Popular Posts

Friday, October 21, 2011

9. First Gig


Pasukan na naman, at maulan pa. Nagkita-kita ang lima sa luncheonette. Nakaupo sila sa may dulo ng dalawang mesa na pinagdugtong na malapit sa serving area. Nakaupo sa pinakadulo si Andres. Magkatabi sina Tor at Kidron sa isang banda, sina Justin at Sage naman sa kabila.

HACHING!

Sabay na nagpakawala ng malakas na bahing sila Kidron at Tor. Buti at sinalo ang kanilang pinasabog na sipon ng tissue paper.

“Ayan! Betlog kasi kayo e.” Pinagsabihan ni Andres ang dalawa. “Sabi ko sa inyo, mag-ordinary bus na lang kayo pauwi. Nag-taxi pa kayo. Ayan tuloy! Such a loser, yaya!”

“Bakit ikaw? Paano ka ba nakauwi?” Tila ngongo sa kanyang pananalita si Tor.

“Sumakay ako ng jeep. Umupo ako sa may tabi ng driver para walang nababasa na katabi ko. Tapos pagdating ko ng Litex, sumabit ako ng jeep. Tapos tricycle pauwi. Oh di ba?”

“Buti hindi ka sinipon.” Sabi ni Kidron sabay sininga ng malakas ang kanyang uhog sa tissue paper.

“Siyempre naman. Patatagan ng resistensya doon sa ‘min, ‘no?” Buong pagmamalaki ni Andres.

Kinalabit ni Justin si Sage sa kanyang braso. Agad naman siyang pinansin ng dalaga.

“Uy, salamat nga pala doon sa paghatid sa ‘kin ni Tita sa subdivision namin.” Wika ni Justin kay Sage.

“Wala ‘yun.” Tugon ni Sage sa kanya. “Pinilit ko talaga si Mama no’n kasi alam kong sakitin ka.”

“Sana hindi na nag-abala Mama mo.”

“Okay lang ‘yun. Don’t worry.” Nakahalata ang dalawa na pinapanood sila ni Tor na mag-usap. Makahulugan ang tingin niya kila Justin at Sage. At nang mapansin na obvious na pala siya, natawa siya at bumalik sa pakikipag-usap kila Andres.

“Ano? Sigurado na ba kayo sa desisyon natin?” Tanong ni Andres sa kanilang lahat.

“Na ‘yon na lang iko-cover natin?” Paniniguro ni Tor. “Oo naman.”

“Sa ‘kin, okay na kahit ano.” Sabi ni Kidron na pinupunasan ang ilong.

“Ako rin.” Sumang-ayon si Justin.

“Kayo bahala.” Kahit ganoon ang sagot niya, sumasang-ayon si Sage sa lagay na iyon.

“Okay!” Tumayo si Andres. “Tara na!”

“Saan tayo pupunta?” Nagtaka si Tor.

“E di sa San Mar.” Hindi maintindihan ng apat ang ibig sabihin ni Andres. Saka lang nila naisip. “Duh! Magsu-studio tayo.”

“Grabe ka kung mag-announce ng practice ha. Biglaan.” Tumayo si Kidron mula sa kanyang inuupuang monobloc chair.

“Oh tara! Gora na tayo!” Giya ni Tor sa kanila. “Umaambon na sa labas e. Baka maabutan pa tayo ng malakas na ulan.”

Ngumiti na lang si Justin at sumunod sa kanila.

“Kayo na nga bahala.” Si Sage ang huling tumayo sa kanila. Lumabas na sila ng luncheonette at saka sa school.

--

Nakarating na sila sa BTMT band rehearsal studio. Nakasalubong nila si Stet na may kausap na isang lalaking panot at may salamin na makapal ang frame.

“Uy! Eto na pala ang unnamed band e.” Ika ni Stet sabay ang isang malakas na hagikgik. Umalog ang kanyang tiyan na hinihimas niya sa yanig ng kanyang pagtawa.

“Kuya, pa-studio po.” Paalam ni Andres sa lalaki. Binigay ni Stet ang susi sa kanila, bagay na hindi niya ginagawa sa ibang amateur college bands na gumagamit ng kanyang studio.

Umakyat sila sa second floor at pumasok sa studio. Hinawakan na nila ang kani-kaniyang mga instrument at inayos ito. May napansin si Justin na kakaiba sa pagpasok nila sa studio.

“Bago gamit nila ah.” Ika ni Justin habang pinagmamasdan ang Gibson Les Paul na hawak niya.

“Oo nga ‘no?” Nahalata rin ni Tor ang pagbabagong ito. Gibson Les Paul din ang hawak niyang gitara. Mayroon itong pagkakahalintulad sa kanyang gitara na nasa kanyang silid-walaan. “Maganda pa.”

“Gara niya ah.” Kinalabit ni Sage ang fourth string ng bass guitar na hawak niya na Ibanez naman ang tatak.

Pinalitan ang lumang pompyang at bajo na tambol ng bagong Hernandez na bass drum at cymbals. Pinalo ni Kidron ang cymbals at pinakinggan ang nananalaytay na tunog nito.

“Sarap!” Sabay kagat ni Kidron sa kanyang labi.

“Bakit yung mic, hindi man lang pinalitan?” Nagtampo si Andres. Para siyang bata na nainggit sa mga kalaro niya dahil may bago silang laruan.

“Try mo talsikan ng talsikan ng laway ‘yang mic para palitan na nila.” Ang asar ni Tor sa kanya. Nag-apir sila ni Justin dahil nagkakasundo sila sa kanilang iniisip.

“Abnuy! Mag-start na nga tayo!” Nag-adjust ng mic stand si Andres. Binilangan ni Kidron ang kanyang mga kasama gamit ang bagong drumstick ng studio.

Nagsimula na nag Kapritso sa kanilang first song. Habang nasa loob sila ng studio at nagdya-jamming, sila Stet at ang kanyang kasama naman ay pinanood sila mula sa maliit na bintana ng pintuan ng studio.

“Pare, eto. Magaling na banda, walang alinlangan.” Sabi ni Stet sa kanyang kasama.

“Tagasaan ba ‘tong mga ‘to? Adamson? TUP? UDM?” Tanong ng lalaki kay Stet.

“Hindi ‘no! Pare, teacher ‘yang mga ‘yan.” Nagtaka ang kasama ni Stet sa sinabi niya kaya dumungaw ito sa bintana para silipin ang uniform nila. Saka niya nakuha ang ibig sabihin ng matabang lalaki nang mahalata niya ang all-white uniform ni Sage na pa-pencil skirt ang istilo pero maluwag ang opening sa dulo at blouse na nakapalobo at hindi fit na fit sa kanilang katawan

“Pare, mga taga-Normal pala e.” Quite a rare sight, ayon sa parirala, ang makakita ng katulad ng Kapritso. Kumbaga ang mga taga-PNU ay newb sa ganitong bagay.

Pinasok ng dalawa ang studio. Nakita kung paano ang naging reaksyon ng banda sa kanilang pagpasok. Si Andres lang ang nakakuhang ngumiti kila Stet. Ang apat pa ay abala sa kanilang mga hawak na instrumento. Ang unang nakapagpakitang gilas ay si Kidron sa kanyang malinis na pagpalo. Sinamahan pa ito ng swabeng rollings. Sumunod naman sila Justin at Tor na nagsasalitan ng tutugtugin na riff, tapos si Sage na pinadulas ang kanyang mga daliri sa makapal na string ng bass. Hindi palalampasin ang paraan ng pagkanta ni Andres. Hindi kuha ni Andres kung paano kinanta ng bokalista ng bandang may ari ng tinugtog nilang kanta ngunit nakuha naman niyang magkaroon ng sariling personalidad sa kanyang boses, o baka gawa lang iyon ng sipon niya.

“Magaling nga mga batang ‘to.” Ika ng kasama ni Stet sa kanya.

“Di ba, sabi ko sa ‘yo?” Alam niyang hindi siya nagkakamali sa sinabi niya sa kanyang kasama.

Katatapos lang ng unang kanta nila saka naglabasan ang mga reaksyon nila sa pagdating ni Stet at ng kanyang kaibigan.

“Mga bagets, pahiram muna ng time nyo ha.” Hiniling ng lalaki sa kanilang lima. Hindi nagsalita ang miski isa sa kanila at lumapit na lamang sa matabang lalaki at sa kanyang kasama.

“Ang galing ninyo. Swabe tugtugan niyo.” Papuri ng kasama ni Stet sa Kapritso. Ang mga miyembro nito ay abot-batok na ang ngiti. “Ako nga pala si Lee.”

Nakipagkamay ang lima kay Lee. Iniisip ni Andres kung siya lang ang nakapansin, nahalata niya na ang nagpakilalang Lee ay kamukha ni Lee Nadela ng Slapshock, dahil siguro sa Don Quixote moustache-goatee combo at payat na pangangatawan.

“May hina-handle siya ngayong intercollegiate battle of the bands.” Kwento ni Stet sa kanila. “Ang maganda dito sa battle na ‘to, hindi ganoon kahirap ang proseso. Kailangan mo lang i-submit kay Lee ng mga videos niyo either habang tumutugtog o nagdya-jam sa studio.”

“Yup!” Sumang-ayon sa kanya si Lee. “Narinig niyo na ba yung battle na ‘Clash of the Real Titans’?” Ang apat na binata ay umiling. Si Sage ay nakatitig sa kawalan habang ang kanyang mga singkit na mata ay nanlaki. “Ganun? Kasi isa siyang-”

“Ako po!” Pinutol ni Sage ang sinasabi ni Lee sa kanila. “Gusto po naming sumali doon.”

“Ahh.. okay!” Medyo nagtaka si Lee sa kung bakit naging ganoon ang reaksyon ni Sage. “Basta alam nyo naman kung anong gagawin. Kahit iwan niyo na lang yung CD niyo na may video ng tugtog niyo kay Stet. Siya na bahala do’n.”

“Affirmative.” May tingin sa mga mata ni Sage na naglalaman ng maitim na balak. Napuna ito ng kanyang mga kabanda at kinakabahan sa kung anong balak ng dalaga.

--

Nakatambay ang lima sa Jollibee. Nakapwesto sila sa dalawang mesang pinagdugtong. Ninenok ni Andres ang isa sa mga upuang nakalaan para sa ibang mesa.

Dumating si Justin na dala ang kanilang mga orders – isang TLC burger at regular-sized iced tea para kay Sage at tag-iisang Champ burger at large-sized Coke para sa mga lalaki.

“Sage, tanong lang.” Sabi ni Kidron habang kinukuha niya mula sa kahon ang kanyang inorder na malaking burger. “Bakit parang enthusiastic kang sumali sa Clash of the Real Titans?”

“Huh?” Inisip ni Sage kung ano ang sitwasyon na iyon kung saan nasabi ni Kidron na excited nga siyang sumali, saka niya naalala. “Ah… Okay! Hindi naman sa enthusiastic, pero meron akong aim para sumali do’n. Gusto kong… makaganti.”

“Makaganti?” Nagulat si Kidron. “Hala, Sage! Masama ang ganyan. Hindi ‘yan magugustuhan ni-“

“Alam ko, alam ko!” Inudlot ni Sage si Kidron. “Ibig kong sabihin, may gusto akong patunayan.”

“Kanino?”

“Sa mga kabanda ko dati.” Si Justin na naka-concentrate sa kanyang burger na kanina pa niyang pinaglalawayan ay tumingala kay Sage nang sabihin niya ito. Bumalik sa kanya ang minsang kakatukin siya ng dalaga sa kanilang classroom. Ie-excuse niya ang binata sa kanilang propesor para lang maibaon ang kanyang mukha sa kanyang dibdib at umiyak. Sa tuwing itatanong ni Justin kung bakit siya umiiyak, ang pinakamalinaw at pinakamadaling maintindihan na sagot niya ay ‘yung mga kabanda ko na naman kasi…’

“Bakit? Ano bang ginawa sa ‘yo ng mga kabanda mo?” Hindi alam ni Kidron ang buong istorya.

“Halimaw kasi mga kabanda niya.” Si Tor ang sumagot.

“Halimaw, as in magaling tumugtog?” Tanong ni Kidron.

“Hindi. Halimaw as in, mukha silang halimaw.”

“Grabe naman.” Yaon na lang ang nasabi ni Kidron at kinain ang kanyang burger.

“Nakakainis kasi yung mga ‘yun. Yabang-yabang nila.” Halos padabog na hinahalo ni Sage ang softdrinks niya gamit ang kanyang straw. “Sumali din kasi sila do’n. Gusto kong ipamukha sa kanila na hindi lang sila… Basta hindi lang sila!”

“Uy, ano!” Sumingit si Andres na puno pa ang bunganga ng burger, dumudungaw ang lettuce sa kanyang bibig. “Payag na tayo sa gusto ni Sage oh. Sali na tayo sa Clash of the kung ano man ‘yun.”

“Sige, sige! Okay ako dyan.” Wika ni Kidron. “Kaso kelangan pa natin ng videos para makapasok tayo doon.”

“Di bale.” Sumingit si Tor na suminghot ng malamig na hanging nagpapabalik-balik sa air conditioner ng Jollibee. Pinagmasdan niya ang kanyang burger na isang subo na lang ang mayroon bago ito maubos. “Magdadala naman ako ng video cam e.”

Ngumisi si Tor at isa-isang tumingin sa kanyang mga kabanda. Iba’t ibang reaksyon ang nakuha niya sa bawat isa…

--

Sa klase ni Prof. Briones ng Calculus, mataintim na nakaupo si Andres sa kanyang armchair. Nakatitig sa pisara, pinakikinggan ang mga tunog sa kanyang paligid – ang busina ng mga nagdadaang sasakyan salabas ng pamantasan, ang mahinang bulungan ng dalawang babae sa kanyang karapan, ang pagkaskas ng yeso sa pisara sa tuwing magsusulat dito si Prof. Briones, ang pagtapik ng dulo ng kanyang ball-tip pen sa kanyang desk. Pati ang mahinang pag-utot ng katabi ni Tor ay narinig niya.

“Pare..” Mahinay at mababa ang boses ni Tor nang mangausap sa katabi. Seryoso ang kanyang mukha at malalim ang titig sa mga mata ng kanyang kaibigan. “Samahan na kita sa clinic kung talagang natatae ka na.”

“Gusto mong makotongan?” Kinagat ni Andres ang kanyang labi. Umakma siya na kokotongan si Tor na naging dahilan upang umilag ito. “Di lang ako mapakali.”

“Ay sus!” Kinurot ni Tor ang baywang ni Andres. Ang pag-aray niya ay narinig sa buong classroom, lalo ni Prof. Briones, ngunit hindi ito pinansin ng maestro dahil natuon ang kanyang pansin sa kanyang textmate na nakuha niya ang number sa isang channel sa cable TV nga napa-flash ng mga mobile numbers. “Kinakabahan ka pa do’n? Okay lang ‘yun, ‘no.”

“Abner! Palibhasa kasi kayo, nagawa niyo na ‘to dati pa. E ako? Beer-gin pa nga lang daw ako sabi ni Sage.” Lumingon si Andres sa likurang banda ng classroom nila. Nakasandal sa pader ang gitara ni Tor na nakalagay sa case nito na may kung ano-anong stickers na nakadikit. Binuksan ni Tor ang kanyang bag at kinuha ang kanyang video camera. Pinunasan niya ang lens nito gamit ang dulo ng kanyang hinlalaki.

“Uy.. First gig ni Andres. Hihi.” Kukuritin sana ulit ni Tor ang baywang ni Andres ngunit umilag na ito. “Yakang yaka ‘yan, p’re.”

“Oo naman.” Nagpamulsa si Andres at pinagmasdan ang pisara. Naging malumanay ang pakiramdam ng kanyang loob, inisip niya. “Iniisip ko lang yung sasabihin nila.”

“Ganun? Ano naman sa sasabihin nila? Ang mahalaga lang naman do’n e ginagawa mo gusto mo e. Di ba, p’re?”

“Nga naman. Sana hindi ka na lang nag-Math. Nag-Values ka na lang dapat.”

Ngumisi na lang si Tor kay Andres. Hindi na inisip ni Andres ang mga iniisip niya bago sila mag-usap. Hinintay na lang nila na matapos ang kanilang klase.

--

Sa students’ veranda ng PNU, kung saan naroon ang opisina ng Student Government na siyang may pakana ng live show na gaganapin sa Quadrangle, nagtipon ang maraming estudyante ng iba’t ibang taon, mula una hanggang ikaapat. Hindi lahat, ngunit karamihan sa kanila ay may dalang mga gamit – mga gitara, drumsticks, effects at distortion. Halos lahat ay naka-uniporme, ang ilan ay nakasibilyan, senyales na hindi sila galing sa pamantasan (maaaring taga-ibang University o hindi kolehiyo). Sa harap ng maraming estudyanteng nagsiksikan sa maliit na espasyo ng veranda ay tumindig ang pangulo ng SG na si Marvin Anastacio, isang third year Psychology major.

“Guys, guys…” Nagklaro muna ng lalamunan ang SG at siyang may ideya na mag-ingay sa pasilyo ng Pamantasang Normal ng Pilipinas. “First of all, maraming salamat sa pag-participate niyo sa live band show tonight.”

Nagpalakpakan ang marami, ang iba ay sumipol at humiyaw. Pinaikot-ikot ni Andres sa ere ang kanyang face towel.

“Gusto kong magpasalamat sa lahat ng banda na sumali sa live show natin. Eto pong magiging palabas natin ay para sa mga mahal nating co-PNUans na sadyang mahal natin, di ba?” Diwa man nito ay walang halong echos, may mga ilan na hindi binibili ang kanyang mga sinasabi – malamang ang mga taong hindi siya sinuportahan sa kanyang kampanya bilang pangulo ng Students’ Government. “Maraming salamat din po sa mga taga-labas ng PNU at pumunta pa kayo dito para maging parte nito.”

Humikab ng malakas si Tor. Lumingon ang mga tao sa kanya, kasama ang SG President. Upang makalusot, ngumiti siya at itinaas ang kanyang gitara.

“Anyway…” Patuloy ni Anastacio. “Nakakatuwang isipin na naba-bond kayo ng mga kabanda nyo dahil sa pagtugtog nyo. Alam nyo po, nung bata pa ako, may laruan akong gitara. Tapos tuwing tanghali pagkatapos ko mag-siesta - ”

Hininto si Anastacio ng kanyang Vice President in Internal Relations. Bumulong siya sa kanya upang putulin ang tatantsahing mahigit kalahating oras na talumpati at simulan na ang palabas.

“Nako! Saka na lang pala ang kwento ng buhay ko.” Tumawa pa ng malakas si Anastacio. Hindi na nakakuha ang iba. “Basta, promise nyo na lang sa ‘kin na ipapako niyo sa stage ang puso niyo at bibigyan nyo ng magandang palabas ang PNUans. Okay ba ‘yon?”

Nakakuha naman ng magandang sagot si Anastacio mula sa crowd. Ang lahat ay nag-iinit na ang dugo para sumalang sa stage. At sino ba naman ang hindi? Walang pakiramdam ang katulad ng pakiramdam kapag ikaw ay tutugtog sa harap ng maraming tao.

Naghiwa-hiwalay na ang mga nakikinig kay Anastacio at nag-meeting-de-agenda sa kung saan sulok. Sila Andres, Tor, Sage, Justin at Kidron, tulad ng karamihan, ay nanatili sa second floor ng Students’ veranda at tumambay.

“Pards…” Lumingon si Andres kay Kidron nang tawagin siya nito. Nilalaro ni Kidron sa kanyang mga daliri ang kanyang drumstick. “Kinakabahan ka ba?”

“Para mamaya?” Tanong ni Andres. Humawak siya sa kanyang baba at tumingin sa langit. “Hindi naman. Bakit?”

“Kasi first time mo.” Kahit sina Tor, Justin at Sage na hindi naman talaga kasali sa usapan at masyado nang nabibigatan sa mga buhat na gitara sa kanilang mga likod ay nakikinig sa usapan nila Kidron at Andres. “Ako nga, kinakabahan e. Baka magkamali ako mamaya sa stage.”

“Grabe ka naman!” Lumuwa ang mga mata ni Andres sa hindi paniniwala. “Sa bangungot mo lang ‘yun mangyayari. Halimaw ka kaya pumalo. Sisiw lang ‘yan sa ‘yo.”

“Salamat, Pards. Lam mo, may punto ka din. Kung ikaw nga na tutugtog sa harap ng maraming tao sa unang pagkakataon, hindi ‘to masyadong kinakabahan, ako pa kayang linggo-linggong nagda-drums sa simbahan namin?

“Tama! Tularan mo akong cool lang sa mga pangyayari, di ba di ba?”

“Ows!” Sumingit si Tor sa kanila. “Cool daw. E parang kanina lang, sinabi mo na naiihi ka sa slacks mo.”

Sumunod ang malakas nilang tawanan at pangangantsaw kay Andres.

“Walang laglagan, p’re. Pinapalakas ko nga loob ni Kidron e, si Singit ka naman.” Wika ni Andres.

“Sorry naman.” Sabi ni Tor. Humupa na ang kanilang tawanan nang may kumulbit kay Justin na isa sa mga organizers ng live show.

“Tol, bunot ka.” Sabi niya sa gitarista. Nilapat niya ang kaniyang palad na may apat na binilot na maliliit na papel. “Nakabunot na yung apat na banda kanina.”

“E di walo lahat ng tutugtog?” Tanong ni Justin habang dumudukot ng papel sa palad ng lalaki. Tumango naman ang officer bilang pag-oo.

“Tapos may guest bands. Mga alumni ng PNU.” Dagdag ng lalaki.

“Mga Music major graduate ‘no?” Muli ay tumango ang lalaki sa sinabi ni Justin.
Nakabunot na siya ng isang papel. Nakasampa sa kanyang balikat ang kanyang mga kabanda upang sumilip. Marahan niyang binuksan ang papel mula sa pagkakabilot nito.

“Seven.” Binasa ni Tor mula sa papel nang binuklat ito.

“Seven?” Inulit ng organizer. Kinuha niya ang kanyang notepad na nakasingit sa kanyang braso at balltip pen na nakasingit naman sa kanyang tainga. “Pangalan ulit ng banda niyo?”

“Kapritso.” Ika ng mahinay na boses ni Sage. Tumingin sa kanya ang apat na binata at ngumiti.

“Sige, sige. Salamat ha!” Iniwan na sila ng organizer.

“Okay naman pala e.” Sabi ni Andres, sabay napaisip. “Teka! Okay nga lang ba ‘yon?”

“Sakto lang naman. Depende na rin sa ‘tin ‘yan.” Sagot ni Tor.

“Practice na lang muna tayo habang ibang banda pa yung sumasalang.” Suhestyon ni Justin sa kanila. Pumayag naman ang kanyang mga kabanda.

“Oo nga. Daan na rin tayong San Mar. Kain muna tayo.” Hinimas ni Andres ang kanyang tiyan. Na-convert ang kanyang kaba ng gutom. Pumunta sila sa hagdanan at bumaba mula sa second floor ng Students’ veranda.

--

Mahigit isang oras na ang lumipas simula ng mag-umpisa ang live show. Dinaos ito sa PNU quadrangle, sa harap ng main building. Simple lang ang setting ng stage nila. May tarpaulin sa background na may nakalagay na “The Live Band Show : Premiere of the PNU-based bands” na talaga namang pinatotoo ng mga bumuo ng palabas na ito. Ang Student Government ay naniguradong at least three members ng bandang sasali ay mga lihitimong mag-aaral ng PNU. Maliit na halaga lang ang ginamit nila, sapat para rumenta ng ibang gamit tulad ng mga amplifiers at speakers. Humingi sila ng kaunting tulong mula sa mga propesor nilang bata-bata pa at may kaya. Ilang lessons din sa klase ang nalampasan nila para sa event na ito.

Patapos na sa kanilang set ang pang-anim na bandang sumalang, sakto naman ito sa pagdating nila Andres.

“Tol…” Lumapit muli kay Justin ang lalaking nagpabunot sa kanya kanina ng kanilang slot number. “Kayo na next after ng susunod na banda ha. May 5 minutes kayo para mag-set up mamaya. May tuner ba kayo dyan?”

“Ah.. Oo!” Kinapa ni Justin ang loob ng bag niya na may lamang tuner, effects, jack at note filler niya.

“Ngayon pa lang, magtono na kayo para hindi na masyadong hassle sa stage.” Paliwanag ng organizer. Sa pagkasabi niyang iyon, nilabas na nila Sage, Justin at Tor ang kanilang mga gitara sa cases nito. Iniwan naman sila ng organizer at bumalik sa may entablado.

Pinagmasdan ni Andres ang kanyang mga kabanda. Pinagkikiskis naman ni Kidron ang kanyang mga drumsticks.

“Pards, taga-PNU ba yung mga ‘yan?” Tinuon ni Andres ang pansin sa sumunod na bandang sumalang sa entablado.

“Oo yata.” Sagot ni Kidron. Inayos niya ang kanyang salamin at tiningnan ng mabuti ang banda. “Justin, di ba ka-dept mo sila?”

“Asan?” Huminto si Justin sa paglalabas ng kanyang distortion at pinagmasdan ng mainam ang stage. “Ay, oo nga. Kaso graduate na sila.”

Nakatitig lang sa entablado si Andres. Doon ay may apat na lalaking nakatayo. Ang dalawa ay may hawak na gitara, ang isa ay may hawak na bass at ang isa naman ay nakaupo sa likod ng drumset. Inaayos ng dalawang gitarista ang kanilang mga effects. Ang bassist ay nagtotono ng kanyang gitara habang ang drummer ay inaayos ang mga cymbals.

“Mga ‘tol, praktis tayo.” Sabi ni Andres sa kanyang mga kasama. Hindi nagpatumpik at nagpunta sila sa ilalim ng puno ng mangga sa tapat ng main building. Nag-tag-isang pasada ng kanilang mga kakantahin bago sila pumasada sa entablado.

--

“Kamusta na, mga PNUans?” Nanumbalik si Anastacio sa entablado kasama ang kanyang magandang co-host na siya ring Secretary ng Student Government. “Nag-enjoy ba kayo sa huling bandang tumugtog kanina?”

Humiyaw ang mga estudyante ng PNU. Buong gabi ay libang na libang sila sa panonood ng mga bandang sumalang sa entablado. May mga magagaling, may mga sapat lang, pero lahat sila, pinagbigyan ng kanilang mga manonood. Manaka-nakang palakpak at sigawan ang natanggap nila mula sa kanila.

Lalo na ang huling bandang sumalang, ang Wet and Wild. Ang bandang Wet and Wild ay binubuo ng apat na Music majors ng PNU na nagtapos noong nakaraang taon lang. Ang kanilang bokalista, si Gelo, ang natatanging miyembro na kasali sa PNU Chorale. Lahat kasi ng mga kabanda niya ay mga kasali sa PNU Rondalla. Si Gelo ang tipo ng singer na kahit saan, sinasali – mula sa pag-awit ng Lupang Hinirang hanggang sa pagkanta ng mga classical songs para sa mga panauhin ng Pamantasan tuwing ito ay may mga seminar o assembly. Ang kay Gelo lang, sawa na siya sa ganitong routine. Puro na lang mga ganitong kanta ang kanyang inaawit, pakiramdam niya ay nauumay na siya sa sarili niyang boses. Kaya gayak na gayak siya nang inaya siya ng kanyang ka-major at kaibigang si Drew na drummer nila ngayon para bumuo ng bandang nakikikategorya sa mga bandang Parokya ni Edgar at Kamikazee sa ingay at kulit ng kanilang tugtugan. Sa una ay nagulat ang karamihan sa pinakilala nilang uri ng tugtugan sa audience, ngunit nang mapadalas ang kanilang pagtatanghal, niyapos ng kanilang mga kamag-aral ang kanilang kinahiligan.

“Ayun po ang bandang Wet and Wlid, ang ating first guest band for tonight.” Sabi ng kasamang babae ni Anastacio sa entablado na patingin-tingin sa kanyang hawak na cue card. “Ang next band natin ay Kapritso.”

Wala masyadong nag-react, ngunit maingay pa rin ang mga tao. Hindi pa maka-recover sa set ng Wet and Wild kanina.

“So guys…” Lumapit sila Anastacio kay Andres habang ang mga kasama niya ay kanya-kanya na ng ayos sa kanilang mga instrumento. “Natuwa kasi ako sa band name niyo. Bakit naman ‘Kapritso’?”

“Ummm..” Tumingala si Andres sa langit na ubod ng tala, nagbaka-sakaling makikita niya ang sagot doon. “Basta, nakuha namin ‘yon sa Caprichosa. Yung Spa Party na kabalbalan na nakita namin sa SM.”

“Aba! Tambay pala kayo sa SM palagi e. Buti pa kayo.” Wika ng babaeng nagpakilalang Cheekee sa madla. Gusto sanang sumingit ni Andres ngunit masyadong madaldal ang babae. “Pakilala mo naman kami sa mga band mates mo. Mukha kasi silang busy sa pagse-set up.”

“Sige po.” Lumingon si Andres sa kanyang mga kabanda. “Yung pogi po na nag-aayos ng distortion, si Victorino Tan po ‘yan.”

“Ay! So, kelangan, buong pangalan?”

“Hindi naman. Ehe. Tawagin niyo na lang po siyang ‘Tor’.”

“Teka lang.” Sumingit si Anastacio “Galing ba kayo sa iisang majorship?”

“Ay hindi po! Kami po ni Tor, pareho kaming Math major. Yung isa pang pogi na gitarista, si Justin po ‘yan. Music major naman po siya. Yung ate na cute na may hawak na bass, si Sage naman po ‘yan ng English dept. At yung pumapangalawa sa ‘kin sa kagwapuhan na drummer namin, Kidron ang pangalan mula sa Agham Panlipunan.”

“Galing naman!” Sabi ni Cheekee. “From different majorships. E panu kayo nagkakilala? Classmates ba kayo dati?”

“Hindi po. Basta, hakot na lang kami ng hakot ng kung sinu-sino.”

“Astig, astig.” Tinitigasan ni Anastacio ang pagsabi niya nito ngunit mukhang imposible dahil sa kanyang pambaklang accent. “Sige, sa inyo na muna ang stage. PNUans, please welcome Kapritso!”

Pinagmasdan ni Andres ang lupon ng maraming tao. Natapat ang kanyang mga mata sa nakabubulag na spotlights at nasilaw dito. Tumingin siya kila Tor na nakasukbit na ang mga gitara sa kanilang mga katawan. Sumitsit si Kidron sa kanya at kumumpas ang kamay sa kanya na nagsasabing siya na ang bahala sa mga nanonood.

“Eto pong first song namin ay kanta ng bandang Sandwich. Sana po, magustuhan niyong lahat.”

Nagsimula si Kidron sa intro ng kanta na may 4 counts. Sumunod si Tor sa kanyang guitar riff na may distortion at delay effect sa gitara. Sumunod naman sina Justin at Sage, si Justin na gumamit rin ng distortion at kaunting delay effect.

Nanginginig ang mga tuhod ni Andres. Saka niya lang ito naramdaman nang marinig niya ang tunog ng mga instrumento. Paano kung hindi niya mapantayan ang husay ng kanyang mga kasama sa pagtatanghal? Bahala na, ika niya sa kanyang sarili.

Laging naniniwala, hindi nagsasawa.
Nahilo sa gayuma kaya nawawala.

Nang mag-iba ang beat ni Kidron sa kanta, nag-iba rin ang vibe ng katawan ni Andres. Gumagalaw na ang kanyang paa, pumapadyak na ang kaliwa nito sa indayog ng musika.

Laging umaasa, ano bang meron siya?
Paulit-ulit lang namang pinapaikot ka.

Sinabayan nila Sage at Tor si Andres sa kanyang chant, at nag-rollings si Kidron.

Walang kadala-dala, napapatulala.
Walang kadala-dala, naghihintay sa wala.

At pause. Bumalik silang muli sa track, nakakarinig na si Andres ng hiyawan mula sa mga audience nang inulit ng kanyang mga kagrupo ang intro.

Nilumot na ang lupa, wala pa ring tiyak.
Napagod na ang luha, di na makaiyak.

Nakagagalaw na si Andres nang maayos. Napansin ng kanyang mga kagrupo ang pagbabagong ito.

“Tingnan mo si Andres, parang si Raimund Marasigan kung gumalaw.” Sa lakas ng sounds, kailangang sumigaw ni Tor kay Sage.

“Oo nga, ‘no? Lumilikot na si Andres.” Natawa si Sage. Buti na lang at hindi sila nagkakamali sa kanilang tinutugtog.

Sana ay matauhan, pusong nakabitin.
Kalimutan mo na siya’t ako ang pansinin.

Natututo nang makisama ang audience sa kanya. Abot-tainga ang ngiti ni Andres habang siya ay kumakanta.

Inulit ang chorus. Matapos nito, walang ibang tumugtog bukod sa bass ni Sage. Simple lang ang riff ngunit hiyaw ang nahakot mula sa mga manonood. Sumaliw sa kanya si Tor na kinukuha ang riff na ginawa ni Diego Castillo sa kanta. Humarap naman si Justin sa kanya na mistulang magkatunggali sila. Ginawa naman niya ang riff ni Mong Alcaras sa kanta na may tunog na electronic symphony.

Bumalik sila sa pre-chorus. Isang chorus, at tapos. Tapos ang kanta
Dalawang kanta pa ang inawit ng Kapritso, katulad rin ng first song nila na kinanta ng Sandwich.

Malaking ‘firsts’ ito para sa Kapritso. First time ni Sage na tumugtog na lalaki ang kanyang mga kabanda. First time tumugtog ni Justin sa isang school gig. First time tumugtog ni Kidron sa labas ng simbahan nila. First time ni Tor na tumugtog na iba ang kanyang genre, at first time ni Andres sa tugtugan.

Pagkababa nilang lahat sa stage, hindi magkandaugaga ang mga taong nagkandarapa sa kanila. ‘Kuya, anong name mo’, ‘kuya, enge naman ng number mo’, ‘ate, ang galing niyo naman’, ‘kuya, ako nga pala si…’, napaulanan sila ng mga ganitong linya.

Kanya-kanya sa pag-accommodate sina Tor, Kidron, Justin at Sage, ngunit si Andres ay ngumingiti lamang sa mga lumalapit sa kanya.

“Tol,” Nagulat si Andres nang may maramdamang mabigat na kamay na pumatong sa kanyang balikat. Kamay pala ito ni Gelo, vocalist ng Wet and Wild.

“Ay! Kuya! Hi, kuya!” Nahiya si Andres. Unang beses pa lang niya maranasan ang siya ang lapitan ng isang taong bihasa sa tugtugan.

“Tikas ng banda niyo ah.” Ngumiti si Gelo sa mga kabanda ni Andres. “Bagong buo lang kayo?”

“Oo. Hehe.” Hindi pa rin makuha ni Andres ang mga gusto niyang sabihin.

“Buti nakahanap ka ng mga kabanda dito sa school.”

“Ang hirap nga e. Nakakaburat nung una.” Humalakhak si Gelo sa sinabi ni Andres.

“Mahirap talaga. Uy, ‘tol, alam niyo yung Clash of the Real Titans? Sali kayo do’n.”

“Gusto nga sana namin e. Kaso kelangan pa ng… ay tae!”

“Bakit ‘tol?”

“P’re…” Kinulbit niya ng malakas si Tor. “Na-video-han ba yung tugtog natin kanina?”

“Ha?” Nag-isip muna si Tor, sabay hampas sa kanyang noo nang malakas. “Oo nga, ‘no. Tae! Nakalimutan ko. Sayang yung pagdadala ko ng video cam.”

“Kelangan niyo ba ng video?” Tinanong ni Gelo sina Andres ngunit hindi na niya hinintay na makasagot ang mga ito. “Di bale. Binidyuhan kayo ng bassist namin, crush niya kasi yung drummer niyo. Panay nga ang himas sa balbas niya nung pinapanood namin kayo e. ”

“Hehe. Salamat, kuya. Ah.. eh.. Andres nga po pala.”

“Gelo, ‘tol. Pare, gusto ko kayong makita sa ‘Clash’ ha. Malapit na rin ‘yon.”

“Sige, Kuya. Sasali talaga kami. Basta mahakot pa kami ng isang video pang-audition.”

“Madali na ‘yan ‘tol. Bigyan ko kayo ng gig sa may Quezon City. Okay ba kayo do’n?”

“Oo, malapit lang kami ng mga kabanda ko do’n.”

“Sige. Penge ako ng contact mo.”

Naglabasan silang pareho ng cellphone at nagbigayan ng mga number. Isang hindi malilimutang gabi para kay Andres. First gig ng Kapritso, what a good!

--


No comments:

Post a Comment