Uwian. Bumaba sila Andres at Tor sa Music One na katabi ng National Bookstore sa Quezon Avenue dahil ipinangako ni Tor na bibili rin siya ng album na binili ni Andres, para nga raw iwasan ang bootlegging o pamimirata. Habang hinahanap ni Tor ang album ay tumingin-tingin na rin siya mula sa mga CD rack ng OPM albums. Nadampot niya ang isang CD na may title na “Sound The Alarm”.
“Hmm.. The Dawn, p’re?”, sinilip ni Tor ang album na inoobserbahan ni Andres.
“Ah, oo..” sinagot ni Andres habang binabasa ang likod ng album case.
“Trip mo?” tinanong ulit ni Tor.
“Oo. Pero saka ko na bibilhin album nila pag may pera na ulit ako.” Binalik na ni Andres ang album mula sa rack na pinagkuhaan niya. “Nakita ko kasi yung ‘Sound the Alarm’. Naalala ko lang yung album ko na ‘Embrace’.”
“Hehe.. solid ka talaga ka sa Urbandub ‘no?” patuloy naman sa paghahanap si Tor. Natawa si Andres sa sinabi ni Tor. Napakanta tuloy siya ng Alert the Armory.
S-s-sound the alarm
What we have built is gone
Our battle’s just begun
Mayday! Mayday!
Napahinto na siya sa pagkanta nang mapansin si Tor na pinapanood siya habang kumakanta.
S-s-sound the alarm
What we have built is gone
Our battle’s just begun
Mayday! Mayday!
Napahinto na siya sa pagkanta nang mapansin si Tor na pinapanood siya habang kumakanta.
“In lab ka na sa’kin nyan ha?” inasar ni Andres si Tor na natawa naman sa sinabi niya.
“Oo, pare. Kakabakla ka talaga!”, sarkastikong sagot ni Tor. Muli niyang hinahanap ang album na parang pinagtataguan pa siya. Naging seryoso na siya.
“Bakit hindi ka magbanda, Andres?”
“Para namang may kukuha sa’kin.” Pinagmasdan ni Andres ang mga album sa OPM rack. Nakita niya ang album ng isang local na acoustic singer na kakasalang pa lang sa industriya. Ang ginagawa ng artist na ito ay ang mag-cover ng mga pop songs at ginagawa itong acoustic. Napailing na lamang si Andres.
“Malay mo, meron di ba? Alam ko meron kang ‘knack for music’.”, may nabubuong pangarap sa mga sinasabi ni Tor, pati si Andres ay nadadala sa kanya. “Kumakanta ka ba sa banyo?”
“Ha?” nawala si Andres sa tanong ni Tor. “Uhm.. oo! Kapag sasama ako kay Papa na mamasada, kelangan ko talagang kumanta sa CR, para alam niyang naliligo talaga ako at hindi ko lang binuksan ang gripo at natutulog sa loob.” Biglang may naalala si Andres. “Hala! Mamamasada nga pala kami ni Papa bukas. Kelangan ko umuwi ng maaga.”
“Ay, ganun? Oh, sige sige.” Binilisan ni Tor ang paghahanap ng CD. At sa wakas, nahanap na niya rin ito.
Pumunta na sila sa counter upang bayaran ang CD. Matapos ay lumabas sila. Pagdating ng isang bus na hindi pa masyadong puno ay sumakay na sila.
--
Dumating na sa bahay si Andres. Nadatnan niya si Aling Cely na nakahiga na naman sa mahabang upuan na kawayan habang si Sandra ay abala sa kusina at nagluluto. Kapag day off niya sa trabaho niya sa bangko, siya ang gumagawa ng mga gawain ni Aling Cely. Kung tutuusin, si Aling Cely na ang nag-day off at hindi si Sandra.
“Andres, bili mo nga ako ng vetsin. Dali!”, inutusan na kaagad ni Sandra si Andres. Hindi na muna nagpalit si Andres at sinunod ang utos ng kanyang Ate. Bukod sa paraan ng pakikipag-usap nila sa kanilang mga magulang ay walang namang problema sa magkapatid. Maganda ang pagpapalaki sa kanila nila Aling Cely at Mang Obet. Hindi sila naging batugan, maluho, suwail o bulakbol. Hindi man sila yung tipo ng anak na laging may honor sa eskwela, nananalo sa mga district meet at intramurals o nakakahakot ng korona sa mga beauty pageant, masaya na ang mag-asawang Tolentino sa kanila dahil hindi naman sila nabibigyan ng aberya ng mga ito.
“Ate, oh..”, inabot ni Andres ang vetsin na tigpipiso sa kanyang ate at umakyat sa kwarto niya para magpalit ng damit. Sinuot niya ang kanyang maong na shorts at shirt na puti. Umupo muna si Andres sa dining table nila at nagkakakatok sa mesa. Gumagawa siya ng sarili niyang beat.
“Musta naman araw mo?” tinanong ni Sandra sa kanya. Tinakpan niya ang kanyang niluluto at naupo muna sa tabi ni Andres.
“Ayun, okay lang. Kapagod! Ikaw?”
“Okay lang din. Palinis-linis ng bahay. Tapos nagluto. Namalengke. Yun!”
“Nagpapahinga ka ba talaga kapag day off mo?”
“Oo naman!” sigurado si Sandra sa sagot niya. Ngunit, bigla siyang napaisip. At pinagtakahan niya ang sarili niyang sagot. “Um.. medyo. Saglit!” binalikan niya ang kanyang niluluto.
“Nge! Nag-day off ka pa? wala ka rin naman palang pahinga.”
“Hindi naman kasi ako sanay na walang ginagawa e.”
“Kung sa bagay. Ate, linisin mo naman kwarto ko.”, biniro ni Andres si Sandra. Ngunit, mukhang hindi niya na-gets ang joke at tiningnan ito ng masama. Ngumisi na lang si Andres at nag-peace sign.
Narinig ni Andres ang gumagaraheng dyip ng kanyang tatay. Lumabas siya ng bahay upang silipin ito.
Bumaba si Mang Obet mula sa driver’s seat ng kanyang dyip. Suot niya ang uniporme ng mga jeepney drivers sa Marikina dahil sa nire-require ito ng kung sino mang kataas-taasan. Lumabas si Aling Cely para batiin tulad ng lagi niyang ginagawa kapag nanggagaling sa biyahe si Mang Obet. Kahit mabaho na dulot ng usok at pawis ay hindi pa rin siya nagdalawang-isip na yakapin at halikan ang asawa. Sa mahigit 25 taon nilang pagsasama, hindi sila nagsasawa na gawin ito.
Pumasok ang mag-asawa sa loob ng bahay.
“Aba! Day-off pala ng maganda kong anak.”, ang bola ni Mang Obet kay Sandra habang nagpupunas ng pawis sa mukha.
“Nako, Pa! alam na alam ko na. gutom na kayo! Di bale. Luto na ang ulam.” Napangiti si Sandra habang pinapatay na ang kalan.
“Pa, andito rin ang pogi niyong anak.” Nagtaas ng kamay si Andres habang sinasabi ito sa tatay niya. Tinitigan siya ni Mang Obet. Kinuha niya ang bimpo at hinampas nang hinampas si Andres.
“Pogi ka pa ha.” Hinubad ni Mang Obet ang kanyang uniporme na pangtsuper matapos ma-sabotage ang anak.
“Ambaho naman ng bimpo nyo, Pa!”
“Malamang, galing sa biyahe e. Oh! Luto na raw ang ulam. Kumain na tayo.”, paanyaya ni Mang Obet sa kanyang mag-anak.
Si Aling Cely ang kumuha ng mga pinggan at kubyertos. Si Sandra ang kumuha ng ulam. Si Andres naman ang nagtakal ng kanin sa bandehado. Pumunta sa lababo si Mang Obet para maghugas ng kanyang kamay.
Ayos na ang hapag-kainan. Naupo na ang buong pamilya. Bago kumain ay nagdasal muna sila, humingi ng pasasalamat sa grasya na natanggap nila ngayong araw na ito. Matapos magdasal ay naghain na sila ng pagkain.
“Pa, kamusta pasada mo? Ilang beses ka ba nahuli ngayon?”, ganito ang bungad ni Aling Cely sa kanyang asawa. Natawa naman ang magkapatid sa kanyang banat. Hindi sila tahimik kapag sabay-sabay sila kumakain ngunit hindi naman sila nagmumukhang burangas.
“Tingin ko, lima.”, hula ni Sandra.
“Grabe ka, ‘te. Tatlo lang.” hula naman ni Andres.
“Weeeh.. di nga ako napansin ng mga traffic enforcer ngayon e. Kala nyo ha!” bumanat naman ang kanilang tatay sabay subo ng kanin na may himay ng adobong manok.
“Nahuhuli lang naman si Papa ‘pag kasama na niya si Andeng.”, tinutukoy ni Sandra si Andres. Nagbelatan ang magkapatid sa isa't isa.
“Nga pala, Andres. Sasama ka sa tatay mo bukas, di ba?” tinanong ni Aling Cely. Kumuha pa siya ng isang takal ng kanin mula sa bandehado.
“Yes, ma’am!”, sagot ni Andres habang sinisimot ang tira-tira sa pinggan niya.
“Oy, Deng! Gumising ka ng maaga bukas ha. Maaga tayong babiyahe.”, sinabi ni Mang Obet nang may laman pang kanin sa bibig.
“Opo, opo.” Sagot ni Andres. Natapos na siyang kumain. Tumayo siya mula sa inuupuang silya at umalis na sa dining table nila. Nilagay ang kanyang mga kubyertos sa lababo at nagmamadaling umakyat sa hagdan. Natapos na rin sa hapunan niya si Sandra. Katulad ng ginawa ni Andres, nilagay niya ang kanyang pinagkainan sa lababo at umakyat sa ikalawang palapag ng bahay nila.
Naupo si Andres sa tapat ng kanyang computer. Sinaksak niya sa plug ng AVR niya at binuksan ang computer. Kinuha ni Andres ang CD na kabibili lang niya. Sinalang niya ang CD sa CD-ROM at ni-rip ang mga kanta sa kanyang computer. Habang hinihintay na matapos ang pagri-rip, nakarinig siya ng katok at maliit na boses ng babae na tumatawag sa kanya.
“Panget, anung meron?” tanong sa kanya ni Sandra na nasa labas ng pintuan ng kwarto ni Andres.
Binuksan ni Andres ang pinto at sumandal sa door frame. Tinaasan niya ng kilay si Sandra na nakatayo sa harap niya. Hindi nagpatalo ang ate at tinaasan rin ang nakababatang kapatid, mas mataas pa sa maabot nito. “Anung ‘anung meron’ ha?”
“May bago kang CD ‘no?”
“Sigurado ka ba dyan sa mga akusasyon mo?”
“Wag ka na magkaila pa.” tinulak ni Sandra si Andres dahil sa nakaharang ito. Pumasok siya sa makalat na kwarto ng kapatid at hinanap ang kahit anong album cover na mukhang bago sa kanyang paningin. At nakita niya sa ibabaw ng kanyang CD player ang case ng bagong album ng Urbandub na matagal na niyang inaabangan sa mga music stores. “Hala!! Ang daya mo, Andeng!”
“Pa’no ako naging madaya ha?” tinanong ni Andres kahit alam naman talaga niya kung bakit. Ugali talaga ng magkapatid na bumili ng latest album ng mga local acts, lalo na ng mga banda. At isa sa mga banda na madalas nilang inaantabayanan ay ang Urbandub dahil para sa kanila ay mabangis ang bandang ito. Kaya nakakalimutan na nila ang pagiging magkapatid nila kapag ang banda na ito ang pinag-uusapan. At sa limang album na na-release ng bandang ito, ngayon palang naunahan ni Andres si Sandra sa pagbili. Patakaran pa man din sa kanila na kapag nakabili ka na ng isang album, hindi na pwede bumili ang isa pa dahil ayon sa kanilang mga matitikas na magulang ay sayang ang kanilang mga salapi.
“Bibili na rin sana ako nyan e. Kaso..”
“Kaso ano?”
“Kaso tinamad na ako. Hehe.”
“Ayun ‘yon.”
“Wag ka naming madamot, Deng!”
“Oo na, sige. Pahihiramin kita.”
“Weh.. talaga?”
“Oo nga! Ayaw mo?”
“Hindi. Gusto ko nga e.”
“Sige na! Maaga pa ako matutulog. Alis na! Shoo!”
“Oy, Andres, pahiram ha..”
“Basta kapag nalaspag ko na yung CD.” Sabi ni Andres habang papalapit sa kanyang Ate.
“E kelan naman yun?” unti-unti nang tinutulak si Sandra palabas ng kwarto ni Andres.
“Uhm.. ewan ko lang. next week.. month.. year.. life time?” malapit na sila sa pintuan"
“Ha? Andres naman e.” Nasa labas na siya ng kwarto. Naglulupasay siya kay Andres na parang bata.
“Good night, ate Andang.”
“Deng..”
“Sabi ko good night na. Mwah!” Nag-blow pa ng halik sa ere si Andres at binagsak ang pinto. Binalikan niya ang ginagawa niya sa kanyang computer.
--
Alas-cuatro ng madaling araw. Kumakatok ng malakas sa pinto ng kwarto ni Andres si Mang Obet.
“Andeng! Andeng, bangon na dyan!”, sigaw ni Mang Obet sa kanyang bunso kasabay ang isang madagundong na katok.
Gumagalaw-galaw na ang katawan ni Andres. Narinig na niya ang katok ng kanyang ama ngunit hindi pa rin ito pinapansin. Habang tumatagal, lalong lumalakas ang katok at lalong nagiging galit ang tono ng pagtawag sa kanya. Tuluyan na siyang nagising at nagkaroon ng ulirat. At bigla niyang naalala na nagiging si Incredible Hulk ang kanyang tatay kapag ganito siya na hard-to-get ang drama kapag ginigising.
Ura-uradang bumangon sa kanyang higaan si Andres at kinuha ang twalya na nakasampay sa hanger na sinabit sa bakal na harang ng kanyang bintana. Nasa pintuan na siya at hawak ang door knob. Umusal muna siya ng maikling dasal na sana ay hindi pa tapusin ni Mang Obet ang kanyang buhay. Dahan-dahang binuksan ang pintuan, sinilip ni Andres kung anong itsura ng tatay niya – kung nag-transform na ba siya o ano. Ngunit, wala siyang nakita na tao sa labas ng kanyang pintuan. Napanatag ang loob niya at lumabas mula sa kanyang kwarto. Hindi na siya kinakabahan. Ngunit..
BAGOOM!!
Hinampas siya ni Mang Obet ng Inquirer sa ulo. Kapal din ng Inquirer.. Kahabag-habag na si Andres.
Wala nang sali-salita. Diretso na sa banyo si Andres. Bumaba na rin si Mang Obet para magkape.
Binuksan ni Andres ang gripo. Hinubad niya ang kanyang mga damit. Kumuha ng isang gatabo ng tubig at ibinuhos sa katawan.
“Andres, talaga bang naliligo ka dyan ha? Baka mamaya, natutulog ka pala.”
“Hindi, Pa. nalilgo talaga ako.” Sinagot ni Andres na nangangatog pa ang boses habang nagbubuhos.
“Siguraduhin mo lang ha.” Humigop ng kape si Mang Obet. “Ilulublob ko ulo mo sa inidoro kapag hindi.”
Kinuha ni Andres ang bote ng shampoo. Tinitigan niya ang bote at napangiti. Nagsimula siyang pumadyak sa basang sahig ng banyo. Hinawakan niya ang bote ng shampoo at tinapat sa kanyang mga labi.
Salamat, at tayo'y magkasamang muli
Salamat at may gabing nakalaan sa kaunting kasiyahan
Nagsimula na sa pagkanta si Andres. Napangiti si Mang Obet nang marinig ito. Una, dahil panatag na ang kanyang loob na hindi talaga natutulog sa banyo ang binata, pangalawa, nagkaroon siya ng nostalgic effect. Bumalik ang pagkakataon noong siya ay binata pa. Madaals silang manood ni Aling Cely ng mga palabas ng mga combo-combo noong magnobyo pa lang sila. Pinagpatuloy ni Andres ang kanyang pagkanta. Alam din ni Andres ang sentimental value ng kantang ito sa kanyang ama. At alam rin niya na paborito nitong banda ang The Dawn.
Salamat at may gabing nakalaan sa kaunting kasiyahan
Nagsimula na sa pagkanta si Andres. Napangiti si Mang Obet nang marinig ito. Una, dahil panatag na ang kanyang loob na hindi talaga natutulog sa banyo ang binata, pangalawa, nagkaroon siya ng nostalgic effect. Bumalik ang pagkakataon noong siya ay binata pa. Madaals silang manood ni Aling Cely ng mga palabas ng mga combo-combo noong magnobyo pa lang sila. Pinagpatuloy ni Andres ang kanyang pagkanta. Alam din ni Andres ang sentimental value ng kantang ito sa kanyang ama. At alam rin niya na paborito nitong banda ang The Dawn.
Salamat at tayo'y nagkasamang muli
Salamat at sa pagpawi ng uhaw ay may darating na araw
Napapapadyak na rin si Mang Obet at napapatango. Nadadala na rin siya sa pagkanta ng kanyang anak.
Salamat at sa pagpawi ng uhaw ay may darating na araw
Napapapadyak na rin si Mang Obet at napapatango. Nadadala na rin siya sa pagkanta ng kanyang anak.
Kay tamis ng ating samahan sa lungkot at kaligayahan
Sumabay na rin si Mang Obet sa pagkanta. Lalo tuloy ginanahan si Andres.
Sumabay na rin si Mang Obet sa pagkanta. Lalo tuloy ginanahan si Andres.
Tunay na kaibigan, kasamang maaasahan
Salamat at tayo'y may pinagsamahan
Salamat, tunay kong kaibigan
Nag-duet ang mag-ama. Hindi maitatanggi, wala na ang antok sa sistema ng dalawa.
Salamat at tayo'y may pinagsamahan
Salamat, tunay kong kaibigan
Nag-duet ang mag-ama. Hindi maitatanggi, wala na ang antok sa sistema ng dalawa.
--
Gagayak na sila Andres at Mang Obet. Kumuha na sila ng kani-kaniyang face towel sa kanilang mga kwarto. Hinalikan muna ni Mang Obet sa pisngi si Aling Cely na mahimbing pang natutulog. Lumabas na sila ng bahay at sumakay sa dyip.
“Baka may nakalimutan ka, Andeng.” Pinaalala ni Mang Obet sa anak niya. Pagkasabi ng yaon ng tatay niya, bumaba kaagad si Andres at bumalik sa bahay na nananakbo. Bumalik siya na may dalang butter knife at ang mp4 player niya.
“Okay na.”, sinarado na ni Andres ang pintuan ng dyip. Ini-start ni Mang Obet. Nilabas niya ang pinapasadang sasakyan at umalis na sa maagang oras na alas-cinco.
Bago magsimula ang kanilang tunay na biyahe, dumaan muna sila sa isang bakery sa tapat ng palengke ng Montalban tulad ng lagi nilang gingawa kapag silang dalawa ang magkasama sa biyahe. Bumili sila ng sampung pan de sal na mainit pa. Bumili rin sila ng peanut butter na nasa maliit na lalagyan at dalawang bote ng mineral water na isang litro.
Habang nagmamaneho si Mang Obet, nagpapalaman si Andres ng tinapay. Inabot ang unang pan de sal na pinalamanan sa kanyang tatay.
“Pa..”, binigay ni Andres ang pan de sal. Kinuha ni Mang Obet at kinagatan ito. Nagpalaman din si Andres para sa sarili niya at kinain ito.
Pinaparahan ni Mang Obet ang mga taong pumapara sa kanya. Hindi siya katulad ng mga jeepney drivers na bumabiyahe mula Montalban hanggang Marikina na sugapa sa pasahero. Ayaw naman niya maging hassle sa mga taong nakasakay na sa kanyang dyip.
Maganda naman ang biyahe ngayon ni Mang Obet. Hindi pa siya nakakalabas ng Montalban ay kalahati na ng dyip ang napupuno nila, bagay na bibihira kapag madaling araw pa.
May mga pasahero na nag-aabot na ng bayad. Kinukuha naman ito ni Andres. Angkop na angkop ang binata sa pagiging kundoktor dahil sa bilis niya magkwenta at kabihasaan sa pagtantsa sa halaga ng pamasahe ng pasahero base salayo ng tatahakin at kung may discount ba o wala.
“Bayad. Isang Ligaya.” Sinabi ng isang ale na nag-abot kay Andres ng limampung piso. Kumuha si Andres ng baryang panukli mula sa maliit na lalagyang kahon ni Mang Obet. Binilang ng mabuti at binigay sa ale. Nagulat ang ale nang makita ang 20-peso bill niya na may bahid ng peanut butter.
Huminto si Mang Obet sa tapat ng McDonalds San Mateo. Sumakay ang isang binatilyo na nakauniporme ng pang-FEU. Maputi siya at singkit. Magkasingtangkad lang sila ni Andres. Pareho silang 5 feet nine inches. Doon lang sila nagkahalintulad. Hindi siya katulad ni Andres na kayumanggi ang balat at mabilog at mapungay ang mga mata. Mahaba ang buhok ng binatang pasahero, katulad ng mga kabilang sa Korean boy bands, hindi rin katulad ni Andres na clean cut, gawa ng requirement sa PNU. Sumakay ang binata sa harapan ng dyip, sa tabi ni Andres.
Umandar muli ang dyip. Nakadungaw lang ang katabi ni Andres sa labas. Napasulyap siya sa side mirror at napansin ang mukha ng binata. Naisip niya sa sarili niya na parang kilala niya ito. Inisip niya ng mabuti. Tinatandaan niya kung saan niya nakita ang binata. Biglang umilaw ang bumbilya sa kanyang utak.
“Tol, di ba ikaw yung bassist ng Ten-Twenty?”, tinanong ni Andres sa katabi niyang binata. Hindi niya tinutukoy dito ang laro ng mga bata na gumagamit ng kinabit-kabit na goma. Tinutukoy niya ang banda sa Montalban na ang tugtugan ay alternative Pinoy rock. Hanga siya sa bandang ito dahil sa linis ng kanilang pagtugtog at stage presence.
“Oo. Ako nga.” Sagot ng binata na may ngiti pa sa mukha. Mabait ang aura na pinapamalas ng binata. Inabot ng binata ang kamay niya kay Andres. “Rigor name ko.”
“Ay.. Andres. Hehe..”, nakipagkamay siya sa bahista na tinitingala niya. “Taga-FEU ka pala?”
“Oo. Hehe. IT kinukuha ko do’n. kaw.. san ka nag-aaral?”
“Taga-PNU ako, ‘tol.”
“Wow! Teacher. Nice!” palakaibigan si Rigor at palangiti pa. Madaldal naman si Andres at bungisngis.
“Tol, astig yung banda nyo e. Madalas ka naming napapanood ng ate ko kapag tumugtog kayo sa San Jose.”
“Talaga? Astig pare! Ikaw ba, may banda ka?”
“Nako, tol. Hindi uso sa’kin yon.”
“Ganun? Akala ko pa naman meron. Mukha ka kasing tumutugtog e.”
“Ganun ba? Hindi e. Hindi ako ‘rockers’.” Ang biro ni Andres ng naka-devil sign pa. Natawa naman si Rigor sa gesture niya na iyon.
“Sayang naman. Try mo magbanda. Malay mo, may future ka.”
“Nge! Wala nga akong alam na tugtugin na instrument.”
“Hindi ka ba kumakanta?”, narinig ni Mang Obet ang tanong ni Rigor kay Andres. Nasamid si Mang Obet.
“Ah.. e.. sa banyo lang tsaka sa kung saan-saan. Basta hindi matao.”
“Try mo lang naman. Anong malay natin di ba?” nginitian ni Rigor si Andres. “Para ho.”
Huminto ang dyip sa tapat ng hagdan ng overpass patungo sa LRT station ng Santolan. Doon bumaba si Rigor.
“Sige, ‘tol. Kita-kits na lang.” nagpaalam na si Rigor at umakyat sa hagdan ng overpass. Umandar na muli ang dyip. Sabay noon ay binatukan ni Mang Obet si Andres.
“Hala! Ano na naman kasalanan ko?”, gulat na tanong ni Andres sa kanyang ama.
“Kasalanan mo? Ogag! Hindi nagbayad yung kachismisan mo ng pamasahe.” Ang inis ni Mang Obet. Naalala ni Andres na hindi pala niya nasingil si Rigor. Masyado siyang nalibang sa pakikipagkwentuhan na nawaglit sa isip niya. Bumalik din sa isipan niya ang sinabi ni Tor na magsimula siya ng sarili niyang banda. Napahawak ang binata sa kanyang baba at napaisip. Parang si The Thinker. Tinamad na siyang mag-isip kaya nag-sound trip na lang siya gamit ang kanyang mp4 player.
--
No comments:
Post a Comment