Popular Posts

Friday, October 21, 2011

4. Wanted: Bandmates


Break time. Nakatambay sina Andres at Tor sa loob ng luncheonette habang kumakain ng kanilang paborito at pinaka-affordable na lunch sa PNU – siomai with rice.

“Pare, sigurado ka bang makakahanap tayo ng mga pwede natin maging kabanda dito?” tinanong ni Andres sa kasama na puno pa ang bibig habang nagsasalita.

“Oo naman!” malakas pa ang loob ni Tor sa sagot niya. “Ako nga, school mate mo, tumutugtog din, di ba?”

“Kung sa bagay.” Natapos na si Andres sa kanyang kinakain. Sinarado niya ang Styrofoam na pinaglagyan nito. “E pa’no tayo makakahanap niyan?”

“Naglagay ako ng fliers. May pa-audition tayo mamayang 4 pm.” Natapos na rin si Tor sa kanyang kinakain. Natawa si Andres. Ang corny ng joke ni Tor.

--

Katatapos lang ng klase. Sa paglabas ng class room, napansin ni Andres ang mahabang pila ng mga PNUans na may dala pang mga gitara. Si Andres na dapat sana ay bababa na ng staircase ay nahinto nang makita si Tor na pupunta sa hilera ng mga taong nakapila. Parang impulse na sinundan niya ang kaibigan. Pumunta sila sa isang class room na siyang dulo ng pilang yaon. Nakalagay sa gilid ang mga arm chairs ng class room na dahilan para magtira ng espasyo na singlaki ng isang entablado. Pumunta si Tor sa may teacher’s table at umupo.

“Pare, halika rito.” Tinawag ni Tor si Andres. Lumapit naman si Andres tulad ng pagkakagiya sa kanya. Umupo si Andres sa isang stool na nasa tabi ng teacher’s table. “Pasok!”. Sa pagtawag niya, pumasok ang isang PNUan na may dalang gitarang nakalagay sa case nito. Nilabas niya ang gitara mula sa lagayan at kinuha ang pick sa bulsa niya. Kumuha siya ng isang arm chair at umupo.

“Pare, ano ‘to?” binulong ni Andres kay Tor. Nagtataka na siya sa mga pangyayari.

“Heto, mahal kong kaibigan, ang pa-auditions natin para sa ating susunod na mga kabanda.” Katawa-tawa man na ideya ngunit seryoso si Tor. Nalaglag ang panga ni Andres sa sahig.

“Aning! Hindi nga?!”

“Oo nga.” Binalingan naman ni Tor ang lalaking may hawak ng gitara. “Tol, anong pangalan mo?”

“Ah.. eh.. James po.” Kinakabahan na parang may mga nakasubaybay na camera sa kanya at mga artista ang susukat sa kanyang kakayahan.

“Okay, James. Game na!”, kinumpas ni Tor ang kamay bilang senyales para magsimula na.

Tiningnan ni Andres si Tor at binigay ang kanyang ‘seryoso ka ba?’ look. Ngumiti naman si Tor at binigay ang kanyang ‘come what may’ look niya.

--

Matapos ang mahigit na isa’t kalahating oras ng penitensya sa loob ng apat na pasilyo kasama ang mga nag-audition sa kanila na tunog-lata at sintonado ang gitara at may mga kamay na mas mabigat pa yata sa mga hita nila sa sobrang bigat kung mag-strum ng gitara. Naging LSS na niya ang ‘Ako’y Sa’yo, Ika’y Akin’, ‘High’, ‘Torete’ at ‘More than Words’ na paulit-ulit na tinugtog para sa kanila. Pakiramdam ni Andres ay nawala na ang kanyang pandinig. Si Tor naman ay naging dismayado dahil sa dinami-dami ng nag-audition sa kanila ay wala man lang nakapasa – para kay Andres. Kumbaga, si Tor si Paula Abdul habang si Andres naman si Simon Cowell, his eminence Simon Cowell.

“Ano na balak mo nyan?” tinanong ni Tor kay Andres. Papunta sila sa mga food stands para bumili ng pagkain. Nagutom sila kasasabi ng ‘pasensya na’ sa mga nag-audition sa kanila.

“Balak ko? Iuuntog ko ulo ko sa pader mamaya. Mawala lang yung mga kanta na yon sa utak ko.” Sinagot ni Andres na tulala parang isang babaeng bagong gahasa.

“Masyado ka kasi mapili.”

“Hindi naman ah..”

“Ay hindi ba? Mali pala ako. Masyado kang maarte.”

“Masakit man sa damdamin pero di talaga pwede. Ano ba? Yung isa nga, hindi ko matukoy naggigitara ba talaga siya o naglalaba ng gitara. Grabe kung makakaskas!”

“Alam mo, pwede naman silang mag-improve in time e. Bigyan mo lang sila ng chance.”

“E ayoko nga e!”, nagsimulang magpapapadyak si Andres na parang isang batang nagdadabog. “Gusto ko ako yung matututo sa inyo.”

“Ah ganon? Gusto mo ikaw lang yung rookie?”

“Oo. Ganun na nga!”

“Bakit hindi mo pa sinabi kaagad? E talagang hindi tayo makakakuha ng mga bihasa kung dadaanin natin sa audition.”

“Hmm..” napaisip si Andres. “Talaga? Bakit naman naging ganon?”

“E sa mayabang na yang mga yan e. Alam nilang magaling sila kaya inaasahan nilang sila ang lalapitan.”

“Parang ikaw lang?”

“Oo, Andres. Parang ako lang. Kaya kung ako sa’yo, manahimik ka na lang para makabuo tayo ng matinong banda.”

“Ang galing-galing mo talaga, Papa Tor!”

Napailing na lang si Tor. Napapalakpak si Andres sa tuwa. Pagkabalik mula sa mga food stands na may dalang footlong at lemonade, nakita nilang maraming tao sa quadrangle. Ang stage ay may mga adorno at may mga malalaking spotlight na siyang pinapaandar ng maintenance.

“Anong meron?”, tinanong ni Andres sabay kagat sa kanyang footlong hotdog sandwich.

“Ewan. Pageant na naman ata.” Sinagot ni Tor at uminom ng lemonade. Naglakad na ang dalawa hanggang sa makarating sa covered walk. Pumunta sila sa field at doon naupo para makita ang palabas. Tama nga ang hinuha ni Tor. Ang kasalukuyang nagaganap ay isang beauty pageant. Madalas maganap ang mga beauty pageant sa kanila. Minsan kahit wala namang okasyon, magugulat na lamang sila at magkakaroon ng isa na namang pageant.

Habang tumutugtog ang maindak ng tugtuging parang pang-club (yung mga pang-Embassy na tipo), dumating ang dalawang MC ng pageant – isang lalaking naka-tuxido at isang babae na naka-cocktail dress.

“Good evening, everyone.” Bati ng lalaki sa audience.

“Good evening indeed.” Sinabi naman ng babaeng kasama.

“I am Will.” Pakilala ng lalaking MC.

“And I’m Sage.We’ll be your hosts for tonight.”, nagsalita siya, pati ang lalaki na parang nakikipagkwentuhan lamang. Matatas ang kanilang mga dila sa pagsasalita ng English at klaro ang mga boses, parang mga DJ lang sa mga istasyon ng radio.
Napansin ni Andres na nakapangalumbaba si Tor at nakatitig sa stage habang lukot-lukot ang kanyang mukha na parang may iniisip. Kung ano man ang iniisip niya, hindi na kayang ispelingin ni Andres. Pinagmasdan na lang din niya ang stage, lalo na ang babaeng MC. Base sa kanyang analisasyon, siya ay maputi, lalo pa ngang pumuti sa kanyang suot na brown na dress. Ang hairdo niya sa mga panahong iyon ay parang meron siyang palong gamit ang kanyang buhok. Chubby siya at medyo hukot kaya nagmumukha siyang siga sa tuwing siya ay maglalakad. Titingala lamang ang babae sa tuwing siya ay magsasalita na. kapag hindi na, yuyuko na lang siya at titingnan niya ang kung ano mang meron sa ibaba – sahig, sapatos, garlands na nalaglag mula sa damit ng mga contestants. Sa ganitong katangian ng babae, nagbunga ng pagkakaroon ng interes si Andres sa kanya. 

--

“Sa’n tayo pupunta?” tinanong ni Andres si Tor habang sinusundan niya ito na maglakad.

“Sa BPS.” Sagot ni Tor. Tinutukoy niya ang Bonifacio P. Sibayan Building na teritoryo talaga ng College of Language, Linguistics and Literature. Ibig sabihin lamang nito, pinamamahayan ito ng mga English at Filipino majors. Magkalaban man sa wikang aparato nila ngunit magkakampi naman sa pagpapasabog ng ilong ng mga mag-aaral na may mali sa gramatika, mapa-tagalog man o inggles.

“Bakit? Huy! Ayoko dyan!” habang lalong papalapit sa BPS ay unti-unting umaatras si Andres. Takot siyang makakita ng mga estudyante sa kolehiyong ito, lalo na ng mga English majors. Una, dahil sa paliwanag sa huling talata bago nito at pangalawa, dahil binasted siya ng isang English major. Minsan silang nagkaroon ng pagtatalo tungkol sa kung ano ba talaga ang tama – kung ‘is equals to’ ba o ‘is equal to’ – na dahilan para makita nila ang pagkakaiba ng isa’t isa na hindi nila matanggap.

“Nge!” napakamot ng ulo si Tor. “Sige! Dyan ka lang. Akyat lang ako.” Pumasok na si Tor sa gusali at umakyat sa ikalawang palapag. Si Andres naman ay naupo sa gutter ng halamanan sa tapat ng gusali. Doon niya hinintay ang kaibigang hindi man lang niya alam kung bakit napunta sa gusaling iyon.

Nakatulala lang sa kawalan si Andres nang mapansin niya ang isang babaeng pamilyar sa kanya. Isang babae na nakayuko lang. Isang babaeng habang naglalakad ay parang naiilang sa paligid niya.

“Idol!”, sinigaw ni Andres. Napalingon naman si Sage na dapat sana ay papasok na sa loob ng BPS.

“A-ako ba?” tumingin si Sage sa paligid. Wala naman siyang ibang taong nakita. Siya lamang at ang lalaking buang na tinawag siyang ‘idol’.

“Oo. Ikaw nga.” Ngumiti si Andres sa kanya. Lumapit siya kay Sage na dahilan upang kabahan ang dalaga.

Tumayo si Andres sa harap ni Sage na parang isang bata nananabik sa kanyang regalo sa umaga ng Pasko. Nag-ngiting aso na lamang si Sage at tumalikod.

“Mauna na ako. Male-late pa ako.” Nagpatuloy sa paglalakad si Sage. Naudlot siyang muli nang lapitan siya ng isa pang lalaki.

“Sage..” tinawag siya ng lalaki na nanggaling sa staircase.

“Tor?”, pinagmasdan ni Sage si Tor na hingal na hingal.

“Kanina pa kita hinahanap sa second floor.” Sinabi ni Tor na hinahabol ang kanyang hininga.

“Nanggaling ako ng library. May kelangan ka ba sa ‘kin?”

“Teka, teka!” biglang sumingit si Andres. “Magkakilala kayo?”

“Oo naman.” Sagot ni Tor. “Magkasabayan kami ni Sage sa interview bago tayo mag-first year.”

“Bakit hindi mo sinabi?”

“Kasi di ka nagtatanong.”

“Kelangan ba lahat ng bagay, itatanong ko muna sa’yo bago ko malaman.”

“Sandali lang!” si Sage naman ang sumingit. “Ano ba talaga kailangan nyo sa ‘kin?”

“Kasi, Sage..” panimula ni Tor na hinihingal pa rin “.. siya”, tinuro niya si Andres “tsaka ako, bumubuo kami ng banda. Iniisip namin kung pwede sana..” Lumingon si Tor kay Andres. Napakunot naman ang noo ni Andres nang sabihin ni Tor ang salitang ‘namin’ dahil wala naman siyang alam sa mga nangyayari. “.. kung pwede ka naming kunin as bassist.”

Nanlaki ang mga mata ni Andres. Heto pala ang pakay ni Tor sa pagpunta sa BPS – ang sadyain ang napupusuan niyang maging bahista sa binubuo nilang banda. Kahit si Sage ay nagulat dahil hindi niya inaasahan ang alok na ito.

“N-nakakahiya namang tumanggi.” Nauutal pa si Sage dala ng hiya sa dalawang binata. “Kaso hindi pwede.”

“Bakit naman?” napanghinaan ng loob si Tor sa sagot ni Sage ngunit naalala niyang sayang ang mahigit limampung hakbang mula main building hanggang BPS para lang tanggihan siya. Hindi siya makapapayag. “Uhm.. hindi naman kami magiging hassle sa sked mo.”

“May banda na ako.”, nakayuko lang si Sage habang sinasabi ito kay Tor.

“Uhm.. jamming tayo.” Nangulit pa rin si Tor. “ Kahit minsan lang.”

“Sensya na talaga, Tor. Hindi pwede.”

“Bakit naman?” nalungkot si Tor. Kahit si Andres, nanghinayang din sa hindi pagpayag ni Sage.

“Nasa all-girl band ako. Hindi ako pwedeng tumugtog na mga lalaki ang kasama ko.” Umakyat na si Sage sa second floor para pasukan ang susunod niyang klase. Pinanood lang siya ng dalawa na umalis.

“E di..” bumaling si Andres kay Tor. “.. maghahanap na tayo ng ibang bassist?”

“Hindi, ‘no!” nasa tono ng pananalita ni Tor ang kumpyansa. “Si Sage pa rin ang kukunin natin.”

“Pano, e ayaw nga pumayag nung tao na tumugtog kasama mga lalaki? Ganun ba talaga yun? Kapag nasa all-girl band, automatic na banned ka nang lumapit sa lalaki?”

“Hindi naman. Siya lang siguro yung tipo na may ganung paninindigan.”

“Anong ‘ganun’ na paninindigan?”

“Yung isusulong niya ang mga babae sa mundo ng pagbabanda, na mas susuportahan niya ang mga babaeng tumutugtog kaysa sa mga lalaki.”

“Ah.. E ano na plano natin niyan?”

“Pupunta tayo sa isang gig nila. Baka sakaling may magawa pa tayong paraan para mapilit natin siya.”

“E san naman yung gig na ‘yon?”

“Basta somewhere..”

“Somewhere down the road?”

“Somewhere in Marikina, adik. Sa Jam-in resto bar.”

“Ang corny naman ng pangalan ng resto bar na ‘yon.”

“Hay nako! Basta bukas, pupunta tayo.”

“Teka! San mo naman nalaman kung saan at kelan sila tutugtog?”

“Sa Facebook. Friend ko siya e.”

“Ah.. astig talaga Facebook. Parang bolang kristal. Lahat, alam.”

“Andres, mag-focus ka naman sa goal natin. Di ba gusto mo magkaroon ng magaling na kabanda? O ayan! Si Sage ang una nating target. Kelangan natin siyang mahakot.”

“Sige, pare. Pero bago muna ang lahat, umalis na tayo. Kinikilabutan talaga ako dito.” Sa sinabi ni Andres ay nagsimula na silang maglakad. “Sabi na nga ba tama yung kutob ko e.”

“Na ano naman, pare?”

“Na astigin si Sage. Alam mo ‘yun pare? Meron siyang ganung awra e.”

“Hehe.. astig nga talaga si Sage. Mabangis yan mag-bass.”

“Talaga? Kelan mo siya narinig?”

“Nung minsang nagkukwentuhan kami sa interview.” Totoo ang sinasabi ni Tor. 

Marso noong fourth year high school pa sila Tor. Nasa second floor ng library ang mga high school students na nakapasa sa admission test ng PNU nung araw na iyon. Parang naghihintay lamang kanilang turn sa job interview ang mga PNUan hopefuls. Si Tor na matahimik lamang na naghihintay ay hindi sinasadyang marinig ang payabangang nagaganap sa pagitan ng mga katabi niya sa pila.

“Sayang naman sweldo ko ngayon. Hmp!”, sabi ng isang babaeng maikli ang buhok at pandak na kanina pa pinagmamayabang ang pagiging SK chairman niya. “Kung hindi lang interview ng mga passers ngayon, a-attend talaga ako sa meeting namin ngayon.”

“Kami nga, may practice ng graduation ngayon e.” sinabi naman ng bading na panay ang kwento tungkol sa kanyang mga sinalihang quiz bees sa kung saan-saang panig ng Pilipinas. “Excited na talaga akong i-recite yung salutatorian speech ko.”

Pinagdiskitahan naman ng dalawang hambog ang kanilang mga interview form dahil nakasulat sa itaas na bahagi ang kanilang mga scores sa admission test ng unibersidad.

“89 out of 150 ang nakuha mo sa entrance test?” tinanong ng bakla sa babae nang silipin niya ang interview form nito. “Ang taas naman.”

“Thank you.” Buong pagmamalaki ng babae sa kanyang pasasalamat. “E ikaw naman, anong score mo?”

“Uhm.. mababa lang. 101 out of 150.” Sabay ngiti ng plastic na ngiti ang bakla. Napataas ng kilay ang babae dahil napahiya siya.

Napansin ng dalawa ang isang babaeng nananahimik lamang sa kanyang kinauupuan at tinititigan ang sariling interview form. Naisip ng dalawang burangas na siya naman ang puntiryahin at baka sakaling mawindang ito sa kagalingan nila.

“Hi!” sabay na binati ng dalawa ang tahimik na babae. Ang babaeng nananahimik ay kanina pa naririnig ang usapan ng dalawa. Wala sa kanyang kagustuhan ang kausapin ang ni isa sa kanila kaya ngumiti na lang siya.

“Ikaw ate..” tawag sa kanya ng bading. “Anong score mo sa PNUAT?”

“Uhm.. di ko alam e.”

“Andyan sa form mo, ate. Tingnan m-“, habang tinuturo ng dalawa sa babae kung saang banda makikita ang score ay napahinto sila. Hindi sila nakapagsalita at umupo na lamang sa kanilang mga silya.

Naintriga din si Tor sa babaeng nananahimik magmula noong nagkatabi sila, kaya gumawa na rin siya ng paraan upang i-approach ito.

“Ate, pwede patingin ng score mo?” sa sinabing ito ni Tor ay malugod namang pinahiram ng babae ang kanyang form. Lumaki ang mga mala-almond na mata ni Tor sa kanyang nakita.

“Bakit, kuya?” tinanong ng babae na saka lamang nagsalita nang mapansin ang pare-parehong reaksyon ng mga katabi niya.

“Astig! 132 over 150 ang nakuha mo sa PNUAT. Ang gara mo, ate!”

“Talaga?” kinuha niya muli ang kanyang form at saka niya napansin ang numerong 132 na nakasulat sa ilalim ng kanyang pangalan. Pinagkamalan niya itong call number ng mga interviewees.

“Buti na lang ate, hindi ka mayabang.” Binulong ni Tor sa babae. “Di tulad nung dalawang ‘yun.”

“Hehe.. wala naman akong ipagmamayabang e. Kaya hindi na ako nakipagsabayan sa kanila.”

“Oy, meron ah! Etong score mo. Sampal mo sa mga mukha nila.” Natawa ang dalaga sa sinabi ni Tor sa kanya.

“Haha! Bakit ikaw, ano ba score mo?”

“101 over 150. Kaso ayokong sabihin sa kanila. Baka sabihin nung bakla, ka-level ko siya. Asa!” lalong natawa ang dalaga sa mga banat ng kanyang katabing binata.

“Ako nga pala si Sage.” Pakilala ng dalaga sa katabi niya sabay abot ng kanyang kanang kamay.

“Ako naman si Victorino.” Nakipagkamay naman ang binata sa kanya. Napansin niyang nag-iba ang ekspresyon ng mukha ng babae nang marinig ang kanyang pangalan.

“Victorino?”

“Yep. Panget ba?” may bakas ng pangangamba sa mukha ng binata. Muli ay natawa ang dalaga sa kanya.

“Hindi. Masyado lang mahaba. Wala ka bang nickname?”

“Meron. JR tawag sa ‘kin sa bahay. Kasi Junior ako.”

“Hmm.. ang common masyado ng ‘JR’ e.”

“E ano itatawag mo sa ‘kin?”

“Tor na lang.” nakapag-isip kaagad ang babae ng palayaw.

“Wow! Tor.. astig yun.”

“Sige ha.. pag magkikita tayo, Tor ang itatawag ko sa’yo.”

“Payag ako dyan, Sage.” Natigil ang kanilang usapan nang makarinig sila ng bass riff. Akala ni Tor ay may nagsa-sound check kaya hinanap niya kung saan ito nanggagaling. Nilabas ni Sage ang kanyang cellphone at tiningnan ang natanggap niyang message. Nalaman na rin ni Tor kung saan nanggagaling ang kanyang naririnig.

“Akala ko may tumutugtog na. Ringtone mo lang pala. Ano’ng kanta ‘yon?”

“Uhm.. wala lang. Basta riff na inimbento ko lang. Tapos ni-record ko.”

“Weh?” nagulat si Tor sa sinabi ni Sage. “Ikaw lang gumawa no’n?”

“Oo nga. Ayaw mo maniwala? Hehe.”

“Hindi ah.. ang galing nga e. Ano ba mga tugtugan mo?”

“Uhm.. di naman talaga ako tumutugtog. Kakaaral ko pa lang mag-bass.”

“Weh? Kakaaral mo lang sa lagay na ‘yon? Galing mo! Ano madalas mo pinapakinggan?”

“Hmm.. sa ngayon, nakikinig ako ng Dictalicense. Ang galing kasi ni Kelly Mangahas.”

“Oo! Tsaka ni Boogie Romero.”

“Di ba, sa Kjwan din sila?” at nagkwentuhan lang ang dalawa tungkol sa mga paborito nilang banda. Doon nagkakilala sila Tor at Sage, at doon din nakuha ni Tor ang kanyang kakaibang palayaw.

--

Dumating sila Andres at Tor sa Jam-in resto bar ng alas-nueve ng gabi. Makakarating sana sila ng mas maaga kung hindi ganoon kahirap ang makipagnegosasyon sa mga magulang ni Andres.

Pinagmasdan ni Andres ang paligid. Namataan niya ang cocktail bar, mga bar tenders, mga waiters na nagsisipuntahan sa mga table ng customers, mga inihaw na pagkain at samo’t saring inumin. Unang beses pa lang niya makapasok sa ganitong lugar para manood ng mga banda. Hanggang production at battle lang siya.

“Ayoko sa mga ganitong lugar. Mapipilitan ka raw gumastos dito sabi ng Ate ko.”, sinabi ni Andres habang naghahanap sila ng mesa.

“Kahit ako rin. 60 pesos para sa isang baso ng iced tea? Kamusta naman ‘yon?” sinabi naman ni Tor. Nakahanap rin sila ng isang available na table. Maganda pa ang pwesto dahil malapit lang ito sa stage.

“Sus! Kaya mo namang bumili ng gano’n. Sindikato nga tatay mo, di ba?.” Umupo na ang dalawa. Tumitingin-tingin si Andres sa paligid. Napasulyap siya sa entrance ng bar na may apat na babaeng papasok. Ang apat na babae ay may mga dalang bahay ng gitara at drumsticks. Sinalubong sila ng lalaking naka-polo shirt at mukhang foreman.

“Tor..” kinalabit ni Andres si Tor habang ito ay nagpapakuha ng order sa waiter “.. sila na ata ‘yon e. Yung nasa may entrance.”

“Asan?” hinahanap ni Tor ang sinasabi ni Andres hanggang sa makita na rin niya ang grupo ng mga babae na nakikipag-usap sa isang lalaki na sa hinuha niya ay ang manager ng resto bar.

“Di ba, si Sage nga? Mukhang Barbie doll naman yung mga kasama niya.”, dumating ang waiter na may dalang dalawang baso ng iced tea at isang platong may apat na nakatuhog na barbecue. Nilapag niya sa mesa nila Tor. Agad namang kumuha ng isang barbecue si Andres.

“Hindi kaya. Mukha silang Bratz.” At gayon nga na mukha silang mga usong manika na may maliliit na katawan, malaking ulo at makapal na labi. Hindi ganoon kadilim ang resto bar sa loob kaya naaninag nila ang itsura ng mga kabanda ni Sage. Ang isa ay daig pa ang payaso sa kapal ng make-up niya, violet ang drama niya – violet eyeshadow, violet guitar case, violet earrings, violet skirt. Ang isa naman ay hanep sa pagka-straight ang buhok. Sumusunod sa kanyang galaw at sumusunod din sa payo ng mga taga-parlor. At ang isa ay busy ang mga kamay. Sa kaliwa, hawak niya ang kanyang mga drumstick. Sa kanan naman, hawak niya ang kanyang cellphone. Inudlot pa niya ang manager sa pagsasalita nang pinahawak niya ang kanyang drumsticks. Tumatawag kasi ang boyfriend niya sa isa pa niyang cellphone at kailangan niya sagutin ito dahil ito raw ay “urgent”.

Kung mumuntakin, si Sage lang ang naiiba sa kanilang lahat. Siya lang ang walang make-up. Ang kanyang pang-ibaba ay lumampas naman sa isang dangkal, di tulad ng mga kabanda niya. At tahimik lang siya. Hindi masyadong nagsasalita.

Matapos ang mahabang negosasyon ay umakyat na ang banda ni Sage sa entablado. Nagsimula na silang mag-set up, kahit ang katunayan ay si Sage lang ang nag-aayos ng mga gamit nila. Habang si Sage ay nagtotono ng mga gitara at sinasaksak ang kanilang mga jack sa tamang amp, ang kanyang mga kabanda ay busy sa pagme-make up, pagte-text at pagkagat ng kuko na may nail polish pa.

Natapos na rin si Sage sa pag-aayos ng gamit ng mga kabanda niya at pinagkaabalahan naman niya ang kanyang sariling bass guitar na katulad niya lamang pagdating sa itsura, simple lang pero iba ang dating. Habang nagtotono si Sage ay lumapit sa mikropono ang babaeng makapal ang make-up dala-dala ang kanyang violet guitar na may magenta na guitar sash. Bago pa man siya nagsalita ay nagkaroon ng malakas na feedback na sobrang sakit sa tainga. Sinenyasan siya ni Sage na medyo ilayo ang gitara mula sa mikropono na siya namang ginawa nito.

“Hi Guys!”, sabi ng babaeng makapal ang make up. Pa-cute siya sa harap ng tao na kinagiliwan naman ng mga lalaking nasa audience. “Kamusta naman kayo?”

Sumagot ng ‘okay lang’ ang mga binatang customers, maliban na lang kila Tor at Andres. Natuwa naman ang babae at nag-giggle na parang bata.

“Buti naman kung gano’n. Ako nga pala si Yasmin, ang vocalist at nasa rhythm guitar. Eto ang lead guitarist namin, si Cloe.” Tinuro niya ang babaeng sobrang straight ang buhok. “Si Jade, yung drummer namin.” Tinuro niya ang babae na hanggang sa stage ay nagte-text pa rin. “At si Sage, yung may guitar na apat yung strings. Kami nga pala ang Kawaii.”

“Ano ba ‘yan? Pa-tweetums masyado yung band name nila. Tsaka miski tawag sa bass guitar, hindi man lang alam.” Inis na inis si Andres. Si Tor naman ay tumatawa na parang asong ulol ngunit nagpipigil pa rin. “Bakit ka tumatawa dyan ha?”

“Hindi mo ba napansin?” pinupunasan pa ni Tor ang luha na nangilid pa sa kanyang mga mata. Umiling lang si Andres sa pagtataka. Lalong natawa si Tor sa kanya. “Pansinin mo kasi mga pangalan nila, pwera lang kay Sage.”

“Yasmin, Cloe, Jade. O, ano ngayon?”

“Di ba pangalan ng mga manika ng bratz? Cloe, Yasmin, Jade. Di ba? Kulang na lang yung Sasha.” natawa ulit si Tor sa sinabi niya. Hindi na lang pinansin ni Andres ang sinabi ni Tor at tinuon ang pansin sa stage.

Nagwakas na rin ang tila walang humpay na pagpapa-cute ng vocalist sa mga audience. Binilangan ng drummer ang gitarista gamit ang drumsticks. Pagkatapos ng 1, 2 , 3, nag-intro na ang gitarista. Nagsimula na rin ang tunog ng bass drum na siyang intro ng kanilang first song.

Nalimutan mo na ba ang daang pinagmulan, ng saya sa iyong ngiti habang tayo'y magkatabi .Wala namang masama sa kung paano tumugtog ang Kawaii. Marunong, pero hindi magaling. Ngunit, naaatat na si Andres na marinig si Sage na tumugtog. Hindi pa naman lalabas ang bass sa parte ng kantang iyon ng Moonstar 88 kaya hindi muna siya gumagalaw.

Nais kong hawakan ang ang 'yong kamay, oh ka'y gaan. 'Ni aninong nahuhuli, nahihiya sa'yong lambing. At dito na lumabas si Sage. Nakita pa lang ni Andres na i-slide ni Sage ang kanyang daliri sa string ng kanyang bass guitar ay naastigan na siya.

Tadhana bakit ka nakita. Tinugtog na ni Sage ang pamilyar na bass riff sa bandang ito ng kanta. At sa sandaling iyon, naalala ni Andres si Tony Kanal ng No Doubt na may kaparehong style. Nag-level up ang kanyang paghanga kay Sage. Isa na siyang “ultimate idol” para kay Andres.

Matapos ang dalawa ang kanta, bumaba na ang Kawaii sa entablado. Dumagsa kaagad ang mga binata sa mga miyembro nito upang kunin ang kanilang number. Si Sage naman ay lumayo sa kaguluhang – at kalandian na rin – nangyayari sa pagitan ng kanyang mga kabanda at ng mga audience. Umupo lang siya sa isang mesa na walang kasama kundi ang kanyang gitara.

“Idol na talaga kita.” Nabasag ang sariling katahimikan ni Sage nang bigla siyang tawagin ng ganito ni Andres. Lumapit siya, kasama si Tor, sa table na pinaglalamayan ni Sage.

“Nandito pala kayo?” tinanong ni Sage ng may pagtataka. Nahihinuha na niya kung ano ang dahilan para pumunta ang dalawa sa gig ng banda niya.

“Grabe, Sage. NOW, I’m a believer.” Taos-pusong sinabi ni Tor sa kanya. Natuwa naman ang dalaga sa papuri ng dalawa at lumabas ang ngiti sa kanyang mga labi.

Magkukwentuhan na sana ang tatlo tungkol sa tugtugan ng Kawaii nang lumapit ang tatlo pang mga miyembro nito.

“Sage, magkakilala kayo?” sabi ng vocalist nilang si Yasmin na pinipilit ilabas ang dimple na wala naman sa mukha niya.

“Uhm.. oo.” Sagot ni Sage. “Girls, eto nga pala si Andres tsaka si Tor, mga school mate ko sa PNU. Guys. Mga kabanda ko, sila Yasmin, Cloe at Jade.”

“Hi Tor!!” sabay-sabay nilang sinabi, gayon din na sabay-sabay nilang inabot ang kamay nila para makipagkamay kay Tor.

“Tor, sama ka naman sa ‘min sa bar.” Ang aya ni Cloe na nagbi-beautiful eyes pa. Gusto sanang sumigaw ng ‘saklolo’ si Tor ng sobrang lakas ngunit ayaw naman niya ng gulo.

“Kaya nga, Tor.” Hinawakan naman ni Jade ang kamay niya. “Libre ka namin ng drink.”

“Hehe. Nakakahiya naman sa inyo.” Kabisado na ni Tor ang mga ganitong style ng mga ganitong babae. At ang lagi niyang ginagawa ay sinasakyan niya muna sa una saka aayaw kapag lumalampas na. Tumayo na lang siya at sumama sa tatlong babae papunta sa bar.

“Ibang klase rin mga kabanda mo ha.” Sabi ni Andres kay Sage nang maiwan na lang silang dalawa sa table.

“Madalas.” Sagot ni Sage. Madalas kahit palagi naman talaga. “Sanay na ako sa mga ‘yon.”

“Sanay ka na inaabandona nila? Ayos!” sarkastikong wika ni Andres.

“Wala naman akong magagawa e. Mga kabanda ko sila.”

“Nge! Bakit mo ba kasi sila naging mga kabanda?”

“Wala kasi silang bassist. Kaya ako kinuha nila. Sabi nila, papatunayan namin sa iba na kaya ring makipagsabayan ang mga babae sa tugtugan.”

“Wow ha. Ang gandang paninindigan no’n.”

“Anong ibig mong sabihin don ha?”

“Alam mo, kung ako ang tatanungin, mukha kayong mga all-girl band sa Japan. Yung matitinis yung mga boses kapag nagsasalita tapos pinapakita yung sungki sa mga ngipin nila, parang si Zenki.”

“Weh? Gano’n kami?” tumango si Andres bilang pagsang-ayon.

“Hindi ka bagay sa banda nila. Pramis!”

“E sa’n naman ako pupunta? Wala namang kukuha sa ‘kin e. Kasi babae ako.”

“90’s pa yung mga ganung pananaw. Ang daming makikisig na mga babae sa bandang puro lalaki. Tamo, sila Lalay Lim, Myrene Academia, Armi Millare, Ria Bautista. Di ba?”

“Kaso wala ngang kukuha sa ‘kin. Di naman ako maganda, o sexy, o cute, o madating. Malabo mangyari ‘yon na magkaroon ako ng mga kabandang lalaki.

“Bakit kami ni Tor? Kinukuha ka namin, di ba? At yung mga binanggit mo kanina, hindi ‘yon ang batayan namin. Basehan namin ang pagmamahal mo sa pagtugtog, kaya gustong gusto ka naming maging bassist. Tsaka, ano ba talaga ang purpose mo sa kasalukuyang banda mo?” Hindi nakapagsalita si Sage. Hindi man lang niya matingnan si Andres na kanina pa sinapul ang dalaga sa mga sinabi niya. Si Andres naman ay napabuntong-hininga na lamang at dinukot ang cellphone mula sa bulsa niya. “Bluetooth-an kita.”

“Ano kamo?” sabi ni Sage na akala ay nakirinig ng bastos mula kay Andres.

“May ipapasa ako sa cellphone mo. May Bluetooth ka ba?

“Meron. Bakit?”

“Buksan mo.” Ginawa nga ni Sage ang sinabi ni Andres. Binuksan niya ang kanyang Bluetooth. Matapos ang ilang pindot ay naipasa na niya ang kung ano mang ipinasa ni Andres sa cellphone ni Sage.

“Ano ‘to?” tinanong ni Sage habang pinapanood si Andres na tumayo mula sa kanyang kinauupuan.

“Basta, pakinggan mo. Pag hindi pa nagbago isip mo, ewan ko na lang.” iniwan na ni Andres si Sage. Pumunta siya sa bar at hinatak si Tor sa braso. Umalis na sila ng resto bar dahil baka pugutan siya ng ulo pagdating niya ng bahay.

Tinitigan ni Sage ang LCD ng phone niya. Nagpunta siya sa received files na folder ng kanyang multimedia menu sa cellphone. Binuksan niya ang item na pinasa ni Andres.

“A call to arms?” pagkakabasa ni Sage sa title ng MP3 na pinasa ni Andres. Hindi pa niya naririnig ang kanta kaya medyo naintriga siya. Kinuha niya ang kanyang earphones, sinaksak sa plug at pinakinggan ang mga kanta sa kanyang music library at ang pinasang kanta ni Andres bilang una sa mga pinapakinggan niya.

--

Gumagala sila Andres at Tor sa ground floor ng SM. Masyadong mainit ang klima sa mga panahong iyon kaya sila ay nagpalamig muna sa mall.

“Kawawa ka naman sa mga babaeng ‘yon.” Sinabi ni Andres habang naglalakad sila na nakahawak pa sa sukbitan ng kanyang backpack. Pinag-usapan nila ang tungkol sa ginawang panghu-hook up ng mga kabanda ni Sage kay Tor sa gig nila nung isang gabi.

“Talaga!” sinabi ni Tor na nakapamulsa naman habang naglalakad. “Nakakakilabot e. Alam mo ‘yon? Yung isang mukhang clown, grabe e! Feeling ko, didilaan na no’n yung tenga ko nung bumubulong-bulong siya sa ‘kin. Eww! Apat na beses yata akong naligo no’n pagkauwi natin.”

“Yun yung mga tinatawag na ‘liberated’.”

“Liberated? Liberated from the mental hospital.” Natapat ang dalawa sa Dunkin Donuts sa kanilang paglalakad sa kawalan. Namataan nila doon si Sage kasama ang kanyang mga kabanda na nag-uusap.

“Di ba sila Sage ‘yon?” paniniguro ni Andres. Nang matingnan ni Tor ng mabuti ay nanakbo siya ng mabilis. Natakot siya na baka gawin na naman sa kanya ang pangmomolestiyang ginawa sa kanya ng mga babaeng iyon. Pumasok naman si Andres sa loob para bumili ng kanyang favorite na choco butternut doughnut at iced choco.

“Hi Andres.” Binati siya ni Sage pagkalapit nito sa counter.

“Uy, Sage!” binati rin ni Andres ang dalaga. “Nakita ka namin ni Tor ngayon lang e. Kasama mo pala mga kabanda mo.”

“Talaga?” tiningnan ni Sage ang paligid ni Andres. “Nasa’n si Tor?”

“Huh? Uhm.. Nanakbo e.”

“Ganun? Nakita niya siguro mga kabanda ko kaya gano’n.”

“Pa’no mo naman nasabi?”

“Nakwento kasi ng mga kabanda ko yung ginawa nila kay Tor. Tsaka kahit ako man, kikilabutan din sa mga ‘yon.”

“Hehe. Traumatic nga daw e. Nga pala, anong ginagawa niyo?”

“Uhm.. wala lang, parang band meeting.” Tumango-tango si Andres sa sagot ni Sage. “It’s my last.”

“Weh?!” medyo natagalan pa si Andres sa pagproseso ng sinabi ni Sage dahil sa nag-English pa ito at dahil sa nananabik na rin itong kainin ang kanyang doughnut. “Bakit naman? Tinanggal ka nila?"

“Hindi ‘no. Ako ang kumalas.” Sagot ni Sage na may ngiti pa sa kanyang mukha.

“Weh? Pa’no?” lumabas silang dalawa ni Sage ng Dunkin Donuts at doon niya kinuwento.

Ilang sandali bago noon, nag-uusap muna ang tatlong kabanda ni Sage, habang siya ay kumakain ng kanyang Bavarian doughnut nang matahimik.

“Ang cute nung Tor, ‘no?” sinabi ni Jade habang kinakalikot ang kanyang cellphone.

“Oo nga e. Ibibigay na sana niya yung number niya kaso hinila naman siya nung kasama niya tapos umalis na sila.” Sinabi naman ni Yasmin na nakaharap sa salamin ng kanyang compact powder at naglalagay ng lipstick.

“Alam nyo, nasanggi ko birdie niya e. Pero ang totoo talaga, hahawakan ko sana siya.” Banat naman ni Cloe sabay ang isang pilyang hagikgik. “Sage, ganun ba talaga mga guys sa school nyo? Wholesome?”

“Di rin.” Hindi na makain ni Sage ang huling kagat ng doughnut niya gawa ng pinag-uusapan ng kanyang mga kabanda. “Bakit nga pala kayo nagpatawag ng band meeting?”

“Kasi, may sasalihan tayong battle of the bands.” Sagot ni Yasmin sa kanya.

“Yup. Intercollegiate battle siya called ‘Clash of the Real Titans’. Lahat ng college, pwedeng sumali basta within the Metro.” Sabi naman ni Cloe.

“And, I’m guessing that we’re gonna represent your school?” tinanong ni Sage. Tanggap naman ni Sage na ganoon ang mangyayari. Sa kanilang apat, siya lang ang taga-PNU at lahat sila ay taga-private university.

“Tama!” sagot ni Jade. “Kaya kami nagpatawag ng band meeting.”

“Kaya nga. Alam ko.” Kahit ganoon, natuwa pa rin si Sage sa gesture ng kanyang mga kabanda. Heto na siguro ang unang tugtog nila na seseryosohin ng BUONG banda. “So, ano iko-cover nating kanta?”

“Saka na natin pag-usapan ‘yan.” Sagot ni Yasmin habang pinagmamasdan ang sarili sa repleksyong nakikita niya sa kanyang coffee.

“Huh? Akala ko nagpatawag kayo ng band meeting para sa battle.” Sinabi ni Sage. Nagkaroon siya ng pagtataka sa kanyang mukha.

“Kaya nga. Pag-uusapan natin yung outfit natin.” Sinabi ni Cloe sa kanya.

“Wait. Outfit as in.. costume?” paniniguro ni Sage sa kanila.

“Hmm.. Parang gano’n.” sabi ni Jade habang kinakagat pa ang daliri.

“Yeah. We’re thinking na magsuot tayo ng school uniform na parang sa Japan.” Sinabi ni Yasmin sa kanila.

“Yup. Either bumili tayo or magpagawa tayo.” Sabi ulit ni Cloe.

“Saglit lang. Para saan yung mga costumes ha?” sumingit sila Sage sa kanila.

“For audience appeal. Magugustuhan tayo ng maraming tao kapag nag-costume tayo ng gano’n.”

“Ah ganon?” unti-unti nang pumapanget ang mood ni Sage. “Ano ba ang dahilan at gusto niyong sumali sa battle na yan?”

“Well, duh! Battle of the bands equals to guys. So, so many guys.” Paliwanag ni Cloe sa kanya.

“Yeah!” sumang-ayon naman si Yasmin. “And kapag nanalo tayo sa battle, guys will think we’re the hottest thing!”

Natawa si Sage sa kanyang sarili. Akala niya, may pag-asa pa ang kanyang mga kabanda. Wala na pala. Naisip niya na napakatanga niya para magpauto sa mga babaeng mas mababa pa ang IQ kaysa sa kanya. Ang habol ng mga babaeng ito ay malayo sa habol niya sa pagbabanda. Hindi na ito pwedeng tumagal pa, sabi niya sa kanyang sarili. Sobra na ito.

Sa gitna ng usapan nila Yasmin, Cloe at Jade, tumindig si Sage at inayos ang kanyang sarili. Kinuha niya ang kanyang backpack na nakalapag sa upuan.

“Oh, sa’n ka pupunta?”, tinanong ni Cloe sa kanya.

“Aalis na.” sagot ni Sage na hindi man lang makatingin sa kanila sa sobrang asar.

“Bakit ha?” si Yasmin na medyo may alam sa buhay ay nakakaramdam sa nangyayari.

“Nakakasawa na. Sobra. Sawang-sawa na ako na lang yung nagtatrabaho tapos kayo puro.. puro..” ayaw man sabihin ni Sage pero heto talaga ang gawain ng mga kabanda niya kaya pinuwersa niya ang sarili niya. “Paglalandi! Puro kayo ganon. This was never about the music for you three.” Nagulat ang tatlo sa mga sinasabi ng kanilang bahista. Hindi nila matanggap na pinapamukha sa kanila ang gawain nila. Hindi sila handa. “Also, sawang sawa na rin ako sa pagtrato nyo sa ‘kin na parang yaya. Nagmumukha man akong katulong sa Greenhills dahil sa uniform ko pero mas may breeding pa ako kaysa sa inyong tatlo na pinagsama.”

“Ang kapal mo naman!” nagtaas ng boses si Yasmin.

“Alam ko! At nalulungkot ako sa sarili ko kasi pinagtiyagaan ko maging kabanda ang mga mahaderang katulad niyo ng halos dalawang taon. ” Hindi pa rin natinag ni Yasmin ang tapang ni Sage. Tinitigan niya ng mabuti ang mukha ng kanyang mga kagrupo sa huling pagkakataon. “Di bale. Di na madadagdagan ang dalawang taon na ‘yon. Kasi, I QUIT!”

“Di ka pwede mag-quit!” sinabi ni Cloe kay Sage nang may pagmamataas.

“Really? Watch me.” Nagsimula nang maglakada palayo si Sage.

“Sa tingin mo,” sigaw sa kanya ni Yasmin. “may kukuha sa ‘yo?”

Hindi nakasagot si Sage. Nahinto siya sa paglalakad. Tumingin siya sa clear-glass window ng Dunkin Donuts at doon niya nakita ang sagot sa patutyang tanong ng babae. Naalala niya nung isang gabi na nagpasa ng kanta si Andres sa kanyang cellphone. Noong pauwi na ang Kawaii na nakasakay sa van, pinaulit-ulit ni Sage ang kantang ‘A Call To Arms’ ng Urbandub habang nakangiting pinapakinggan ito. Pakiramdam niya, siya ang tinutukoy sa kantang ito.

you take the chances, fuck the consequence, dive right in with no regrets.

Isang malaking sampal sa kanyang mukha. Patuloy siya sa pakikinig at naramdaman niya ang mapilit na si Andres nang marinig na ang mga linyang ito.

you carry all the weight coz you think you’ve got no worth, I’ll be happy come the moment you’ve guessed it all.

Sila Andres at Tor ay malakas ang pananalig sa kanya at hindi niya ito pinapansin. Nagsisisi siya dahil hindi niya kaagad pinagbigyan ang dalawa. Ngumiti si Sage at hinarap ang taong nangahas magtanong sa kanya.

“Oo, meron. At lalampasuhin namin ang Kawaii.” Pumunta na sa counter si Sage para lapitan si Andres. Saka ikinuwento ang pangyayaring iyon sa kanya. Napakagaan ng pakiramdam ni Sage ng mga sandaling iyon. Palagay niya ay natanggalan siya ng malaking bara sa kanyang lalamunan. Sa unang pagkakataon, taas-noo siya at hindi nakayuko, nakangiti siya at hindi naasimangot, may buong pagmamalaki at hindi nahihiya. At lahat ng iyon, pasasalamat niya kay Andres.

“Idol na talaga kita, Sage. As in! As in, as in!” Sinabi sa kanya ni Andres habang nagba-bow pa tulad ng mga tao sa Japan.

“Tigilan mo nga ako.” Sabi ni Sage na bahagyang natatawa. “Kung wala kayo ni Tor, hindi ako maglalakas ng loob na gawin ‘yon.”

“Samahan mo naman ako sa third floor.” Inaya ni Andres si Sage.

“Bakit naman?”

“Doon nagtatago si Tor e.”

“Hehe. Adik?”

“Teka! E di ibig sabihin no’n, sasali ka na banda namin?”

Ngumiti at tumango si Sage. Tumalon naman sa tuwa si Andres.

“Astig, astig.” Sinabi ni Andres pagkasakay nila sa escalator.

“Uhm.. salamat nga pala sa wake-up call na binigay mo.”

“Huh? Anong wake-up call?” nagtaka si Andres.

“Yung kanta. Yung kanta na pinasa mo sa cellphone ko.”

“Ah.. wala ‘yon. Trip ko din kasi Urbandub. Uy! Bili ka ng album nila ha. Apparition. Astig!”

“Daig mo pa ang manager kung makapag-promote ha. Hehe.”

Nakita na ng dalawa si Tor na nasa tapat ng Waffle Time. Pinamahagi ni Andres sa kanya ang mabuting balita na siyang dahilan kung bakit nabulunan si Tor. Inaya ni Sage ang dalawa na bumili ng inumin. Sa wakas, nakahakot na sila ng isang bahista. Kailangan pa nila ng isang guitarist at isang drummer. One down, two to go.

--

No comments:

Post a Comment