City Hall na nagri-ring kada oras. Katunog nito ang bell na nagri-ring sa mga schools sa Japan.

“Oh.. ngayon?”

“Ngayon? E, uwian na ngayon, pare. Alas-cuatro na tapos di pa tayo pinapalabas ni panot-“

“Tolentino! Ang ingay mo. Ano ba yang binubulong-bulong mo dyan kay Tan ha?”, sinita ni Prof. Briones si Andres nang makita niya itong dumadaldal. Napatayo kaagad si Andres nang marinig niya ang kanyang pangalan.“Kung ‘yan may ay hindi pandaigdigang usapin e iminumungkahi ko na ipagpatuloy niyo ‘yan sa labas ng klase ko.”

“P-pero, Sir..” kakapiranggot na salita na lumabas mula sa bibig ni Andres.

“Ano na naman, Tolentino?” tumalsik pa ang laway ng panot na propesor sa pagmumukha ng kanyang mga mag-aaral. Mga sawing palad.

“S-sir, time na po, e. Uwian na po.”, walang kupas talaga ang kapal ng mukha ni Andres. Nasa bingit na nga siya ng kamatayan (pati ang grade niya sa Calculus), nakuha pa niyang bumanat ng ganun.

Tinitigan ni Propesor Briones si Andres ng tatlong Segundo nang may ekspresyon ng halong pagkainis at pagtataka sa mukha. Lumabas siya ng silid-aralan saglit at dumungaw sa labas. Sinilip niya ang malaking orasan sa tore ng City Hall na nakaharap sa kanya at kanina pa tinititigan ni Andres. Napabuntong-hininga siya ng malakas. Bumalik siya sa loob ng class room habang ang kanyang mga estudyante ay nakaantabay sa sasabihin ng kanilang propesor.

Tumindig sa harapan si Ginoong Briones. Pinagmukha niyang pormal ang sarili kahit ang katotohanan ay mas mukha pa siyang payaso sa isang children’s party kaysa sa isang guro na nagtapos ng may master’s degree sa kursong edukasyon. Tiningnan niya ang kanyang mga tinuturuan lalo na si Andres Tolentino ng may halong hiya, medyo napapikit nang lumabas mula sa kanyang bibig ang mga salitang ito.

CLASS DISMISSED.

Nagsitayuan kaagad ang mga mag-aaral ng Third Year, section B Bachelor in Secondary Education, major in Mathematics, binitbit ang kanilang mga bag at dumiretso na sa pintuan. Ang kanilang araw-araw na pamumuhay sa Pamantasang Normal ng Pilipinas, mula alas-siete ng umaga hanggang alas-cuatro ng hapon, ay papetiks-petiks man pero mahirap pa rin. Halos lahat naman siguro ng mga may majorships sa PNU, ganoon ang style. Pero wala namang kaso doon.

Matapos ang dismissal ay kanya-kanya na ang buong klase. Nagtipon na ang mga magkakagrupo. Kung hindi man by group e by pairs naman sila. Bahala na ang Maykapal sa kung saan ang diretso nila. Maaaring sa SM Manila na nasa likod lamang ng school para magpalamig o manood ng sine na tigkikinse pesos. Maaari ring sa Luneta, kung boyfriend o girlfriend ang kasama mo. Pwede ring sa Bonifacio Liwasan, tambayan ng lahat ng may gulong. Bikers, skaters, street vendors with food carts. Pwede ring diretso uwi na para makapag-net sa bahay, makapag-facebook at mag-harvest ng tanim sa Farmville. Kapag mga ganyang bagay ang pinag-uusapan, dapat walang pasubali dahil ito talaga ang pundasyon ng social life ng isang college student.

Sa lahat ng III- B BSEM students, si Andres na yata ang huling lumabas. Siya pa man din ang pinaka-excited na mag-uwian. Pagkalabas niya ng class room, natawa ng bahagya si Tor.

“Ikaw na nga ‘tong atat umalis e ikaw pa ‘tong ipe-pending ni Sir na lumabas.”, niloko-loko ni Tor si Andres na napairap lang sa sinabi niya. “Ano ba sinabi sa’yo, ha?”

“Sabi niya, next time daw na bumulong ako sa katabi ko, try ko naman daw hinaan yung boses ko, yung pambulungan talaga.” Binuksan ni Andres ang backpack niya upang i-check ang mga laman nito. Nang makasiguro na kumpleto ang mga gamit niya, nagsimula na silang maglakad.

“Adik ka talaga. Pinaglihi ka ata sa pwet ng manok e.” Napangisi na lamang si Tor habang sinasabi ito kay Andres.

“Ang tagal kasi magpa-dismiss. Pag ako naging teacher, pagkapasok ko pa lang ng room, diretso uwian na.” isa sa mga walang kwentang mithiin ni Andres sa buhay kung sakaling palarin siya maging isang guro na mabubuhay lang ng ilang minuto at hindi na niya muling maaalala..

“Ewan ko sa’yo. Lakas na naman ng hablig mo.” Lumabas na sila ng gate ng school. Napahinto si Tor pansamantala. Napahinto na rin si Andres . “Teka! Sa’n na ba ang punta natin nito?

“Sa SM.”

“Ay! Magsya-shopping ka, boy?”

“Pwede rin.” Binigyan ni Andres si Tor ng ngiting pang-asar at nagpatuloy sa paglalakad. Sumunod naman si Tor sa kanya.

--

Sa Astroplus, pumunta sa Rock section ng mga CD rack si Andres. Naghimay siya mula sa dinami-daming CD na naroon ngunit wala doon ang kanyang hinahanap. Bumaling naman siya sa OPM section at doon naman naghanap. Isa-isa niyang inaangat ang mga CD sa rack hanggang sa damputin niya ang isang case na pinandilatan pa niya nang makita ito. Pumalakpak ang mga tainga niya sa tuwa at halos mapatalon na. Agad niya itong dinala sa counter at binayaran ang Php 380 na siyang presyo ng CD na iyon.

“Yeah, man!” ang sabi ni Andres pagkalabas ng store. Nadatnan niya si Tor na nakaupo sa lounge area ng ground floor ng SM habang umiinom ng grande-sized cappuccino-flavored zagu na umuusok pa sa lamig.

“Nu yan?”, tanong ni Tor kay Andres na nakasubo pa ang malaking straw sa bibig niya habang nagsasalita.

Napangisi na lamang si Andres sa tanong ni Tor at kinilig. Nilabas niya ang laman ng supot na may tatak ng music bar na kanyang pinagbilhan.

“Apparition…”, pagkabasa ni Tor sa nakaimprinta sa album cover ng CD, napataas ang pareho niyang mga kilay at patango-tango ang kanyang ulo. “Urbandub… nice, pare!”, pinuri pa niya ang magandang taste ni Andres sa music.

“Matagal ko nang gustong mapasakamay ‘to. At ngayon, akin na siya. Akin na akin lang!”, nangingislap ang mga mata ni Andres habang tinititigan ang album cover. Hindi maintindihan ang kanyang ngiti, mukha siyang killer sa isang suspense film. At sa di malamang dahilan, hinalikan niya ito – ng maraming beses. Di bale, smack lang naman e.

“ Oh.. tama na, tama na.” Inawat ni Tor si Andres sa kanyang kabuangan.

“Sorry.”

“Iri-rip mo ba ‘yan sa PC mo?”

“Oo, tapos ilalagay ko sa cellphone ko.”

“Palagay na rin sa iPod ko ha?”

“Weh!! Yoko nga!”

“Sige na. Damot mo naman.”

“Ayaw ko. Bootlegging tawag do’n.”

“Kung may butligin man dito e ikaw na ‘yon!”

“Bootlegging, hindi butligin. Bungol!” Tinalikuran ni Andres si Tor. “ Bumili ka ng CD mo.”

“Nako naman!”, tinitigan ni Tor si Andres. Nagpa-“awa effect” naman si Andres with matching puppy eyes pa. Wala naming ibang magagawa si Tor kundi ang maawa.

“Oo na nga! Samahan mo ‘ko bukas.”, sabi ni Tor nang may pagkayamot.

“Yown!”

“Always ka talaga, ‘no? Kumbinsido mo talaga ako e. Dapat magtrabaho ka na lang sa mga record bar kaysa sa magteacher ka pa.”

“Wag na. Magko-call boy na lang ako. Mukha naman akong gigolo e.”

“Buang! Para namang may papatos sa kalansay mo.”

“Oo naman..” nag-isip muna si Andres. “Mga matrona!”

“Ay, ewan! Umuwi na nga tayo!” at lumabas na sila ng SM.

--

Nakauwi na ng bahay si Andres. Nadatnan niya si Aling Cely na nakahilata sa mahabang upuan na kawayan habang nanonood ng balita sa TV.

“Uy, Ma! Nakahilata ka dyan.”, ganito batiin ni Andres ang kanyang bukod-tangi at pinakamamahal na ina.

“Ganyan ba ang tinuturo sa’yo sa Normal – ang kausapin ang nanay mo na parang taga-kanto?” masungit na isinagot ni Alng Cely sa patanong na parirala ni Andres.

“Nge! Always naman. Di ka na nasanay. Bakit ka ba kasi nakahilata dyan?” Napaupo si Andres sa upuang kawayan na pang-isahan.

“Aba! Bawal na ba akong magpahinga, ha?”, bahagyang bumangon si Aling Cely mula sa pagkakahiga niya. “Buong araw ba naman akong naglaba. Buti sana kung tumutulong ka. E miski magkuskos man lang ng brief mo, di mo magawa. Tapos maninita ka pa sa pagkakahilata ko dito?”

“Oh.. Ma! Chill, chill. Nagtatanong lang e.” tumayo si Andres mula sa kinauupuan niya at dumiretso sa kusina.

Pinandilatan ni Aling Cely si Andres ng ilang Segundo at nabalik sa kayang pagkakahiga sa mahabang upuan. “May pinakbet dyan. Tirhan mo sila Ate at Papa mo ng kanin ha. Di pa kumakain yung mga yon.”

“Oo.”, sagot ni Andres habang kumukuha ng pinggan, kutsara at pansandok ng kanin. Tiglilimang sandok ng kanin at takal ng pinakbet ang kinuha niya para sa kanyang hapunan.

“Oy, baka tutong itira mo dyan ha.” Sinabi ni Aling Cely. Naglilipat siya ng channel dahil tapos na ang balita.

“Hindi.” Huling sinabi ni Andres sa kanyang nanay at dali-dali ng umakyat sa kanyang kwarto dala ang kanyang hapunan at bagong biling CD.

Pagkarating ni Andres sa kanyang makalat na kwarto, nilapag niya ang kanyang pagkain sa kanyang study table kung saan sabog-sabog ang kanyang mga ballpen, libro at filler. Kinuha niya ang CD mula sa supot at sinira ang plastic na pabalot nito. Binuksan niya ang CD case at kinuha ang disc nang marahan. Tiningnan niya ang harap at likod ng disc upang i-check kung may gasgas ito. Habang nakasulot ang hintuturo niya sa butas ng disc, sinaksak niya ang kanyang CD player at pinindot ang ON switch.

Nakarinig siya ng tunog ng sasakyan na gumagarahe. Sumilip siya sa kanyang bintana at nakita ang jeep na pinapasada ng kanyang tatay. Namataan niya rin si Aling Cely na lumabas ng bahay upang batiin si Mang Obet. Napangiti na lamang si Andres at bumalik sa kanyang ginagawa.

Pinindot naman ni Andres ang OPEN/CLOSE switch at isinalang ang disc sa kanyang player. Naghintay muna siya ng ilang sandali at nabuhayan na ng marinig ang pamilyar na instrumentality ng kanyang paboritong banda.

“Grabe! Astig talaga Urbandub!”, sabi ni Andres sa kanyang sarili. Matapos ang unang isang minute ng first track, nilipat kaagad niya sa track number four. Pagkarinig niya sa pamatay na intro nito, kinilabutan kaagad siya at natuwa. Iba talaga ang impact sa kanya ng bandang ito. Sinabayan pa niya ang track sa pagkanta.

“A thievery plot to steal your weary heart, blah blah blah..” hindi na alam ni Andres ang lyrics kaya sinilip niya ito mula sa album case. Pero tinamad na siya magbasa kaya humarap na lang siya sa salamin at nag-air guitar. Niyuyugyog pa niya ang kanyang ulo at ginagaya pa ang mga gitarista kapag pinapaiyak nila ang kanilang gitara. Sumabay na ulit siya pagdating sa chorus.

“Tell me how your body works, you’re my needed release, pull you in to me with all gravity, your body’s worth more than the ex-“, naudlot sa pagkanta si Andres nang may kumatok sa kanyang pinto. Pinagbuksan niya ito at nakita si Mang Obet na nakakunot ang noo.

“Pa!” binati kaagad ni Andres si Mang Obet na nakatayo lamang sa harapan niya. “Mukhasim tayo ngayon ah..”

“Andres, ang laki mong bulahaw sa mga kapitbahay.” Sinabi ni Mang Obet kay Andres. Seryoso ang kanyang mukha at hindi man lang tumatawa. Piningot niya si Andres sa kaliwang tainga na naging dahilan para magbububulyaw ito ng malalakas na “aray”. Nakaramdam na si Mang Obet na parang makakalas na ang tainga ni Andres kaya binitawan na niya ito at dumiretso sa kwarto nila ni Aling Cely para magbihis.

Nasaktan man sa ginawa ng kanyang tatay, natawa na lang si Andres at bumalik sa kanyang ginagawa. Nakalimutan na niyang may naghihintay sa kanyang limang sandok ng kanin at limang takal ng pinakbet.

--

No comments:

Post a Comment