Popular Posts

Friday, October 21, 2011

5. Mas Gusto Ko 'to


LUNCH TIME. The same routine. Kakain sila Andres at Tor ng tanghalian sa luncheonette. Bibilhin nila ang paborito nilang siomai with rice. Kakain sila at a minimum rate of 10-minute time allotment per meal. Pero meron ngayong bago. Kasabay nila ang kanilang bahista, si Sage.

“Bakit hindi mo sinasabayan mga kaklase mo ‘pag lunch time?” tinanong ni Andres kay Sage.

“I don’t like.” Sinagot ni Sage na mistulang bata.

“Bakit parang hindi kita nakikita kapag break time? Nagkukulong ka ba sa BPS?” tinanong naman sa kanya ni Tor.

“Hindi naman ako dito kumakain ng lunch e. Dun ako sa SM.” Sagot muli ni Sage sa kanila.

“Hanep!” Napabulyaw si Andres. Nakakita siya ng ilan pang English majors na may makapal na eyeliner na nakatikwas at mga buhok na may brown na highlights. “Pansin ko lang sa mga English major, nagmumukha na silang mga Koreana. Buti pa ikaw, mukha ka lang Hapon.”

“Ang layo kaya.” Pagtutumanggi ni Sage. Singkit lang siya at maputi, ngunit sa tingin niya ay hindi siya mukhang Haponesa. Chinita lang talaga siya sa kanyang palagay. “Iniisip mo lang ‘yon kasi nasa English Dept yung mga Koreans sa school.”

“Talaga?” Parang hindi pa makapaniwala si Andres.

“Oo kaya. Di ba nga, kaya nagpupunta dito mga Koreans kasi mura lang dito mag-aral at gusto nila matuto ng English? Basta ganon.” Paliwanag ni Sage sa dalawang kasabay niyang kumain.

“Hindi naman siguro.” Umangal si Tor.

“Sige nga! Depensahan mo sagot mo. Not less than 10000 words ha.” Hinamon ni Andres ang kanyang kaibigan sabay inom sa kanyang isang litro ng mineral water.

“Eh! Kumakain ako e.” Palusot naman ni Tor. Sabay silang natapos ni Andres sa kanilang kinakain. Walang magawa kaya pinagmasdan na lang nila si Sage na kumain sa kanyang malumanay at mabagal na paraan. Napansin ito ni Sage kaya naudlot ang kanyang pagsubo sa isang kutsara ng kanin na may himay ng siomai na sinawsaw sa toyo.

“Tumigil nga kayo dyan!” natawa ang dalawa kay Sage. Binilisan naman ng dalaga ang pagkain sa kanyang tanghalian. Sinimot niya ang kanin sa Styrofoam at uminom ng softdrinks. Sabay-sabay silang tumayo at lumabas ng luncheonette.

“Sage, sama ka sa ‘min?” tinanong ni Tor sa kanya.

“Bakit, sa’n ang punta nyo?”

“Sa CSD. Tara?” sabi ni Andres. Ang ibig sabihin ng CSD ay Center for Sports Development. Dito sa gusaling ito matatagpuan ang mga PE majors ng PNU. Dito sila madalas magklase. Katabi dinnito ang Gym. Alam mong sila iyon kung ito ay laging naka-sportswear, nakasuot ng sneakers at mahahaba at salon-straight ang buhok.

“CSD? Uhm... not such a good idea for me. Male-late na rin kasi ako.” Sinagot ni Sage sa kanila.

“Male-late?” tumingin si Andres sa clock ng kanyang cellphone. Nakita niya na 12:30 pa lang ng tangahli ang oras. “1 pm pa klase mo ah..”

“Uhm.. may meeting kasi yung group namin ngayon. Mauna na lang siguro ako.” Palusot ni Sage sa kanila.

“Ganun? Sige.” Tinanggap ni Tor ang pagdadahilan ni Sage. “B-bye muna.”

“Kita-kits na lang mamaya.” Sabi ni Andres. Nag-wave goodbye naman si Sage sa kanila at umalis.

--

Sila Andres at Tor ay nasa third floor ng CSD. Dito sa palapag na ito matatagpuan ang Department of Humanities. Dito namumugad ang mga Music Majors ng PNU. Dito rin ang training grounds ng kanilang Chorale at Rondalla.

Sa dulong silid sa bandang kaliwa ng third floor ng gusali nagpunta ang dalawa. Sarado ang pintuan ng silid kaya kumatok muna sila. Lumabas ang isang babaeng hawak-hawak ang kanyang drumsticks.

“Sino po hanap niyo?” magalang na tanong ng babae kila Andres at Tor na nakaantabay sa pintuan.

“Pwede po ba kay Justin?” tinanong ni Andres sa babae.

“Justin Chua? Wait lang po.” Bumalik sa loob ng silid ang babae at tinawag ang hinahanap na ‘Justin’. Matapos ang ilang sandali, lumabas ang isang matangkad na lalaking payat, taas-taas ang buhok, habain ang mukha at kayumanggi ang kompleksyon. Dala pa niya ang kanyang bandurria sa paglabas niya sa silid. Namataan niya si Tor na nakaupo sa rattan na upuan sa tabi ng piano at si Andres naman na nakasandal sa cabinet ng mga instrument nila.

“Kayo ba yung mga naghahanap sa ‘kin?” naagaw ang pansin ng dalawa na nakatuon sa kawalan nang magtanong ang lalaki.

“Ah, oo!” umalis si Tor sa inuupuang rattan na silya at inayos ang sarili. “Ako nga pala si Tor. Siya naman si Andres. Mga Math majors nga pala kami. May sasabihin sana kami sa ‘yo-”

“Math majors kayo?” inudlot ni Justin si Tor sa pagsasalita nang marinig niya ang pagpapakilala sa kanilang dalawa. Napailing siya at nilapag ang kanyang instrumento. “Look, guys. Uhm.. ilang beses na ‘tong nangyari sa ‘kin e. At ayoko nang maulit pa. Gusto ko maging klaro. Sa babae lang ako nai-in love. Sorry talaga. Ayoko saktan ang damdamin niyo pero.. Malabo lang talagang mangyari ang gusto niyong mangyari. Okay lang sa ‘kin na maging friends tayo. Basta, hanggang friends lang.”

Hindi maintindihan ang ekspresyon sa mukha ng dalawa habang sinasabi ito sa kanila. Aakalaing nakakita ng nakahubad na matandang lalaki sila Andres at Tor sa kanilang itsura. Nagkasundo sila sa iniisip na may tao pa lang mas malakas ang hataw sa kanila.

“Ano kami, bading?!” tinanong ni Andres kay Justin. Sinasadya pa niyang tumalsik ang laway sa kausap niya.

“H-hindi ba kayo magtatapat?” nalito na rin si Justin sa kanila.

“Anong ipagtatapat namin sa ‘yo?” tanong ni Tor na hindi naiba sa kanila na gulong-gulo angisipan.

“Sensya na.” Naintindihan na ni Justin ang sitwasyon. “Akala ko kasi magko-confess kayo tulad ng mga ibang gay dito sa school. Mabenta kasi ako sa mga Math majors sa di malamang dahilan kaya nung dumating kayo, akala ko ganun kayo. Sorry for the mix up.”

“English major ba ‘to?” tinanong ni Andres kay Tor nang pabulong.

“Bakit mo natanong?” ika ni Tor.

“Kasi parang gusto kong paduguin ilong nito e.”

“Di ba dapat ikaw ang English major sa statement na ‘to? Kasi ikaw ang magpapadugo n ilong e.” Paliwanag ni Tor. Nalito na si Andres sa kanyang pun kaya binalikan na lang niya si Justin.

“Tol, pwede ka ba kausapin?” nakiusap si Andres kay Justin. Madali namang napakiuasapan ang tao. Pumunta sila sa gym para doon mag-usap.

--

“Oh sige. Recap. Papayag ka na maging gitarista namin?” tumango si Justin sa tanong ni Andres. “Pero kada Sabado ka lang namin pwedeng maka-jamming. From 4:30 to 5 pm. At two times a month tops?” tumango muli si Justin. “Tor, ano ibig sabihin ng ‘two times tops’?”

“Ibig sabihin, maximum na two times a month natin siya makaka-jam.” Paliwanag ni Tor sa kaibigan ni Andres. Nagkandalukot na ang pagmumukha ni Andres sa kundisyon na ibinigay sa kanila ni Justin. Kung paano nila nalaman ang tungkol sa kanya ay ganito.

Habang si Tor ay natutulog sa kanyang desk at si Andres naman ay nakadungaw lamang sa bintana, di sadyang narinig nila ang usapan ng tatlong bading sa kanilang klase.

“Girl, wag ka na umiyak. Girl naman e..” Sinabi ng payat na bading na naka-hair band sa kanyang katabing bading na tinatakpan ang mukha ng panyo at humahagulgol parang isang butanding.

“Kaya nga, girl. That’s life talaga.” Sinabi naman ng isang baklang daig pa ang bouncer sa bar sa laki ng katawan niya.
“Moment of truth ko na ‘yon e. Nagtatapat na ako.. pero..” kinakain pa ng nagdadramang bakla ang kanyang letter ‘R’ sa mga sinasabi niya. “.. binitin niya na ako. Tsaka niya sinabi na hindi talaga pwede.” At lalong lumakas ang kanyang pagngawa.

“Hay nako. Hayaan mo na yung kemperlu na ‘yon. Takot lang ‘yon sa espadahan.” Sabi ng malaking bading. Lumala pa ang kundisyon ng bading na nagdidiluryo.

“Oo nga, girl.” Sumang-ayon ang isa pang bading. “Tsaka bitter pa ‘yon sa ex niya.”

“Sino? Yung English major? Ang chaka naman nung girl na yun.” Panlalait ng malaking bading sabay kuha ng kanyang malaking pamaypay.

“Girl, isipin mo na lang, hindi lang ikaw ang bakla na tinanggihan niya sa PNU.” Sinabi ng payatot na bading para gumaan ang loob ng kaibigan.

“Kaya nga. Para siyang chick magnet. Pero gay ang lumalapit sa kanya. Kaya gay magnet.” Paliwanag naman ng malaking bading.

“Girl, di mo naman kasalanan.” Nagsalita muli ang payat na bakla. “Papable talaga siya e.”

“Kaya nga. Di mo masisisi sarili mo kung na-in love ka sa kanya. Tamo, matalino, mabait, friendly, approachable, cute, talented.” Sinabi ng bading na dambuhala.

“Hay.. kung hindi ko lang siya nakitang tumugtog sa stage, hindi head over heels ang drama ko ngayon.” Ika ng nagdadramang bakla. Kumalog ang tainga ni Andres nang marinig ang salitang ‘tumugtog’. Pinakinggan niya ng mabuti ang usapan ng mga bakla. “Gusto ko talaga magka-jowa ng nasa banda e. Gusto ko, lagi niya akong hinaharana. Mga ganong chorva.”

Tuloy-tuloy sa usapan ang mga bakla. Ngunit nahinto ito nang makita si Andres na nakatayo sa harapan nila.

“Oh? Anong kelangan mo, ha Tolentino?” mataray na tanong ng mga bakla. Ngumiti naman si Andres sa kanila na parang pulubing binigyan ng pagkain.

“May kilala kayong gitarista dito sa PNU?” tinanong ni Andres sa kanila. Hindi maintindihan ng tatlo ang sinasabi niya kaya nagwalang-bahala na lang ang mga ito. Inagaw muli ni Andres ang kanilang atensyon. “Di ba may nabanggit kayong nagbabanda na taga-PNU? Yung nambasted sa kaibigan niyo?”

“Aba! Nakikinig ka pala sa usapan namin?” nagtaray lalo ang malaking bading.

“Nge! Pano ko ba naman hindi maririnig e pampalengke yang volume ng mga boses nyo?” Sinabi ni Andres sa kanila.

“Bakit mo naman tinatanong?” tanong ng payat na bading.

“Basta. Kelangan ko ng gitarista. Magaling ba ‘yon ha?” patuloy sa pangungulit si Andres.

“Oo naman. Nakaka-in love nga e.” Sinabi ng madramang bading at umiyak muli.

“Hindi mo ba kilala si Justin Chua? Ka-year natin siya. Music major. Kasali siya sa Rondalla, bandurria ang hawak niya.” Sinabi sa kanya ng payat na bading. Lumaki at lumala ang ngiti sa mga labi ni Andres.

“Talaga? Salamat sa info ha.” Tinantanan na niya ang mga miyembro ng ‘pederasyon’ sa kanilang klase at bumalik sa kanyang upuan. Ginising niya si Tor na gumagawa na ng lawa ng laway sa kanyang desk para pag-usapan ang kanilang next target.

Balik sa usapan nila Tor, Andres at Justin.

“Ganon ka ba talaga ka-busy?” tinanong ni Andres kay Justin.

“Kasi yung sked ko sa Rondalla. Madalas yung mga biglaang practice tsaka mga team building. Sobrang hectic.” Depensa ni Justin sa reklamo ni Andres.

“Hulaan ko, wala ka nang social life nyan.”

“Meron pa naman. Umiikot siya sa Rondalla.”

“Yan ang tinatawag na dedikasyon.” Ika ni Tor sa kanila.

“Ewan ko.” Napabuntong hininga si Justin. “Parang obligasyon nga e.”

“Oh. Aalis ka na?” Tinanong ni Andres nang makita si Justin na tumayo at inaayos ang sarili.

“Sensya na pare. Iba na lang siguro ang hanapin niyo.” Sinabi ni Justin sa dalawa saka umalis. Ramdam ang pagkadismaya sa kanyang pananalita. Hindi alam ni Andres pero nakadama siya ng pag-aalala para kay Justin.

--

Alas-siete y media ng gabi. Nakarating si Justin sa kanilang bahay. Nilapag ang bag na kanyang bitbit at binuksan ang kanilang pinto.

Sa kanilang living room na siyang una mong makikita pagpasok sa kanilang magarang bungalow, nadatnan niya ang tatlong kapatid niya na babae na nanonood ng TV. Lahat ay mas bata sa kanya. Ang pinakamatanda sa kanyang mga kapatid, isang first year nursing student, ay micro-mini skirt at fitted shirt ang suot. Ang sumunod naman dito, isang third year high school student na nag-aaral sa isang pribadong paaralan, ay naka-short shorts at naka-fitted na damit din tulad ng ate niya. At ang kanilang bunso, anim na taon ang gulang, ay naka-bistidang pink na may imprintang mukha ni Cinderella.

“Charlene, wag ka ngang bumukangkang dyan.” Sabi ni Justin sa kanyang kapatid na pangalawa sa bunso. Inayos niya ang kanyang upo tulad ng sinabi ng kanyang kuya. Lumapit naman siya sa kanyang bunsong kapatid na may nakalagay na lipstick, mascara at foundation sa kanyang mukha.

“Marilyn, bakit ka na naman naglaro ng make-up?” tinanong sa maliit na kapatid. Kinarga ito ni Justin para dalhin sa lababo at hugasan ang mukha. Ngunit nakita niya ang panganay sa mga babae, si Kristine na bubuksan ang pinto.

“Hoy, sa’n ka pupunta?” napahinto si Kristine sa tanong ng kanyang kuya.

“Sa tindahan. Magpapa-load lang ako.” Sagot ni Kristine habang sinusuot ang tsinelas na nakatabi sa rack ng mga sapatos malapit sa pintuan nila.

“Na ganyan ang suot mo? Nako! Tumigil ka dyan. Ako na maglo-load para sa ‘yo. Linisan ko lang si Marilyn.” Sinabi ni Justin kay Kristine. Hindi na lumabas ng bahay si Kristine at nanood na lang ulit ng TV.

Habang papunta sila Justin sa kusina, nakarinig sila ng pumaparadang sasakyan sa kanilang garahe.

“Andyan na pala si Daddy.” Sabi ni Justin sa kanyang kapatid. “Hilamos na tayo.” Hinalikan ni Justin ang pisngi ni Marilyn. Nang halikan ang kapatid, may ibang nalasahan ang binata. Saka niya naalalang naka-make up pala ang kapatid. “Kapal ng make up mo, bhe.” Binuksan niya ang gripo sa lababo. Nagsalok ng tubig sa kanyang kamay at kinuskos ang mukha ng kanyang kapatid.

--

Handa na ang hapag-kainan. Nakahain na ang biniling pagkain ng ama nila Justin sa Chow King. Nakaupo na ang lahat sa kanilang mga designated chair sa dining table. Sa isang side, nakapwesto sila Justin at Kristine. Sa kabilang side naman naroon sila Charlene at Marilyn. Sa head ng table, doon nakapwesto si Marlon Chua, ang tatay nila. Sa kabilang head sana nakapwesto ang kanilang nanay kung hindi siya pumanaw gawa ng kanyang sakit sa bato.

“Daddy, musta naman ang araw mo?” tinanong ng bunso ng may paglalambing pa.

“Okay lang naman, bhe.” Sagot naman ni Marlon. “E kayo, musta naman ang araw niyo? Ano mga ginawa niyo ngayon?”

“Nag-practice kami ng cheering ngayon.” Sinagot ni Charlene. “Tapos na namin yung mga stunts namin. Aayusin na lang daw namin yung choreo namin.”

“Wala namang masyadong nangyari sa ‘kin ngayon.” Sagot naman ni Kristine. “Except na kinausap ako ng mga prof ko. Sabi nila, sali ako sa Mister and Miss University namin.”

“Daddy, naglaro kami ng Barbie kila Shekinah.” Sinabi ni Marilyn. Tinutukoy niya ang kanilang kapitbahay na kaedaran niya lang din. “Ang ganda ng Barbie niya, Daddy. Yung nakukulayan yung hair. Daddy, bili tayo non, ha.”

Tahimik na kinakain ni Justin ang kanyang beef wanton. Hindi niya pinansin ang tanong ng kanyang ama.

“E ikaw Justin,” sinabi ng kanilang Ama. “kamusta ang araw mo?”

“Uhm.. sakto lang.” sagot ni Justin. Hindi man lang niya tinitingnan ang kanyang tatay habang kinakausap ito. “Sana pinagluto niyo na lang ako ng hapunan. Nag-take out pa kayo.”

“Sabi kasi ni kumpareng Romy, male-late daw ang grupo nyo ng uwi.” Tinutukoy ng kanyang ama si Professor Romeo Tindugan, kanyang kaklase noong sila ay kolehiyo pa at instructor nila Justin sa PNU Rondalla.

“Mock practice lang naman ‘yon. Pwede akong umalis kapag gusto ko.” Inayos ni Justin ang kanyang pinagkainan at umalis sa dining table. Pinagmasdan lang siya ni Marlon na umalis.

--

Nakahiga lang si Justin sa kanyang kama. Nakatitig sa kisame at umaawit sa kanyang sarili. Nahinto siya at bumangon mula sa kanyang higaan. Tiningnan niya ang paligid ng kanyang kwarto. Pumunta siya sa isang sulok nito para kunin ang isang bagay na matagal na rin niyang hindi nahahawakan. Umupo siya at nilapag niya sa kanyang hita ang bagay na kinuha niya.

“Musta ka na, Aiko?” kinausap niya ang kanyang ‘baby’, ang kanyang Tremolo guitar na tatak Fender na tatlong taon na ring nasa kanya. Matagal na rin itong hindi nagagamit ni Justin. Ngunit, ilang beses niya na ito pinansabak sa mga tugtugan, at walang palya ito kahit kalian. Alagang-alaga niya ang kanyang baby. Hindi niya hinahayaang magasgasan ito, pinapalitan niya kaagad ang string kapag nangangalawang na. Wala naman talaga dapat na maging pangalan ang kanyang Aiko kung hindi dahil sa isang babaeng naging makabuluhan sa kanyang buhay. Matindi at di mabura-burang marka ang iniwan nito sa kanya. Kaya sa tuwing pagmamasdan niya ang kanyang gitara, naalala niya ang kanilang pinagsamahan at napapangiti nang hindi namamalayan.

Gusto sanang umiyak ni Justin ngunit walang luhang gustong lumabas mula sa kanyang mga mata. Maraming gumugulo sa isip niya. Ito ang dahilan kung bakit itinatabi niya lang ang gitara sa sulok. Bumabalik sa kanya ang mga bagay na nagpapagulo sa utak niya. Una dito ay ang pagkawala ng kanyang ina na siya mismong nagbigay sa kanya ng gitara. Simula nang mawala ito, si Justin ang tumayong ina para sa kaniyang mga kapatid. Lagi naman kasing wala sa bahay ang kanyang ama gawa ng trabaho kaya siya na lang ang nag-aasikaso sa kanila. Pumapangalawa naman sa kanyang mga problema ang pag-alis niya sa kanyang banda na binuo nila ng kanyang mga kabarkada noong high school. Nang malaman ni Marlon na magiging Music major siya, pinipilit na siyang umalis dito para raw ma-pursue niya ng maayos ang kanyang course. Naiisip ni Justin na dahilan para pilitin siya ng ama sa ganitong desisyon ay dahil ayaw niyang mapahiya sa kanyang kaeskwela na magiging propesor ng binata. Hindi pa niya tinapos doon at pinasali pa talaga ang anak sa Rondalla para magkaroon siya ng extra-curricular tulad ng kanyang mga kapatid. At pangatlo ay ang gusot nila ng nabubuhay na pinakamahalagang babae sa buhay niya na hanggang ngayon ay naiisip at hinahanap-hanap pa rin niya.

“Miss mo na Mama mo?” Tinanong ni Justin ang gitara habang hinihimas ang fretline nito. Huminto muna siya at dinikit ang tainga sa katawan nito na parang may ibibigay na sagot ang gitara. “Ako rin e. Sana, bumalik pa siya ‘no?”

Nagsimula si Justin na mag-strum sa kanyang gitara. Inaalala niya ang mga tamang riff sa isang paboritong kanta niya ng Chicosci.

This one’s for you, you know who you are, the one whose song isn’t mine anymore. Kinahiligan niya ang kanta simula nang mag-break sila ng kanyang girlfriend na isang English major sa PNU. Isa sila sa tinuturing na ‘celebrity couple’ ng kanilang school. Naging usap-usapan ang dalawa dahil sa kanilang kakaibang pagsasama. Si Justin Chua na Mr. Popularity ng school – may looks, may brains, may personality at may talent – ay na-hook sa wall flower ng English Dept na pambato ng kagawaran sa patalinuhan at pagalingan ngunit hindi masyado sa pagandahan.

So, here I stand right outside your door and I’m waiting in on you. Habang kumakanta ang binata, nakatingin siya sa malayo at binabalikan ang mga pagkakataong magkasama pa sila ng kanyang ex. Doon napapawi ang kanyang pagod. Doon lang niya natatakasan ang mga nagpapabigat ng loob niya.

Holding on to you, the things you never knew. Oceans should never come between the sun and the moon. And time should never matter to me and you. Binaba niya si Aiko at nilapag niya sa kanyang kama. Dumungaw siya sa kanyang bintana at tumingala sa mga tala. Pinagmasdan niya ito ng mabuti hanggang sa makakita siya ng bulalakaw. Nagulat siya ngunit naging listo pa rin, tulad ng paalala sa kanyang ina. Kapag nakakakita ka ng isang bagay na nakakaagaw ng pansin mo, kailangang gawin mo kaagad ang gusto mong gawin dito. Kaya naman ipinikit niya ang kanyang mga mata at mataintim na humiling sa bulalakaw na nahuli niyang dumaan sa kalangitan.

--

“Oh talaga? Astigin naman!” banat ni Andres kay Tor habang naglalakad sila sa covered walk. Kinukwento ni Tor ang ginawa niyang research noong isang gabi sa bago nilang prospect na si Justin.

“Talaga! Tsaka alam mo, sasali dapat sila ng Redhorse Muziklaban. Kasi yung mga taong in charge na mismo sa nagpapa-battle yung nag-aaya sa kanila. Kaso, di pwede. Kasi minor pa si Justin non, pati yung bahista nila.” Kwento ni Tor kay Andres. Kinuwento rin niya ang tatlong battle of the bands na napanalunan ng banda ni Justin na ang ngalan ay Cirkus Freakz – ang tatlong battle, first-placer sila -, ang mabangis na genre ng banda niya na rap metal at grunge na ihinalintulad ni Tor sa mga bandang Dictalicense, Queso at Greyhoundz, at siyempre, ang kakaibang galing ni Justin sa paggigitara.

“Tae! Ang bangis! Tama ka nga ‘no? Mayabang ang mga bihasa sa tugtugan.” Wika ni Andres kay Tor.

“Baliw! Joke lang yung sinabi ko na kelangan mo talaga silang lapitan.” Depensa ni Tor, hindi lang para kay Justin, kundi para sa mga magagaling at mababait na musikero. “Mabait nga sa ‘tin si Justin e.”

“Oo nga.” Sumang-ayon naman si Andres. “Alam mo, parang gusto ko nang tanggapin yung alok nya sa ‘tin. Kahit medyo mahirap pakisamahan. Kasi kahapon, nakita ko sa kanya, parang gusto niya talagang sumali sa magiging banda natin.”

Nahinto ang usapan ng dalawa nang makita ang drummer at tanging percussion player sa rondalla na nagngangalang Nicole.

“Miss..” kinalabit ni Andres ng malakas si Nicole, dahilan upang magalit ito. “Nakita mo ba si Justin?”

“Mukha ba akong tanungan ng mga nawawalang tao?” pambabara ni Nicole sa binata.

“Pwede ba, kung mambabara ka lang, gumamit ka ng linya na hindi na nalipasan ng panahon?” nilampaso naman ni Andres ang dalaga.

“Miss, nagkita ba kayo ni Justin ngayon?” Si Tor na lang ang kumausap kay Nicole upang maibsan ang tensyon na namumuo sa kanila ni Andres.

“Well..” kumalma na si Nicole. “Huli ko siyang nakita sa catwalk.”

“Thanks.” Sinabi ni Tor at tinantanan na ang babae. Sakto, sa paglalakad nilang dalawa ni Andres, di pa kalayuan ay nakita na nila si Justin na sasalubong sa kanila.

“Tol!” tinawag ni Andres si Justin na parang nasa kanto lang sila.

“Uy! Ano meron?” Balik naman ni Justin kay Andres.

“Ah.. eh.. tungkol sa offer mo sa ‘min..” medyo nahihiya pa si Andres na sabihin kay Justin ngunit kailangan niya. Kailangan nila ni Tor ang tulad niya na isang low-profiled guitarist. “..tatanggapin na namin.”

“Oh?” hindi makapaniwala si Justin. “Seryoso?”

“Oo nga! Okay ba sa ‘yo sa susunod na Sabado tayo mag-jamming?”

“Sabado?” inulit ni Justin. Hindi niya talaga sukat isiping may makikisama pa sa kanyang busy schedule para lang isali siya sa kanilang banda. Ngunit meron pala, at disidido silang kunin siya bilang gitarista. “Sige! Sure. Ako na lang ba kulang nyo?”

“Kulang pa kami ng drummer e.” Sinabi ni Tor. May kasunod pa sana iyon ngunit biglang sumingit si Nicole sa usapan nila.

“Justin, meron daw tayong practice mamayang 4 hangggang 6. May darating daw kasing visitors sa Friday, kasabay natin mag-rehearse ang chorale kasi may bago daw tayong sasauluhin na piyesa.” Paliwanag ni Nicole.

“Ganon? Sino may sabi?” Tinanong ni Justin sa kanyang kasamahan.

“Si Prof Tindugan.” Tinuro ni Nicole ang kanilang instructor na bumibili ng hotdog sandwich sa isang stand. Ang ganda na sana ng mood ni Justin dahil tinanggap siya nila Andres sa kanilang binubuong banda. Ngunit nag-iba ang kanyang pakiramdam nang makarinig na naman ng bagay na may kinalaman sa Rondalla.

Tumayo lang ang apat sa gitna ng daan. Nakatulala lang si Justin at nag-iisip ng kanyang susunod na galaw. Napansin niya si Propesor Tindugan na papalapit sa kanya na dala pa ang kanyang hotdog sandwich. Napapakiramdaman ni Justin na kakausapin na naman siya nito tungkol sa susunod nilang pag-eensayo.

“Sige, Justin. Mauna na ako.” Nagpaalam na si Nicole at maglalakad na papalayo sa tatlong binata. Ngunit hinatak ni Justin ang dalaga sa braso upang ilapit ito sa kanya. Niyapos ng binata ang kanyang mga braso sa baywang ng dalaga at ipinasan ang baba sa balikat nito. Sa saktong pangyayari na iyon, nasa harapan na nila si Propesor Tindugan na nakanganga at hindi maintindihan ang mukha. Nalaglag ang kanyang hotdog sa sahig ngunit hindi niya ito pinansin.

“Ano ‘yan?” tinanong ni Propesor Tindugan sa magkayakap na sila Justin at Nicole. Mahina man ang boses habang tinatanong niya ito ngunit mistulang papatay siya ng tao sa tono ng kanyang pananalita.

“S-sir.. m-magkayakap po kami.” Ang mga kamay ni Justin na nakapalupot sa bewang ni Nicole ay nanginginig at pinagpapawisan.

“Sumama kayo sa ‘kin. Now na!” pinagtaasan ng Propesor ng boses ang dalawa. Sumunod naman ang dalawa sa utos nito. Sinundan nila sa kung saan man patungo ang kanilang Propesor.

“Pare, ang labo non ah. Nagulat ako. Ano yung nangyari kanina?” mas malaki pa sa mata ng tarsier ang mga mata ni Andres sa sobrang pagkagulantang.

“Naguluhan nga rin ako e.” Nagkamot lang ng ulo si Tor. Parang pulso na sinundan ng dalawa sila Justin.

--

Parang araw ng paglilitis ang eksena sa loob ng Humanities Department faculty room. Walang ibang tao sa loob kundi sila Justin, Nicole at Professor Tindugan. Matalim ang tingin ng maestro sa kanila. Ang binata ay nakayuko at nakatitig lang sa sahig habang ang dalaga ay nakatitig sa mukha ng binata.

“Nicole..” nabasag din ang mahigit kalahating oras ng katahimikan sa pagitan nilang tatlo. Napalingon ang dalaga sa propesor nang tawagin ang kanyang pangalan. “Ano ang sagradong batas ng grupo natin?”

“S-sir..” kinakabahan ang dalaga. Hindi naman niya alam kung ano ang nangyayari sa kasalukuyang pagkakataon na iyon. Ang naiintindihan niya lang ay ang pagkakamali ni Propesor Tindugan sa kanyang iniisip tungkol sa ginawa ni Justin sa kanya. “Bawal po ang mag-boyfriend sa rondalla.”

“Tama. At bakit ganoon ang batas natin?” patuloy si Propesor Tindugan sa pagtatanong ng mga bagay na alam naman niya talaga.

“To avoid distraction, sir.”

“Exactly!” tumayo mula sa inuupuang swivel chair si Professor Tindugan. Pinagmasdan niya ang mga trophies at medals na napanalunan ng PNU Rondalla sa mga lumipas na taon. “This affiliation cannot afford any kind of distraction. You are a talented and smart girl, Nicole. Unfortunately, you’re not smart enough to follow a simple rule that I’m passing on to you as a member of The Rondalla.”

“Pero, sir, mix up lang po-”

“I don’t want to hear your opinion. I want to hear THAT of Mister Chua.” Tumingala naman sa kanya si Justin. Nalunok niya ang naiipong laway sa bibig sa sobrang takot.

“Sir..” ang tawag ni Justin sa kanyang maestro. Kahit air-conditioned ang silid, punong puno ng mga butil ng pawis ang kanyang mukha.

“You have a skill with the bandurria. Ikaw na yata ang pinakamagaling sa roster niyo ngayon. At tuwang tuwa talaga ang Papa mo nang makasali ka sa Rondalla. Sayang..” umiiling si Professor Tindugan. Pumunta siya sa may bintana at dumungaw sa maliit na siwang na ginawa niya mula sa kurtina nito. “But rules are rules.”

“I understand, sir.” Hinawakan lang ni Justin ang kanyang mga tuhod at nakayuko pa rin. Hindi man lang niya matingnan sa mukha kahit si Nicole na naguguluhan pa rin sa kung anong binabalak niya.

“Do me a favor,” Hinarap ni Professor Tindugan ang dalawa. “.. and announce to the whole campus that the PNU Rondalla is looking for two new members – a bandurria player and a drummer.”

Pumikit si Nicole at nagsimula nang tumulo ang kanyang luha. Nakonsiyensiya naman si Justin dahil alam niyang dedikado ang dalaga sa pagiging miyembro ng grupong ito, hindi man sobra-sobra ngunit mas lalamang naman sa dedikasyong ibinubuhos ng binata. Nag-ipon siya ng lakas at lumapit sa kanilang Propesor.

“Sir..” Humarap sa kanya si Professor Tindugan na may mukhang mas matapang pa sa dragon. “.. pwede po, wag nyo na lang tanggalin si Nicole.”

“Sinabi ko nga sa ‘yo, rules are rules. And once you break the rules, you’re out.”

“Sir..” tinatagan pa lalo ng binata ang kanyang sarili. “Sir, I want this and she doesn’t. Sir, please..”

“Hmm..” Napaisip ang Propesor. “Give me one good reason.”

“Sir, andami po dyan na magagaling na gitarista. Sa mga Music majors pa lang, tiba-tiba na kayo. Pero ang mga drummer, madalang lang kayo makakakita nyan sa PNU.”

“Hindi naman ako nagmamadali na makahanap ng bagong drummer. Sa isang totoong Rondalla, hindi kailangan niyan. Palabok lang ‘yan.”

“But, sir. That factor makes PNU Rondalla unique compared to others.” Hindi nga naman maitatanggi ng propesor ang sinabi ni Justin. Binigyan niya ang binata ng isang ‘Mr. Suave’ na ngiti at lumapit kay Nicole. May ilan siyang sinabi sa dalaga na nagdulot ng pagtahan nito. Naglakad si Justin papunta sa pintuan.

“Justin..” tinawag ni Professor Tindugan ang binata na lalabas na sana ng pinto. “.. yung pinapagawa ko sa ‘yo, wag mo kalimutan. At tsaka, ikamusta mo na rin ako sa Papa mo.”

Ngumiti naman si Justin sa Propesor at iniwan na siya sa faculty room. Sumunod naman sa kanya si Nicole.

“Bakit mo ginawa ‘yon?” tinanong ni Nicole sa binata habang pinupunasan ang mga natirang luha sa kanyang pisngi.

“Kasi..” Kinuha ni Justin ang panyo sa kanyang bulsa at ibinigay sa dalaga. “May sasalihan akong grupo. At sa grupo na ‘yon, bawal ang may multiple affiliation.”

“Ganon?” ginamit naman niya ang panyong ibinigay sa kanya. “Bakit hindi ka na lang nag-quit?”

“Kasi, kapag nag-quit ako, hindi ako kaagad paaalisin ni Prof Tindugan.”

“Sana sinabi mo muna sa ‘kin yung balak mong gawin. Hindi yung ginugulat mo ako ng ganun-ganun.”

“Uy Nicole, sorry talaga kanina ha. Basta, yun na lang yung biglang pumasok sa isip ko e. Kaya ayun!”

“Di bale. Tapos na rin naman e. Siya! Mauna na ako sa ‘yo. Sana hindi mo na ako hatakin ulit sa braso.”

“Ehe. Di na talaga mauulit, swear.” Nagbabay na si Nicole sa kanya at bumaba sa staircase. Naglakad ng kaunti si Justin at namataan sila Tor at Andres na nakadungaw sa bakal na harang at pinapanood ang mga nagpa-practice na cheering squad na sumasayaw sa saliw ng kanta ng isang girl group mula sa Korea.

“Pare!” tinapik ni Justin ang dalawa sa balikat. Tumigil si Andres sa pagtawa dahil sa isang male member ng cheering squad na nakasuot ng crotch supporter at si Tor na hinahanap naman ang sinasabing pinagtatawanan ni Andres.

“Uy pare!” lumingon si Andres kay Justin. “Kamusta?”

“Ayun. Tinanggal ako sa Rondalla.”

“Ganun?” Nagulat si Tor, hindi lamang sa balita kundi pati na rin sa reaksyon ni Justin na parang hindi man lang nalulungkot dahil natanggal siya sa isa sa pinaka-maimpluwensiyang cultural group sa PNU. “Panu yan?”

“Panu yan? E di mas marami akong time para makapag-jamming kasama kayo.”

“Pero bakit?” tanong ni Andres.

“Ginawan niyo ako ng solid e. Tinanggap niyo ako kahit sinabi ko na busy ako. I just returned the favor.”

“Uy! Baka napipilitan ka lang ha.” Sabi ni Tor.

“Hindi no! Gusto ko talagang sumali sa banda nyo.” Ngumiti sa Justin sa kanilang dalawa. Kung sa bagay, simula nang sabihin sa kanya ni Professor Tindugan na tanggal na siya ay hindi na naalis ang ngiti sa kanyang mga labi.

“Pare, na-touch naman ako sa sinabi mo.” Wika ni Andres. “Nababakla tuloy ako.”

“Hehe. Sira ulo. Tara! Bili tayong pagkain. Nakakagutom pala ang masita.” Umalis na ang tatlo sa CSD building.

Mission accomplished para kila Andres at Tor. Isa na lang ang kulang nila at set na sila para sa kanilang banda.

--


No comments:

Post a Comment