Popular Posts

Friday, October 21, 2011

3. Si Tor at ang Simula ng mga Pangarap


Miyerkules ng umaga. Nasa harap ng flatscreen TV si Tor habang kumakain ng cornflakes na may sabaw na gatas. Nanonood siya ng cartoons suot lamang ang kanyang boxer shorts at signature jersey sando ni Lebron James – number 23 ng Cleveland Cavaliers. Nakaupo siya sa sahig na may carpet at nakasandal sa mahabang itim na sofa.

“JR, ang aga mong nagising. Di ba wala kang pasok?”, tanong ng isang babae na kapapasok lang ng bahay at dala ang kanyang mga pinamalengke. Nasa mid-40’s na ang babae at ang JR na tinutukoy niya ay si Victorino Tan, Jr. o mas kilala sa tawag na “Tor” ng mga kaeskwela niya sa PNU.

“Wala po, Tita. Tulungan ko po kayo.” Sinagot ni Tor. Tumayo siya mula sa kanyang pagkakaupo sa sahig at kinuha ang mga pinamalengke ni Aling Tess. Dinala niya ito sa malaking at magarang kusina ng 3-storey Tan Residence.

“Si Ate Baby mo?”, tanong muli ni Aling Tess kay Tor. Nilabas niya ang mga gulay na pinamalengke niya. Naglabas siya ng malaking tupperwear na lalagyan at hinugasan ang mga ito sa lababo. Nilagay naman ni Tor ang pinamiling karne sa freezer.

“Nasa garden po ata. Dinidiligan yung mga petunia ni Mommy.” Mula sa back door ay pumasok si Baby. Siya naman ay nasa kanyang early 30’s. Katatapos lang niya magdilig ng halaman sa zen garden.

“Ayan na pala si Baby e.” sabi ni Aling Tess.

“Ate, dadating na yata yung kapalit ni Jessa ngayon.”, binaggit ni Baby. Tinutukoy nila ang Jessa na isa pa nilang kasama.

Habang abala sila sa kusina, nakarinig sila ng door bell. Si Baby na ang lumabas upang tingnan kung sino iyon. Sinilip niya muna sa bintana para maaninag ang tao na nagdo-door bell. Lumabas na siya ng pinto para pagbuksan ito ng gate. Pagbalik niya ay may kasama siyang isang morenang dalaga na may dalang mga bag.

“JR, Ate Tess, halikayo dito.” Panawagan ni Baby sa mga taong nasa kusina. Pumunta naman ang dalawa sa sala kung saan naroon si Baby at ang dalaga. “Nene, ito sila Ate Tess mo..” tinuro niya si Aling Tess “at si Kuya JR mo. Yan yung anak ng mga amo natin.”

“E nasaan po yung mga amo natin talaga?” tinanong ng dalaga.

“Nasa London sila Daddy. Dun pa sila nagwo-work. Wag ka mag-alala. Matagal pa ang uwi ng mga yon.” Biniro ni Tor ang bago nilang kasambahay. Sila Aling Tess at Baby ay hindi naman niya mga kamag-anak kundi mga katulong sa bahay nila. Ngunit, ayaw naman niya itong tratuhin na parang ganoon kaya imbis na ‘yaya’ ang tawag niya sa mga ito ay ‘tita’ at ‘ate’ na lang. “Ate, ano pangalan mo?”

“Jelly po.” Magalang ng sagot ng dalaga.

“Ikaw yung hipag ni Jessa ‘no?” sabi ni Aling Tess. Tumango naman ang dalaga.

“Sige. Si JR na ang bahala sa’yo. Dun lang kami sa may kusina ha, ‘ne?” sabi ni Baby. Bumalik na sila ni Aling Tess sa kusina. Naiwan si Tor at ang baguhan na si Jelly sa living room nila.

“Ah.. ako nga pala si JR. Yung amo nyo, pero hindi naman talaga as in totally na amo nyo. Gets mo?” paliwanag ni Tor sa kanya. Tumango naman ang babae na parang nahihiya pa sa gandang lalaki na kumakausap sa kanya. Pinagpatuloy ni Tor ang pagpapaliwanag. “Ako yung.. yun nga! Yung anak ng amo nyo talaga. Wag ka mag-alala. Mababait mga tao dito.”

“Ano po ba dapat kong gawin?” tanong ni Jelly sa kanya.

“Hmm.. Ayun! Basta maglaba, maglinis, magluto. Yung mga basics. Yun ang gawain natin dito.”

“N-natin po?” akala niya ay nagkamali pa siya ng rinig.

“Oo, natin nga. Kasi pati ako may mga gawaing bahay din. Hindi naman ako seniorito e.” sinabi ni Tor sa kanya. Hindi man sila ang pamilyang nuknukan ng yaman, ay sila naman ang may income rate ng isang above average family. Sa ibang salita, may kaya sila. Masipag na nagtatrabaho ang mga magulang ni Tor sa ibang bansa upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya, lalo na ng kanilang nag-iisang anak. Ngunit, hindi sila yaong mga magulang na hindi man lang nakita ang paglaki ng kanilang mga anak. Dito pa nagtatrabaho ang mag-asawang Emilia at Victorino Tan nang dumating sa buhay nila ang kanilang unico hijo. Dahil kuntento na sila sa iisang anak ay sinubaybayan nila ng husto ang paglaki nito. Pagkatapos lamang ni Tor sa elementarya ay saka sila umalis ng bansa upang magtrabaho bilang manager at chef ng isang restaurant na pagmamay-ari ng kumpare ng lolo ni Tor. Naging epektibo naman ang pagpapalaki nila sa kanilang anak dahil sa naging malapit ang binata sa kanila at naging isang responsableng teenager.

“Ganun po ba? E pano po yung mga trabaho namin dito? Pano namin gagawin ‘yon?” tanong muli ng dalaga.

“Basta kapag alam mong makalat, maglinis ka. Kapag alam mong marami nang labahin, maglaba ka na. Kapag alam mong magugutom na ang mga tao dito, magluto ka na. Basta, ang kelangan lang dito e sariling kusa.”

“E sa pamamalengke po?”

“Sa pamamalengke, kanya-kanyang assign na sa kung sino ang mamamalengke sa umaga. Kapag pang-hapunan na yung binibili, magkakasama na tayong lahat na mamalengke.”

“Bakit naman po?”

“Hmm.. bakit nga ba? Hmm.. ewan ko e! Basta ganun na yung lagi naming ginagawa. Bakit? Ayaw mo ba?”

“Hindi po, sir!”

“Ayun! Isa pa. wag na wag na wag na wag na WAG.. mo akong tawagin na “sir” dahil wala tayo sa opisina at hindi kita sekretarya. Tawagin mo na lang ako na ‘kuya’. Kasi nasa tahanan tayo. And we’re one big happy family!” malaki pa ang ngiti sa mukha ni Tor. Ngunit mukhang natakot sa kanya ang bagong katulong. “Tsaka dito sa bahay, basta kapag natapos ka na sa ginagawa mo, automatic na break time nyo na ‘yon. At marami kang pwedeng gawin sa break time mo. Nood ka ng TV. Mag-internet ka. Laro kayo ni Tita Tess sa Xbox, o kaya hiramin mo PSP ni ate Baby. Ganda ng mga laro niya do’n. Minsan nagpupunta rin kami sa SM. Basta ganun.”

Nawindang ang bagong kasambahay na si Jelly sa mga sinabi ni Tor sa kanya. Hindi man kapani-paniwala pero ganun talaga ang patakaran sa bahay nila Tor. Bawal magmukhang chimay doon. Tinuro na ni Tor si Jelly sa kanyang tutulugan.

“Isa pang reminder. May dalawang kwarto dito na hindi mo pwede pasukan. Una, yung master’s bedroom. Hindi mo talaga mabubuksan yun kasi naka-lock siya. Tapos yung isang kwarto sa second floor na may nakalagay na sign na ‘keep out’, off limits din do’n kasi silid-walaan ko yun.”

“Silid-walaan po?”, tinanong ni Jelly.

“Oo. Doon ako laging nagwawala.” Nginitian ni Tor si Jelly at iniwan na siya sa kwarto nila. Napakamot na lang ng ulo si Jelly.

--

Nanonood ng noontime show sila Aling Tess, Baby, Jelly at Tor habang kumakain ng giniling na niluto ni Aling Tess bilang pananghalian nila. Nakalatag ang kanilang mangkok na pinaglalagyan ng ulam, kaldero mga serving spoons, isang pitcher na puno ng orange juice at apat na baso sa coffee table ng living room. Isa rin sa mga nakaugalian nila ang sabay-sabay kumain habang nanonood ng TV.

Habang kumakain, nagring ang telepono. Si Baby ang tumayo upang sagutin ito.

“Hello po. Sino po sila?” sabi ni Baby sa kabilang linya. Nang sabihin ng tumawag kung sino siya, tinawag kaagad niya si Tor. Lumapit naman kaagad si Tor at kinuha ang telepono.

“Hello, JR!” sabi ng boses sa kabilang linya. Boses ito ng isang babae na nasa kanyang late 30’s. Isang boses na pamilyar sa pandinig ni Tor at hindi niya pagsasawaang marinig ito.

“Hi, Mom!”, magiliw na binati ni Tor si Emi, ang kanyang ina.

“Lunch time na ba kayo dyan, anak?”

“Yes, Mom. Eto nga po e. Giniling ulam namin.”

“Luto ba yan ni Tita Tess?”

“Naman!”

“Hmm.. kainggit! Sarap pa man din giniling ni Tita Tess. Wala ka bang pasok ngayon, anak?”

“It’s Wednesday, Mom. Talagang wala akong pasok ngayon.”

“oo nga pala. So, how’s school? How’s your studies and everything?”

“It’s okay. Nothing much. Just the usual.”

“Just the usual, huh? Are you sure you’re handling your studies well?

“Yes, Mom! I got everything covered, like always.”

“Yes, of course.” Napahinto sa pagsasalita si Emi dahil may tumawag sa kanya. Kinausap niya muli si Tor. “Your dad wants to talk to you. I don’t know but he seems so psyched about something.”, medyo natatawa na si Emi sa kanyang asawa dahil sa sobrang pangungulit na makausap ang anak. Kaya binigay na ang telepono sa kanya. “Victor oh..”

“Hey, Dad!”

“Hey JR. How’s the ‘big man’ of the house doing?” masayang masaya si Victor habang kinakausap si Tor sa telepono.

“I’m doing great, Dad. How about you and Mom?”

“We’re doing fine here in London. Your Mom and I are going to go on a business trip next week.”

“That’s cool, Dad.”

“It’s going to be in Rome. The owner is thinking about having a branch there and we’re going to look for a good location for the new branch. But that’s not really what I want to talk to you about.”

“Okay?” natawa si Tor sa kanyang ama. Nag-abala pa siyang banggitin ang tungkol sa business trip nila tapos hindi naman pala talaga iyon ang gusto niya na pag-usapan nila. “Then, what DO you want to talk about?”

“I have a gift for you, JR.”

“Wow! A gift? What did I do to receive a gift from you?”, natuwa naman si Tor sa nabalitaan niya mula kay Victor. Ganito ang mga magulang niya, kahit hindi niya hinihingian ay bibigyan pa rin siya.

“Oh, nothing. Just having a great son like you is enough reason.”

“I owe it all to you, Dad.” Nangulila si Tor sa kanyang mga magulang na huli niyang nakita noong graduation niya sa high school. “I miss you. Both of you.”

“Oh..” kinausap ni Emi si Victor habang nakikinig si Tor sa usapan nilang dalawa. “Sabi ni Mommy mo, ibaba ko na raw. Kumakain ka pa pala ng lunch mo.”

“Hehe.. panira si Mommy. Hindi ko pa nga alam kung ano yung ibibigay nyo sa’kin e.”

“Malalaman mo rin naman. The package will arrive there tomorrow, probably.”

“Okay, Dad. Bye! Take care.”

“You, too, JR.” sinabi ni Victor sa kanyang anak. Narinig rin ni Tor si Emi na sinabing “Bye, JR! We love you.” At binaba na ng kanyang mga magulang ang telepono. Natawa na lang si Tor ng maalala niya kung gaano niya ka-miss ang kanyang ina at ama. Bumalik na siya sa tapat ng TV at kumain ng tanghalian.

--

Alas-ocho y media ng umaga. Katatapos lamang ng first subject nila Andres. Inaayos na ng III-B BSEM ang kanilang mga gamit bago pumunta sa ibang building para sa susunod na subject nila. Ngunit bago pa nila lisanin ang kanilang class room ay pumunta sa harapan ang kanilang class president, si Raymond Pelaez.

“Mga classmates!” sa kanyang panawagan ay nahinto ang buong klase sa kanilang ginagawa. “May announcement ako sa inyo. Upo kayo.” At gayon nga na umupo muna sila. “Wala na tayong class ngayon.”

Sa anunsyong yaon ng pangulo ay naghiyawan ang buong klase sa galak. Ang sabi ni Nora Aunor ay ‘walang himala’. Ang sabi naman ng III-B BSEM ay ‘meron.. meron yan’. At heto na nga ang milagro na sinasabi nila – ang mawalan ng klase sa buong araw.

Sa lahat ng III- B BSEM na nabigyang-kaalaman tungkol sa balitang iyon, si Andres lang ang hindi natuwa. Nagtaka naman si Tor dahil ang pagkakakilala niya kay Andres ay ang taong allergic sa klase.

“Oh.. ano’ng problema mo? Nakabisangot ka dyan.”, ang sabi ni Tor kay Andres.

“Nakakaasar kasi. Walang klase.”

“Hanep! Pag may klase tayo, daig mo pa ang prof kung magpa-dismiss. Kung kelan walang klase, saka ka naman nagre-request na magkaroon. Tapatin mo nga ako. Normal ka ba?”

“Last time na chineck ko, normal pa rin naman.” Pambabara ni Andres kay Tor. “E ano na gagawin natin? Walang klase. Pagbalik ko ng bahay, paniguradong babawiin ni Mama yung pera ko. Wala pa naman akong nagagastos sa pera ko. Sayang din ‘to.”

“Ay sus! Kaya naman pala.” Nag-isip si Tor. Pinagmasdan lang ni Andres si Tor na mag-isip. Hangggang sa makaisip ng magandang ideya si Tor. “Alam ko na. Sa bahay tayo.”

“Sa inyo? Ano gagawin natin don?”

“Tambay lang. Tsaka may papakita din ako sa’yo.”

“Eww..” umatras si Andres palayo kay Tor. “Wag Tor! Wag ka mahalay.”

“Ano?!” nagulat si Tor sa sinabi ni Andres. “Ang dumi ng isip mo. Lika na nga!”

Natawa si Andres sa reaksyon ni Tor. Nagsimula na silang maglakad.

--

Sakay ng isang tricycle, dumating sila Tor at Andres. Binayaran ni Tor ang tricycle driver at umalis na. Tiningnan ni Andres ng mabuti ang bahay nila Tor at nawindang sa taas at laki nito.

“Pare, di mo sinabi sa’kin na big time ka pala.” Sabi ni Andres habang pinagmamasdan ang bahay.

“Big time ka dyan.” Pa-humble effect pa si Tor. Niri-ring niya ang door bell at hinihintay na may magbukas ng gate para sa kanila.

“Hindi, pare. Pwera biro. Ano ba tatay mo, sindikato?”

“Oo, pare. Drug lord tatay ko.” Sinakyan naman ni Tor si Andres. Dumating si Jelly at pinagbuksan sila ng gate.

“Salamat, Jelly. Sila Tita Tess?” pumasok na si Tor pagkabukas ni Jelly ng gate. Sinundan naman siya ni Andres.

“Nagluluto po ng tanghalian, Kuya.” Sagot naman ng dalaga habang sinasara ang gate.

“E ikaw, ano ginagawa mo?”

“Naglalaro po kami ni Ate Baby ng Tekken 3.”

“Magandang senyales ‘yan. Nakikini-kinita ko na kung gaano ka katagal sa bahay na ito.” Pumasok na silang tatlo sa bahay.

“Ate, lagot tayo kay Kuya.” Ang sabi ni Jelly kay Baby. Si Baby naman ay nililigpit ang playstation 2 na ginamit nila.

“Ang aga mo namang nakauwi ngayon, JR.” wika ni Baby kay Tor. Si Andres ay nakatayo lang at pinagmamasdan ang buong bahay.

“Oo, ate. Maaga kami pinauwi ngayon. May meeting yung mga teachers e.” sagot naman ni Tor. “Ate Baby, si Andres, classmate ko po sa PNU. Andres, si Ate Baby.”

“Hello po.” Binati ni Andres si Baby. Nagngitian ang dalawa.

“Sandali lang ha. Ipagtimpla ko muna kayo ng juice.” At pumunta na si Baby sa kusina. Nakita nila si Jelly na nakatayo at pinagmamasdan ang dalawang binata. Pinagkukumpara niya ang dalawa sa kanyang isipan. Sino ang llamado – si Andres na Moreno, matangkad, payat, mapungay ang mata at simple lang o si Tor naman na cute mag-smile, medyo maliit pero medium-built ang katawan, almond eyes at may kissable lips. Bagay na madalas maglaro sa isipan ng isang babae.

“Jelly, may dumi ba kami sa mukha?” tinanong ni Tor sa dalagang kasambahay na naging dahilan upang mamula ang mga pisngi nito. Umalis tuloy siya sa hiya.

Bukod doon ay walang ibang natanggap si Andres sa mga kasambahay ni Tor kundi ang mainit na pagtanggap nila sa kanya. Sa bahay nila Tor siya kumain ng tanghalian. Pinalipas nila ang oras sa panonood ng TV.

Habang sila ay nanonood ng pelikula sa isng movie channel sa cable TV, narinig nilang tumutunog ang door bell. Lumabas si Aling Tess para malaman ang pakay ng kung sino mang nagri-ring nito. Matapos ng ilang sandali ay bumalik si Aling Tess na may dalang isang kahon nasinlaki ng apat na kahon ng sabon.

“JR, para sa’yo daw sabi nung mama na nag-deliver nito.” Sinabi ni Aling Tess.

“Para sa ‘kin?” si Tor na komportableng nakaupo ay tumayo upang tingnan kung ano yaong package na hawak ni Aling Tess. Nakita niya sa package na naka-address nga para sa kanya ito. Tama ang kanyang iniisip na ang padalang ito ay galing sa kanyang ama.

Naupo si Tor sa sofa at pinunit ang paper wrap na nakabalot sa kahon habang pinagmamasdan naman siya nila Baby, Aling Tess, Jelly at Andres. Nang matanggal ang paper wrap, nanlaki ang mga mata ni Tor.

“WOW!” nagulat ang mga kasama niya sa naging reaksyon niya. Heto pala ang regalo sa kanya ng kanyang ama – isang Boss DS-1 distortion unit fresh from the States. :p

Tumayo ulit si Tor mula sa kanyang kinauupuan at umakyat sa second floor. Kinuha niya ang susi na nasa kanyang bulsa at binuksan ang pinto ng sinasabi niyang ‘silid-walaan’.

“Pare, akyat ka dito.” Tinawag ni Tor si Andres habang inaayos niya ang distortion. Pagdating ni Andres sa kwarto, nagulat siya sa kanyang nakita. Nakabalandra sa silid na ito ay ang mga sumusunod – isang Gibson Les Paul Studio Premium Plus Electric Guitar, isang Ibanez 2005 SZ520QM Electric Guitar, isang Ibanez BTB570FM Bass Guitar, Gibson J-250 Monarch 20th Anniversary Acoustic Guitar, dalawang Gorilla GG10 10 Watt Guitar Amplifier, isang Hartke VX115 Bass Cabinet, at isang DigiTech RP255 Modeling Guitar Multi-effects processor. Parang guitarist haven. Pero mas nagulat si Andres dahil sa tinagal-tagal na panahon na magkakilala sila, ngayon lang niya nalaman na marunong pala maggitara si Tor.


“Pare, naggigitara ka pala. Bakit di mo sinabi noon pa?” tinanong ni Andres sa kanya.

“Kasi hindi ka naman nagtatanong.”, Kinuha ni Tor ang kanyang acoustic guitar. Umupo siya sa isang stool habang tinotono ito. “Eto yung sinasabi ko sa’yo na bagay na gusto kong ipakita.”

“Ah..” tumango si Andres. Gusto niyang hawakan ang mga gitara ngunit hindi naman niya alam kung ano ang gagawin sa oras na mahawakan na niya ito. “Matagal ka na bang naggigitara?”

“Medyo.” Ang medyo na iyon ni Tor ay 6 years in the making. Noong nasa unang taon siya ng pagiging high school student sa isang exclusive all-boys school, napansin niya kung gaano kasikat sa mga kaeskwela niya ang paggigitara bilang isang uri ng pagpapapogi. Naengganyo siya at nag-aral na rin sa pagtugtog ng gitara. Nanghihiram siya ng gitara mula sa mga kaklase niya. Bumibili siya ng mga song magazines na may chord chart sa centerfold page nito. Pinag-aaralan niya ang tamang pagkaskas, tamang pagkakalagay ng mga daliri sa fret ng gitara, tamang pagpapalit ng mga chords sa mga kanta. Mula sa pagbabasa ng mga chords, natuto na rin siyang magbasa ng mga guitar tabs. Hindi niya tatantanan ang isang kanta hangga’t hindi niya ito nakukuha ng maayos. At dahil sa konsentrasyon niya dito ay naging isa siya sa mga halimaw maggitara sa kanilang school. Minsan siyang napabilang sa isang banda na binuo ng mga kaklase niya. Kinuha siya bilang lead guitarist at ang madalas nilang i-cover ay ang mga kanta ng banda tulad ng The Used, Saosin at kahit anong may aura ng emo sa tugtugan. Umalis siya sa bandang noong siya ay magkolehiyo at nag-lay low muna sa tugtugan. Nang makilala niya si Andres at ang kanyang tinatagong talento sa pagkanta, bigla niyang na-miss ang pagsalang sa stage sa habang tinitingala ng nagwawalang crowd.

“Wala ka bang balak magtayo ng banda?” tinanong ni Andres sa kanya.

“Meron naman. Sa katunayan..” Natapos na sa pagtotono ng gitara si Tor. Tinitigan niya si Andres at ngumiti. “.. ikaw yung kukunin kong vocalist.”

Pakiramdam ni Andres ay nalunok niya lahat ng laway niya sa sinabi ni Tor. Ha? Ano daw? Sinabi niya sa isipan niya. Bakit siya pa ang kukuning vocalist, e sa pagkakaalam niya ay hindi siya pasado sa pagiging vocalist ng isang banda. “B-bakit ko?”

“Hello? Narinig mo na ba ang sarili mo na kumanta?” umiling lang si Andres sa tanong na ito ni Tor. Napabuntong-hininga si Tor at lumabas sa silid-walaan niya. Sinundan ito ni Andres ng tingin habang ito ay bumababa sa hagdan. Bumalik muli siya sa second floor na kasama sila Aling Tess, Baby at Jelly. Pumasok na sila sa silid-walaan ni Tor na malamig at amoy appliance store.

Nagulat ang tatlong kasambahay dahil hindi sila pinapayagan ni Tor na buksan ang kwarto niyang ito kahit kalian at ngayon ay nasa loob sila nito. Umupo sila sa carpeted floor ng silid at pinagmasdang mabuti ang mga gamit sa loob nito. Kumuha naman si Tor ng dalawang stool. Kinuha niya ang kanyang acoustic guitar at naupo sa isang stool. Giniya niya si Andres na umupo sa isa pang stool na kinuha niya.

“Ngayon, alam nyo na kung ano ‘tong silid-walaan ko na ‘to.” Sinabi ni Tor sa kanyang mga kasambahay. Lahat, bukod sa kanya, ay walang kamalay-malay sa kung anong gusto niyang mangyari sa mga sandaling iyon.

“Ano gagawin natin? Pare, di ko kaya ‘to. Joke lang yun nung sinabi ko na magko-call boy ako. Hindi ko kayang ibenta ang puri ko.”, sinabi ni Andres na kinakabahan pa. Kung ano-ano na naman ang tumatakbo sa utak niya.

“Ay nako! Walang bentahan ng kahit ano dito.” Bumaling si Tor sa tatlong babae na nasa harapan nila ngayon. “Mag-request kayo ng kanta. Kahit ano. Tutugtugin ko tapos kakantahin naman niya.” Napalingon si Andres sa sinabi ni Tor. Mas kinabahan pa siya doon. Mas gusto na niya ulit na mag-call boy na lang.

“Ano namang ire-request namin, JR?” tinanong ni Aling Tess sa kanya. Nagkamot na lang ng ulo si Baby. Si Jelly naman ay nagtaas ng kamay na parang isang bata na gustong matawag ng kanyang teacher tuwing recitation.

“Kuya, kuya! Kantahin nyo yung ‘kung ayaw mo, huwag mo’ ng Rivermaya.” Hiniling ni Jelly sa kanila. Inalala ni Tor ang chords nang mapansin si Andres na nangangatog.

“Uy.. Pare!” niyuyugyog ni Tor ang katawan ni Andres na nanigas na sa kaba. “Di ka nila kakainin.”

“Eh.. Pare!” nagmakaawa si Andres. “Di ko alam.”

“Di mo alam ang lyrics?”

“Di ko alam gagawin ko.”

“Kakanta ka lang. Yun lang gagawin mo.” Ngumiti si Tor kay Andres. Wala nang ibang magagawa si Andres kundi gawin ang bagay na ikinakatakot niya – ang kumanta sa harap ng ibang tao bukod sa pamilya niya.

Binilangan ni Tor si Andres sa pamamagitan ng pagkatok sa gitara. Napapikit muna si Andres at..

Hari ng dedmahan ang teleponong apat na magdamag ng ‘di umiimik. Sa pagkaskas ni Tor sa E-F#m-F-E chord pattern, lumabas naman mula sa lalamunan ni Andres ang unang linya ng awiting nire-request sa kanila. Hindi makapaniwala si Andres, samantalang natuwa naman si Tor.

Kung ‘di ka tatawagan, may pag-asa kayang maisip mo ako’t biglang ma-miss. Nagulat naman ang tatlo sa ganda ng boses na lumalabas mula sa kaklase ng kanilang JR na ngayon lang nila nakilala.

Hindi kita mapipilit kung ayaw mo, ‘wag mo akong isipin bahala na. Hindi kita mapipigil kung balak mong ako’y iwanang nag-iisa. Nawala na ang kabang kanina lamang ay bumabagabag sa loob ni Andres. Naging komportable siya sa pagkanta at ang nanigas niyang katawan ay pa-sway sway na. Tuwang tuwa naman ang mga kasambahay ni Tor, pati na rin si Tor mismo, sa kanya.

Natapos na sila sa kanilang song number. Masigabong palakpakan mula sa kanilang tatlong manonood ang natanggap nila. Tumayo si Tor mula sa stool na inuupuan niya at itinabi ang gitara.

“Oh.. ano masasabi nyo sa performance namin ha?” tinanong ni Tor sa kanila.

“Ang galing nyo naman, JR.” sinabi sa kanya ni Aling Tess na giliw na giliw.

“Kuya, kaboses mo si Bamboo tsaka si Rico Blanco. Nasa pagitan ka nila.” May alam din pala sa mga banda si Jelly. Namula naman si Andres sa papuri na natanggap niya.

“Magsimula kaya kayo ng banda. Kayong dalawa ng kaklase mo.” Paanyaya sa kanya ni Baby.

“Nako po. Hindi ko po kakayanin.” Nagtumanggi si Andres sa suhestyon niya.

“Nge! Subukan lang naman natin, ‘di ba?” umakbay si Tor kay Andres. Inisip ni Andres sa mga sandaling iyon. Ang alam lang naman niya ay makinig sa mga banda na gusto niya at tangkilikin ito. Ngunit, sabi nga naman ni Tor sa kanya, subukan lang naman nila. Hindi pa naman niya alam kung anong meron sa buhay ng pagbabanda kaya hindi pa siya pwedeng magkumento.

“Alam mo, pare..” umiling at tumawa si Andres, “wala namang masama kung susubukan natin, di ba?”

“So, ibig sabihin nito, payag ka na?” alam na ni Tor ang sagot ngunit gusto niyang manigurado.

“Makakatanggi ba naman ako sa’yo? E parang syota na rin kita.” Masayang ipinaalam ni Andres ang kanyang pagsang-ayon. Niyakap naman niya si Tor na tinulak naman niya kaagad. Humingi ng pasensya si Tor at natawa sa ginawa niya.

--

Hinatid ni Tor si Andres sa pilahan ng traysikel sa subdivision nila. Malapit na ring magdilim kaya kinailangan na ni Andres na umuwi sa kanila.

“Pare, salamat ha.”, sinabi ni Andres kay Tor dahil sa mainit na pagtanggap sa kanya ng kanyang mga kasambahay.

“Ako dapat magpasalamat sa’yo kasi nagpauto ka sa ‘kin.”

“Hehe. Sira ulo!” lumapit sa kanila ang isang tricycle. “Teka! Kelan pa tayo hahanap ng mga kabanda natin?”

“Next week. Maghahagilap tayo.”

“Saan naman?”

“Sa PNU.”

“Huh?” lumaki ang mga butas ng ilong ni Andres. Tinulak naman ni Tor si Andres papasok ng tricycle. Nagpaalam na si Tor at saka umalis ang tricycle.

Nagulat si Andres. Hindi niya alam kung paano sila maghahanap ni Tor ng makakasama sa tugtugan sa school. Saan naman kaya, sa Pamantasang Normal ng Pilipinas, makakatagpo ng isang gitarista, isang bahista at isang tagapalo si Andres na isang hamak na baguhan lamang sa ganitong gawain? Patay!
รจ
----


No comments:

Post a Comment