SA SM MANILA. Gumagala sila Andres, Sage at Tor dito dahil maulan at naabutan sila nito sa main entrance ng mall kaya tumuloy na sila sa loob. Medyo basa pa ang kanilang mga uniform sa pagpasok nila.
“Anong ginagawa mo?” Tinanong ni Tor kay Sage nang mapansin na may dinudungaw sa mga shop na nadadaanan nila habang sila ay naglalakad.
“Hinahanap ko yung color green na blouse na nakita ko dito nung isang araw.” Sagot ni Sage sa kanya. “Nakalimutan ko na kung saan ko siya nakita e. Pag nahanap ko yun, aayain ko si Mommy na mag-shopping.”
“Alam mo, pag ganyan ako na may dinudungaw sa mga tindahan, pinapagalitan ako ng Mama ko. Sabi niya, nagmumukha daw akong nagwi-window shoplift.” Kwento ni Andres sa kanila.
“Window shoplift?” hindi lubos maisip ni Sage kung paano gumagana ang window shoplifting na sinasabi ni Andres.
“Oo. Di ba kapag nag-window shopping ka, tinitingnan mo muna yung mga gusto mong bilhin? Parang ganun din yung window shoplifting. Kaso tinitingnan mo naman yung mga gusto mo nakawin.” Paliwanag ni Andres sa dalaga. “ Gets mo?”
“Alam mo, Sage..” sabi ni Tor sabay tinakpan ang mga tainga ni Sage. “Wag kang makikinig dyan. Nababangag lang ‘yan.”
“Way ahead of you.” Tinanggal naman ni Sage ang kamay ni Tor sa mga tainga niya. “Nga pala. May good news ako sa inyo. Nakahanap ako ng potential drummer natin.”
“Talaga?” Ika ni Andres. Nahinto muna ang tatlo sa paglalakad nang matapat sa isang ice cream shop sa fourth floor ng mall. Nagpunta sila sa counter para umorder. “Sino naman?”
“Soc sci major siya.” Sagot ni Sage. Kinuha niya ang 200-peso bill mula sa kanyang wallet. “Basta nakwento lang sa ‘kin ng dati kong kakilala na may drummer don sa Soc Sci department.”
“May banda siya?” Nilabas naman ni Tor ang kanyang 500-peso bill. Si Andres naman ay naglabas ng tatlong 50-peso bill.
“Wala e. Pero tumutugtog siya sa church nila regularly.”
“Ah.. Nakausap mo na ba siya?”
“Hindi pa nga e. Ang hirap kasi niya matiyempuhan sa school.”
“E panu naman natin siya makakausap?”
“Iniisip ko nga na puntahan natin siya sa church nila. Sa may Delta lang ‘yon. Sa may Quezon Ave.”
“Sige sige. Kelan naman tayo pupunta?”
“Bukas. Tamang tama, wala namang pasok. May worship sila ng 2 to 4 pm.”
“Teka, teka!” Sumingit si Andres. Nakuha na nila ang inorder nilang cookies and cream na ice cream mula sa counter. “San mo naman ‘to nalaman, Sage?”
“Facebook.”
“Hmm.. iba na talaga nagagawa ng Facebook ngayon.”
Umalis na sa ice cream store at nagpatuloy sa paggagala sa loob ng mall.
--
Sa isang gusali sa Delta, sa ikatlong palapag nito nagtungo sila Sage, Andres at Tor. Pinagmasdan nila ang bawat isa sa kanilang mga suot. Si Sage ay naka-floral na palda na lampas hanggang tuhod, naka-blouse na may kwelyo, di-butones at may manggas na abot sa siko at may sandals na kulay ginto. Sila Andres at Tor naman ay parehong naka-polo shirt, slacks at black shoes. Nagkaiba lang sila sa disenyo,ang polo ni Andres ay checkered habang ang polo naman ni Tor ay may vertical stripes. Gusto na sana ni Sage na umakyat sa susunod na palapag upang makapasok sa church na balak nilang puntahan ngunit hinihintay pa niyang humupa ang tawanan at insultuhang nagaganap sa pagitan ng dalawa niyang kasama.
“Si Andres, parang pupunta ng kumpil.” Sinabi ni Tor na busog na busog sa halakhak.
“Si Tor naman, mukhang bibinyagan.” Sabi naman ni Andres na nangingilid na ang luha sa sobrang tuwa.
“Si Andres, kumuha pa ng polo ng patay.”
“Si Tor naman, kumuha naman ng polo ng bakla.”
“Alam mo Andres, may kamukha ka?”
“Sino?”
“Yung driver ng jeep na sinakyan ko kanina.”
“Ah.. ikaw rin, Tor. May kamukha ka.”
“Sino naman?”
“Yung kundoktor sa sinakyan kong bus kanina.” Tumigil na ang dalawa sa pag-aasaran at nag-concentrate na lang sa tawanan. Pero nahinto ang kaligayahan nang mapansin si Sage na nakatingin ng masama sa kanila.
“Tapos na kayo?” Banat ni Sage habang naka-cross ang kanyang mga braso. Bumalik na sa katinuan ang dalawa.
Umakyat ang tatlo sa sumunod na palapag. Nasalubong nila ang isang babaeng nakaantabay sa may pintuan. Nakadamit din siya na tulad ng kay Sage. At may ngiti na nagsasabing ‘halina kayo at tumuloy sa aming sangktwaryo’.
“Hello, brothers and sister.” Binati silang tatlo ng parang receptionist ng simbahan. “I am Grace. Welcome to Jesus Christ is Our Savior Church. Ngayon ko lang kayo nakita. Taga-ibang Church ba kayo?”
“Hindi po. Taga-PNU po kami.” Sagot ni Tor. Natawa naman si Andres sa sagot ni Tor.
“Uhm.. mga Catholics po kami. Wala po kaming nire-represent na Church whatsoever.” Sinagot ni Sage.
“Ah.. well, thank you for visiting our church. Make yourselves at home inside.” Pagkasabi ni Grace sa kanila nito ay pumasok na sila sa loob. Makikita sa loob ng mga nakahilerang monobloc chairs. Nakadamit na parang katulad sa kanilang tatlo ang mga taong nasa loob. Mayroong isang maliit na entablado na may pedestal sa gitna. Sa kaliwang side ng stage, mayroong mga nakalagay na amplifiers, cords at isang drum set.
Naupo silang tatlo sa ikalawang hanay ng mga upuan. Pinagmasdan niya ang nakapaskil sa pader na “Jesus Christ is our Savior. Always believe in Him.”
“Bakit ganon lagi pangalan ng mga simbahan ng Born Again? May pangalan ni Papa Jesus?” Tinanong ni Andres sa mga kasama niya.
“Christian nga sila e. Malaki ang paniniwala nila kay Jesus Christ. Gets mo?” paliwanag ni Tor.
“Bakit? Ganon din naman mga Katoliko ah. Nalilito ako.”
“Ganto na lang ang isipin mo, Andres.” Sabi ni Sage sa kanya. “Iba-iba tayo ng pinaniniwalaan. May mga bagay na pinaniniwalaan natin pero hindi naman nila pinapaniwalaan.”
“Example nga.”
“Example?” Nag-isip muna si Sage. “Di ba tayo, naniniwala na milagrosa si Mama Mary kasi nag-give birth siya kay Baby Jesus. Pero ang iba, naniniwalang isang ordinaryong babae lang si Mama Mary.”
“Hala! Bakit ganon?”
“Eto na nga. Siyempre, kung saang side ka naroon, yun ang paniniwalaan mo. Kung ano man ang paniniwala ng mga tao, hindi na dapat pinapakelaman, lalo na kung maganda ang dinudulot sa kanila at pinapatatag ang connection nila kay God.”
“Kumbaga, wala na lang basagan ng trip.”
“Correct. At, we don’t have to mind the religion. Nasa pananampalataya lang ‘yan. Iisa lang naman ang Diyos natin. Nagkaiba lang sa pangalan.”
Humanga si Andres sa paliwanag ni Sage sa kanya at sinabi sa sarili “Oo nga no? Ang galing talaga ng babaeng ‘to.”
“Ano ba ginagawa dito?” Si Tor naman ang nagtanong. Lahat sila ay unang beses pa lang nakapasok sa isang Christian church kaya marami silang mga katanungan.
“Parang sa simbahan ng Katoliko siguro. Kaso iba sila kung mag-preach. Tsaka walang sign of The Cross. Tsaka mas astig mga kantahan dito. Tsaka mas matagal yung misa. Hehe.” Sabi naman ni Sage. Yaon ay base sa kanyang obserbasyon sa isang Christian church sa kanilang subdivision.
“Galing naman.” Namangha si Tor sa kanyang narinig. “Kaya siguro nahu-hook ang iba sa Christian Rock.”
“Pano ba yung Christian Rock?” Solid Catholic talaga si Andres at todo-suporta sa OPM music kaya hindi niya alam ang Christian Rock. Puro mga foreign acts kasi ang mga kilalang banda sa ganitong kategorya at wala pang mainstream na banda ang alam ni Andres na ganoon ang tugtugan.
“Hillsong lang kasi ang kilala ko dyan e.” Sabi ni Sage. “Di ba sila yung kumanta ng ‘One Way’?”
“Ay oo! Alam ko ‘yon!” Sabi ni Tor. “Di ba merong kantang ‘Adonai’?”
“Adonai, yun yung God sa mga Hebrews, tama?” Ayon sa naaalala ni Sage.
“Ay! Alam ko yon. Ehem ehem.. Adonai, get through the night without you. If I ever live without you, what kind of life would I live?” Sabay tumawa si Andres sa pagkanta niya ng How Do I Live ni Leann Rimes.
“Knock knock ba ‘yan Andres?” Sarkastikong tanong ni Tor sa kanya.
Lumingon si Sage sa likuran. Namataan niya ang isang lalaking maputi, may salamin, may 5’ 8” ang height at maganda ang balikat.
“Siya na yata ‘yon e.” Sabi ni Sage kila Andres at Tor. Papalapit sa stage ang lalaking nakita niya. Umupo siya sa stool na nasa likod ng drums set. Kinuha niya ang drumsticks na nasa ibabaw ng snare. Inayos niya ang mga turnilyo ng mga cymbals. Isa-isa niyang pinalo ang snare drums at cymbals. Tinapakan niya ang pedal ng clappers at bass drum. Inayos niya ang kanyang salamin at kumaway sa ilang babae sa loob ng church.
“Nge! Si Mister Charismatic pala e.” Ika ni Andres.
“Di mo sinabing si Kidron pala kukunin natin.” Sabi naman ni Tor.
“Kilala nyo siya?” Tanong ni Sage sa kanilang dalawa.
“Oo naman.” Sagot ni Andres. “Ka-line kaya namin siya sa SCUAA.”
“Di ko alam na drummer pala siya.” Sabi naman ni Tor.
“Well, he’s our guy.” Wika ni Sage. Pinagmasdan lang nila si Kidron na nag-aayos lang sa kanyang area. Dumating na rin ang iba pang instrumentalists at ang pastor ng simbahan. Lumipas ang ilang minuto at nagsimula na ang kanilang worshipping.
Matapos ang halos dalawang oras na pagkanta, pagpi-preach mula sa pastor, pagsayaw, pagtayo at pagtaas ng kamay, naubos na rin ang mga tao sa loob ng simbahan. Ang natira na lang ay sila Tor, Andres, Sage at ang kanilang ipinunta, si Kidron.
Lumapit ang tatlo kay Kidron habang inaayos niya ang drum set.
“Hi!” unang nagsalita sa kanila si Sage. “Ang galing mo kanina.”
“Wow! Thanks!” natuwa si Kidron sa papuri sa kanya. “Uhm.. parang ngayon ko lang kayo nakita. Taga-ibang church ba kayo?”
“Ay hindi! Taga-PNU kami.” Tumingala si Kidron sa kanila nang marinig kay Sage na galing sila sa iisang pamantasan. Nakilala niya ang dalawang lalaking kasama ng dalaga.
“Uy, Tor, Andres! Kayo pala ‘yan. Sabi na e. Parang nakikilala ko kayo nung tinitingnan ko kayo kanina.”
“Pards,” tawagan ito nilang tatlo noong kasagsagan pa ng SCUAA na naalala ni Andres. “Di mo sinabing drummer ka pala ha?”
“Hehe. Dito lang naman sa church. Uy! Di pa nagpapakilala yung kasama niyo.”
“Ay! Hehe. Ako nga pala si Sage.” Inabot niya ang kanyang kamay kay Kidron.
“Ako naman si Kidron.” Nakipagkamay naman siya kay Sage.
“Nice to meet you.”
“Same here.”
“Pards, ang galing mo pala pumalo e.” Pinuri ni Tor si Kidron batay sa kanyang nakita na pagtugtog niya. Sa mga up-beat na church song nila, bigay na bigay at hanga sila sa kanyang kakayahan bilang tambolista. Gamay na gamay niya ang isang skill na madalas marinig sa mga kanta ng mga nagbabanda na pag-o-alternate ng kanan, kaliwa at ng bass drum. Para kila Sage at Tor, malinis tumugtog si Kidron. Para naman kay Andres, wala siyang kasing husay.
“Uy! Wala yon. Hehe.” Pa-humble naman ang binata sa mga natatanggap niyang compliments.
“Pwera biro. Dapat magbanda ka.”
“Hehe. Para namang may kukuha sa ‘kin.” Nagkatinginan ang tatlo sa sinabi ni Kidron. Na-pick up nila ang hint na parang interesado si Kidron kaya naglakas loob na sila.
“Pwede kang sumali sa banda namin.” Sinabi ni Andres na pasimple pero seryoso sa kanyang pananalita.
“May banda kayo? As in, kayong tatlo? Magkakabanda?”
“Oo. Tsaka naghahanap kami ng drummer. Kaya kami nagpunta dito kasi nagbabaka-sakali kaming pumayag ka na ikaw na lang.”
“Nako.” Naging alangan ang pakiramdam ni Kidron. “Busy ako masyado e.”
“Hindi naman kami magiging hassle e.” Wika naman ni Sage. “Kami na lang mag-a-adjust.”
“Hindi talaga pwede. Bukod sa busy ako sa school, commited din ako sa church work namin. Meron akong community service, Sunday service, nagtuturo ako sa mga bata, may mga charity work kami. I’m sorry, mga Pards.”
Na-disappoint naman ang tatlo sa pagtanggi ni Kidron. Noong isang sandali lang ay meet-and-greet ang drama nila at masaya pa, biglang naging malungkot dahil agad silang nabasted.
“Okay lang yun, Pards.” Sabi sa kanya ni Tor.
“Sensya na kung kinulit ka namin.” Paumanhin naman ni Sage.
Umalis na sila Sage, Andres at Tor at iniwan si Kidron sa loob ng church. Naupo si Kidron sa isang monobloc chair at nag-isip.
--
“Pare, sensya na talaga ha.” Humingi ng tawad si Andres kay Justin dahil mauudlot ang dapat sana ay unang jamming nila bilang magkakabanda sa darating na Sabado. Kumakain silang tatlo ni Tor sa loob ng luncheonette ng lasagna.
“Okay lang yun, Pare.” Sabi ni Justin. “Bakit nga pala hindi tayo matutuloy sa Sabado?”
“Kasi tinanggihan kami ng inaaya namin na maging drummer.” Sagot naman ni Tor.
“Bakit? Sino ba?” Nagtanong muli si Justin.
“Si Kidron.”
“Si Kidron de Jesus? Ay! Di mo talaga mapipilit yun.”
“Bakit naman?” Tinanong ni Andres.
“Andami na kaya niyang tinanggihan. Sa PNU pa lang, kulang na ang dalawang kamay para bilangin yung mga taong nang-alok sa kanyang maging drummer. Pati nga si Sir Tindugan, tinaggihan niya e.”
“Bakit naman daw?”
“Ewan ko. Basta may kinalaman sa pagiging dedikadong Kristyano. Ganun-ganun.”
Tumulala lang si Andres sa kawalan. Para siyang gamit na nasanggi na bigla na lang gumalaw.
“Alam ko na!” Bulyaw ni Andres. “Ano kaya kung insultuhin ko yung church nila no?”
“Adik!” Sabi ni Tor sa kanya. “Gagalitin mo pa yung tao. Lalo namang hindi pumayag yun.”
“Malay mo lang naman. Ah basta! Pipilitin ko talaga siya nang pipilitin hanggang sa tumalon siya mula sa tuktok ng main building ng PNU.”
“Sa library na lang, p’re. Para pogi.”
“Ikaw kaya tumalon mula sa tuktok ng library no?”
“Ano na balak mo nyan?” Tinanong ni Justin kay Andres.
“Kukulitin ko siya.” Sagot ni Andres.
“Sige, pare. Suportado naman kita dyan e. Kasi alam kong dyan ka magaling.”
“Napansin mo ‘yon? That’s a very good nice, man!”
Salamat muli kay Andres at nagsimula na naman ang kanilang masigabong halakhakan. Pinagpatuloy nilang tatlo ang pagkain ng kanilang lasagna.
--
Linggo. Alas-otso ng umaga. Bumalik si Andres sa gusali na pinuntahan nila para sadyain si Kidron. Sarado ang pinto ng Jesus is Our Savior Church. Ngunit kahit ganito, nagbaka-sakali pa rin siya na darating ang gusto nila maging drummer. Kaya naupo siya sa sahig malapit sa pintuan at nag-abang para kay Kidron.
Mahigit isang oras na rin ang nakalilipas at wala ni anino man ni Kidron ang namataan. Nainip na rin si Andres kaya umalis muna siya sa kanyang pwesto. Bumaba siya sa ikatlong palapag at tumungo sa snack bar.
“Miss, isang Chuckie nga.” Sabi ni Andres sa cashier. Tumango naman ang employee at kinuha mula sa refrigerator nila ang binibili ng binata na inumin.
“Uy, manong! Pambata lang ang Chuckie ah.” Daing ng isang munting tinig na hindi malaman ni Andres kung saan nanggaling hanggang sa tumingin siya sa ibaba.
“Ano raw?”
“Yung Chuckie.” Inulit ng isang batang lalaki ang kanyang sinabi. “Pangbata lang ‘yon. Di ka dapat umiinom no’n.”
“Bakit?” Niluhuran ni Andres ang bata at hinanda ang sarili na makipag-“banatan” sa bata. “Ikaw ba bumili ng Chuckie ko para sabihin ‘yan?”
“Hindi. Pero hindi pangmatanda yang binibili mo.”
“Tinatawag mo ba akong matanda?”
“Bakit? Ilang taon ka na ba?”
“Huh? 18.”
“Oh! 18 ka na. E ako, kalahati lang ng edad ko.”
“E anong gusto mong inumin ko? Kape?”
“Pwede din.”
“Hay nako. Ano ba kasi problema mo?”
“Iisa na lang kasi yung Chuckie nila ate. Bibilhin ko na sana kaso bigla ka namang dumating.” Tumayo si Andres at tiningnan ang refrigerator. Wala na siyang ibang makita sa loob nito kundi mga iced coffee, softdrinks at energy drink.
“Sir, eto na po yung Chuckie.” Sabi ng cashier kay Andres.
“Ate, ibigay mo na lang sa bata.” Hinanap ng babae ang bata at inabot sa kanya ang inumin. Binayaran naman ito ng bata sa halagang Php. 24.00.
“Sir, may gusto pa po ba kayong bilhin?”
“Bigyan mo na lang ako ng iced coffee.” Kinuha naman ng cashier ang iced coffee mula sa ref at binigay kay Andres. Binigyan naman ni Andres ang cashier ng 30 pesos sakto. Lumuhod muli siya sa bata. “Anong pangalan mo?”
“Bon-bon.”
“Bon-bon? Hulaan ko tunay mong pangalan. Bonifacio no?”
“Hindi naman e.”
“Ganun? Sayang naman. Bagay sana tayo non pag nagkataon. Ako si Andres, ikaw naman si Bonifacio.”
“Andres pangalan mo? Ang bantot naman.”
“Hoy! Astig ang pangalang Andres no! Ibig sabihin non sa Spanish e manly and brave. Parang si Andres Bonifacio lang.”
“Parang di naman e.”
“Bakit? Ano ba meaning ng Bon-bon mo? Tunog pagkain naman yang palayaw mo e.”
“Bon-bon kasi Reborn totoo kong pangalan.”
“Reborn? Talaga? Astig nga p’re.”
“Di ba p’re?” Nag-apir naman ang dalawa. Naging malapit sila kaagad sa isa’t isa sa loob ng ilang minutong asaran lamang.
“Bon..” Napalingon ang batang si Bon-bon nang makarinig ng tumatawag sa pangalan niya. Tiningnan rin ni Andres ang tinitingnan ng bata at nakitang papalapit ang taong kanina pa niya hinihintay.
“Pards.” Tinawag ni Andres si Kidron sa kanyang pagdating.
“Uy, Pards! Ano ginagawa mo dito?”
“Kuya Kidron, kanina pa kita hinihintay.” Sabi ni Bon-bon sa kanya.
“Close kayo?” Tinanong ni Andres kay Bon-bon. Nagkatinginan lang silang tatlo.
--
Pumunta ang tatlo sa isang room sa third floor ng gusali. Sa loob ng silid ay ang drum set ng church nila Kidron.
“Pano nyo yan nadala dito?” Tinanong ni Andres kay Kidron.
“Binababa namin ‘to pag Friday para sa tutorials.” Sagot naman ni Kidron.
“Tutorials as in ikaw nagtuturo? Ng drums?”
“Ganun na nga Pards.”
“Tapos si Bon-bon, tinuturuan mo mag-drums?”
“Yup!”
Tiningnan ni Andres si Bon-bon. Tumingin din ang bata sa kanya.
“Uy! Nagda-drums ka daw? Totoo ba ‘yon?” Tinanong ni Andres si Bon-bon. Tumango naman ang bata sa tanong niya. Natuwa naman si Andres sa kanya. “Weh? Sample nga.”
Lumapit naman si Bon-bon sa drum set. Kinuha niya ang sticks na nakalapag sa ibabaw ng snare drum.
“Kuya, ano tutugtugin ko?” Tinanong ni Bon-bon kay Kidron.
“Kahit ano na, Bon.” Sabi ni Kidron.
Nagsimula nang tumugtog si Bon-bon. Nagsimula siya sa basic skills ng beats at fills sa drums. Kuha niya rin ang trick na alternate right-left-bass. Namangha si Andres ngunit lalo siyang nagislak sa delay na ginawa ni Bon-bon sa drums tulad ng maririnig sa jazz music.
“Pards, ang galing pala ng student mo e.” Sabi ni Andres kay Kidron habang patuloy na tumutugtog sa drums si Bon-bon.
“Oo nga e. Laking pasasalamat sa ‘kin ng parents niya kasi magaling daw ako mgaturo. Pero ang totoo, talented talaga ang bata kaya mabilis siyang natuto.”
“Gaano katagal mo na ba siyang tinuturuan?”
“Mga dalawang taon na rin. Nung naging churchmate namin yung parents niya tsaka siya, pinakiusapan ako na turuan siya mag-drums. Kasi gustong gusto daw niya
matuto.”
“Ayun naman pala e. Iba na talaga kapag pursigido.”
“Kaya nga.”
“Bakit hindi nyo siya gawing drummer sa church niyo?”
“May drummer pa naman ang church e. Ako!”
“Oo nga. Kaso, bigyan mo naman ng tsansa yung iba. Sigurado ako, gugustuhin din ni Bon-bon na sumabak sa pagiging totoong drummer.”
“Baka naman may magalit sa ‘kin kapag umalis ako sa pagiging drummer ng church.”
“Hmm.. yung malulungkot, meron. Sa dami ba naman ng babae mong fans sa church nyo, talagang mananamlay yon kapag hindi na ikaw yung makikita nila tuwing magwo-worship kayo. Pero yung magagalit, malabo yon. Nagbubukas ka nga ng oportunidad para sa ibang tao e.”
Napaisip si Kidron sa sinabi ni Andres sa kanya.
“At tsaka ganito na lang isipin mo.” Nagpatuloy sa pagsasalita si Andres. “Di ba yung mga pastor, napapalitan yan? Kasi, gusto nila na maranasan naman ng iba ang naranasan nila bilang tagapamahagi ng mabuting balita sa mga ka-church niya at maramdaman kung gaano kaganda sa pakiramdam yung ganun. Ganun din dapat ang ginagawa mo kay Bon-bon. Ipasa mo sa kanya ang pagiging drummer mo sa church para ma-experience niya yung mga na-experience mo tulad ng exposure sa mga chika babes.”
“Ganun? E ako? Ano gagawin ko?” Tinanong ni Kidron.
“Sumubok ka ng bago.” Ngumiti si Andres kay Kidron. Binasa ni Kidron kung ano ang ibig sabihin ng ngiti niyang iyon. At ang nabasa niya ay ang sinseridad sa kanyang payo.
Tumayo na si Andres. Lumapit siya sa pintuan at binuksan ito.
“Pards, san ka pupunta?” Tanong sa kanya ni Kidron.
“Uuwi na ako Pards. Sasamahan ko pa mamasada yung tatay ko mamayang tanghali e.”
“Aalis ka na, Kuya Andres?” Tanong naman sa kanya ni Bon-bon.
“Oo. Kita-kits na lang pagbisita ko dito.” Sumaludo sa kanila si Andres at lumabas na sa silid. Nagpatuloy sa pagtugtog ng tambol si Bon-bon. Pinagmasdan naman ni Kidron ang pagtugtog ng kanyang tinuturuan.
--
Alas-dos ng madaling araw. Nagising si Kidron. Hindi siya makatulog nang maayos buong gabi.
Lumabas si Kidron sa kanyang kwarto at bumaba sa kusina para uminom ng tubig. Kinuha niya ang isang pitcher ng tubig at naglagay siya nito sa baso. Pumunta siya sa sala, umupo sa sofa at ininom ang kanyang tubig. Napansin niya ang maliit na libro ng New Testament na nakalapag sa coffee table. Nilapag muna niya ang kanyang baso sa mesa at kinuha naman ang maliit na libro.
“Lord God, bigyan Mo naman ako ng sagot.” Tumingala siya at nagsalita sa kanyang sarili. Nang hindi tinitingnan, binuklat niya ang libro. Tinaas niya ang kamay sa ere na nakaturo sa ibaba ang kanyang hintuturo. Biglaan niyang binagsak ang kanyang daliri sa pahina ng libro at tiningnan kung saan ito nakaturo.
“And those who know Your name will put their trust in You; for You, Lord, have not forsaken those who seek you.” Binasa ni Kidron ang naituro ng kanyang hintuturo: Psalm 9, verse 10. “Ganun po ba? Sige po. Maghihintay po ako ng sign mula sa Inyo.”
Naging mapayapa ang loob ni Kidron at sa tingin niya ay pupwede na siyang matulog. Kaya naman bumalik na siya sa kanyang kwarto.
--
Nag-aalmusal na sa kusina sina Mr. at Mrs. de Jesus sa oras na alas-sais ng umaga. Ayos na ang lahat sa kanilang katawan, lalo na ang buhok ni Mr. de Jesus na style kachupoy. Bumaba naman si Kidron na may twalyang nakasukbit sa balikat niya.
“Anak, gising ka na pala.” Sabi kay Kidron ng kanyang nanay habang nilalagay sa lababo ang pinagkainan nilang dalawa ng kanyang asawa.
“Aalis na po kayo kaagad?” Tinanong ni Kidron sa kanila. Kumuha siya ng plato, kustara’t tinidor at baso. Nagtakal siya ng sinangag mula sa bandehado at kumuha ng itlog at hotdog. Naglagay naman siya ng juice sa kanyang baso.
“Oo, anak.” Sagot naman sa kanya ng ama niya. Nanalamin muna siya at kinuha ang kanyang susi. “Ikaw na bahala dito sa bahay.”
“Opo, Papa.” Humalik si Kidron sa pisngi ng kanyang ina at ama. Dumaan ang mag-asawa sa back door nila na patungo sa garahe at umalis na sila.
Pumunta naman sa sala si Kidron para doon kumain. Nilapag niya ang kanyang inumin sa coffee table. Nakalagay sa kanyang hita ang kanyang plato at saka kumain.
Habang kumakain, hinanap niya ang remote control. Pagkakita niya nito sa tabi ng TV, kinuha niya ito at binuksan ang TV. Ang unang istasyon na nakita niya sa telebisyon ay Myx at ang palabas sa mga sandaling iyon ay isang re-run ng palabas ni Raimund Marasigan tungkol sa mga banda at pagtuturo sa mga manonood kung paano tugtugin ang mga usong kanta. Ngunit patapos na ito. Kaya ang nahabol na lang niya ay ang mga linyang ito mula sa sikat na bokalista ng bandang Sandwich.
Go out and form a band.
Sa una ay binalewala muna ni Kidron ito ngunit naalala niya ang nangyari noong isang gabi. Humingi siya ng sign. Sign sa kung anong dapat niyang gawin sa ipinayo sa kanya ni Andres. Naalala rin niya ang bersong binasa niya mula sa Bibliya.
“Lord God, eto na ba yon?” Mayroon pa siyang mga alinlangan.
Lumabas siya sa bahay. Pinagmasdan niya ang kalangitan.
“Gusto Niyo po ba talaga akong sumabak sa ganitong bagay?” Tinanong niya habang nakatingala lamang sa kalangitan. “Pano kapag hindi pa ako ready?”
Lumabas ang kapitbahay nila Kidron na isa rin sa mga churchmate nila.
“Magandang umaga, Kidron.” Binati siya nito.
“Magandang umaga din po, kuya Ronnie.” Pinagmasdan ni Kidron ang suot na t-shirt ng kanyang kapitbahay. Nakita niya na ito ang t-shirt ng kanilang simbahan noong minsang nagkaroon sila ng seminar tungkol sa inferiority complex issues. Ang nakasulat sa damit niya ay ‘I trust in me’ at sa likod naman ay ‘like I trust in Him’.
“Whoa!” Yun lang ang nasabi ni Kidron sa kanyang sarili. Pumasok na siya sa loob ng bahay na maligayang maligaya sa mabuting balita.
--
Natapos na ang klase ng III-B BSEM. Lumabas na ng class room sila Tor at Andres. Sa kanilang paglabas, nagulat sila nang makita nila si Kidron na nakaabang sa tapat ng class room nila.
“Pards!” Tinawag ni Andres si Kidron. “Anong ginagawa mo dito?”
“Pinuntahan ko kayo.” Sagot ni Kidron.
“Hala! Sana kami na lang ang pinapunta mo sa room nyo.” Sabi ni Tor. “Sa second floor lang naman kayo di ba?”
“Bakit mo naman kami hinahanap?” Nagtanong ulit si Andres.
“Tatanungin ko sana kung ano..” Nahiya pa si Kidron. “Kung pwede ko bang bawiin yung sinabi ko sa inyo nung pumunta kayo sa church namin.”
“Alin don?”
“Yung sinabi ko na hindi ako sasali sa banda nyo.”
Tiningnan ni Tor at Andres ang isa’t isa. This calls for a celebration.
“Wait!” Wika ni Tor. “Ibig sabihin, payag ka nang maging drummer namin.”
“Oo sana.” Ngumiti si Kidron sa kanila, nag-aasam na tanggapin pa siya sa kabila ng pagtanggi niya sa unang beses na nag-alok sila.
“E pano yan? Hindi kami tumatanggap ng pogi.” Sabi ni Andres. Hinintay niya ang reaksyon ni Kidron. Ngunit walang nangyari kaya sinabi na lang niya, “Joke lang, Pards! Welcome to the band, man!”
Kinamayan ng dalawa si Kidron na parang nanalo lang ito sa eleksyon.
“Teka!” Nahinto muli si Tor mula sa kasiyahan nila. “Pano yung sa church nyo? Tutugtog ka pa don?”
“Hindi na, Pards.” Sagot ni Kidron. “Kinausap ko na sila Papa tsaka yung mga kasama ko tungkol don. Tsaka may kapalit naman na ako e.”
“Oh talaga? Sino naman?”
“Si Bon-bon, yung bata sa church nila.” Si Andres na ang sumagot sa tanong ni Tor. “Mabangis din yon.”
“Uuwi na ba kayo?” Tinanong ni Kidron sa kanila.
“Oo. Sabay na tayong tatlo.” Sagot ni Andres.
At gayon nga na nagsabay silang tatlo sa pag-uwi. Masayang masaya si Andres. Dahil sa wakas ay buo na ang kaniyang banda. Nandyan sila Tor at Justin bilang mga gitarista, si Sage bilang bahista at si Kidron naman bilang tagapalo. Ini-imagine niya kung ano magiging itsura nilang lima. Astig ba o corny? Masyado nang nae-excite si Andres sa kakaisip. Marami pa pala silang kailangang intindihin tulad ng kung anong tugtugan ang dadalhin nila, at kung kailan sila makakatugtog, at higit sa lahat - ano dapat ang maging band name nila? Panic, panic!
--
majo.da.great
No comments:
Post a Comment