Popular Posts

Friday, October 21, 2011

8. Ready na Tayo


“Pano tayo sisikat?” Pambungad ni Andres sa mga kasama niya – sila Tor, Sage, Justin at Kidron. Nagdaos si Andres ng kanilang pagpupulong sa ilalim ng puno ng mangga na katabi ng entrance ng main building ng PNU. Ika ni Andres, kailangang maging regular sa kanila ang mga pagpupulong nilang iyon. Lahat sila ay nakaupo sa isang bangko, maliban kay Andres na palakad-lakad sa harap ng mga kasama niya sa mabatong lupa ng kanilang pamantasan.

“Sisikat?” Sabi ni Sage na may tono ng pagiging sarkastiko.

“Hindi naman sa ‘sisikat’. Sabihin na lang natin na ‘comeback’.”

“Comeback? E wala pa nga tayong coming na ginagawa e.” Natawa sila Tor, Kidron at Justin sa sagutang nagaganap sa pagitan nila Sage at Andres. Tiningnan naman sila ng masama ng babae dahil sa dumi ng kanilang mga isip, saka sila tumigil at nanahimik.

“E di breakthrough na lang. Sus! Me dalaw ka ata ngayon e.” Bulong ni Andres sa kanyang sarili pero narinig pa rin ito ni Sage. “Ayun nga! Ano ba dapat nating gawin?”

Walang kumibo sa kanila. Hindi nila maintindihan ang tinutukoy ni Andres.

“Na-gets nyo ba ako?” Lahat ay umiling sa tanong ni Andres. Huminga ng malalim si Andres at sinabi sa kanila, “Kayo na nga bahala. First time ko lang sa ganito e. Wala naman akong alam dyan.”

“Ang ibig sabihin ni Andres e kelangan natin ng gig.” Nagpalit si Andres at si Tor ng pwesto. Si Andres ang umupo at si Tor naman ang tumayo. “Kaso saan naman? Dapat kahit papano e pumukaw tayo ng pansin.”

“Alam ko na!” Ika ni Kidron. “Bakit hindi na lang sumali yung isa sa ‘tin sa isang singing contest? Gagawin niyang promising ang image niya sa mga viewers tapos kapag natanggal siya ng mas maaga sa inaasahan ng marami, gagamitin niya yung popularity niya para makilala ang banda niya.”

“That’s very conspiring. Ganyan ba mga Christian?” Smart talk na naman si Sage sa mga kasama niya. “Tsaka kapag ginawa natin ‘yon, the attention will only go to the person who joins the singing contest and not the band of that person.”

“Ganun ba yon? E di sali na lang tayo sa isang contest ng mga nagbabanda?”

“Komplikado yung mga gano’n.”

“E di sa mga noontime show. Di ba may ganung pa-contest yung mga ganon?”

“Corny kaya yung ganon.”

“Hay nako.” Di na nagsalita pa si Kidron. Nagsama sila ni Andres sa pananahimik.

“Bakit hindi na lang tayo mag-post ng video natin sa Youtube?” Si Justin naman ang nagmungkahi.

“Magiging pang-tv lang tayo nyan. Mas papansinin nila yung collectiveness natin.” Kumontra muli si Sage.

“E di mag-post na lang tayo ng demo track sa Multiply o kaya sa Twitter.”

“So far, I don’t think the internet is the best way to promote our music.”

“Well, at least, I’m giving suggestions and not criticizing them.”

“Oy oy oy! Tama na ‘yan.” Nagkakaroon na ng tensyon sa pagitan ng mag-ex kaya pumagitan si Tor sa kanila. “Bakit ka nga ba kasi kontra ng kontra, Sage?”

“I’m just saying,” Wika ni Sage. “Instead of going for your ridiculous ideas, why don’t we just do it the normal way?”

“Panung normal?” Tanong ni Andres na nakadapa sa bangko sa ilalim ng puno ng mangga.

“Bakit hindi na lang tayo tumugtog sa bar? O kaya sa mga prod. O di kaya naman sumali sa mga battle.”

“Nge! E kasing hirap din naman ‘yon ng mga suggestion namin kanina.” Sabi ni Kidron.

“Alam ko. But doing it the usual way doesn’t take away the fun in being in a band, unlike your suggestions my dear gentlemen. Gusto ko lang ma-experience ‘yon ng bokalista natin na virgin pa sa tugtugan.” Tumingin si Sage kay Andres. Nawala ang nadama niyang pagkaasar sa dalaga noong sila ay nagkokontrahan at nagkangitian.

“Sage has a point.” Gayon na sumang-ayon si Tor sa sinabi niya. “Pero saan naman tayo hahanap ng tugtugan?”

Pagkasabing iyon ni Tor, kinuha ni Sage ang kanyang bag ay may kinuhang isang piraso ng papel. Pinabasa niya sa mga kasama niya ang nakasula dito. Tumubo ang mga ngiti na abot hanggang tainga sa bawat isa sa kanila.

“Nakita ko lang ‘to kanina na naka-post sa bulletin board ng luncheonette.” Sabi ni Sage. “Tapos naalala ko na every year, may nagho-hold na parang live band show dito sa school. I don’t know what org in particular but.. uhm.. we can give it a shot if you want to.”

“Adik ka talaga. Kelangan mo pang mang-away para lang malaman namin na may good news ka.” Ang biro ni Andres kay Sage.

“Gusto ko lang kayo sorpresahin.” Ngumisi si Sage. Napasulyap siya kay Justin na humingi ng patawad sa kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang mga ngiti.

“Ang galing naman!” Gayon din na nagalak si Kidron. “In two weeks, magkaka-gig na tayo.”

“T-two weeks?” Inulit ni Andres.

“Oo.” Sabi ni Kidron at ipinakita ang pamphlet ng live band show sa kanya.
Sumalampak sa lupa si Andres. Pinadaloy niya ang kanyang daliri sa kanyang anit hanggang sa sabunutan niya ang kanyang sarili.

GYAAAAAAAAAAAAAH!!!

Nagulat ang mga kasama ni Andres sa kanyang malakas na pagsigaw. Napalingon ang mga nagdadaanang tao sa kanila.

“Anong nangyari sa ‘yo?” Tanong ni Tor kay Andres. Nagtaka sila sa inasal niya.

“Ang lapit na pala ng tugtog na ‘yon.” Tumayo si Andres at pinagpagan ang sarili. “Sasali ba talaga tayo don?”

“Hindi.” Sagot ni Sage. Lumuwag ang paghinga ni Andres. “Nakasali na tayo. Nag-sign up na kaya ako.”

“Eeeeeeeeeeeh!!” Kinabahan muli si Andres. “Wala ba tayong practice niyan?”

“Malamang, meron.” Sabi ni Tor. “Hindi naman tayo pwede magkalat dun no?”

“Sa Sabado kaya, practice tayo.” Mungkahi ni Sage. “Dun tayo sa bahay namin. Kahit jamming-jamming lang.”

“Pwede rin.” Ika ni Kidron.

“Sige. Sa Sabado ha.” Sabi ni Tor sa mga kasama nila. Pumayag sila Kidron at Justin. Hindi umimik si Andres.

--

Sabado. Sa Paseo sa Philcoa nagkita sila Andres, Tor, Sage, Kidron at Justin. Nagpunta sila sa West Wing Villa.

Sakay ng isang traysikel, bumaba sila sa tapat ng isang two-storey house na may green na pintura sa pader, bubong at gate at maraming halaman sa bakuran. Binuksan ni Sage ang gate at pumasok sila sa loob ng bahay. Sa living room, nakaupo ang isang babae na nasa kanyang early 30’sa isang sofa at nakaharap sa kanyang laptop. Maikli ang kanyang buhok, halatang pina-relax, maputi kagaya ni Sage at slim ang pangangatawan.

“Ma!” Tinawag ni Sage ang kanyang ina. Tumayo naman ito bilang paggalang sa kanyang mga bisita at ngumiti sa kanila. “Mga bago kong kabanda.”

“Hello! Call me Tita Rose.” Maganda pa ang ngiti sa mukha ng nanay ni Sage.

Isa-isang nagpakilala sila Andres, Tor at Kidron kay Rose at nakipagkamay samantalang tumayo lang sa isang tabi si Justin.

“Tol, di ka ba magpapakilala?” Tinanong ni Tor kay Justin. Hindi siya nagsasalita at ngumingiti na lang sa kanila.

“Kilala na siya ni Mama.” Bulong ni Sage kay Tor. Nalukot ang mukha ni Tor, saka naisip kung bakit nagkaganoon.

Pagdaan ng paningin ni Rose kay Justin, tumaas ang kanyang kanang kilay.

“Hi Tita.” Hindi makatingin ng maayos si Justin sa nanay ni Sage habang binabati niya ito.

Pagduduruan sana siya ni Rose ng daliri ngunit pinigil kaagad siya ni Sage.

“Ma, kabanda ko siya ngayon.” Makahulugan ang titig ng dalaga sa mga mata ng kanyang ina. Kumalma ang pakiramdam ng babae sa ginawa ng kanyang anak.

“Ano nangyari sa mga kabanda mo dati?” Sabi ni Rose matapos ang isang malakas na buntong hininga.

“Umayaw na po ako sa kanila. Tapos sa kanila naman ako sumama.”

“Mga taga-PNU ba kayo?” Lahat ay tumango sa tanong ni Rose. “Buti naman. Basta kapag tutugtog na kayo, ingatan niyo anak ko ha. Iisa na lang ‘yan. Di pwedeng mawala pa ‘yan sa ‘kin.”

“Yes Ma’am!” Sagot ni Andres. Bumalik ang magiliw na ngiti ni Rose sa kanila.

Pumunta sa kusina si Rose para ikuha sila ng maiinom. Umupo naman silang lahat sa set ng mga sofa at couch sa sala nila Sage.

“Mabait pala Mommy mo, Sage.” Ika ni Kidron.

“Hmm.. Sakto lang siya.” Aakalain mong pa-humble ang sinabing iyon ni Sage ngunit totoo talaga. Mabait ang kanyang mama sa mga mababait, at masama naman sa mga masasama.

Bumalik si Rose na may dalang isang tray na may nakalagay na isang pitcher ng iced tea at apat na baso. Isa sa mga basong iyon ay may pangalan ni Sage.

“Ma..” Hindi maganda ang tono ng pagtawag ni Sage sa kanyang ina.

“Bakit, anak?” Peke ang ngiti sa mukha ni Rose, hindi maitatago.

“Kulang yung.. Hay nako! Yaan mo na!” Tumayo si Sage mula sa couch. “Teka lang ha, Justin. Ikukuha lang kita ng baso.”

“Sige lang.” Gusto sana umalis ni Justin sa loob ng bahay na iyon. Kahit hindi niya tingnan, ramdam naman niya ang nakakatakot na pagtitig sa kanya ni Rose. Kung hindi lang gawa ng hiya niya para sa mga bago niyang kabanda, baka nanakbo siya pauwi.

Bumalik si Sage na may dalang isang baso at isang platong puno ng brownies. Inabot niya ang baso kay Justin at nilapag sa coffee table ang plato.

“Uy, tiyempo!” Kumuha kaagad si Andres ng isang brownie mula sa plato. Sumunod rin sa kanyang ginawa sila Tor at Kidron.

Hindi nagsasalita o gumagalaw man lang si Justin. Tahimik lang siya at pangiti-ngiti kay Sage.

“Uy, kuha ka ng brownies oh.” Giya ni Sage kay Justin. Napansin ni Tor ang dalawa. Natutuwa siya at unti-unti nang gumagaang muli ang loob nila sa isa’t isa.

Ayaw namang tumanggi ni Justin sa dalaga kaya kumuha siya ng isang piraso ng brownies na kanyang hinurno. Naalala niya ang huling beses na natikman niya ito, noong mga panahon mayroon pang ‘Justin at Sage’.

--

Panay ang tingin ng lima sa laptop. Panay ang hanap ng mga kantang pwedeng tugtugin. Halos 50 kanta na ang napapatugtog nila sa laptop ni Tor. Naubos ang load ng broadband niya kaya naki-wifi siya sa bahay nila Sage.

Kaskas dito, kalabit doon. Pihit ng pihit ng tuning peg ng kanilang mga gitara. Ang kanilang mga gasgas na pick at kalyadong daliri ay laspag na. Halos kasing pula na ng makopa ang mga kamay at hita ni Kidron sa kakokopya ng palo ng kanta. Paulit-ulit na kumakanta si Andres pero miski isa hindi niya natapos.Wala pa rin silang mapili. Hindi nila alam kung bakit. Hindi naman sa hindi nila kaya, hindi rin sa kulang sila sa gamit upang makopya ang mga kantang ito. Ngunit, sa kanilang palagay, walang kantang pupwede sa Kapritso.

“Bakit ganon?” Pagmumukmok ang ramdam sa boses ni Tor. Pumalumbaba siya habang nakatungtong ang kanyang siko sa kanyang gitara. “Parang ang hirap humanap ng kantang pwede i-cover.”

“Wala bang bagay sa ‘tin na kanta?” Dismayado na rin si Kidron.

“Wag kayong magsalita ng ganyan.” Hindi pa rin sumusuko si Andres. “Meron ‘yan. Sigurado ako.”

“Kung meron ‘yan, sana nahanap na natin kanina pa, di ba?” Ika ni Sage. Hindi na lang kumibo si Andres.

Si Justin naman na nakaupo sa sahig ay tumayo.

“Sage, makikigamit lang ng banyo ha.” Paalam ni Justin sa kanilang host. Pumayag naman si Sage. Iniwan niya ang apat sa sala at pumunta sa CR na malapit sa staircase nila Sage. Hindi na niya mapigilan ang nararamdaman ng kanyang pantog.

Ginhawa. Nakaihi na rin si Justin. Ngunit, parang gusto niyang bumalik sa loob ng banyo.

“Tita..” Pinilit ni Justin ang sarili kahit kabado habang kaharap niya ang ina ng kanyang ex. “Gagamit po ba kayo ng CR?”

“Mag-usap nga tayong dalawa.”

“P-po?”

“Mag-usap tayo.” Dumiretso si Rose sa kanilang kusina. Sumunod si Justin sa kanya dahil sa kanyang takot na baka kung anong gawin sa kanya kapag hindi siya sumunod.

Umupo si Justin sa isa sa dalawang upuan sa hapag-kainan. Lumapit naman sa refrigerator si Rose at kumuha ng isang baso ng tubig. Nilagay niya sa mesa ang baso.

“Para saan po ang tubig?” Hindi mapigilan ni Justin na itanong.

“Para kung sakaling ayaw mong sumagot, bubuhos ko ‘yan sa ‘yo.” Naalala ng binata ang madalas ginagawa sa palabas kapag ang tagpo ay isang hinihinalang suspek at mga pulis sa kalagitnaan ng isang interogasyon sa isang madilim na silid. Ang ilaw ay yaong nakalambitin mula sa kisame at pasuray-suray pa.

“Ano po ba itatanong niyo?”

“Bakit ka pa kasi bumalik sa anak ko? Hindi pa ba sapat yung sinaktan at pinaiyak mo siya?”

“Ho?” Hindi alam ni Justin ang kanyang sasabihin. Ngunit alam naman niya sa sarili niya na wala na siyang balak ulitin ang binanggit ng ina ng dating kasintahan sa kanya. “Nagkakamali po kayo sa iniisip ninyo.”

“Anong nagkakamali? Hay. Hijo, alam mo naman kung gaano kahirap maging ina at ama para sa kanya. Nung nakita ko siya sa lagay na ‘yon noon pa, parang dinudurog yung laman ko.”

“Tita..” Hindi muna nagsalita si Justin, pati si Rose. Tumingin siya sa mga mata ng babae nang may sinseridad. “Para po ‘to sa bagong banda namin ngayon. Wala na po akong ibang intensyon. Pramis!”

Nilayo ni Rose ang kanyang tingin sa binata. Kinuha niya ang baso na nasa mesa at ininom ang tubig.

“E sino’ng nagbuo ng banda? Ikaw? Si Sage?”

“Hindi po. Inaya lang po ako nila Andres na sumali. Saka ko lang din po nalaman na kinuha nila si Sage.”

“Ah.. E di pakana pala nung Andres ‘tong banda-banda niyo. Close ba kayo no’n?”

“Ngayon ko nga lang po ‘yan nakilala e.”

“Kakilala ba siya ni Sage?”

“Hindi rin po ‘ata.”

Sumilip si Rose sa salas at pinagmasdan ang pinagkakaabalahan ng kanyang anak at ng tatlo pang binata. Patuloy pa rin sila sa paghahanap ng kanta. Madalas niyang makita na ganito si Sage. Seryoso. Nakatapat lang sa harap ng computer o laptop. Nagse-search ng mga tabs habang nagpapatugtog ng pagkalakas-lakas. Ginagawa niya ito kung hindi mag-isa ay kasama ang kanyang mga dating kabanda. Ang kaibahan lang sa kasulukuyang ginagawa niya ay nakangiti siya. Maya’t maya ang tawang pinapakawala niya. Saka lang niya naramdaman ang kanyang unica hija na masaya sa ginagawa niya.

“Hmm..” Bumalik ang kanyang pansin kay Justin. “Okay na rin siguro yung ganyan. Kaysa naman nung kasama pa niya yung Kawali, Kawaii, Wasabi. Kung ano mang pangalan ng dati niyang banda. At least, hindi nase-stress ang anak ko kapag kasama niya kayo.”

“Kaya nga po e.” Napangiti at nawala ang kaba na naramdaman ni Justin. Bumalik ang pagiging kampante ng kanyang loob kay Rose.

“Bumalik ka na do’n, anak. Hinihintay ka na nila.” Muli ay sumulyap si Justin kay Rose. Umalis siya sa kanyang kinauupuan. Magalang na ngumiti sa nakatatanda at bumalik sa kanilang agenda sa may living room.

“Hay nako…” Mistulang pagod si Andres nang bumati sa pagbalik ng kabanda. “Buti na lang nagbalik-loob ka na sa ‘min.”

“Tol, pa’no ‘to? Gusto raw ni Andres ng Sandwich.” Hindi pagkain ang ibig sabihin ni Tor, bagkos, ay isang banda na pinangungunahan ng drummer ng bandang tumatak sa alaala ng bawat Pilipino lalo na ang mga may muang na noong dekada nobenta. “E mahirap ‘yon di ba?”

“Hindi naman siguro sa mahirap.” Sumingit si Kidron. “Medyo magara lang yung mga gamit nila kaya ganun na nagmukhang mahirap.”

“Hindi lang ‘medyo’. Magarang magara talaga.” Sabi ni Tor. Hindi na maintindihan ni Andres ang mga pinanagsasasabi nila ni Kidron. Wala kasi siyang alam sa lenggwahe ng mga tugtugero.

“Okay ka lang?” Ramdam sa tanong ni Sage kay Justin ang pag-aalala.

“Oo naman, siyempre. Nu ka ba?” Puro ang ngiti sa mukha ni Justin. Sa isang makabuluhang saglit, pinagmasdan niya ang mga mata ni Sage na tago sa pagkasingkit at sa bangs. Ngunit ayaw naman niyang makahalata ang dalaga kaya pinatigil na niya ang sarili.

“Teka, teka.” Tumingin sa kawalan si Tor. Saka nakapag-isip. “May isang kanta na pwedeng i-cover sa Sandwich ha. Teka teka lang talaga.”

Sige. Search lang. Bumalik sa ganoon ang estado nila Tor, Andres at Kidron. Pero ngayon, may napupuntahan na ang ginagawa nila.

Nahuli ni Justin si Sage na napapangiti sa ginagawa ng tatlo. Natuwa rin ang binata sa kanyang nakita. Matagal na niya ring hindi nakita iyon na ngumiti ng ganoon at naalala niya kung gaano kasarap ang masilayan siya na ganoon. Mahirap pakabitawan ang isang bagay na nakasanayan mo nang gawin o maramdaman, aminado siya. Kahit papaano, may isang punto sa buhay ng isang tao na babalikan sa kanya ang ganoong bagay.

Ang mga tao sa bahay ay nakarinig ng malakas na kulog. Natuon ang pansin nila sa bintana na unti-unting napupuno ng mga sabog na patak ng ulan.

“Ay wow! Umulan.” Lumapit si Sage sa pintuan. Nagmasid siya sa paligid at napansin na walang katao-tao sa kanilang street.

“Bakit ganon? Walang naliligo sa ulan?” Nagtaka si Andres dahil hindi ganoon ang kinalakihan niya sa Montalban. Sanay siya na sa tuwing darating ang ulan ay nagsisisuguran ang mga bata sa kalye para maglaro at magtampisaw.

Ang naiwan, sila Kidron, Justin at Tor ay sumunod sa dalawa na nakadungaw sa pintuan. Iniwan ni Andres ang kanyang mga kasama at humakbang palabas sa ulan. Nagulat ang mga kasama niya.

“Oy, adik!” Sigaw na ang ginagawa ni Tor sa pagtawag niya kay Andres dahil sa lakas ng ulan. “May pamalit ka ba?”

“Wala!” Sinundan ito ni Andres ng malakas na halakhak. Pinakiramdaman niya sa kanyang mga palad ang pagpatak ng ulan. Nalalasahan na rin niya ang tubig-ulan.
Nanakbo na rin patungo sa ulan si Tor. Nagkainggitan na at gumaya si Kidron.

“Mga pards! Sarap maligo oh.” Paanyaya ni Kidron sa dalawang natirang sa pintuan.
Nagkatinginan sila Justin at Sage. Natawa sila. Hinawakan ni Justin si Sage sa kanyang braso at dinala ito sa ulanan kasama niya.

Lumabas silang lima sa gate nila Sage. Nilantad ang mga sarili sa ulan at nagdiwang parang mga maliliit na bata.

Buhos ng ulan, aking mundo’s lunuring tuluyan..

Napakanta muli si Andres. Masyadong nagalak sa ulan. Wala namang dumating na tagtuyot para ipagdiwang ang ulan ng ganito. Sadyang malakas lang talaga ang tama ni Andres sa buhay. Hayaan na lang.

Napansin din ito ng kanyang mga kasama. Sinamahan siya sa pagkanta nila Kidron at Tor.

Tulad ng pag-agos mo, di mapipigil ang puso kong lumiliyab.
Pag-ibig ko’y umaapaw, damdamin ko’y humihiyaw sa tuwa.

Nanood lang sila Justin at Sage sa ginawa ng kanilang mga kabanda. Nakukuha na muli nilang magkatinginan sa isa’t isa. Nababawasan ang pagkailang na nananalaytay noon.

Lumabas si Rose sa kanilang bahay na nakasukob sa kanyang payong. Natuwa siya sa mistulang chorale na nakikita niya. Ngunit mas nasiyahan siya sa kung gaano kasaya ang kanyang anak sa mga bago niyang kaibigan.

Tuwing umuulan at kapiling ka.

Kumulog ng malakas, gayon din ang pagdating ng kanilang mga tawanan.

“Oh! Tama na raw. Nagagalit na ang kalangitan sa ‘tin.” Sabi ni Tor. Naglaro sila sa ulan. Wala man ito sa naging agenda nila sa araw na iyon, pakiramdam nila ay ginawa nila iyon nang may kabuluhan. Umuwi man sila na basang-basa, okay lang. Masaya ang dumating na araw para sa kanila.

Hindi lang sila naglaro sa ulan. Gawa ng unos na dumating, nakuha nila ang kanilang peace of mind. Mahirap man paniwalaan pero sa gitna ng ulan sila nagkaroon ng diskusyon sa kung anong kanta ang iko-cover nila. At sa maniwala ka’t sa hindi, naging progresibo ang kanilang naging diskusyon. As in, may pinatunguhan naman, awa ng Diyos. Kaunting plantsa na lang, ready na sila. Ready na sila sa kanilang first gig ever. Hanep!


--

No comments:

Post a Comment