ALAS Y DIES NG GABI. Nasa kanto ng PNU sina Andres, Tor, Kidron, Sage at Justin. Nag-aabang sila ng bus na patungong SM Fairview. Swerte nila at pareho sila ng mga tinatahak na ruta.
“Tae, anong oras na ako makakarating ng bahay?” Reklamo ni Andres, ngunit bakas pa rin sa kanya ang ‘high’ na nakuha niya mula sa kanyang unang tugtog.
“Ako nga rin e. Hinihintay pa yata ako ng Mama ko sa bahay.” Nag-aalala na si Kidron habang nakalingon sa kanyang kaliwa at nag-aabang ng masasakyang bus.
“Nge! Masanay na kaya kayo na ginagabi ng uwi.” Sumbat ni Tor sa kanila. Pinagmasdan niya ang kalsada. Halos mabibilang na lang sa kamay ang mga nagdaraang sasakyan, at karamihan pa rito ay mga pangpribado.
“Gusto niyong magpasundo tayo kay Mama?” Aya ni Sage sa kanila.
“Uy! Nu ka ba?” Sumingit si Justin. “Nakakahiya naman sa Mama mo. Wag na lang.”
“Hindi, okay lang naman sa kanya ‘yun.” Ngumiti si Sage kay Justin nang bahagya.
“Kahit na. Makakaabala pa kami sa kanya. Di ba, mga ‘tol?” Sumang-ayon naman ang mga lalaki sa sinabi niya. Natawa naman si Sage dahil dito.
“May bus din na dadating. Ibibigay din sa ‘tin ‘yan.” Wika ni Kidron. Nawala ang kanyang kaba.
“Aba, Pards, parang di ka man lang na-haggard kanina sa tugtog natin ah.” Sabi ni Andres kay Kidron.
“Kaw kasi, masyado mo namang dinidibdib ‘yon. Hanggang sa pagsalang, dinala ‘yung kaba.” Kantyaw ni Tor. Bumisangot si Andres nang makiayon ang iba pa niyang mga kabanda.
Awa ng Maykapal! May dumating din na bus. Aircon at maganda pa ang klase. Binigyang-kabayaran ang kanilang matagal na paghihintay.
Maluwag pa ang bus nang sila ay kumaong. Walang masyadong nakasakay. Tinuro ni Andres ang pangatlong hilera ng upuan. Nauna siyang umupo sa pangtatluhang upuan. Pumwesto siya sa tabi ng bintana dahil alam niyang siya ang huling bababa. Tumabi sa kanya si Tor, saka si Kidron.
“Di niyo naman kami tinirhan ng upuan.” Halos magtampo si Sage kila Andres.
“Nge! Ang luwag ng bus. Daming mauupuan dyan. Di ka mauubusan.” Pambabara ni Andres habang ginagawang kumportable ang sarili sa kanyang puwesto. “Gusto mo sa compartment, Sage?”
“Upo na lang tayo sa dulo, mga ‘tol.” Sabi ni Justin.
“Eh! Nakakahilo do’n.” Tutol ni Tor. “Sakit na nga ng ulo ko. Dyan na lang kayo sa dalawahan.” Tinuro niya ang upuan na dalawahan na nasa tapat ng kanilang inuupuan.
Wala nang magawa ang dalawa kundi doon umupo, para na rin sa ikabubuti ng kanilang pagbaba.
“Upo ka na.” Nagtataka si Sage sa kung bakit hindi pa umuupo si Justin.
“Ladies’ first.” Simpleng sinabi ni Justin sa kanya.
“Ako kaya ang “first” na bababa. Kaw na umupo doon.”
“Sige na. Ako na bahala. Upo na.”
Walang ibang nagawa si Sage kundi umupo. Inayos niya ang kanyang gitara at umusog para makaupo naman si Justin.
Masyadong malapit para masabing kumportable, ika ng dalaga sa kanyang isipan. Kinaiinggitan niya ang mga lalaking kahilera nila na pawang nagkukwentuhan at nagtatawanan, ngunit sa kabilang banda, natuwa naman siya dahil isa sa mga lalaking yaon ang dahilan kaya naging kakaiba at hindi malilimutan ang gabi niyang iyon.
“Nasisikipan ka ba?” Tinanong ni Justin kay Sage. Pinagmasdan niya ang kanilang inuupuan.
“Hindi ah. Okay lang ako.” Nagsinungaling si Sage. Wala rin namang magagawa ang binata kapag sinabi niya ang totoo.
“Ganun? Pero sabihin mo sa ‘kin kapag nasisikipan ka ha? Para lilipat na lang ako ng upuan.”
“Hala! Wag mo nang gawin ‘yon. Wala namang problema dito.”
“Sure ka ha?”
“Oo naman. Hindi naman ako maselan.”
Nahinto ang dalawa sa pag-uusap nang makaramdam si Sage ng pag-vibrate mula sa kanyang bag. Tumatawag ang kanyang ina. Pinindot ni Sage ang accept key sa kanyang cellphone.
“Hello, Ma. Nakasakay na kami ng bus. Nasa Lawton pa lang kami. Kasabay ko silang apat. Oo. Oo. Sige, text na lang kita. Sige. B-bye. Lablab, Mama.”
“Cute niyo talagang dalawa ni Tita.” Sumingit si Justin matapos ibaba ni Sage ang phone niya.
“Di ka pa nasanay sa ‘min. siyempre, only girl niya ako.”
“Kaya nga e. Alagang-alaga ni Mommy.”
Katahimikan na naman ang nanalaytay. Dumungaw na lamang si Sage sa labas ng bintana. Pinagmasdan niya ang mga nadadaanan ng bus – mga tao, bilihan, institusyon – habang si Justin naman ay pasimpleng dumudungaw sa bintana ng mukha ng kanyang katabi. Kumikinang sa mga mata ng dalaga ang mga street lights na nalalampasan nila.
“Pik…”
“Huh? Bakit?” Nagtaka si Sage, kahit si Justin din. Hindi niya alam kung bakit biglang lumabas sa mga labi niya iyon.
“Ay, wala. Sorry.” Tinikom ni Justin ang kanyang bibig ng isang maikling sandali. “Musta naman ‘tong gabi na ‘to?”
“You mean, yung tugtog? Masaya, masaya siya.”
“Pa’nong masaya?” Tumagilid nang kaunti si Justin upang makita nang maayos ang kinakausap.
“Kasi, first time ko tumugtog na hindi babae ang mga kasama ko. Alam mo ‘yon? Ine-expect ko talaga na magiging maganda yung performance natin kanina dahil sa mga kabanda natin.”
“Oo nga e. Imagine? Nag-work pa siya ha.”
“Hehe. Kaya nga hanga ako kay Andres e. Ang tiyaga niya na lumapit sa ‘tin para lang makumbinsi tayong sumali sa banda niya.”
“Hehe. All hail Andres.”
“All hail nga talaga. Grabe! I’m looking forward for more gigs for Kapritso.”
“Me, too.” Sabay silang nag-‘hehe’ at namatay na naman ang kanilang usapan.
Napupuno na ang bus. Ang ibang sumasakay ay tumatayo na. Bumaling si Justin kay Sage ngunit nakita niya ang katabi na nakatulog na pala.
“Sa inyo?” Lumapit sa upuan nila Justin ang kundoktor ng bus na nakahanda ang mga ticket sa kanyang kamay.
“Umm… Isang Batasan tsaka isang Philcoa.” Sagot ni Justin. Nagpilas ang kundoktor ng ticket na halagang Php 47.00 sa kabuuan. Inabutan ni Justin ang kundoktor ng singkwenta at binigyan naman siya nito ng tatlong piso bilang sukli sa kanya.
Nararamdaman na rin ni Justin na bumibigat ang kanyang mga mata ngunit pinipigilan niya ang kanyang sarili. Gusto niya munang masilayan ang kanyang humihimbing na katabi habang hindi nito namamalayan. Si Sage ay hindi pukaw-pansin ang kagandahan, ngunit kapag pinag-aralan ng mabuti ang kanyang pagkatao, mamamalayan mo na lang na nahihibang ka na sa kanya, tulad nang natuklasan ng binata sa kanyang sarili.
Paru-paro. Mga makukulay at magagandang nagliliparang paru-paro. Ayon ang parang nasa loob ng kanyang tiyan nang mauna niyang nakita ang babaeng nagbago sa kanyang buhay.
Kapapasok lang ni Justin sa campus kasama ang kanyang kaklase at kasabayan niya sa trip na si Wilfred. Tumambay sila sa labas para magyosi. Ginawa nila ito nang naka-barong. Kahit pa, kailangan nila ng kaunting pamparaos dahil ilang minuto mula sa mga sandaling iyon ay tutugtog sila sa harap ng mga opisyal ng pamantasan at ng mga bisita nila para sa isang acquaintance dinner. Isa na namang araw na mananatili sila sa PNU ng halos buong araw.
Kumuha si Wifred ng dalawang Maxx na pula sa kanyang bulsa at inalok ang isa kay Justin. Kinuha naman ito ni Justin at binuksan gamit ang kanyang ngipin.
“Anong oras ba raw ang cue time?” Tanong ni Justin kay Wilfred habang sinisipsip ang kendi sa kanyang bibig.
“Mamayang mga 6 p.m. pa.” Hinablot ni Justin ang braso ni Wilfred at nakitang alas cuatro y media pa lang sa kanyang relo.
“Aga pa pala, shit!”
“Boplags, late ka na nga e. May rehearsal tayo kanina. Di ka lang sumipot. Kami pa nasabon ni Sir Tindugan dahil sa ‘yo.”
“Sorry naman. E kasi…” Lumapit si Justin sa tainga ni Wilfred at nilagay ang boses niya sa pinakamahina nito. “…nag-nomo kami kagabi ng mga dati kong kabanda. Hehe. Daeng chicks. Di pwedeng mawala ako do’n.”
“Kutog ka talaga.” Kinaltukan ni Wilfred si Justin. Hinimas ni Justin ang kanyang ulo sa sakit. “Baka nakakalimutan mong may mga bwisita ang school.”
“Ano ba ‘yan? Ba’t ba kasi lagi na lang Rondalla. Nakakasawa kaya, puro na lang tayo. Aba! Ibahin naman nila minsan. Dapat naman yung pep squad ng school yung sinasalang nila.”
“Pep squad? Gusto mong magtata-tumbling at maghahahagis dyan sa harap ng mga delegates na bisita ng PNU?”
“Bakit? Pwede naman ah. Sino may sabing hindi?” Napailing si Wilfred sa pagiging bugnutin ni Justin.
Pumunta sila sa Alumni Hall kung saan madalas idaos sa PNU ang mga Aqcuaintance dinners. Nakisali sina Wilfred at Justin sa nagsamang grupo ng Rondalla at Chorale para may magawa naman habang sila ay naghihintay.
Dalawang oras din ang nakalipas. Nagdasal na sa pamamagitan ng Doxology. Inawit ng Chorale ang Lupang Hinirang sa saliw ng mga bandurria ng mga miyembro ng Rondalla. Nagbigay na rin ng ilang mensahe ang Pangulo ng unibersidad sa kanilang mga bisita.
“Thank you, Mr. President.” Umakyat sa entablado at tumayo sa pedestal ang isa sa mga faculty members ng English department ng school. “To show our appreciation for this evening, our second year BSE English student, Sage Banaag, will share a poem to you entitled ‘To Our Gratitude’.
Pumalakpak ang mga tao, nakipalakpak na rin ang mga miyembro ng Rondalla at Chorale, maliban kina Justin at Wilfred na masyadong abala sa paglalaro ng Counter Strike sa cellphone.
“To Our Gratitude,” Utas ng malumanay na boses na tila hinatak ang mga tainga ni Justin. Nasilayan niya ang isang babaeng hindi man nakabibighani ngunit iba naman sa iba.
Ang babae, suot ang kanyang cream summer torso at sky blue skirt na lampas sa kanyang tuhod. Maputi ang kanyang kompleksyon, singkit ang mga mata at chubby. Hindi naman ito ang mga tipo ni Justin pagdating sa babae ngunit nakuha ng dalaga ang kanyang atensyon.
“Fred,” Kinulbit niya ng malakas ang kanyang katabi. “Uy. Di ba kaklase mo ‘yan?”
“Sino?” Tumingala si Wilfred at tumingin sa entablado. “Ah! Oo. Teka, pano mo nalaman?”
“Tangek! Binabati mo kaya siya kapag nagkakasalubong kayo.”
“Ah oo. Astig naman ‘yang si Sage. Cool siya.”
“Ano, ano? Ano ulet pangalan niya?”
“Sage, ‘Tin. S-A-G-E.Sage.”
“Cute naman ng pangalan ni ate.” Hindi na muling namansin si Wilfred. Di bale. Sa iba naman nakatuon ang atensyon ni Justin.
Sumunod na araw, nakatambay sina Wilfred at Justin sa talipapa ng PNU. Talipapa dahil mukha siyang wet section na pinagbebentahan ng karne at isda sa palengke dahil sa istilo ng mga mesa dito. Nakatulala lang si Justin nang mapansin ang isang pamilyar na imahe.
“Fred, si Sage oh.” Tinabig niya nang malakas ang kawawang si Wilfred na halos kalahating oras nang natutulog sa kanyang puwesto.
“Oh?” Surang sura si Wilfred sa pambubulabog ni Justin sa kanya.
“Palapitin mo naman dito.” Nagkamot na lang ng ulo si Wilfred.
Kumaway ng pagkalaki-laki si Wilfred. Napansin naman siya kaagad ng dalaga. Nagmagandang-loob at siya pa ang lumapit sa dalawang binata.
“Uy Sage. Musta naman ang buhay-buhay?” Bungad ni Wilfred.
“Ayon. Sakto lang. Ikaw ba?”
“Ganun pa rin. Pogi pa rin. Gara mo nung Acquaintance Dinner kagabi ah.”
“Gano’n? Haha! Parang tanga nga lang e. Napilitan lang ako magsulat ng poem para sa mga bisita para lang may masabi yung second year sa dept namin.”
“Haha! Ayos din ‘yang mga ka-major mo, ah.”
“Mukhang ewan nga lang ‘yung mga ‘yon.”
Napagalaw sa kanyang kinauupuan si Wilfred ng maramdaman niyang kinurot siya ni Justin sa hita.
“Ay, Sage, nga pala. Si Justin, ka-Rondalla ko tsaka kaklase ko rin sa Music.”
“Hello.” Sakto lang ang ngiti ni Sage, sakto lang para matuliling na si Justin sa kanya.
“Ay… Hello, ate. Ganda kaya ng poem mo kagabi.”
“Wow ha.”
“Hindi, seryoso talaga!” Sa kabilang banda, hindi naman ito mapaninindigan ng binata. Hindi naman niya naintindihan ang tula dahil tinitigan niya lang ang may ari nito.
“Hehe. Salamat, kuya.” Lumingon si Sage sa kanyang kanan. “Uy, Wilfred, alis na ako. Hinahanap pa ako ng registrar.”
“Sige, b-bye Sage!” Umalis na ang dalaga.
“Wooh! In love ka naman!” sinabi ni Wilfred nang mahuli si Justin na sinundan si Sage ng tingin at nakangiti. Lumubog si Justin sa kanyang mga braso sa hiya. Hindi naman sa in love. Mai-in love pa lang.
Ganoon na lang na napapadalas ang tambay nila Justin sa talipapa upang masilayan man lang si Sage kahit saglit. Mahigit tatlong buwan niya itong ginagawa hanggang sa magkasanayan na sila sa isa’t isa. Umangat ang antas ng pagiging admirer ni Justin nang nagkakayayaan sila nila Sage na tumambay sa Liwasan o maglibot sa SM. Siyempre, bilang wingman, naroon si Wilfred para sa kanila tuwing sila ay magkasama. Ngunit nang magsawa siya at lumalim ang ugnayan ng dalawa, hindi na siya sumasama sa kanila. Madalas silang magka-text at magka-chat. Minsan kapag kinabukasan ay walang pasok, ang isa sa kanila ay magre-register ng Unlimited Call sa gabi para mag-usap sila hanggang sa antukin sila na karaniwang nangyayari tuwing 5 am. Sa usapan nilang pagkatagal-tagal, nasabi ni Justin kay Sage kung anong klaseng tao siya – puro bisyo, nambababae, walang ginagawang maayos sa buhay. At kahit ganoon pa man ang sinabi niya sa dalaga, wala pa ring nagbago sa kanila. Bagkos, natuwa pa nga siya dahil nagsabi ang binata sa kanya ng totoo. Lalo pang lumalim ang kanilang samahan. Hindi nila alam ngunit madali nilang napagkatiwalaan ang isa’t isa.
Kumakain noon sina Justin at Wilfred nang makatanggap si Justin ng text mula kay Sage. Ang sabi:
Tin, puntahan mo naman ako dito sa chapel. Patulong lang dito sa mga dala ko. Please and thank you.
Umalis kaagad si Justin na hindi pa nauubos ang kanyang kinakain. Hindi na ito pinansin ni Wilfred dahil abala pa siya sa pag-ubos ng kanyang tanghaliang kanin at sisig.
Sa chapel ng PNU na nasa tapat lang ng BPS building, sa loob, naghihintay si Sage. Nakaupo siya sa mahabang upuan, kasama ang kanyang backpack at malaking paper bag. Dahan-dahang lumapit si Justin sa kanya para gulatin ito ngunit masyadong tahimik ang lugar upang hindi siya mapansin ni Sage.
“Nasa bahay-sambahan kaya tayo.” Kunwaring nagmamaktol si Sage.
“Sorry naman.” Ngumisi sa kanya si Justin. Tumabi siya kay Sage at ginaya niya ang dalagang nakatingin sa imahe ni Hesukristo na nakapako sa krus. “Ngayon kalang ba pumasok?”
“Oo. Nahirapan kasi ako maghanap ng props para sa play namin. Kaya tuloy hindi ako nakapasok ng first two subjects namin. Sorry po.”
“Nge! Okay lang ‘yun, ‘no!”
“Sira! Di naman ako sa ‘yo nagso-sorry.”
“Ay, hindi ba?” Natawa ang dalawa at nanahimik. Kumulog ng malakas, dahilan para mapatakip ang dalawa sa tainga. Nag-alala si Sage nang pagmasdan niya ang labas ng chapel.
“Wala ka bang payong?” Tinanong ni Justin kay Sage.
“Wala e. Panu ‘yan?”
“Dito muna tayo. Baka mabasa ka pa niyan.”
“Okay lang naman ‘yun.”
Pinamigay ni Sage kay Justin ang kanyang ngiti na para sa binata ay hindi kailanman kukupas para sa kanya. Pinagmasdan niya ang mga kamay ng dalaga na matagal niya na ring iniisip kung ano ang pakiramdam kapag nahaplos. Nahahawakan lang naman niya ito tuwing nagkakabunggo ang mga kamay nila.
“Sage, may sasabihin ako sa ‘yo.”
“Gano’n?”
“Ay! Bakit gano’n reaksyon mo?”
“Wala lang. Hehe. Hindi naman kasi ako pinanganak kahapon para hindi makapansin.”
“Ganun? Halata ba?”
“Di naman. Basta! Alam ko lang talaga.”
“Ayaw mo ba?”
“Di naman sa gano’n. Nagtataka lang ako kung bakit ngayon mo lang sasabihin. Bakit? Sa tingin mo ba, eto yung tamang tiyempo?”
“Di naman sa gano’n. O… baka ganun na nga.”
“Talaga? Nahihirapan ka bang hanapan ako ng buwelo?”
“Ha?” Hindi na maintindihan ni Justin ang mga tinatanong sa kanya ni Sage. “Tatanong ko lang naman sa ‘yo kung pwede manligaw.”
Tinakpan ni Sage ang kanyang bibig at mahinay na humagikgik. Ang kanyang hagikgik ay naging pagtawa, at ang kanyang pagtawa ay naging halakhak. Nagtaka naman si Justin at nadismaya. Iniisip niya na sa ganitong paraan ipinapakita ng dalaga ang pambabasted sa kanya.
“Alam mo, Justin…”
“Wala na akong pag-asa sa ‘yo?”
“Ano?” Humalakhak ng mas malakas pa si Sage. Kung hindi lang siya pagtitinginan ng mga tao, baka hindi pa rin siya tumigil. “Hindi ‘yon ang sasabihin ko. Ang akin lang, hindi ako naniniwala sa mga long-term courtship.”
“Ay ganun?” Napaisip si Justin. “Bakit naman hindi?”
Sandali munang hindi nagsalita si Sage at yumuko, saka muling tumingala.
“Naiinis kasi ako sa iba. Sa una lang sila sweet, sa una lang sila sumusuyo. Pero paglaon, mawawala yung lambing nila, lalo na kapag nakuha na nila yung gusto nila.”
“Grabe ka naman!” Nanlaki ang mga mata ni Justin at nilagay ang kanyang kamay sa kanyang dibdib. “Hindi naman ako magiging gano’n sa ‘yo.”
“Malay natin.” Umangat ang mga balikat ni Sage. “Balik tayo sa tanong ko kanina. Bakit ngayon? Bakit hindi kahapon? O nung isang araw? O kay, bukas naman, o kinabukasan no’n?
“Hmmm..” Napaisip si Justin. “Ewan ko. Kahit anong araw naman, pwede. Siguro nataon lang na ngayon ko sinabi.”
“Nataon? E di, ibig sabihin, sa simula pa lang na magkakilala tayo, gusto mo na ‘tong sabihin?”
“Huh? Hindi - ”
“Ang gara mo naman kung gano’n.”
“Wait lang. Di naman ganun ‘yun. Ayaw mo ba sa ‘kin?”
Napalingon si Sage kay Justin. Namalayan niyang nadagdagan ang pangangamba ng binata nang makita niya ang mukha nito. Tiningnan siya ng dalaga nang diretso sa mata.
“Hindi.”
Sa sagot ng dalaga, nabunutan ng tinik sa dibdib ang binata.
“Okay, okay. Kung di mo mamasamain na itanong ko ‘to, ano ba ang standing ko sa ‘yo?”
“Standing?”
“Oo. Rate mo ako from 1 to 10.”
“Yung totoo? 2 lang.”
“2? Hehe. Ayos ‘yun.” Ayos, ngunit sa loob ni Justin, mukhang heto na ang paraan ni Sage para bastedin siya.
Napansin nila na tumila na ang ulan. Tumayo si Sage at kinuha ang kanyang backpack. Gumaya rin si Justin at kinuha naman ang paper bag na dala ng kanyang kasama.
Lumabas sila ng chapel. Nagmasid sila sa paligid. Basa ang lupa, ang mga halaman. Mula nang makalabas sa kapilya, walang ibang tinitigan si Justin kundi ang kanyang tinatawag na bad boy shoes – yaong mga mahahabang sapatos na kwadrado ang dulo.
“Sage, tanong lang ulit. Bakit 2 lang?”
Ngumiti si Sage at tumingala sa langit. Pinagmasdan niya ang liwanag na unti-unting sumisilay mula sa ulap na pinagtataguan nito. Kumikinang sa mga nabasang lugar ang sikat ng araw at lumalabas ang luntian ng mga halaman.
“2 kasi… hahakutin mo pa yung remaining 8 ‘pag tayo na.”
Emote muna si Justin, saka nag-sink in sa kanya ang sinabi ni Sage. May gusto sana siyang sabihin sa dalaga ngunit ang pakiramdam niya ay pinipigilan siya ng kanyang laway.
“So, iniisip mo, pwede ka nang manligaw?” Tinanong ni Sage. Hindi pa rin makasagot si Justin,ngunit nagawa niyang umiling. Halata pa rin sa kanyang ang pagkabangag kaya tuloy lalong natawa si Sage.
Naunang maglakad si Sage ngunit huminto siya nang hablutin ni Justin ang kanyang kamay.
“Oy.” Seryosong tiningnan ni Justin si Sage, sabay ngumiti. “Walang bawian ‘to ah.”
“Hehe.” Lalong hinigpitan ni Sage ang kanyang kapit.
Umalis na sila sa tapat ng simbahan at pumunta sa catwalk kung saan naroon si Wilfred na kumakain ng dirty ice cream. Nalaglag ang kinakain ng binata nang makita ang dalawa na magkahawak-kamay.
“Huy.” Nakaturo si Wilfred sa kanyang dalawang kaibigan. “Anu yan? Hala!”
Bumelat na lang sa kanya si Justin. Lumingon siya kay Sage na nakamasid lang sa kanilang dalawa nila Wilfred. Damang dama ni Justin ang kanyang karapatan, kaya hinalikan niya ang noo ng dalaga.
Pang-ilang girlfriend ko na ba ‘to? Ganoon parati ang tanong ni Justin kapag may bago siya sa kanyang ‘koleksyon’. Ngunit nang maging sila ni Sage, iba ang sumasagi sa isip niya. Last ko na kaya siya? Hihi!Kahit sa utak niya lang ay kinikilig na siya.
Hindi maitatanggi, marami na siyang naging girlfriend sa lumipas na panahon. Unang girlfriend niya ay kanyang niligawan noong siya ay Grade 5 lamang, at mabilis kaagad itong napalitan noong siya ay nasa Grade 6 na. Kulang ang mga kamay at paa niya kapag pinagsama ang mga naging girlfriend niya. Wala pa sa mga iyon ang mga babaeng nilandi at lumandi sa kanya. At sa mga babaeng ‘of different varieties’, ayon sa kanya, ang nakasalamuha niya, doon niya nahakot ang kanyang mga bisyo - pambabae, paninigarilyo, panginginom, pagbabarkada. Sasali na dapat siya ng isang malaking Fraternity na laganap sa bansa ngayon ngunit sabi niya ay hindi niya kailangan ng ganoon. Masyado na raw siyang astig para sumali doon.
Nang mapalapit siya kay Sage – lalo na nung naging sila – biglang nawala ang mga bisyo sa kanyang sistema. Nahihinto na niya ang kanyang paninigarilyo. Nakakaubos siya ng isang pack sa isang araw, ngayon, dadalawang stick na lang sa isang buwan ang nauubos niya, at hindi pa niya sinasagad iyon sa filter. Kapag inaaya siya ng inuman ng kanyang mga kabanda dati at mga ka-Rondalla, bibihira na lang siya pumayag na sumama, at kapag sasama nga siya, makailang shot lang, pass na kaagad. At walang ginagawa ang kanyang napupusuan para gawin niya ito. Hindi pinipilit ni Sage na tumigil o maghinay-hinay man lang. Ginagawa ito ni Justin dahil sa tingin niya, mas okay pang igugol ang pera, pagod at panahon sa taong pinapabilis ang tibok ang kanyang puso kaysa sa mga bagay na nagpapabilis ng takbo ng kanyang buhay. Lahat ay naisantabi niya, maliban sa isa.
--
Naglalakad sa Catwalk si Sage nang makarinig siya ng sutsot. Lumingon siya at nakita si Justin na nananakbo at papalapit sa kanya. Katatapos lang ng Prof Ed class niya at lunch break niya ngayon.
“Wala kang klase?” Pumapanting pa si Justin nang makaabot siya kay Sage.
“Wala.” Sagot ni Sage. Kinagat niya ang kanyang labi at pinagmasdan ang kanyang sapatos. “Bakit?”
“Sabay tayo mag-lunch. SM tayo.”
“Wala akong pera. Kaya nga dito lang ako nagpapakalat-kalat.”
“Ganun? E di SM na lang tayo.”
“Ang kulit! Wala ngang pera.”
“Hindi tayo sa mall. Sa SM as in San Mar. Dun tayo kila espren.”
Walang imik-imik. Isang tango ni Sage at umalis na kaagad sila.
--
Pumunta sina Justin at Sage sa San Marcelino. Pumaroon sila sa Bestfriend’s Eatery kung saan ang tawag ng mga tindero at tindera sa mga suking estudyante ay ‘espren’ at masarap pa ang luto, lalo na ang barbecue.
Saktong pagpasok nila ay lumabas naman sina Andres at Tor.
“Uy!” Iba na kaagad ang ngiti ni Andres nang makita niya ang dalawa na magkasama. “Kayo ha. Dito niyo pa napiling mag-date.”
“Kakain lang kami ng lunch. Walang masama doon.” Banat ni Sage.
“Oo nga naman. Malisyoso talaga si Andres.” Dagdag pa ni Tor.
“Weh? Kunwari pa kayo. Parang ganyan lang din yung lolo’t lola ko.”
“Oh talaga?” Ika ni Tor. “Nagsa-san Mar din sila.”
“Pwede din. It depends upon the gravity of the earth. Uy sige! Maiwan na muna namin kayo, nang masolo niyo ang isa’t isa kahit maraming tao.”
Umalis na ang dalawa. Umupo naman sina Sage at Justin sa isang mesa sa kalagitnaan ng kainan.
“Ako na bibili ng sa ‘yo.” Nilapag ni Justin ang kanyang bag sa mesa.
“Sige. Isang barbecue tsaka kalahating order ng curry.” Kumuha ng pera si Sage mula sa kanyang pitaka.
“Ano’ng gusto mong softdrinks?”
“Kahit ano na. Kuha ka na lang dyan sa pera ko.”
“Hindi, sige. Bibili na ako ng isang litro para marami tsaka hati tayo.”
Hindi na nakakontra si Sage dahil lumabas na si Justin para umorder ng kanilang kakainin. Matapos ang parang kaytagal na limang minutong paghihintay, dumating na rin si Justin na dala ang kanilang mga order. Hinain niya ang mga pagkain sa mesa. Kumuha siya ng dalawang baso mula sa tabi ng water jug. Umupo siya at binuksan ang isang litrong bote ng Mountain Dew.
Habang kumakain si Justin, pasimple niyang tinitingnan si Sage na kanyang kaharap sa kasalukuyan. Kabisado naman niya kung ano ang ginagawa nito kapag kumakain – hindi siya nagsasalita at pagkain lang ang kanyang tinitingnan – at napansin niya, wala pa ring pagbabago ang dalaga. Siya pa rin ang malumanay at tahimik ngunit prangka at matapang na babaeng nakilala niya. Minsan, sa tuwing naaalala niya ang lahat, tila gusto niyang balibagin ang kanyang ulo sa pader sa sobrang inis. Nawala ang lahat, nasayang ang paghihintay niya nang dahil sa kahinaan niya.
Umaga iyon. Abala pa siyang bumuo ng mapa sa kanyang unan nang marinig niya ang kanyang cellphone. Nagkusot siya ng mata dahil sagabal ang kanyang muta para makita kung sino ang tumatawag. Nang makita niya, wala namang nakalagay na pangalan. Numero lamang ng tumatawag. Nagtaka siya kung sino ito dahil wala naman siyang inaasahang tawag. Pinindot niya ang Answer button at sinalpak sa tainga ang cellphone niya.
“Uy.” Sagot ni Justin sa phone.
“Hi Justin!” Nakilala niya ang high-pitched na boses na kinaririndihan niya sa ilang mga okasyon.
“Serrie?” Si Serrie ay schoolmate ni Justin sa Christian school na pinasukan niya mula noong elementary hanggang high school. Si Serrie ay nakilala bilang official school whore nila dahil sa dinami na ng naging boyfriend sa school nila. Nagkakilala sila ni Justin nang maging boyfriend niya ang bahista at gitarista ng banda nila – sabay sila naging boyfriend niya. Bukod pa doon, si Serrie ang nagpakilala sa kanya sa mahiwagang mundo ng premarital sex at siya na rin ang official Fubu o ‘fuck buddy’ ni Justin na nakaka-jamming niya kapag sila ay nagkakayayaang mag-motel o sa bahay.
“Musta ka naman? Miss na kita.” Kay aga-aga ay masigla na kaagad si Serrie kung kausap. Hindi malaman kung pang-asar lang ba ito o natural na sa kanya.
“Pa’no mo nakuha number ko?” Tinanong niya dahil kapapalit lang niya ng cellphone number at ilan lang ang may alam.
“Nakuha ko sa kabanda mo. Anyway, may time ka ba today? Kita naman tayo sa may Sogo sa tabi ng Sta. Lucia.”
“Hindi ako pwede – ”
“O di kaya naman sa Mariposa sa Santolan.”
“Serrie, ay – ”
“Wala ka bang pera. Dyan na lang tayo sa inyo.”
“Serrie – ”
“Di ba pwede dyan? Dito na lang sa ‘min.”
“Serrie!”
“Oh?”
“Di ako pwede.”
“Bakit naman?”
“Basta hindi ako pwede.”
“May lakad ka ba ngayon?”
“Parang.”
“Pa’nung ‘parang’?”
“Basta.” May practice ang Rondalla tuwing Sabado at balak niya ring samahan si Sage sa seminar ng kanilang debate team. “Humanap ka na lang ng iba.”
“Hindi pwede.”
“Bakit naman?”
“Kasi miss na kita.”
“Di nga pwede.”
“May atraso ka kaya sa ‘kin.”
“Wala ah.”
“Meron kaya.”
“Ano naman?”
“Di ka nagpapakita sa ‘kin.”
“Kasalanan ko pa ba ‘yon?”
“Sige na, Justin. Minsan lang naman. Basta text mo ako pag nandon ka na ha. Bye!”
“Serrie - ” Hindi na nakahabol ang pagtawag ni Justin dahil binaba na niya ang telepono. Nagkamot na lang siya ng ulo at hinagis ang phone sa kama. Kinuha niya ang twalya na nakasampay sa towel rack at sinampa sa kanyang balikat. Sumulyap siya sa kanyang salamin sa kwarto, matapos ay sa kanyang cellphone na nakahiga lang sa kama. “Bahala ka nga dyan!”
Sa school, habang naglalakad si Justin sa hallway ng main building ng campus, nakita niya si Wilfred kasama ang iba niyang mga ka-Rondalla.
“Tol, sa’n kayo pupunta?” Huminto silang lahat nang magkasalubong sila. Bitbit pa ng iba ang kanilang mga instrumento.
“Punta kami ng Quantum.” Sagot ni Wilfred. “Yung iba, magsisine.”
“Bakit? Di kayo a-attend ng practice?”
“Wala naman si Sir Tindugan e. Pumunta ng seminar. Sama ka sa ‘min?”
“Wag na. Dito muna ako sa school.”
“Oh sige, ‘tol. Maiwan na lang muna kita.”
“Ge, ‘tol. Ingat kayo.” Iniwan nina Wilfred ang kausap para dumiretso sa kanilang pagliliwaliw. Si Justin naman ay pumunta kaagad sa BPS, kolehiyo ng College of Language, Linguistics and Literature.
Natanaw niya kaagad si Sage kasama ang iba niyang kasamahan sa Debate Society. Pasikot-sikot ang dalaga sa kanilang gusali na may hawak na papel.
“Pik!” Sigaw ni Justin.
“Pak.” Tumugon naman si Sage. Ito ang kanilang napiling term of endearment. Hinango ito sa pambatang larong Pik, Pak, Boom! Pik ang tawag kay Sage dahil sa kanilang dalawa, siya ang tipong mahina ang impact sa madla. Sinlakas lang niya ang tunog ng “pik”, katulad ng nalaglag na toothpick. Samantala, si Justin naman ang taong dadaan pa lang ay tila may dumaan na buhawi. Mas malakas pa sa Red Horse ang tama. At sa kanilang pagsasama, mistulang lethal combination ang tingin sa kanila ng mga tao. Parang, boom!
“Busy ba?” Hinimas ni Justin ang likod ni Sage at naramdamang basa ito. Kinuha niya ang kanyang panyo sa bulsa at sinapinan ang likod ng kanyang girlfriend. “Pawis na pawis ka na.”
“Oo nga e.” Paulit-ulit na hinahalukay ni Sage ng tingin ang kanyang programme. “Ngayon ko lang kasi nalaman na nakahakot pala ng speaker yung club namin sa Ateneo. Kaya eto, patayan kami.”
“Wawa ka naman.” Nag-pout pa si Justin sa kanya na naging dahilan para matawa ang dalaga. “Gusto mo, tulungan ko kayo?”
“Hindi, hindi. Okay lang kami. Alam mo, libangin mo na lang muna sarili mo. Kasi, I won’t be able to entertain you for the next 7 hours.”
“7 hours? Grabe naman ‘yun. Kala ko ba magmu-movie tayo?”
“Sensya na talaga, Pak. Babawi ako bukas, promise!”
“Hay! Hindi ba ako pwede maki-seminar na lang sa inyo.”
“Mabo-bore ka lang, swear. Libangin mo na lang sarili mo. Kakakita ko lang kila Wilfred. Sabi niya, magku-Quantum daw sila. Humabol ka kaya.”
“Eeeehh.” Nagmaktol muna si Justin. Ngunit dahil sa masunurin boyfriend siya, hindi na siya umangal. “Oh sige na nga. Pero sabay tayo umuwi ha.”
“Hehe. Sige.” Nilapit ni Justin si Sage sa kanya at hinalikan ito sa noo.
“Wag masyado magpagod ha?”
“Yes, bossing!”
Nanakbo na ang dalawa sa kanilang mga patutunguhan.
Nakalabas na si Justin ng campus. Liliko na sana siya pakaliwa ngunit tila hinila siya ng gravity pabalik. Pinasok niya ang kanyang kamay sa bulsa at hinugot ang kanyang cellphone. Tinitigan niya ang device nang may hinanakit, saka pumunta sa kanyang Call History menu.
Sa Recto, sa isang sinehan na ang pinapalabas ay mga Rated R movies, nag-aabang si Justin sa tapat nito. Nagmamasid siya sa paligid nang makita niya ang tagatak vendor na padaan-daan sa kanyang harap.
“Classmate.” Tinawag siya ng vendor habang ito ay nakatingin sa kanyang ID. Mabilis niya itong tinanggal sa kanyang leeg at sinuksok ito sa kanyang bulsa. “Yosi ka muna dyan. Pampawala ng nerbyos.”
Hindi niya alam kung nangangatyaw lang ang matanda sa kanya o talagang nahalata niya na tensyonado ang binata sa kanyang pabalik-balik na paglalakad sa iisang puwesto.
“Isang Marlboro Red.” Kinuha niya ang kanyang coin purse at kumuha ng dalawa. “Hindi. Gawin niyo na palang dalawa. O kaya lima. Tama. Lima na lang.”
Binigay niya sa manong ang kanyang bayad sabay abot naman sa kanya ng limang stick ng sigarilyo. Minadali niyang sinindihan ang unang stick at malalim ang hithit niya. Nang magbuga siya ng usok, pakiramdam niya ay lumutang siya. Umangat ang kanyang paa sa lupa. Matagal na rin siyang hindi nakakatikim nito. Nalimitahan siya sa maraming bagay nang maging kaabikat niya sa buhay ang pag-ibig.
Sampung minuto ng kanyang paghihintay, nabangag na lang siya sa sobrang kabagutan.
“Hi, Tin!” Bumulaga sa harapan ni Justin ang isang babaeng naka-black na skinny jeans at naka-checkered na polo blouse.
“Ang tagal mo.” Iyon na lang ang masasabi niya kay Serrie na mataas pa sa sikat ng araw ang energy.
“Sorry ha. Tara na!” Hinablot niya kaagad sa braso si Justin at dire-diretsong naglakad.
Pumasok sila sa Nice Hotel, isang motel sa Recto. Naupo lang si Justin sa sofa sa lobby ng motel habang hinihintay niya si Serrie na magbayad sa receptionist. Sari-sari ang mga taong pumapasok sa motel. May nakita siyang isang babae at isang lalaki na kaedaran niya lang na suot ang PE uniform ng isang kilalang pribadong pamantasan ng bansa na tinatawag nilang “for everyone’s university”. Mayroon namang pumasok na isang babaeng nasa kanyang early 20’s na may kaakay na lalaking nasa late 40’s niya. Mayroon namang mukhang mag-asawa na may kasamang bata na magtse-check in.
Kinulbit ni Serrie si Justin at pumasok na sa loob ng mismong motel. Binigay ng mga room service boys ang kanilang susi na may tag na 217. Umakyat sila sa ikalawang palapag at lumiko sa pangalawang paliko na nakita nila. Binuksan nila ang kwarto na may tag na 217 sa taas ng pintuan at pumasok sa loob nito.
Umupo si Justin sa kama at hinubad ang kanyang sapatos at medyas. Hinagis ito sa isang tabi at humilata na siya sa higaan. Umupo naman sa tabi niya si Serrie at dahan-dahang ginapang ang kanyang mga kamay sa dibdib niya.
“Na-miss mo ba ako?” Hindi sinagot ni Justin ang tanong ni Serrie, bagkos ay pinakiramdaman niya lang ang dulo ng mga daliri ng dalaga na dumudulas sa kanyang damit na isa-isa na ring tinatanggal. Ngunit, bumangon siya at hinawakan ang kasama sa kanyang pulso. Tinulak niya ito sa pader at binigyan ng matatalim na tingin at mabibigat na paghinga. Padabog niyang binagsak sa kama, pumatong siya sa kanya na ganoon pa rin ang binibigay na tingin. Hinalukay niya ng tingin ang katawan ng dalaga. At parang bampirang sabik na sabik sa kanyang biktima, hinalikan niya ang leeg nito. Walang udlot na tinanggal ang saplot sa katawan nito. Hindi rin nagreklamo ang dalaga. Gumanti siya ng kagat at kalmot sa kanya. Ganito nila ito ginagawa. Hindi pwedeng umalis sila sa kama na wala man lang naiiwang pasa o marka sa kanilang katawan. Masokista o sadista, ano pa man iyan, ganoon ang kanilang pamamaraan. At walang makakakontra, miski ang konsiyensiya ng isa’t isa.
Samantala, ang mga officers ng Debate Society, isa na roon si Sage na siyang pangulo, ay abalang abala sa gaganaping seminar.
“Sage.” Lumapit sa kanya si Terrence, kapwa niyang English major at kamiyembro sa DebSoc. “Samahan mo naman ako sa Recto.”
“Huh? Bakit naman ha? Di kita masasamahan, Terrence. Marami pa akong ginagawa dito.”
“Susunduin pa daw yung guest speaker natin. Sumakay daw kasi siya ng LRT line 2. E hindi naman daw niya kabisado kung paano pumunta dito galing doon.”
“Hala! Kaya na niya ‘yon. Matanda na ‘yon.”
“Ayun nga yung problema. Matanda na siya kaya baka malito siya.”
“Kanino ko naman ibibigay ‘tong mga trabahong ‘to?”
“Bigay mo na lang ‘yan sa vice natin.”
“Hay nako.” Bumuntong hininga si Sage. Nakita niya ang vice president ng club na naglalamyerda lang sa isang tabi at inabot sa kanya ang programme. “Ikaw na ang bahala dito. Wala ka namang ginagawa. Tara na, Terrence.”
Nag-akay ang dalawa at lumabas ng campus. Sumakay sila ng jeep na bumabiyaheng MCU.
“Manong, dalawang Recto nga.” Sinigaw ni Terrence sa driver sabay bigay ng bayad.
Balik sa Nice Hotel. Katatapos lang ni Justin na maligo. Si Serrie naman na nauna sa kanyang maglinis ng katawan ay nakatapos na rin sa pagbibihis at nagre-retouch na lamang sa harap ng salamin. Kinukuskos ni Justin ng twalya ang kanyang ulo para matuyo ito.
“May problema ka ba?” Nakuha pa ni Serrie na magsalita habang naglalagay ng lipstick, at hindi pa siya sumasablay.
“Huh?” Nagtaka si Justin. Laging ganito si Serrie. Magtatanong siya ng mga tanong na mahirap maintindihan sa simula. “Pa’nong problema?”
“Wala lang. Parang hindi ka mapakali kanina nung nagjujugjugan tayo.”
“Ah. Wala ‘yon. Tigang kasi ako kaya siguro ganoon.”
“Ganoon? Akala ko ba may girlfriend ka ngayon sa school mo?”
“Meron nga.” Natapos na rin sa pagbibihis si Justin. Lumitaw ang filter ng natitirang yosi na binili niya mula sa tagatak vendor kanina. Nanghinayang naman siya nang isipin niyang itapon na lang ito. “May lighter ka ba dyan?”
Kinuha naman ni Serrie ang lighter niya mula sa kanyang purse.
“Yun naman pala e. Bakit hindi na lang kayo ang mag-chukchakan?”
“Ayaw niya e.”
“Ayaw niya as in tinatanggihan ka niya?”
“Hindi. Sa tingin ko lang, ayaw niya.”
“Pa’no mo nasabi?”
“Kasi kapag sex na ang usapan, pinapatigil niya akong magsalita.”
“Ows? Pa-virgin naman yung gf mo.”
“Pa-virgin siya kasi virgin talaga siya.”
Nahinto si Serrie sa kanyang pagre-retouch. “Wait lang. Seryoso ka?” Irap na lang ang naging sagot sa kanya ni Justin. “Wow ha. Baka naman na-food poisoning ka niyan. Sure ka ba sa sinasabi mo?”
“Ano bang gusto mo na isagot ko?”
“Wala naman. Nagulat lang ako kasi kilala kita.” Sa sinabi iyon ni Serrie ay natawa siya.
“Ano’ng nakakatawa?”
“Wala naman.” Tumayo si Serrie at inayos ang kanyang blouse. Lumapit siya kay Justin at hinawi ang buhok niyang nakasampay sa noo. “You haven’t changed. Isa ka pa ring susó. Nakakagulat lang kasi matagal pa bago mo baliktarin yung prospect mo.”
Tumindig si Justin sa harap ni Serrie. Masama ang kanyang titig, ngunit iba ito sa mga titig niya kanina. Umakma siyang hahampasin ang kasama ngunit nanatili lang sa ere ang kanyang kamao.
“So, bakla ka na ngayon?” Hinamon pa ni Serrie ang binata. Hindi naman ito makalaban kaya siya natawa lalo. “Kung sino man yung girlfriend mo ngayon, ang swerte niya na ang malas din sa ‘yo.”
Binuksan ni Serrie ang pinto at lumabas sa kwarto. Naglinay-linay muna sa kama si Justin habang inuubos ang kanyang yosi.
“Kalimutan mo na lang ‘to, Tin.” Sabi niya sa kanyang sarili. Bumangon siya sa kama ta lumabas na rin sa kwarto.
Sa pasilyo ng motel, nakita niya ang isang paalala ng motel. If you were not satisfied with our services, let us know. If you were satisfied, let others know.
“No thanks.” Wika ni Justin sa sarili.
“Ano?” Tanong ni Serrie.
“Wala.” Dire-diretso lang sila sa paglalakad.
“Saan ba raw natin siya susunduin?” Tanong ni Sage kay Terrence.
“Sabi sa ‘kin, maghihintay na lang daw siya sa food court ng Isetann.” Sagot ni Terrence habang sila ay nagmamadaling maglakad.
“Sure ka ha?” Tutugon na sana si Terrence nang lumagapak sa sahig si Sage. May nabunggo siyang isang babae na kalalabas lang mula sa Nice Hotel na may inaakayang lalaki.
“Aray!” Pwet kaagad ang hinimas ni Sage. Pakiramdam niya ay nabasag ito.
“Aray naman!” Hindi naman nasaktan ang nabunggo ni Sage kung tutuusin. Ngunit sa reaksyon niya, aakalain mong nabundol siya ng ten-wheeler. “Pwede ba ha?”
“Sorry miss.” Hindi na mapakali si Sage sa sobrang taranta niya. Iniisip niya na iilang oras na lang natitira at tapos na ang kanyang kalbaryo ngunit lalo lang itong madaragdagan nang mapagtanto niya ang kasama ng naagrabiyado niyang babae. Bumangon siya mula sa pagkakaupo sa sahig at lumapit sa lalaki.
“Justin?”
Nanlaki ang mga mata ni Serrie. “Tin, kilala mo?”
Si Justin na nakatitig lang sa kawalan. Nagkamalay nang marinig ang pamilyar na tinig. Sobrang pamilyar na ginawa na niyang theme song ito ng buhay niya.
“S-Sage?” Sinampal yata siya ng tadhana. Pareho sila ni Sage ng tinitingnan – ang sign ng motel na pinasukan niya, si Serrie na nakaakay pa rin sa braso niya, ang reaksyon sa mukha ng isa’t isa.
“Ano ‘to, Justin?” Nangangatog na ang boses ng dalaga. Marami siyang gustong ilabas. Hindi niya alintana ang dami ng tao na nagsisimulang manood sa kanilang tatlo. “Terrence, sunduin mo na yung bisita natin.” Walang imik namang umalis si Terrence mula sa tensyong nagaganap.
“Hi! I’m Serrie.” Nawala ang katarayan niya at pumalit ang mainit na pagpapakilala niya sa dalaga. “You must be Justin’s girlfriend.”
“Ano’ng ginawa niyo?”
“Haha! Girl, di ka naman siguro stupid para di makaramdam di ba? Anyway, di naman kami kaya hindi mo ako poproblemahin sa issue ng panunulot.”
Marahas na tinanggal ni Justin ang braso ni Serrie mula sa pagkakakapit sa kanya. Kinuha naman niya ang kamay ni Sage ngunit umiwas kaagad ito sa kanya.
“Honestly, di ko na mabilang yung times na natikman ko siya. Kaya nauumay na rin ako.”
Pinagmasdan ni Sage si Serrie. Nanlumo siya sa nakita niya. Ang nakasukbit sa braso ng kanyang katipan ay isang babaeng morena. Parang sirena sa kanyang wavy hair, maliit ang kanyang baywang. Maganda at balingkinitan. At ang mismong presensiya niya lang ay nakakahalina na. Hindi na siya nagduda pa. Tiyak na siya sa kung anong palagay niya ang nangyari.
“Maiwan ko na kayo. Lalabas pa kami ng bf ko e. Ciao!” Iniwan na lang ni Serrie ang dalawa nang basta-basta.
“Pik.” Kumapit si Justin sa balikat ni Sage ngunit inalis rin ito ni Sage. Nanakbo siya palayo sa kanya. Humabol naman si Justin sa kanya.
“Pik!” Nahagip niya ang braso ni Sage pero tinulak naman niya si Justin palayo. Sumalampak din ito sa kalsada at halos masagasaan na ng isang van.
Bumangon naman siya kaagad at gumayak na tumakbo, subalit hinila niya ang sarili niya pabalik. Hindi naman niya alam ang sasabihin niya sa dalaga. Wala naman siyang maipapaliwanag dahil naibunyag na ang lahat, salamat kay Serrie. Na-blangko na rin ang kanyang utak dahil sabay-sabay na dumating ang lahat – pagsisisi, panghihinayang, galit, lungkot at pagkabigo.
Araw-araw, sa loob ng mahigit limang linggo, nangulit si Justin kay Sage. Pinaulanan niya ng text at e-mails ng binata sa kanya. Minu-minuto siya kung mag-miskol. Panay ang tawag niya sa landline nila kahit lahat naman ito ay binabalewala ng dalaga. Nagbabakasakali siyang pansinin niya ang isa sa milyong bagay na ginawa upang makausap siya.
Hanggang sa isang araw, tumawag si Justin sa landline nina Sage. Si Rose ang nakasagot.
“Hello?”
“Tita, pwede po bang makausap si Sage?” Puno pa ng pag-asa ang tinig ni Justin. Hindi na siya naubusan ng pagbabaka-sakali.
“Alam mo naman ang sagot ko diyan di ba?” Galit ang nadarama ni Rose, ngunit siya rin ay naaawa sa pagpupursigi ng binata.
“Gano’n po ba? Uhm. Kamusta naman po siya?”
“Kakaunti pa lang din ang kinakain. Puro tubig lang siya. Madalas siyang nasa tapat ng computer hanggang alas-tres ng umaga.”
“Ah. Ganun po ba?”
Lumabas si Sage mula sa kanyang kwarto. Bumaba siya at lumapit sa kanyang ina na nakaipit ang telepono sa kanyang balikat at ulo.
“Ma…” Tila bagong gising si Sage sa kanyang boses. “Sino ‘yan?”
“Teka lang ha.” Sabi ni Rose sa kabilang linya matapos ay tinakpan ang mouthpiece ng telepono. “Si Justin, anak.”
“Pakausap naman ako.”
Hindi makaimik ang babae sa pag-iba ng ihip ng hangin kaya walang imik niyang binigay ang telepono sa kanyang anak.
“Hello?” Nangangatal pa ang kanyang namamaos na boses. Kinukusot niya ang mga mata niyang namamaga. Ilang linggo lang ang lumipas at halos 15 lbs din ang nabawas sa kanyang timbang. Namumutla, nagbabalat ang mga labi.
“Sage?” Hindi makapaniwala si Justin. Sa wakas ay kinibo din siya. Mapapatalon na yata siya sa tuwa. “Sage! Sage, marami akong gustong sabihin sa ‘yo.”
“Bukas mo na lang ‘yan sabihin sa ‘kin. Magkita tayo sa chapel sa oras ng break time mo. Hihintayin kita doon.” Binaba na ni Sage ang telepono. Hindi niya hinintay ang pagsang-ayon ni Justin. Hindi man lang niya binatid ang paalam sa kanya. Bumalik siya sa kanyang stado ng pagiging tuliro. Limang linggo ang nakalipas, ngunit parang kanina lang kung maalala niya ang mga nangyari.
Kinabukasan, hindi pumasok sa kanyang second subject si Justin at nanatili lang sa loob ng chapel. Sa loob ng dalawang oras na hinintay niya sa loob ng kapilya, dumating din ang kanyang kakikitain.
“Hi, Sage!” Inaasahan ni Justin na magiging maganda ang kanyang umaga. Ngunit nang makita niya si Sage, nag-iba ang kanyang inisip.
Lumitaw sa kanya si Sage na may dalang dalawang malalaking paper bags. Laman ng mga ito ay lahat ng ibinigay sa kanya ni Justin – teddy bears, bracelets, necklaces, earrings, kalahating pares ng couple shirt, sash ng gitara, balat ng mga minatamis na tinatago pa niya, petals ng roses na binigay niya noong Valentine’s Day na nakalagay sa isang bote.
“Ibabalik ko lang ‘to sa ‘yo.” Hindi alam ni Justin ang isasagot niya. Hindi man lang siya tinitingnan sa mata. “Wag kang mag-alala. Wala namang sira ‘yang mga ‘yan. Iningatan ko naman, kahit papaano.”
“Hindi ka na ba babalik?” Nag-uumapaw sa pagmamakaawa ang pagkakasabi ni Justin.
“Gusto ko.” May kakawala na kay Sage ngunit pinigilan niya lang ito. “Pero di ko kaya.”
Lumabas na ng chapel si Sage. Hindi na makahabol si Justin sa kanya. Napako na ang kanyang mga paa sa sahig.
“Wala na.” Humampas ang mga kamay ni Justin sa kanyang tadyang. Doon lang niya nakuhang umiyak. Tapos na. Tinapos nang hindi man lang nasambit ang huling linya niya para sa dalaga. Kasabay sa pagbaba ng kurtina ang pagdanak ng kanyang luha.
Halos walong buwan na rin simula nang maghiwalay sina Justin at Sage. Naging usap-usapan din ang nangyari sa buong pamantasan ngunit hindi nila nabunyag ang buong istorya dahil pinagkatiwalaan ni Sage si Terrence na itago ito sa mga usisero. Nalimutan na rin ng dalawa ang nangyari, ngunit naroon pa rin ang lamat na naiwan ng isa’t isa.
--
Isang gabi, nakatitig si Justin sa kisame tulad ng lagi niyang ginagawa. Inaalala niya ang mga nangyari sa buong araw niya. Meditation ang turing niya rito.
Sa kanyang mga naalala, nagulat siya. Napagtanto niyang noong lunch time ay kasabay niya si Sage na kumain sa San Mar.
“Wow! Nag-Mountain Dew pa kami kanina. Galing naman.”
Nahinto ang kanyang meditation nang marinig niya ang cellphone niya na nagri-ring. Hindi na niya tiningnan kung sino ang tumatawag at sinagot na lang ito.
“Hello?”
“Tol!!”
“Uy, Andres! Tae ka talaga. Alas dose na, nang-iistorbo ka pa.”
“E gising ka naman e. Kaya, technically, hindi kita inistorbo, di ba Papa Justin?”
“Hay nako! Ano gagawin natin sa phone? Magkukwentuhan?”
“Hindi, magtititigan tayo. Wait lang. Confe tayo.”
Nag-hold si Andres kay Justin. Matapos ang isang minutong paghihintay ay binalik na siya sa linya.
“Tin!” Ika ni Andres.
“Tin!!” Sumunod ang tinig ni Tor.
“Tin, pards!” Sumingit na rin si Kidron.
“Oh sige na. May artista na sa kabilang linya. Wag na kayong ma-excite.” Biro ni Justin sa kanila. “Tayo lang apat?”
“Uy! Hindi ah.” Sagot ni Andres. “Oy! Wag nga kayong maingay. Di tuloy marinig si Sage.”
“Tse!” Natawa naman ang mga lalaki sa naging banat ni Sage sa kanila. “Wala naman tayong pag-uusapan. Tumawag pa kayo.”
“Marami ‘yan.” Sabi ni Andres. “Uy, Tin! Ano ginagawa mo ngayon?”
“Ako?” Pinagmasdan niya ang kanyang kwarto. “Wala naman. Nakatunganga lang.”
“Soundterp ka ngayon, p’re?” Tanong ni Tor.
“Ah. Rinig ba?” Nakasaksak ang iPod niya sa speaker ng computer. Kasalukuyang nakabukas ang kanyang folder na ang pamagat ay isang hamak na sad face L sa kanyang Music file. “Medyo nga.”
“Anong kanta naman ‘yan, Pards?” Si Kidron naman ang nagtanong.
“Ay. Ano… Session Road. Blanko.”
“Uy… Bitter. Hehe.”
“Oh. Ano na topic natin?” Hindi na lang pinansin ni Justin ang kantyaw sa kanya ni Andres.
“Pag-usapan na lang natin yung next gig natin.” Mungkahi ni Tor.
“Oo nga.” Pumayag si Kidron. “Ano ba ipopondo natin? Tama ba yung term ko? Pondo?”
“Oo, Pards.” Sabi ni Andres. “Rakista ka na niyan.”
Nauwi nga ang lima sa pag-uusap sa kanilang iko-cover na kanta sa susunod nilang tugtog. Umabot din ng mahigit dalawang oras ang kanilang diskusyon, kasama na rin dito ang laro nila tulad ng dugtungan ang huling salita ng linya sa kanta, hulaan kung sino ang kumurap at paunahang bumahing. Akala nila ay imposible, ngunit naubusan sila ng powers sa pagpupuyat.
“Tol, suko na ‘ko.” Latang-lata na ang boses ni Andres.
“Hala. Mag-a-alas dos pa lang. Maya ka na matulog.” Sabi ni Justin.
“Eh! Ayoko nga! Mangungunduktor pa ako sa tatay ko bukas.”
“Sana di ka na lang nag-abalang tumawag sa ‘min.” Mahina ang boses ni Sage ngunit mas gising pa ang ulirat niya kung ikukumpra kay Andres.
“Ay ganun? E di, ayaw mo pa pala na tumawag ako?”
“Hindi naman. Baka kasi kami pa sisihin mo ‘pag tinanghali ka ng gising.”
“Di naman. Teka! Baka naman ayaw niyo lang ibaba para magkausap kayong dalawa. Kayo ha!”
“Hala!” Halos matawa si Justin sa sinabi ni Andres. “Nalilibang lang kami ni Sage sa ‘yo.”
“Ginawa niyo pa akong payaso. Hay nako! Ayoko na nga! Di ko na talaga kaya. Antok na utak ko. Sige! Baba ko na. Tin, mag-goodnight kiss ka na kay Sage.”
“Nakaw! Nabangag na sa puyat. Matulog ka na nga!”
“Ge, Andres.” Sabi ni Sage. “Goodnight.”
“Night p’re. mwah tsup tsup! Hehe.”
“Sige p’re. Mwahlaplap. Sage, gusto mo rin?”
“Sige lang. Pass ako.”
“Ge, ge.” Binaba na ni Andres ang telepono. Wala nang tao sa linya.
Inaayos na ni Justin ang kanyang pagkakahiga sa kama ngunit naantala siya nang may tumawag muli.
“Hello.”
“Gising ka pa?” Wika ng malambing na tinig ni Sage.
“Masasagot ko ba naman ‘to kung tulog na ‘ko? Hehe.”
“Oo nga naman. Sige. Tulog na ‘ko.”
“Uy, uy! Joke lang. Di ka naman mabiro.”
“Joke lang naman din ‘yon.”
“Ay. Joke ba ‘yun? Hehe. Nice one.”
“Hehe. Kulit naman.”
“Wow.”
“Anu’ng ‘wow’?”
“Ay! Hehe. Wala po, Ma’am.”
“Seryoso na. Matutulog ka na ba?”
“Di pa naman. Di pa nga ako inaantok e. May pantawag ka pala?”
“Di kasi kayo nagtatanong kanina. Hindi lang naman si Andres yung may unlicall.”
“Hehe. Ganun? Thanks ah.”
“Bakit naman?”
“Kasi nag-abala ka pang tumawag.”
“Hehe. Wala ‘yun. Kaw pa?”
Kung ang akala ni Justin ay gising na gising na siya sa kalagayan niya kanina, lalo pang nagising ang kanyang diwa nang makausap niya ng one-on-one sa telepono si Sage, si Sage na sa ganitong oras gabi-gabi ay hinahanapan ng kanyang tinig.
“Ano’ng sound trip mo ngayon?” Tanong ni Sage na sa kanyang kwarto ay pinaglalaruan ang kanyang maliit na bolang stuffed toy na kulay violet.
“Ah. Eh… Chicosci. Breathe Again.”
“Talagang fave mo ang Chicosci ha?”
“Hindi naman masyado. Hehe. Slight lang.”
“Cute ng kantang ‘yan.”
“Onga e. Inaaral ko siya ngayon. Kakakuha ko lang ng tabs niya nung isang araw. Kaso parang mali kaya kinakapa ko na lang.”
“Wow! Chicosci, kinakapa mo lang?”
“Anu’ng ‘wow’ dun? Kaw talaga.”
“Siyempre, kilala kita. Pag ikaw nangapa, hindi yung ‘hula’ kapa. ‘Tantsado’ kapa ka.”
“’Tantsado’ kapa? Ayos yun ah. Bagong term? Galing. English major ka nga.”
“Hehe. Pasensya naman.”
“Gusto mo, turo ko sa ‘yo.”
“I’ll stick to my forte na lang.”
“Ganun? Sige. Sabi mo e.”
“Pero if you insist.”
“HGanun? Sige, sige. Pag nag-jamming ulit tayo. Hiramin mo na lang gitara ni Tor.”
“Promise ‘yan ha.”
“Oo naman. Ikaw pa. Malakas ka sa ‘kin.”
Ang usapan nilang dalawa na wala namang laman, kahit ganoon ay umabot ito hanggang alas sais ng umaga. Puno ng bolahan, biruan, tawanan at samahan na rin natin ng ilang kilig factor. Hehe.
--
No comments:
Post a Comment