UMAGA. Nag-aalmusal sila Mang Obet, Aling Cely, Sandra at Andres. Napansin nila na may kakaiba kay Andres. Parang napakasaya niya ngayong umagang ito.
“Deng, mukhang good mood ka ngayon ah.” Sabi ni Sandra sa nakababatang kapatid.
“Naman, ‘te! Bakit hindi?” Galak na galak si Andres. Humigop siya ng milo na itinimpla pa para sa kanya ng nanay niya.
“Nako, Andres..” ika ni Mang Obet habang nagbabasa ng Bulgar sa hapag-kainan. “Nakipagpustahan ka na naman yata sa bilyaran kagabi. Di ba sabi ko sa ‘yo, wag kang magsugal?”
“Hindi naman ako nagsugal e.” Nagtumanggi si Andres. “Tumambay lang ako sa bilyaran kagabi.”
“E bakit ang saya mo ngayon?” Tinanong naman ni Aling Cely. Ininom niya ang kanyang kape.
“Hehe.. Kasi.” Kinilig pa si Andres parang isang bata. “May banda na ako.”
Nagulat ang lahat sa anunsyo ni Andres. Para niyang sinabi na may nabuntis siya.
“Weh?” Halos lumuwa na ang mga mata ni Sandra habang tinitingnan niya ang kapatid. “Kelan pa?”
“Kakabuo lang namin. Hihihi.”
“Mga taga-saan naman yung mga kabanda mo?”
“Taga-Normal lang din.”
“Hala, si Deng! Rakista na! Haha!”
“Hindi naman ‘rakista’. Ayoko ng ganung term. Hindi patok para sa 'kin.”
Napansin ni Andres na kakaiba ang titig sa kanya ni Mang Obet. Nagtaka naman siya kung bakit naging ganoon.
“Bakit, Pa?” Tinanong ni Andres sa kanyang ama.
“Kelan ka pa nagkaroon ng interes na magbanda?”
“H-huh?” Hindi pa alam ni Andres kung anong itatanong niya. “Ano.. kasi inaya ako ng kaklase ko na bumuo ng banda. Tapos naghanap kami ng mga marunong tumugtog sa school. Tapos ayun.”
“May gamit ka ba naman bang magagamit?”
“Gamit?”
“Gitara. Ganun.”
“Ah! Hindi, Pa. Bokalista ako don.” Nanahimik ang tatlo sa sinabi ni Andres. Tiningnan ni Sandra si Mang Obet at nagngitian sa isa’t isa. Napangiti na rin si Aling Cely dahil naintindihan niya ang ibig sabihin sa ngitian ng dalawa.
“Ganun ba?” Wika ni Mang Obet kay Andres. “Aba e, pagpalain ka na lang sana dyan sa gagawin mo. Basta wag mong pahiyain sarili mo dahil kami rin ang mapapahiya.”
Natawa si Andres sa sinabi ng kanyang ama. Umalis na sa hapag-kainan si Mang Obet at kumuha ng isang face towel mula sa mga nakatiklop na damit na nakalagay sa kawayang upuan nila.
“Basta Andres, suportado ka namin. Kahit makulit ka, alam naman naming wala kang gagawin na makakasama sa ‘yo.” Sabi ni Aling Cely sa kanya. Ngumiti naman si Andres sa kanya.
“Deng, sasabay ka ba sa ‘kin?” Tinanong ni Mang Obet habang papalapit na siya sa pinto.
“Sige, Pa.” Kinuha ni Andres ang back pack na nakasalampak sa sahig at sinukbit sa balikat niya. “Ma, ‘te, alis na kami.”
“Ingat kayo nila Papa.” Sabi ni Sandra. Niligpit niya ang pinagkainan ng kanyang kapatid at ama sa mesa. Dinala ito sa lababo para hugasan.
“Deng, yung baon mo. Baka nakalimutan mo.” Paalala ni Aling Cely sa anak. Sinilip ni Andres ang loob ng kanyang back pack. Nag-thumbs up naman si Andres sa kanyang ina at umalis na.
Kay ganda ng panimula ni Andres sa araw na iyon.
--
Naglalakad sila Andres at Tor patungong BPS. Nagkasundo kasi sila na magkikita sila nila Justin at Kidron sa second floor malapit sa faculty room ng English department.
Pag-akyat sa ikalawang palapag, nakita nila sila Kidron at Sage na nakatambay malapit sa hagdanan.
“Hello!” Binati ni Sage sila Andres at Tor na mga bagong dating.
“Hi Sage.. Pards.” Binati rin sila ni Tor. Nakipag-hi five naman si Tor sa dalawa.
“Asan na si ‘mystery guitarist’ natin ha?” Tanong ni Kidron kila Andres.
“Parating na ‘yon. Wag kayong mag-alala.” Sagot ni Tor. Malipas ang ilang sandali ay nakarinig na sila ng taong papaakyat sa hagdanan.
“Hi guys!” Maganda ang bati sa kanila ni Justin. Hindi pa niya kilala ang iba pa niyang mga kabanda kaya tiningnan niya ng mabuti ang mga mukha nila. At nang makita na ang mga ito, nawala ang kanyang masayang awra.
“Bakit pare?” Nakahalata si Andres sa pananahimik ng ilan sa mga kasama niya. Saka napansin na nagsasalitan na pala ng tingin sila Justin at Sage.
“Sage?” Pinagmasdan lang ni Justin ang dalaga.
Hindi na makayanan ni Sage ang nararamdaman niya na nagsimula nang dumating si Justin. Nanakbo siya papuntang CR para magtago. Lubos na naguluhan sila Andres, Tor at Kidron sa nangyari.
“Anong nangyari don?” Pagtataka ni Andres. Dala ng pag-aalala ni Tor bilang kaibigan, sinundan niya si Sage.
“Sage?” Tinawag siya ni Tor mula sa labas ng CR. Gusto na niya sanang pasukin sa loob ang kaibigan pero hindi pwede. Pero hindi maalis-alis ang pag-aalala niya, kaya nangahas na siyang pumasok sa sagradong templo ng mga kababaihan.
Pinagmasdan ni Tor ang paligid ng palikuran. Ganito pala ang itsura nito, ika niya sa sarili. Ngunit naalala niyang hindi pala siya pumasok dito para mag-explore.
“Sage? Nasaan ka?” Sinisilip ni Tor ang ibaba ng mga pinto ng bawat cubicle hanggang sa nakita niya ang pwetan ni Sage na nakaupo sa sahig.
“Bawal ka dito.” Sabi ni Sage. Umupo rin si Tor sa sahig kagaya niya.
“Alam ko. Kaso natakot ako sa ginawa mo e. Kaya sinundan kita. Mamaya, mag-emo ka pa dyan. Mahirap na.”
“Hay.. umalis ka na lang, Tor. Mapapagalitan ka pa pag may nakakita sa ‘yo na prof.”
“Eh! Sabihin mo muna sa ‘kin kung anong meron.”
“Wala ‘yon. Sana sinabi nyo muna sa ‘kin kung sino yung kinukuha nyong gitarista.”
“Bakit? May problema ba kay Justin?”
“Wala.. h-hindi.. hindi lang ako kumportable sa kanya.”
“Bakit? Magkaaway ba kayong dalawa?”
“Hindi naman sa ganon. May mga nangyari lang sa ‘min in the past na hindi maganda kaya ganun.”
“In the past?” Pinroseso naman kaagad ni Tor kung ano ang pagkakaintindi niya sa sinabi ni Sage. Biglang nanlaki ang kanyang mga mata halos kapusin ng hininga sa kanyang ‘ha?’. “Ibig sabihin, ikaw.. tsaka si Justin.. Weh?”
Lumabas si Sage mula sa cubicle. Tumayo naman si Tor. Seryoso ang tingin ni Sage kay Tor. Hindi naman niya alam kung anong sasabihin sa dalaga dahil hindi siya magaling magpayo.
“Tara! Pag-usapan natin.” Sabi ni Tor.Naupo silang dalawa sa may lababo.
Samantala, sa labas naman ng CR, nakatambay lang sila Andres, Justin at Kidron. Nakaupo sa isang bench si Justin na katabi si Kidron. Si Kidron naman ay dumukot ng kendi mula sa bulsa niya at inalok kay Justin pero tumanggi ito. Nakatayo lang si Andres at nag-iisip.
“Pare, may problema ba?” Tinanong ni Andres. Tumingala naman sa kanya si Justin.
“Ang alin?” Sabi ni Justin.
“Patay-malisya ka pa e.” Nagkaroon ng galit ang tono ng pananalita ni Andres. “Bakit nagkaganon si Sage nung dumating ka? May ginawa ka bang masama sa kanya?”
“Natural lang yung ganong reaksyon sa kanya.” Nagsalita naman si Kidron. “Natural sa mag-ex na magkaroon ng awkward feeling between each other.”
“Mag-ex?” Nagtanong si Andres kay Justin. “Kayo ni Sage?”
“Dati yon, hindi na ngayon.” Sagot ni Justin. Lalong naguluhan si Andres.
“Teka, teka. Ibig mong sabihin, may tutut kayo ni Sage dati.”
“Oo.”
“Bakit hindi mo sinabi?”
“Malay ko bang magiging kabanda ko siya? Hindi ko nga alam na magkakilala kayo e.”
“Ganun? E kahit na may nakaraan kayo, di ba dapat hindi na malaking issue pa yun sa inyong dalawa?”
Hindi na nagsalita si Justin. Lumapit si Kidron kay Andres at may binulong sa kanya.
“Messy yung break up nila.” Nagulantang si Andres kahit bulong lang iyon.
“Messy? Bakit? Sa tambakan ng basura ba sila nag-break?” Binalingan muli ni Andres si Justin. “Pare, hindi pwedeng ganito na lang kayo palagi ni Sage. Ayusin nyo ‘to.”
“Pano namin maaayos e ayaw nga niya akong kausapin.” Nalungkot si Justin. Pumalumbaba na lang siya.
Lumabas na sila Sage at Tor mula sa CR ng mga babae. Nagmamaktol pa na lumapit si Sage sa mga kasama niya pero hinila siya ni Tor.
“Pare, ang tapang mo.” Humanga si Andres sa ginawang pagpasok ni Tor sa loob ng CR ng mga babae.
“Wala yun, Pare. Call of duty lang.” Sabi ni Tor. “Nga pala. Justin, may gustong sabihin sa ‘yo si Sage. Sage, ano yung sasabihin mo sa kanila?”
“Huh?” Kinurot ni Tor si Sage sa braso nang magpatay-malisya siya. “Uhm.. s-sorry, Justin. Sorry sa ginawa ko kanina.”
“Okay lang yun.” Tumayo si Justin at tiningnan niya si Sage na diretso sa mata. “Kung ayaw mo akong maging kabanda, aalis na lang ako.”
“I’m not that selfish.” Ika ni Sage. “Tsaka sinabi sa ‘kin ni Tor na malaki ang isinakripisyo mo para lang makasali sa bandang 'to.”
“Thanks.” Bahagyang ngumiti si Justin. Ganoon din si Sage. Hindi pa sila masyadong okay sa presensya nila sa kasalukuyan ngunit naisip nila na kailangan nilang masanay, alang-alang sa banda nila.
“Okay, mga repapips.” Inagaw ni Andres ang atensyon ng mga kabanda niya. “Bati-bati na tayong lahat. Ngayon naman, pag-usapan natin ang balak natin sa banda natin.” Nag-dramatic pause si Andres sa kanyang pagsasalita. Nag-abang naman ang kanyang mga kabanda sa sasabihin niya. “Di ko alam kung anong balak natin.”
“Ganun?” Sabi ni Kidron. “E di mag-jamming tayo. Di ba ganon naman dapat magsimula ang mga up and coming bands tulad natin?”
“That sounds sensible.” Sumang-ayon naman si Sage.
“E kelan naman tayo magdya-jamming?” Tanong ni Justin. “Tsaka saan?”
“Di ba may studio sa San Mar?” Naalala ni Tor ang isang band studio sa kalye ng San Marcelino na nakahilera sa mga kainan at computer shops na pinupuntahan ng mga halo-halong estudyante ng Adamson, TUP at PNU.
“E di dun na lang tayo.” Sabi ni Andres. “Kelan naman tayo pupunta don?”
“Sa Sabado na lang para walang busy.” Iminungkahi ni Kidron. Pumayag naman ang mga kasama niya sa suhestyon niya.
“E di ayon. Sa Sabado na nga lang.” Ginawa nang pinal ni Andres ang desisyon. Nag-second the motion ang mga kasama niya at nagsialisan.
Sabay na naglakad sila Kidron, Justin, Tor at Andres.
“Musta naman yon?” Sabi ni Andres.
“Okay na rin.” Sabi naman ni Tor. “At least, walang… nagkailangan?”
“Hindi na siguro mauulit yon.” Optimistic si Kidron. “Di ba Justin?”
“Ha?” Inaalala pa ni Justin ang nangyaring eksena sa kanila ni Sage. “Sana nga.”
“Basta sa Sabado ha.” Paalala ni Andres sa kanila. Nagbukod na ang apat. Tumungo na sila sa kani-kanilang gusali kung saan sila magkaklase.
--
Nagkita sila Andres, Justin, Kidron, Sage at Tor na may mga dalang bag sa tapat ng BTMT computer shop at band studio. Ang ibig sabihin ng BTMT ay “beneath the mango tree”. Bakit ganito ang pangalan? Dahil ilang pulgada lang mula sa shop ay may puno ng mangga na matayog na nakatayo sa harap nito. May ganitong tambayan din sa PNU. UTMT naman ang tawag dito meaning ‘under the mango tree’.
Pumasok silang lima sa loob ng computer shop. Nilapitan nila ang may ari ng shop na nasa counter.
“Ano kelangan nyo?” Tanong sa kanila ng lalaking mataba. Mahaba ang kanyang buhok, nakasuot ng salamin na may makapal na frame at may 5 o’ clock shadow.
“Magsu-studio po kami.” Si Andres ang kumausap sa may ari ng shop. Umalis naman sa counter ang lalaki at umakyat sa hagdanan malapit dito. Pinasunod naman niya ang lima sa kanya.
Kinuha ng may ari ang susi sa kanyang bulsa. Binuksan niya ang pintuan ng isang kwarto at pumasok siya. Sumunod din sila Andres, Tor, Sage, Justin at Kidron sa kanya.
“Magkano ba?” Tinanong ni Andres sa lalaki.
“150.” Sabi ng lalaki.
“Trenta.” Nilapat ni Andres ang kanyang palad sa ere. Nilapag naman ng mga kasama niya ang 30 pesos na ambag nila sa palad niya. Kinuha ni Andres ang kanyang pitaka sa kanyang bulsa at kumuha ng bente pesos na papel at sampung pisong barya. Binigay niya ang pera sa lalaki. Binilang ng lalaki ang pera saka ibinulsa ito.
“Balikan ko na lang kayo pag malapit na kayo mag-time.” Bilin ng lalaki. Pumasok na silang lima. Nilapag ni Tor at ni Sage ang kanilang bag sa isang sulok.
Pinagmasdan ni Andres ang studio na kinaroroonan nila. Ngayon lang siya nakapasok dito kaya inobserbahan niya ng mabuti ang lugar. Napansin niya ang carpeting sa sahig, ang mikropono at mga gitarang nakalagay sa mga sarili nilang stand, mga nakakalat na jack, mga nagpatong-patong ng amplifier, isang drum set na may punit pa sa cymbals at mga posters ng mga sikat na banda bilang adorno. Ang pinaka kapansin-pansin sa kanya na detalye sa loob ng studio ay ang mga karton ng itlog na nakadikit sa pader.
“Bakit may karton ng itlog sa dingding?” Tinanong ni Andres sa mga kasama niya.
“Para may soundproofing yung studio, pare.” Sabi ni Tor sa kanya habang tinotono niya ang gitara na may kalawanging kwerdas.
“Ano yun?” Naging curious si Andres.
“Yung nagre-reduce ng sound pressure.”Paliwanag ni Justin. Hindi pa rin naintidihan ni Andres kung ano ang ibig sabihin ng soundproofing kaya pinansin na lang niya ang mga kabanda niya. Una niyang pinuntahan si Kidron na inaayos ang drum set.
“Pards, anong ginagawa mo?” Tinanong ni Andres si Kidron habang inaayos niya ang turnilyo sa cymbal.
“Inaayos ko lang siya. Gusto ko sana itono kaso baka maubos yung one hour natin.”
“Itono? Tinotono ba ang drums?”
“Oo naman.”
“E di ba puro beat lang ang drums? Wala siyang nota di tulad ng gitara.”
“Hindi ah. Importante ang magandang tunog sa drums.”
“Para pogi?”
“Ganun na nga, Pards.”
“Hehe. Galing naman!” Natuwa si Andres sa kanyang bagong kaalaman. Tinantanan na niya si Kidron at si Sage naman ang binulabog. Maasim ang mukha ni Sage habang tinotono ang gitara.
“Mukha kang natatae, bhe.” Biniro ni Andres si Sage ngunit tiningnan lang siya nito ng masama. Hindi alam ng binata kung saan ba siya nagalit – kung sa pagtawag niya sa kanya na ‘bhe’ o sa pagsabi na mukha siyang natatae.
“Andres, wag kang magulo.” Seryoso si Sage sa sinabi niya.
“Oh! Wag ka na magalit. Bati na tayo.”
“Oo na, sige na.”
“Hehe. Yehey! Bakit nga pala nagkakaganyan ka ha?”
“Ang hirap kasi itono ng bass nila. Ang tigas ng string.”
“Ganun? Papihit mo na lang kila Justin.”
“Wag na lang. May tinotono din silang mga gitara e. Ayoko makabulahaw.”
“Nge! Maiwan na nga kita dyan. Concentrate ka lang dyan.” At gayon na nga na iniwan ni Andres si Sage. Pumunta naman siya kila Tor at Justin. Kakalabitin ni Justin ang isang string ng gitarang hawak niya habang si Tor naman ay kakalabitin din ang string na kapareho ng kinakalabit ni Justin sabay pikot sa tuning peg nito.
“Pare, tapos na kayong magtono?” Tinanong ni Andres sa kanilang dalawa. Naupo siya sa carpeted na sahig tulad ng ginagawa nila Tor at Justin sa sandaling iyon.
“Wait lang. Konti na lang.” Pinihit pa ni Tor ng kaunti ang peg ng sixth string ng gitarang hawak niya. “Ayan. Okay na.”
Tumayo na sila Justin, Andres at Tor mula sa pagkakaupo sa sahig. Lumapit na rin si Sage sa kanila na dala ang bass guitar na pinoproblema niya pagdating sa pagtotono. Umupo na rin si Kidron sa stool ng drum set.
“Oh. Ano na?” Tanong ni Andres sa kanila. Walang sumagot sa kanila.
“Nge!” Napakamot ng ulo si Tor. “Hindi man lang natin napag-usapan yung pang-jam natin.”
“Oo nga no?” Napag-isip-isip ni Kidron.
“Hindi ba pwedeng kahit anong kanta na lang?” Tinanong muli ni Andres sa kanila.
“Hindi naman kami pareho-pareho ng alam na kanta e.” Ika ni Sage. “Siguro yung ganun idea, medyo appropriate pa sa ‘yo. Pero pagdating sa ‘min, mahirap yon.”
“So, ano na gagawin natin nyan?” Tinanong ni Justin. Tinanggal niya ang gitara na nakasuot sa kanya. Ganun din ang ginawa nila Tor at Sage. Umalis din si Kidron sa kanyang pwesto at lumapit sa kanila. Nagtinginan, nagngitian at nagsidukutan sa kanila-kanilang mga bulsa. Nilabas ang kanilang mga makabagong cellphone na may camera. Kusa na ring gumaya si Andres na nilabas din ang kanyang cellphone.
PICTURE PICTURE!!
Ngiti dito, papampam doon. Lahat ng posing at style ng pagpapa-cute, ginawa na nila. Mula sa victory sign, pa-emo effect, tatalon sa ere hanggang sa mga pakwela nila tulad ng isang picture kung saan tumapat si Andres sa salamin na dungaw ng pintuan ng studio na may makapal na pulbo sa mukha at nakapikit o ang classic na ‘nakahimlay na sa kanyang kabaong’ photo gimmick.
Maraming tawa ang nahakot ng lima sa ginawa nilang picture picture mode. Tiningnan ni Sage ang oras sa kanyang phone.
“Ayan! Nakain non yung 10 minutes natin.” Ganoon sila katagal nagkuhaan ng mga litrato gamit ang kanilang mga cellphone.
“Ano na?” Umulit si Andres sa kanyang tanong. Pumunta si Tor sa sulok kung saan niya nilagay ang kanyang bag at kinuha ito. Binuksan niya at nilabas ang Acer laptop na nasa loob. Umupo siya sa sahig at nilapat ang laptop sa kanyang hita. Umupo rin sila Andres, Justin, Kidron at Sage at nakiusiyoso sa ginagawa ni Tor.
“Aba! Nagdala pa talaga si adik ng laftof.” Namangha si Andres.
“Chimpli naman.” Ginaya ni Tor kung paano magsalita si Mahal.
“Naks! Boy scout ka pala e. Clap clap.” Pinuri naman siya ni Justin.
“Sooooooooooo..” Tiningnan ni Tor ang mga kasama niya. “Eto na lang gawin natin. Kaya ko ‘to dinala kasi nagkaroon ako ng hinala na mangyayari ito. Mag-search na lang tayo ng pang-jam tapos praktisin natin ng kaunti. Tas ayun! Para di naman sayang yung pang-studio natin.”
“Matagal kaya mag-aral ng kanta.” Tumutol si Sage sa ideya ni Tor. “Mauubos din oras natin.”
“Alam ko na.” Nakaisip si Justin ng maaari nilang gawin. “Mag-isip na lang tayo ng kanta na pamilyar sa ‘tin. Tapos search natin yung tab nila.”
“Uy!” Nagsalita naman si Kidron. “Pano naman ako?”
“Pakinggan na rin natin. Para alam ni Kidron yung palo ng kanta.” Sabi ni Tor.
“Oh! Ano na?” Isa pang ulit sa tanong ni Andres.
“Mukha kang ‘ano na’, Andres.” Nakahalata din si Tor. “Isipan mo na lang kami ng kanta na kaya mong kantahin.”
“E ano naman iisipin kong kanta?”
“Aba! Utak mo ‘yan! Utusan mo yan na mag-isip kahit ngayon lang.”
Nanahimik si Andres at nag-isip gaya ng sinabi ni Tor. Kaso, ang problema, wala naman siyang maisip. Hirap siyang paganahin ang utak niya ngayon. Pinagmasdan niya ang paligid at baka sakaling may makuha siyang ideya sa makikita niya. Napansin niya ng poster ng local band na Callalily na nakapaskil sa pader ng studio.
“Pare, mag-Callalily na lang tayo.” Sabi ni Andres kay Tor.
“Ganun? Oh sige! Ano namang kanta nila?”
“Magbalik?” Suhestyon ni Sage dahil pamilyar siya sa bass riff nito.
“Ayoko non. Masyadong sentibols.” Ika ni Andres. “Stars na lang.”
“Stars?” Binuksan ni Tor ang kanyang laptop. Naghanap ng wi-fi connection sa lugar. Nang makahanap siya, binuksan niya ang web browser at hinanap ang tabs at video ng kantang Stars ng Callalily.
“Sige! Mga hasler naman kayo dyan e.” Umupo sa sulok si Andres at nag-sound trip sa cellphone niya habang hinihintay niya ang mga kasama niya na matapos sa ginagawa nilang pagse-search. Naiinggit si Andres, dahil hindi siya makasali sa kanila. Wala naman siyang alam na instrumento bukod sa boses niya.
Lumipas ang sampung minuto. 30 minutes na lang ng studio time ang natitira sa kanila. Nakatulog na rin si Andres sa kahihintay. Ang gumising sa kanya ay ang malakas na tabig ni Tor.
“P’re, okay na.” Sabi ni Tor. Nasukbit na nila Sage at Justin ang kanilang mga gitara sa kanilang katawan. Kinikiskis naman ni Kidron ang drumsticks na parang magpapaapoy siya. Bumangon si Andres at nagmuta-muta. Lumapit siya sa mic stand at pinagmasdan ang mga bagong kabanda niya.
“Seryoso talaga kayo?” Tinanong ni Andres sa kanila. Nagulat ang mga kasama niya at nagtaka.
“Bakit Andres? Sa tingin mo ba e gagawin namin ‘to kung hindi kami seryoso?” Sinabi ni Justin sa kanya.
“Andres, wag ka na lang magreklamo.” Pinagsabihan ni Sage si Andres sa kanyang pagmamaktol. “Alam mo naman kung saan papasok di ba?”
Tumango si Andres sa tanong ni Sage. May biglang kumatok sa pinto. Pagkatapos ng katok, pumasok ang may ari ng studio.
“Sensya na sa istorbo ha.” Nagkamot pa ng tyan ang may ari ng studio. “Kasi nagtataka ako kung anong ginagawa niyo dito sa loob. Wala kasi akong naririnig kanina pa bukod sa mga tawanan. May problema ba sa mga gamit?”
“Hindi po.” Tumanggi si Tor kahit ang totoo ay naiinis siya sa whammy bar na loose thread na. “Okay lang naman mga gamit niyo.”
“Ah.. buti naman. Di pa ba kayo tutugtog?”
Tumingin si Tor kay Andres. Umiling naman si Andres sa kanya. Kumunot ang noo ni Tor kay Andres at binulong niya sa kanya sa hangin kung bakit ayaw pa niya magsimula. Nagmaktol lang muli si Andres na parang bata.
“Nahihiya kasi bokalista namin sa inyo.” Ika ni Tor sa may ari.
“Sino? Siya?” Tinuro ng lalaki si Andres. Hindi kumibo si Andres.
“Siya nga.” Si Sage na ang sumagot.
“Wag ka mahiya! Papanoorin ko lang naman kayo e. Di bale. Hindi ako magsasalita.” Nangako ang lalaki sa kanila. Walang nagawa si Andres kundi simulan ang kanilang kanta.
Si Tor na ang kumuha ng intro at si Justin naman sa rhythm guitars. Matapos ang walong bilang, sinundan naman sila nila Sage at Kidron sa kanilang mga hawak na instrument.
A picture of you reminds me how the years have gone so lonely. And why do you have to leave me without saying that you love me?
Nagsimula na sa pag-awit si Andres. May pagkailang pa siyang nararamdaman kaya hindi siya makagalaw ng maayos. Nasa likod niya lang ang kanyang mga kamay. Unti-unti siyang napapapikit at pinakikiramdaman ang kanta.
I’m saying I love you again. Are you listening?
Tumaas ng bahagya ang nota ng kanta ngunit hindi nahirapan si Andres na abutin ito. Dahil praktisado na siya sa karaoke ng kung ano-anong mga kanta, chicken na para sa kanya ang vocal range ni Kean Cipriano.
Open your eyes once again. Look at me crying.
Ang may ari ng studio, matahimik lang na nakasubaybay sa pag-eensayo nila, sa bawat galaw ng bawat miyembro.
If only you could hear me shout your name, if only you could feel my love again.
The stars and the sky will never be the same, if only you were here.
Ang kanilang koro, walang palya. Ang swabeng pagtugtog ni Sage sa bajo, ang easy-going “hits the spot” na paggigitara nila Justin at Tor, ang husay at karisma ni Kidron sa pagpalo at ang boses ni Andres na poging astig ang dating, at hindi niya ito pinipilit.
Ang lalaki ay inobserbahan ang banda sa kabuuan – ang kanilang intrsumentalidad, ang kanilang musical chemistry bilang isang banda at kung papaano nila nadala ang kanta na parang kanila ito. Aminado ang lalaki sa kanyang sarili, hindi bago sa kanya ang ganitong klaseng banda ngunit madalang lang siya makakita nito na nagdya-jam sa kanyang band studio.
Tinapos ng lima ang kanilang kanta. Ang matabang lalaki na may ari ng studio ay lumapit sa kanila.
“Oh.. next song naman.” Nag-request ang lalaki sa kanila.
“Uhm.. wala na po kaming next song.” Sabi ni Tor sa kanya.
“Ganun? Bakit naman wala na?”
“Hindi po kasi kami nakapaghanda ng pang-jamming namin. Kaya isang kanta lang naisalang namin dito.”
“Ah..” Hinimas ng lalaki ang kanyang baba na may makapal na balbas. “Pwede ba mag-comment tungkol sa tugtugan niyo?”
“Wag na, please. Wag na..” Binulong ni Andres sa kanyang sarili. Tinakpan niya ang kanyang mga tainga. Tumalikod siya mula sa mga kasama niya at sa may ari ng studio na nag-uusap.
“Ang galing nyo.” Tatlong salita na lumabas mula sa bibig ng lalaki. Tatlong salita na hindi na iba kila Tor, Sage, Justin at Kidron kung ang talento nila ang pinag-uusapan nila. Ngunit para kay Andres na unang beses makabilang sa isang tinatawag na “jamming”, kahit simpleng jamming lang at napuri siya ng ganoon ay malaking bagay na para sa kanya.
“Talaga?” Ayaw pa maniwala ni Andres sa sinabi ng may ari.
“Oo naman!” Kinamot ng may ari ang kanyang ilong habang siya ay nagsasalita. Ganito niya ipakita ang pagkabilib niya sa grupo. “Naniniwala ako, hindi lang Callalily ang kaya nyo. First time nyo lang ba mag-studio?”
“Na kami po ang magkakasama, opo.” Sagot ni Tor.
“Ako po, first time.” Nagtaas ng kamay si Andres.
“Talaga?” Nagulat ang may ari. “Ang galing mo ha! Daig mo pa nga yung bokalista nung Callalily nung kinanta mo yung kanta nila. Alam nyo, maraming beses ko nang naririnig yung mga cover ng unsigned bands sa Stars pero sa inyo lang yung talagang kuhang kuha AT pinaastig nyo pa.”
“Hehe. Di namin alam kung pano namin nagawa yon..” Natatawa si Tor at nahihiya rin. “Pero salamat po.”
“Ako nga pala si Stet.” Nagpakilala ang may ari ng studio. Dumukot siya mula sa kanyang bulsa ng isang calling card. “Madalas ako magpa-prod tsaka battle. Tawagan niyo ako kung gusto niyo maging updated. Kunin ko na rin number ng isa sa inyo. Yung kay ate.. kunin ko number niya.”
“A-ako po?” Nagtaka si Sage kung siya ba ang tinutukoy ni Stet.
“Oo. May iba pa bang ate dito? Hehe.”
“Nga naman. Hehe.” Kumuha ng ball pen si Sage mula sa kanyang bag at sinulat ang kanyang number sa kamay ni Stet. Pinagmasdan sila ni Justin na tila isang mangangaso na nakakita ng kanyang target.
“Ano pangalan mo, ‘te?”
“Sage po.”
“Ah.. si Sage, ang bahista ng.. ng..” Nahinto ang lalaki. “Anong pangalan ng banda niyo?”
Nagkatinginan ang lima sa isa’t isa. Hindi nila alam kung anong isasagot nila kay Stet. Hindi pa pala nila napag-iisipan kung anong itatawag nila sa kanilang mga sarili bilang isang banda.
“Ahehe. Wala pa pong pangalan ang banda namin e.” Sagot ni Tor.
“Ganon? Pag-isipan niyo yan kagad. Malay nyo, kunin kayong frontliner. Dapat madating ang pangalan ng banda niyo. Para patok sa masa.” Iniwan na sila ni Stet sa loob ng studio ang lima. Parang binabalakubak na nangamot ng ulo si Andres.
--
“Sabi nung Stet, madating daw.” Inulit ni Tor ang sinabi ni Stet sa kanila noong sila ay nag-jamming sa band studio niya. Matapos ang kanilang jamming na ang sinalang lang naman ay iisang kanta, tumambay sila sa fifth floor ng SM. Naupo sila sa sahig malapit sa malaking chessboard na laging nilalaro ng mga kalalakihang tambay sa palapag na iyon.
“E ano ba maganda?” Tanong ni Justin sa kanila.
“Alam ko na.” Ika ni Kidron. “Lamb of God.”
“Kidron, meron nang banda na ganon ang pangalan.” Sabi ni Sage.
“Kaya nga. Tsaka metal tugtugan non.” Sabi naman ni Tor.
“Ganon?” Wika ni Kidron. “E ganon tawag sa banda namin sa church e.”
“Tingnan mo na.” Tugon ni Tor kay Kidron. “Pag ginamit natin yang suggested band name mo e dalawang banda na ang ninanakawan natin ng pangalan.”
“Ay. Ang hirap pala mag-isip ng pangalan ng banda.” Nalungkot si Kidron dahil hindi bumenta ang kanyang ideya.
“Ano kaya kung kumuha tayo ng title ng isang song tapos gawin nating pangalan ng banda natin.” Mungkahi ni Justin. “Parang yung True Faith.. tsaka si Lady Gaga.”
“E ano namang kanta yung naiisip mo ha, Justin?” Tanong ni Tor.
“Yung sa Dicta License. Yung ‘alay sa mga nagkamalay noong dekada nobenta’.”
“Ah ganon? Ang ikli ha. Grabe!”
“Mag-derive na lang tayo ng band name mula mga iconic characters.” Suhestyon naman ni Sage. “Kunwari sila Betty Boop, Hello Kitty o kaya si Pucca. O kaya si Ke$ha.”
“Nako naman.” Nagkamot ng ulo si Tor. “Nakakabawas ng pogi points yang suggestion mo, Sage.”
“Ah ganon?” Nagtaray si Sage. “E bakit hindi tayo magtanong sa ‘man of the hour’ natin?”
Lumingon si Andres na nananahimik lang habang sila ay nagsasalitan ng mag ideya. Nakuha niya ang titulo simula nang papuring nakuha niya mula kay Stet.
“Me naisip ata si Andres e.” Sabi ni Tor.
“Wala nga e. Nag-iisip ako kaso parang panget naman.”
“Ano ba mga naisip mo?” Tanong ni Sage.
“Panget nga e.” Inulit ni Andres. “Pag sinabi ko, wala ring kwenta. Kasi nga, PANGET.”
“Ay nako! Ang arte mo talaga.” Ika ni Tor.
Di na pinansin ni Andres si Tor at nagpatuloy sa kanyang pananahimik. Marami talaga siyang naiisip na pwedeng ipangalan sa kanilang banda. Naisip niya ang pangalang Lying is Fun mula sa pamagat ng isang kanta ng Panic! At The Disco pero hindi niya sinabi dahil narinig niya ang usapan nila Justin tungkol sa pagkuha ng band name mula sa maga pamagat ng kanta. Naisip rin niya ang mga pangalang Alagad ni Son Goku, Purple Nurple, The Normal Descendants, The Chick and the Boys, ngunit nag-aalanganan siya sa kanyang mga ideya.
Wala nang sinabi ang apat. Tumahimik sila at nag-isip gaya ng ginagawa ni Andres.
Napansin ni Andres ang isang babae na may hawak na leaflets na pinapamigay niya sa mga taong nagdaraan. Hindi alam ni Andres kung ano ang nag-udyok sa kanya at tumayo siya. Lumapit siya sa babaeng nagpapamigay ng leaflets, at gaya ng inaasahan ng binata, pati siya ay inabutan ng leaflet.
“Hello, sir.” Malumanay na bati ng babae kay Andres. “Student pa po ba kayo?”
“Uhm.. Opo.” Tila wala sa sarili si Andres nang sumagot siya sa babae.
“Madalas po ba kayo ma-stress sa school?”
“Medyo. Lalo na kapag nakikita ko mga prof ko.”
Tumawa ang babae para malibang si Andres at mapakinggan ang sasabihin niya. “Alam nyo kung anong kelangan nyong gawin?”
“Tumigil sa pag-aaral?”
“Hindi. Kelangan nyo ng tamang R and R.”
“R and R? Rough and rider? Ronnie and Rickets?”
“No sir. Rest and relaxation po. And the Caprichosa Spa Party can give you just what you need.”
“Caprichosa?”
“Yes sir. Caprichosa Spa Party. Massages are not only a good way to relax and "spoil oneself" but have been proven to ease tension, relax the mind and spirit which eventually could lead to a more stress free and healthier life. So if anybody asks, being a Caprichosa with all your pampering can actually make you healthier!”
Hindi na nakinig si Andres sa sinasabi ng babae at iniwan na ito. Bumalik siya sa piling nila Tor na hawak ang leaflet sa kanyang mga kamay.
“Ano ginawa mo dun?” Tanong ni Tor.
“Mga ka-bandmates,” Pinakita ni Andres ang leaflet sa kanila. “Eto na ang solusyon sa ating problema.”
“Gusto mo na magpa-spa tayo?” Nagtaka si Justin habang binabasa niya ang leaflet.
“Hindi! Basahin niyo yung pangalan ng Spa chorva.”
“Caprichosa? Di ko gets.” Sabi ni Kidron.
“Wait! Gusto mo ipangalan sa banda natin ‘yan?” Tanong ni Sage kay Andres.
“Oo sana.” Sagot ni Andres. “Kung okay lang sa inyo.”
“Kaso kapag Caprichosa, parang pambabae.” Sabi ni Tor. “Caprichoso na lang kaya. Para mas pogi.”
“Pano naman ako ha?” Nag-react si Sage.
“Capricho na lang para di bias.” Ika ni Justin.
“Oo nga. Pero…” Kinuha ni Andres ang kanyang cellphone at nagsimulang mag-type sa kanyang message menu. “Ganito ang spelling.”
Tiningnan ng lahat ang screen ng cellphone ni Andres.
“Kapritso with a K. Pabor ako dyan.” Sabi ni Kidron.
“Ako din.” Wika naman ni Justin. “May Filipino touch sa name.”
“At tsaka chantable siya.” Gayon din na sumang-ayon si Sage.
“Astig, P’re!” Tuwang-tuwa si Tor. “Me pangalan na tayo.”
“Oo nga e.” May ngiti na sa mukha ni Andres dahil sa wakas, natapos na rin sila sa kaiisip ng pangalan ng banda nila. “Magmula ngayon, tatawagin na tayong Kapritso.”
“Asteeeeeeeeeeeg!” Nagulat silang lima sa pagkakasabay nilang magsalita. Natawa na lang sila.
Kakaibang araw ang sinapit ng lima. Hindi napaghandaan ang mga pangyayari. Ngunit kahit ganoon, maganda pa rin ang ibinunga nito dahil sa isang simpleng bagay.
Nabinyagan na ang kanilang banda.
Ang kanilang susunod na iintindihin ay kung papaano sila gagawa ng breakthrough bilang isang banda. Bilang Kapritso.
--
No comments:
Post a Comment