Popular Posts

Friday, October 21, 2011

11. Problema Nga Ito


SABADO NG UMAGA. Kabababa lang ni Sage sa kanilang kusina. Naabutan niya si Rose na naghahanda ng kanilang pananghalian.

“Nagluluto ka na pala?” Tinanong ni Sage kay Rose kahit halata naman kung ano ang ginagawa niya. Kinuha niya ang kahon ng gatas sa loob ng kanilang refrigerator at tinungga ito.

“Uy, bata ka! Nag-toothbrush ka na ba?” Natawa na lang ang dalaga sa sinabi ng ina.

Dumiretso si Sage sa sala. Hinablot niya ang remote at binuksan niya ang TV. Nilipat niya ito sa kanyang paboritong channel – ETC.

Pumunta rin sa sala si Rose na may dalang isang mangkok na puno ng cereal na may sabaw na gatas. Inabot niya ito kay Sage at tumabi sa kanya.

“Sino naman ang kapuyatan mo kagabi ha?” Nakataas ang isang kilay ni Rose at nakangisi nang maitanong ito sa kanyang anak.

“Kapuyatan? Wala naman ah.”

“Nako. Nag-deny pa ang bata. Ano ‘yon? Kausap mo sarili mo kagabi?”

“Tumawag lang mga kabanda ko kagabi.”

“Ganoooon? E bakit bumubulong ka pa?”

“Hala! Pati ‘yon pinansin?!” Tumalsik na ang kinakain niyang almusal sa kanyang paghalakhak.

“Kausap mo si Justin kagabi, ‘no?”

“Nge. Bakit? Masama ba siyang kausap ha?”

“Bakit? May sinabi ba ako? Ikaw ha!”

“Mama naman.” Tumayo si Sage para ibalik ang mangkok na wala nang laman sa kusina.

“Bakit hindi kayo lumabas ulet?” Sasagutin sana ni Sage ang tanong ng kanyang ina nang mag-ring ang kanyang cellphone na nasa kanyang kwarto. Ura-urada siyang umakyat upang kunin ito.

Justin calling… nakalagay sa screen ng kanyang phone.

“Tin…”

“Morning.” Namamalat pa ang boses ni Justin. “Musta na tulog?”

“Sakto lang. Kagigising mo lang ba?”

“Oo. Ikaw rin ba?”

“Oo.” Tumingin siya sa orasan at nakitang alas onse na pala ng umaga. “Tinanghali tayo ng gising.”

“Kaya nga e. Buti wala na akong Rondalla. Kundi, patay ako ke Sir Tindugan.”

“Wala ka na sa Rondalla?”

“Oo. Ngayon mo na lang nalaman?”

“Ay, oo e. Sorry naman.”

“Hindi. Okay lang ‘yun. Nga pala, nag-text sa ‘kin si Andres. Sabi niya may practice tayo mamaya.”

“Sa BTMT?”

“Hindi. Sa may San Mateo.”

“Saan do’n?”

“Malapit sa McDo.”

“Ah… Okay. Kelangan ko ng kasabay.”

“Sunduin na lang kita dyan sa inyo.”

“Uhm. Sige! Kita na lang tayo sa Paseo.”

“Sure. Sige, kita kits!

“Sure, sure. B-bye!” Pagkatapos ng usapan nila, nahuli niya ang kanyang nanay na pinagmamasdan siyang may kausap sa telepono.

“Uy, may date sila! Hahaha!”

“Wala naman. May practice lang naman kami.” Sabi ni Sage na may tono na katulad sa isang batang nang-aasar sa kalaro.

“Kahit na. Magkasama pa rin naman kayo. Eeeeeeeeeeeh!” Kikilitiin na sana ni Rose ang kanyang anak subalit nakailag ito kaagad.

“Buti ka pa, kinikilig. Hmp! Maliligo na nga ako.”

Pinalo ni Rose si Sage sa puwet bago ito makaalis sa sala saka bumalik sa kusina para ipagpatuloy ang pagluluto.

--

Nakarating sina Sage at Justin sa McDonald’s San Mateo. Naabutan nila sina Andres, Kidron at Tor na inuubos ang kanilang rice at chicken na nagsilbing kanilang pananghalian. Si Sage ang unang nakapansin, sumunod naman si Justin. Suot nilang lahat ang kanilang mga dept shirts – mga shirts na nagrerepresenta ng kani-kanilang mga majorship.

“Ayaw niyo naman sigurong ipagmayabang yung mga major niyo?” Biro ni Tor sa mga kasama.

“Tae mo. Math major ka lang.” Sabi ni Andres.

“Nagsalita ang hindi Math major ah.”

“Sssshh. Me kumakain.” Sinita ni Sage ang mga kasama. “San ba yung sinasabi niyong studio?”

“Ayun oh. Sa tapat.”

Sumilip sila sa clear glass window ng food chain na pinagkakainan nila. Nakita nila sa labas ang isang maliit na studio.

“Bluest one?” Pagkabasa ni Justin sa signage ng studio. “Emo ba?”

“Hindi Bluest One. Blue Stone. Blue-stone.” Paliwanag ni Andres.

“Ah. Hulaan ko, matanda na me ari niyan.”

“Ganun? Psycho na pala si Justin ngayon.”

“Baka psychic.” Sumabat si Sage.

“Ay sige. Ikaw na’ng English major.”

“Mga Pards, punta na kaya tayo don.” Aya ni Kidron na nagpupunas ng labi gamit ang tissue na kasama sa kanilang binili. “Mukang maraming magsu-studio ngayon.”

“Panu mo naman nasabi?”

Tumuro si Kidron sa labas at nakita nila ang isang lupon ng mga kabataang nagmamartsa sa ilalim ng matirik na araw na nakabalot sa itim na blusa.

“Black parade daw ba?” Kumento ni Tor.

“Tatag naman nila.” Sabi ni Sage.

“La na lang basagan ng trip, meeeeeeeeeeeen.” Giniya na ni Andres ang kanyang mga kasama na lumabas at pumunta na sa studio.

Ilang lakad lang ang ginawa nila at naroon na sila sa kanilang destinasyon. Naunahan sila sa studio ng grupo ng mga kabataang nakita nila kanina kaya umupo sila sa isang bangko sa labas ng studio para maghintay. Humanap sila ng kahit anong pampatay-oras habang naghihintay. Nilabas ni Justin ang kanyang PSP at naglaro ng Tekken 4 habang si Andres ay nakikinood. Naglabas naman ng mga libro sina Kidron at Sage : si Kidron ang kanyang pocket Bible at si Sage naman ang kanyang paperback copy ng the Lost Symbol. Si Tor na busog pa, walang ibang dala kundi ang kanyang electric guitar at cellphone na wala siyang balak na pa-load-an ay palakad-lakad na lamang sa harapan ng kanyang mga kasama at nagmamasid sa lugar. Napansin niya na sa labas pala ng studio, malapit sa bintana, ay may nakasabit na headphones na kunektado sa mga speakers sa loob. Dala ng pagkabagot at kyuryosidad, sinuot niya ito at nakinig. Ngunit wala pang sampung segundo, hinubad na niya ito.

“Bakit p’re?” Tanong ni Andres na naaninag ang kilabot sa mukha ni Tor.

“Nakakatakot!” Nangatog pa ng bahagya si Tor sa kanyang sinabi.

“Bakit? Napano ka?”

“Tinutugtog nila, Alesana.”

“Ano’ng kanta nila?”

“Apology.”

“Dun ka natakot?”

“Hindi. Pakinggan mo kasi.”

Inabot ni Tor ang headset. Kinuha ito ni Andres at isinuot sa kanya. Nang may marinig siyang hindi matukoy, hinubad na niya ito.

“Syet! Parang pusang sinasakal.” Nanlaki ang mga mata ni Andres sa takot.

“Di ba?” Napanatag din ang loob ni Tor. Akala niya ay siya lang ang nakakaranas ng ganoon.

“Baka technical difficulty lang ‘yun kaya ganun.”

“Sana nga.”

Pumihit ang isang pampasaherong dyip sa harap ng Bluestone. Binaba nito ang anim na kabataan na tulad na kapareho nina Andres ay may balak mag-studio sa araw na iyon. Tatlo sa kanila ay may dalang gitara, isa naman ay may dalang drumsticks at isa ay may dalang chicks (chicks pero isa lang talaga). Nakilala ni Andres ang isa sa kanila.

“Rigor, uy!” Lumingon naman kaagad ang minsan naging pasahero nila Andres sa kanilang dyip nang siya ay tawagin ng binata.

“Uy, tol. Musta?” Siya pa ang lumapit kay Andres. Nag-fist lock silang dalawa. Rekumpards.

“Ayos lang, ayos lang. kaw, ‘tol?”

“Ayos lang din.” Tumingin si Rigor sa likuran ni Andres at nakita ang apat na nakaupo sa labas ng studio. “Sila kasama mo?”

“Oo, ‘tol. Magsu-studio kami.”

“Studio? May banda ka na?”

“Oo ‘tol!”

“Astig! Congrats, congrats. Sabi ko sa ‘yo, magbanda ka na e. Nakatugtog na kayo?”

“Sa school pa lang. Eto nga kami e. Mag-studio para sa tugtog namin sa darating na Friday.”

“Friday? Saan?”

“Sa QC.”

“Malapit sa Katipunan?”

“Oo, ‘tol!”

“Tol, tutugtog din kami don. Sa pa-prod ni Ricky?”

“Di ko alam yung pangalan nung nagsali sa ‘min e. Basta ayun. Me Gig sa Biyernes. Hehe.”

“Astig! Kita-kits tayo doon. Tsaka ‘tol, nood ka rin ng Clash of the Real Titans. Sasali kami don.”

“Oh? Tol, sasali din kami don! Eto ngang tugtog namin, gagamitin naming entry sa battle.” Maligalig si Andres sa kanyang pagkukwento. Makakasabay niya sa tugtugan ang dating pinapanood niya lang sa entablado.

“Talaga? Astig, tol. Basta, kita-kits na lang talaga tayo.”

“Oo naman, ‘tol. Basta ikaw!”

“Sige. Punta muna ako sa mga kabanda ko. Me pag-uusapan lang kami.”

Iniwan siya ni Rigor. Bumalik si Andres sa kanyang mga kasama. Nakita niya sina Tor at Justin na masama ang tingin sa grupo nina Rigor.

“Sinapian?” Tanong ni Andres.

“Ewan ko sa mga ‘yan.” Sagot ni Kidron.

“Nakita ko na naman ‘yang mga kupal na ‘yan.” Yamot ang tinig ng linya ni Justin sa mga kasama habang nakatitig sa grupo ni Rigor.

“Tae ‘yang mga ‘yan e.” Sabi naman ni Tor na katulad ni Justin na napipika.

“Teka! Kilala niyo ang Ten-Twenty?” Tinanong ni Andres.

“Nakakasabay namin ni Tor ang Ten-Twenty dati.”

“Oh?” Nagulat si Andres sa ngayon lang nalaman na katotohanan. “Galing nila, di ba?”

“Leche! Nananabutahe sila. Style nila, bulok.” Halos maghimagsik na sina Tor at Justin sa kanilang mga sinasabi.

“Nananabutahe? Pa’no?”

“Sige, isa-isahin natin.” Nilapat pa ni Tor ang kanyang kamay sa harap ng mga kasama. “Naninira sila ng gamit pag hinihiram nila. Pag ikaw naman ang manghihiram ng gamit, pagdadamutan ka. Nang-aagaw sila ng chicks. Sisigaw sila ng ‘boo’ pag nasa stage na kayo. Sisiraan yung banda niyo. At higit sa lahat,” sinabayan pa siya ni Justin nang sabihin niya ito. “nagnanakaw sila ng pondo.”

“Pondo as in yung kanta?” Naniguro si Kidron kahit alam naman niya ang kahulugan ng salitang ‘pondo’ sa usapan ng Kapritso.

“Oo! Nakipagsapakan na kaya ako sa kanila nung binastos nila yung banda ni Sage sa isang prod. Although, si Sage lang naman ang nainis. Nagustuhan pa ng mga kabanda niya yung ginagawa sa kanila. The point is, magaling nga sila, pero kung ganun naman ginagawa nila sa mga kapwa tugtugero nila, aba! Basura ang tawag sa kanila.”

“Amen, pare.” Sabi ni Tor. “Apir!”

“Weh? Baka hindi na ‘yon. Ilang taon na rin ‘yun simula nang makasabay niyo sila. Past is past, no more to be discussed.” Parang pang-break up naman ang naging kataga ni Sage.

Nakuha ang kanilang atensyon nang lumabas ang bandang nakasalang sa studio. Naghanda na silang pumasok ngunit naunahan sila ng Ten-Twenty. Kay bilis ng mga pangyayari. Inabot nila sa may ari ang kanilang bayad at nag-set up na sila.

“Anak ng-”

“Ge p’re, ikaw bahala sa mukha, ako naman sa may sikmura.”

Inawat ni Kidron ang dalawa sa balak nilang gawin.

“Ako na bahala.” Sinabi ni Sage sa mga kalalakihan. Lumapit siya sa lalaking tumanggap ng bayad nina Rigor. “Excuse me kuya. Nauna po kami sa – ninong?”

Baka namalikmata lang si Sage, pero hindi siya niloloko ng kanyang nakita. Ang lalaki ay kakilala niya, hindi lang kakilala, kundi ninong niya sa binyag.

“Nong Norman, ikaw pala ‘yan.” Nagmano si Sage sa kanyang Ninong Norman na malapit ding kaibigan ng kanyang ina. “Long time, no see, ah.”

“Kaya nga e. Musta naman kayo ng Mama mo?” Kamukha niya si Francis Reyes ng the Dawn.

“Okay lang naman po. Ayun, nasa work siya ngayon. Kaw? Musta ka na?”

“Eto. Mina-manage ‘tong studio na ‘to. Dito na nga rin ako nakatira e.?”

“Mina-manage as in sa inyo ‘to?”

“Of course.” Ang apat na nadidinig ang usapan nila ay natutuwa, baka sakaling makalibre sila sa studio. “Sino mga kasama mo dito? Sila ba?”

“Yeah, ‘nong. Jamming kami ngayon. Practice na rin.”

“May banda na pala si Gege e.”

“Gege?” Binulong ni Andres kay Justin.

“Nickname sa kanya ng mga kamag-anak niya tsaka iba pa niyang ka-close.”

“Ah. Hehe. Gege.” Mahinang humagikgik si Andres sa kanyang sarili.

“Speaking of banda, ‘nong, dapat kami na yung nakasalang ngayon. E kaso, siningitan nila kami. Andaya.”

“Siningitan? Hindi, anak! Talagang sila na ang gagamit ng studio, nagpa-reserve sila ng ganitong oras sa akin kahapon. May extra fee yun na 50 pesos.”

“Ay ganun? Kaya naman pala.”

“Di bale. Libre na yung studio niyo ngayon. Pambayad ko na rin ‘yon sa mga birthday at Paskong tinaguan kita.”

Humiyaw sa tuwa ang mga kasama ni Sage.

“Pumasok muna kaya kayo sa loob. Makinig na rin kayo sa jamming nila.” Paanyaya ni Norman sa mga kabataan.

“Wag na.” Sabi ni Justin. “Mas gusto pa naming pakingggan yung busina ng mga dumadaang jeep.”

“Oo nga. Tsaka yung mga patok na tugtog nila sa loob.” Dagdag ni Tor.

“Arte! Malamig naman sa loob.” Banat ni Andres. Sinundan niya sina Norman, Sage at Kidron na pumasok sa loob. Walang nagawa ang dalawang nag-aalburoto at sumama na rin sila sa loob.

Umupo sila sa mahabang sofa na nakaharap sa set ng mga instrumento ng studio. Nagmasid si Andres sa paligid at nakita ang salamin na puro mga sulat.

“Anu yung nasa salamin?” Parang bata lang na nagtatanong sa kung anong mayroon sa paligid niya ng magtanong si Andres kay Norman.

“Yan? Pangalan ‘yan ng mga magagaling na banda na naging regular dito sa Bluestone.”

Na-curious din ang iba kaya inusisa na nila ang nasabing salamin.

“Shot Bandicot!” Sigaw ni Andres “Kilala ko ‘yang mga ‘yan! Yan yung may matabang vocalist.”

“Oo. Sarap ding ka-jamming ng mga ‘yan.”

“Galing! Nag-studio na pala dito yung Chongkees!” Na-excite din si Justin. Minsan na niyang napanood ang bandang iyon sa Alabang at doon siya nagsimulang makinig ng Pinoy Reggae at Punk.

“Hesus Rodriguez? Nag-studio na sila dito?” Tanong ni Tor nang makita ang nabanggit na pangalan ng banda.

“Malamang. E mga taga-Montalban ‘yang mga ‘yan.” Buong pagmamalaki ni Andres. Bago pa sumali ang banda sa isang battle of the bands competition ng isang istasyon ng radyo, napapanood na niya ito ng personal sa mga patugtog sa plaza. “Kaya nga Rodriguez e.”

Natigil ang kanilang usapan nang makarinig ng feedback. Nanggaling ito sa mikropono na hawak ng vocalist ng Ten Twenty. Isang senyales dahil oras na para mag-astig-astigan sa harap ng Kapritso.

“Pfwhedhe mhackieupfouh?” Tinanong ng babaeng kasama nila Rigor si Sage. Di naman alam ng kung sasagot siya. Nagulat siya sa dami ng laway na tumalsik sa mata niya.

“Bahala ka.” Umupo ang babae sa isang stool malapit sa sofa. Napansin niya ang lalaking pinakamalapit sa kanya, si Tor, na mas gwapo pa sa kaakay niya kanina.

“Eow pfouh!” Kamukha ng babae si Prince Mackaroo sa kanyang hairdo – papusod na nasa tuktok ng ulo niya. Kinapos sa tela ang kanyang pang-itaas at pang-ibaba, napunta ang sobra sa kanyang imitation na Chuck Taylor SUPER High Cut. Kawawang Tor, lapitin talaga ng mga ganitong klaseng babae.

Ayos na ang banda nina Rigor. Nakakabit na ang mga gitara sa mga amplifier. Nakaupo na sa likod ng drum set ang tambolista. Hawak na ng bokalista ang mikropono. Pumalakpak para sa kanila ang babaeng jejemon na kasama nila.

“Te, hinay-hinay lang. Wala pa silang tinutugtog.” Sinabi ni Sage sa kanya, ngunit parang wala itong narinig dahil patuloy ito sa pagiging number one groupie ng banda.

Sinimulan nila ng intro. Nakilala nila Justin at Tor ang kanta sa intro nito.

“Kai?” Pagtataka ni Justin. Inalala niya ang mga pagkakataong napapanood niyang tumugtog ang Ten-Twenty.

“Di ba punk cover yung style nila?” Naniniguro si Tor. “Parang Punkober?”

“Oo nga e. Why the sudden change? Hmm.”

“Astig sila, ‘no?” Sabi ni Andres na naaaliw sa panonood.

“Astig ka dyan?” Nagalit si Justin. “Mas astig pa tayo dyan!”

Unti-unting gumagalaw, kanyang matang nakatanaw
Sa isang ngiting walang saya, nagtatanong nagtataka

“Siguro, naghahanda ‘tong mga ‘to sa battle.” Ayon kay Tor.

“Oo nga.” Sumang-ayon naman si Justin sa kanyang sinabi. “Nako! Lalampasuhin namin kayo.”

“Ssshh!” Batas ang dating ni Sage sa kanyang mga kasama.

Bakit ba ganito, tinapos sa gulo.
Mahalin mo na lang kahit kunwari, dalangin niya’y nakatingin sa langit
Naubos na ang sandali ng buhay niyang kasinggulo
Ng sa pelikulang wala namang istorya
Natapos nang ikaw na lang ang bida
Di man lang nasabi na mahal na mahal mo siya

Tinamad nang manood si Justin at tumingin-tingin na lang sa loob ng studio. Nakita niya ang mga lumang posters ng mga banda tulad ng Teeth, Eraserheads, Colour It Red at Rivermaya kung saan si Bamboo Mañalac pa ang bokalista nang biglang may lumitaw na ideya sa kanyang utak.

“Tor,” Kinulbit ni Justin ng malakas ang kanyang tinatawag. “Alam ko na.”

“Ano ‘yon?” Bumulong sa kanya si Justin. Kung ano man ang narinig niya ay pinagtataka nila Andres dahil sa naging reaksyon niya.

“Di ba? Ang ganda ng plano ko?” Pinalakpakan ni Justin ang kanyang sarili.

“Ano ‘yon Pards?” Nakiusi na rin si Kidron. Bumulong din sa kanya si Justin.

“P’re anu yung sinabi sa ‘yo ni Justin?” Tinanong ni Andres kay Tor. Nakikinig si Sage sa usapan nila.

“Sabi sa ‘kin ni Justin, gawin na daw natin ‘yon.”

“Ang alin naman?”

Pinalapit ni Tor ang dalawa sa kanya at inulit lang kung ano ang binulong ni Justin sa kanya.

“Abnoy ka ba, Tin?” Tinabig ni Sage ng malakas si Justin.

“Aguy! Sakit naman!”

“Hindi pa nga natin plantsado yun e.”

“Hindi plantsado? Kuhang kuha nga daw natin sabi ni Manong Stet, e. Tanong mo pa kila Kidron.”

“Kidron, okay lang ba sa ‘yo yung sinabi ni Justin?”

“Okay lang naman. Walang problema sa ‘kin.”

“Ikaw, Tor. Ayos lang ba sa ‘yo?”

“Ginagawa ko rin naman yun pag nasa bahay ako e. Kaya, sakto lang.”

“E ikaw, Andres? Nasa iyo ang huling desisyon.”

“Bakit ako? E tagakanta lang naman ako.”

“Sige na. Ikaw rin naman ang susundan namin e.”

“Bakit ako?” Nakatingin sa kanya ang lahat. Hinihintay na ang kanyang sagot. “Oo na nga.”

“Yes!” Tumaas ang kamao ni Justin sa ere, kamuntikan na nitong tamaan ang mukha ng ninong ni Sage. Buti na lang at hindi kundi ay walang libreng studio. 

Natapos na ang isang oras ng Ten-Twenty. Kapritso naman ang susunod. Nilabas na nila ang kanilang mga instrumento mula sa mga bahay nito. Nilabas na ni Kidron ang kanyang drumstick at umupo sa likod ng mga tambol. Tumayo naman si Andres sa may mikropono at in-adjust ito para maabot niya. Ang grupo naman ni Rigor ay umupo sa sofa para manood. Nagpalit ang dalawang banda ng posisyon.

“Pag tayo, napahiya –” Manduduro sana si Sage kay Justin ngunit ibinaba niya ang kamay ng dalaga, para maka-tsansing na rin.

“Chillax. Hindi ‘yan. If ever man, di nila ‘yan mapapansin, sa sobrang galing natin.”

“Ready na kayo?” Tinanong ni Andres sa kanyang mga kabanda.

“Tol, ano’ng pangalan ng banda niyo?” Tinanong ni Rigor sa kanila.

“Kapritso, ‘tol.” Sagot ni Andres

“Go, Kapritso.” Sinigaw niya. Naki-cheer din ang iba pa niyang mga kabanda. Lalong nainis sina Tor at Justin sa kabilang banda.

Binilangan ni Kidron ang Kapritso. At sila’y nag-intro. Intro na ikinagulat ng Ten-Twenty.

“Bamboo?” Tinanong ng drummer sa kanyang mga kasama.

“Tae. Hallelujah.” Natulala si Rigor, at iba pa niyang mga kabanda.

“Teka mga ‘tol, hindi pa kumakanta si vocalist.” Sabi ng frontman ng Ten-Twenty, kung magsalita, akala mong kung sinong magaling kumanta. Ang katunayan ay sigaw lang ang ginagawa niya. “Mamaya, dinadala lang siya ng mga kabanda.”

Nag-asam ang banda sa kanilang assumption. Dinig naman ni Norman ang usapan ng mga kabataan. Lalo tuloy siyang naintriga sa kung papaano tumugtog ang banda ng kanyang inaanak na si Gege.

Ano’ng balita sa radyo at TV
Ganon pa rin, kumakapa sa dilim
Minsa’y naisip ko na umalis na lang dito
Kalimutan ang lahat, lumipad, lumayo

Tumingin si Rigor kay Norman. Parang supervisor na pinapanood ang demo ng isang magaling ng guro kung siya ay makatungo sa pagtugtog ng Kapritso.

May kasama ka, kapatid, kaibigan
Hangga’t ako’y humihinga, may pag-asa pa

Napapatayo ang Ten-Twenty sa kanilang kinauupuan. Nawindang sa nakahain sa kanilang harapan. Inihahatid ng Kapritso ang kanilang mga sarili sa bago nilang suliranin.

Whoa, Hallelu, Hallelujah
Sino’ng sawa, sino’ng galit?
Sumigaw ngayong gabi
Hallelu, Hallelujah

Nabaon sa lupa ang yabang ng Ten-Twenty. Masyado nilang minaliit ang kalaban.

Nagsalubong sina Andres at Rigor ng tingin. Kakaiba ang naramdaman ni Andres sa mga tingin ni Rigor. Hindi niya ito inaasahan sa isang taong bihasa na sa tugtugan. Inisip niya, baka tama ang alegasyon ng mga kabanda niya laban sa Ten-Twenty.

Hindi na tinapos ng kabilang banda ang isang oras ng Kapritso. Wala pa sa kalahati ng pangalawang kanta ay iniwan na nila ang studio. Samantalang si Norman, kahit sasabog na ang pantog sa pagkaihi ay hindi pa rin pinalampas ang panonood sa batang banda.

Tapos na ang isang oras nina Andres. Inayos kanyang mga kabanda ang kanilang mga gamit. Lumapit sa kanila si Norman na tila babalatuhan ang mga kabataan sa ganda ng kanyang ngiti.

“Matagal na ba kayong tumutugtog?” Nakangiti pa rin, pinagmamasdan ang banda na mag-ayos.

“Sila po, matagal nang tumutugtog.” Si Andres na ang nag-abalang sumagot dahil wala siyang ginagawa . “Sina Sage, Tor tsaka Justin, may mga banda na po sila dati, tapos si Kidron naman po, tumutugtog po sa church nila.”

“Ikaw lang ang inexperienced sa kanila?”

“Di naman po sa ganun. Nakatugtog na rin po ako. Isang beses. Sa school namin.”

“Ayos lang ‘yun. Hindi nga halatang baguhan ka e. Galing mo kasi makisabay sa mga kasama mo.”

“E bakit niyo po tinanong kung matagal na kaming tumutugtog?”

“Kasi yung iba kasi, hindi mahahalata na baguhan kayo. Kasi nga ang galing mo. Pero alam mo yun?” Nalito na si Norman sa kanyang sarili, kaya hindi na niya ipinagpatuloy. “Anyways, kelan sunod na tugtog niyo?”

“Sa Biyernes po. Sa may Bagong Silangan.”

“Bagong Silangan? Sa pa-prod ni Ricky?”

“Teka lang po ha.” Tinawag ni Andres si Tor. “Sino yung me pakana nung gig natin sa Biyernes?”

“Ricky ata yun.”

“Yun nga po. Ke Ricky daw po.”

“E kabanda ko yun ah. Guest band din kami don.”

“Astig! Panoorin namin kayo don.”

“Papakilala ko rin kayo sa mga kabanda ko. Matutuwa ‘yon sa inyo.”

“Pare,” Kinalabit ni Tor si Andres. Nakasukbit sa tatlo ang kanilang mga gitara. Si Kidron naman ay sinuksok sa bag ang kanyang drumstick. “Tara na.”

“Sige, kuya Norman. Mauna na po kami.” Paalam ni Andres.

“Bye, Nong.” Nagmanong muli si Sage sa kanya.

“Ingat kayo. Kita-kita tayo sa Biyernes.”

“Patayan ‘to sa Biyernes.” Sabi ni Tor sa kanyang mga kabanda nang makalabas sa studio.

“Bakit naman, Pards?” Ikinataka ni Kidron.

“Nakita na tayo ng Ten-Twenty e. Maghanda tayo.”

“Problema nga ito.” Ginaya ni Kidron ang pagkanta ng Wonder Pets sa Tagalog.

“Hindi ‘yan.” Hindi nawawala ang lakas ng loob ni Andres sa kanyang mga kabanda. “Yakang yaka natin yung mga yon.”

“Aba. Angas ni Andres ah.” Wika ni Justin. “Kala ko ba, friendships mo yung mga ‘yon?”

“Di naman kami close.”

“Pero handa ka?” Nilagay ni Sage ang kanyang kamay sa balikat ni Andres.

“Oo naman. Kung ano mang bagay ‘yun, oo. Handa ako.”

“Mainam.” Nanguna na sa paglalakad si Tor. “Tara! Balik tayong McDo. Gutom na ako.”

“Ayoko ng Mcdo. Chowking naman.” Sabi ni Justin.

“Utot niyo. Nalalagas pera ko sa inyo. Galit na erpats ko.”

Wala na ring nagawa si Andres. Gutom siya at kaninang umaga pa siya naghahanap ng beef wanton.

--

Dumating sina Andres, Justin, Kidron, Sage at Tor isang oras bago magsimula ang production na pinamagatang “Rock Live”. Hindi masyadong pinag-isipan. Pasensya naman.

Iba ang paligid kung ikukumpara sa naunang tugtugan nila Andres. Mas magulo at mas mainit at maikli ng mga damit na suot ng mga kabataang lalaki at babae sa venue. Ang tema ng sa mga lalaki ay all-black at sa mga babae naman ay black at pink o purple, basta masakit sa mata. Nakahanda na rin ang mga ilaw. May ilaw na umiikot sa langit, may ibang ilaw naman na nakatapat sa entablado. At sa tapat nito, isang malawak na espasyo para sa mga islamerong dadalo. Madalim ang espasyo upang hindi makita ng mga tao na nagdudugo na pala ang anumang parte ng kanilang mukha dahil nasiko ito ng kaislaman nila. Nagsisilbi ding ilaw sa dilim ang kahel na ilaw ng sigarilyo at kinang ng ilaw sa kalsada na tumatama sa bote ng Red Horse na hawak ng mga kalalakihan, at ilang kababaihan.

Dumaan ang isang grupo ng kabataan sa harap nila Andres. Pagkalipas nila, sinundan ito ni Justin ng lingon.

“Bakit, Pards?” Nasundan na rin ni Kidron ng tingin ang dumaan na grupo.

“Amoy damo.” Sabi ni Justin.

“Damo?” Umikot si Kidron sa kanyang pwesto at tiningnan ang buong lugar. “Sementado kaya yung venue. Walang grass fields o lawn man lang.”

“Hindi. Ibang damo ang tinutukoy ko.”

“Wag mo nang itanong.” Sinabi ni Sage kay Kidron, sabay inirapan si Justin. Hindi maisip ng dalawang binata kung ano ang nagawa nilang masama.

Umalis sina Tor at Andres. Pumunta sila sa organizer ng patugtog para i-settle ang kanilang account. Hindi nila nakumpleto ang kanilang registration fee noong deadline kaya sa mismong tugtog pa lang sila magbabayad.

Lumapit ang dalawa sa organizer na kasalukuyang tsine-check ang mga gamit sa stage.

“Kuya,” Lumingon naman kaagad sa kanila ang organizer na kamukha ni Jett Pangan - o ni John Lapuz.

“Baket?” May pagkayamot ang organizer. Kaninang umaga pa siya pinepeste ng mga intindihin niya sa tugtugan na hindi man lang siya makakuha ng ilang minuto upang makapag-yosi break.

“Eto na po yung reg fee namin.” Inabot ni Andres ang mga lukot na singkwenta pesos sanamamawis na kamay ng organizer.

“Buti naman at naisipan niyo nang magbayad.” Binilang ng organizer ang pera at binulsa nang makuntento siya. “Ano uli pangalan ng banda niyo?”

“Kapritso.” Sagot ni Tor.

“Kapritso? Ge, ge. Buti at nagbayad kayo. May pang-isang kaha na kami ng tropa ko.”

Iniwan ng dalawa ang abalang organizer. Sa kanilang paglalakad, nasalubong nila ang isa pang kamukha ng isang miyembro ng The Dawn.

“Oh? Nandito na pala kayo.” Huminto ang dalawa nang makabunggo kay Norman. “Asan yung iba niyong mga kasama?”

“Nasa tabi-tabi lang.” isang hindi maayos na sagot mula kay Andres.

“Buti at maaga kayo dumating. Sige. Maiwan ko muna kayo. Tulungan ko pa si Ricky na mag-ayos.”

Gayon nga na umalis si Norman. At sa sinabi ni Norman ay napaisip muli si Andres.

“P’re, ba’t nga pala ang aga natin?”

“Kasi, sabi sa ‘tin ng organizer, sumipot tayo one hour before the gig starts.” Sinagot ni Tor.

“E bakit yung ibang mga banda, late sila?”

“Ang kapal naman ng mukha natin para ma-late. Late na nga yung bayad natin sa kanila, late pa tayo dadating.”

“E bakit nga yung ibang banda?”

“E iba naman tayo sa ibang banda. Di tayo bastos. Di tayo sumusuway sa patakaran na nilalapat sa ‘tin ng mga organizer ng mga tutugtugan natin. Tandaan mo, p’re: respect for the working place. I-apply mo yun sa pagbabanda. Maganda na rin yung meron tayong proper decorum, ika nga sa Personality Education 2 natin. ”

“Tama! Idol na talaga kita, men.”

“He. Bumalik na lang tayo sa mga kasama natin.”

Ganoon nga ang kanilang ginawa.

Lumipas ang isang oras. Unti-unting napupuno ang venue ng pinaghalong tutugtog at manonood. Sa bleachers kung saan nakapwesto ang Kapritso, doon na rin pumwesto ang iba pang bandang tutugtog. Habang pinapanood ang banda bago sa kanila, nariring nila ang mga kapwa nilang manunugtog na nililibak ang kung sino mang nakasalang sa entablado. Tinitira nila ang mga sablay ng bokalista o ang pagkagaralgal ng gamit ng mga gitarista.

Habang nanonood si Andres, lumapit sa kanya ang isang lalaking nakasuot ng cargo pants, Vans, bonnet na kulay abo at puting t-shirt. Sa ilalim ng bonnet ay magulong buhok na ang haba ay di lalampas sa kanyang balikat. May limang native bracelet na suot ang kanyang braso.

“Tol, tutugtog ba kayo mamaya?” Bigla na lang naglaglag ng ganoong tanong ang lalaki kay Andres. Hindi naman napigilan ng binata na magulat.

“Ha?” Tumingin siya sa kanyang mga kabanda, baka alam nila ang nangyayari. “Oo, bakit?”

“Pwede ba kaming manghiram ng gitara? May ground yung jack ng electric ko. Natapunan ata ng beer kanina. E kami na yung susunod na sasalang.” Bahagyang tumawa ang lalaki. Inosente ang kanyang dating. Hindi mukhang manggagantso.

“Ay, hindi kasi ako yung gitarista. Sa kanila ka magtanong.”

Walang sali-salita, inabot ni Justin ang kanyang gitara na nakalagay pa sa bahay nito sa lalaking nakikisuyo sa banda nila.

“Pakiingatan na lang, p’re. Andyan din yung cord sa bulsa ng bahay.” Pasubali ni Justin.

“Tol, salamat ha. Balik ko kaagad pagkatapos naming tumugtog.”

“Bait naman ni Papa Justin.” Bola ni Andres sa kanya.

“Nge. Wala yun. Ganun talaga dapat. Tulungan. Ang madamot, putol birdie.”

“Di ka kinakabahan? Baka sirain niya yung gamit niyo tulad ng ginagawa ng Ten-Twenty.”

“Mukha namang propesyonal siya para gawin yun.”

“Pano mo nasabi?”

“Ewan ko. Vibes ko lang. Nasa itsura na rin.”

“Nasa itsura pala yun?”

“Ssshh! Manood ka na lang. Tsaka magdasal ka na rin. Malapit na tayong tumugtog.”

“Trabaho kaya ni Kidron yun.”

“Alright, guys. Nag-enjoy ba kayo?” Agaw-pansin ang bati ng babaeng emcee na nagsisilbing dahilan para tumitig ang mga kalalakihan sa entablado at maglaway sa kanilang kinatatayuan.

“Ayos ‘yan!” Sabi ng lalaking emcee na anak ng barangay captain sa lugar na iyon. Kulay puti na ang kanyang pawis sa sobrang tirik ng spotlight sa kanilang pwesto. “Itong next band natin is composed of Jomar on vocals, Leonard on guitar, Enzo on bass and Markus on drums.”

“Guys give It up for Kamada!”

“Kamada?” Inulit ni Tor. “Parang narinig ko na yung bandang ‘yan.”

“Test mic. Mic test. One, two.” Sabi ng Jomar na bokalista sa mikropono.

“Hulaan ko, Cueshe ang kakantahin ng mga ‘to. Cueshe o 6cyclemind.” Sabi ng burangas na gitaristang tumugtog bago sa kanila kasabay ang kanyang malaway na halakhak. Preskong magsalita palibhasa’y mga kanta ng Spongecola ang kinober nila.

“Kaya nga e. Ang konyo manamit.” Sabi naman ng bahista ng bandang pinanggalingan din ng mayabang na gitarista. Masyadong nilang minamasama ang mga taong tutugtog na ang suot ay printless white t-shirt at simpleng pantalon lang. Si Sage na walang ibang gusto kundi ang manood ay nakakaramdam ng kagustuhang mangbigwas ng tao.

Nagsimula ang gitarista. Pinaiyak niya ang kanyang gitara sa kanyang intro. Di siya nagkulang sa gamit niyang effects. At nang pumalo ang tambolista, kasabay niya ang bokalista at bahista ng kanyang banda na tumalon sa entablado. Sinabayan na rin sila ng mga manonood na nag-iislaman.

“Anung kanta yan, mga Pards?” Hindi pamilyar si Kidron sa mga mabibigat na tugtugan.

“Doble Kara.” Napilit pa ni Tor na sumagot. Natameme siya sa bandang nakasalang.

“Sino’ng banda yung kumanta nun?”

“Greyhoundz.”

“Ah. Teka lang ha. Bili muna ako ng maiinom.”

“Mamaya na!” Hinila ni Tor si Kidron pabalik sa kanyang inalisan na pwesto. “Panoorin mo muna ‘tong bandang ‘to.”

“Sige.” Nakalimutan ni Kidron na uhaw siya at sinunod ang sinabi ni Tor.

“Halimaw pala si Kuyang nanghiram ng gitara kanina.” Halos lumuwa ang mga mata ni Justin sa talento ng kamay ng lalaki.

“Callalily pala ha?” Lumingon si Sage sa mga mayayabang at binigyan sila ng matalim at nakapang-iinsultong titig. “Ano kaya kayo ngayon?”

Nakita ni Andres ang bandang Ten-Twenty na parating at papalapit sa kanila.

“Tol.” Lumapit sa kanya si Rigor. Kinamayan siya nito, parang magkumpare lang. “Ano’ng oras kayo dumating?”

“Mga 7 siguro.” Hindi man lang tumitingin si Andres sa kanyang kausap, masyadong abala sa panonood ng banda.

“Aga ah. Pang-ilan kayo?”

“Pagkatapos ng susunod na banda sa kanila, kami na tutugtog.”

“Magkasunod pala tayo, ‘to. Kami na sunod dyan e.”

“Oh? E bakit ngayon pa lang kayo dumating.”

“Ah. May pinuntahan kasi kaming birthday. E may inuman. Di naman kami makatanggi. Nakatatlong bote din kami ng The Bar bago kami makaalis.”

“Uminom kayo?” Inamoy ni Andres ang t-shirt ni Rigor at nakakuha ng amoy alkohol. “Oo nga ‘no?”

“Sige, p’re. May kakausapin muna ako.” Umalis si Rigor at pumunta sa kung saan man lugar.

Nakita ni Andres ang mga kabanda ni Rigor na kausap ang organizer na kumukulo ang dugo sa kanila dahil sa hindi pagtupad sa usapan nilang dumating ng maaga na ginawa naman ng ibang banda, kabilang ang Kapritso. Binigay ng banda sa organizer ang walang kwentang dahilan na sinabi din sa kanya ni Rigor. Hindi sa kumbinsido ang namamahala, ngunit wala siyang magagawa kaya hinayaan niyang makalusot ang batang banda.

Bumaba ang Kamada sa entablado at iniwan ang mga taong humihiyaw para sa kanila. Lumapit ang pawisang gitarista, si Leonard, kay Justin.

“Tol, salamat ulet. Whew!” Binigay niya ang gitara kay Justin kasama ang lalagyan nito.

“Bangis mo naman, kuya!” Sa isip ni Justin, may bago na siyang idol.

“Uy, hindi naman. Hehe.”Pareho silang napasulyap sa stage at nakita ang Ten-Twenty na umaakyat. “Heto na pala yung mga maangas.”

“Kilala mo sila?”

“Oo. Ilang beses na rin namin ‘yan nakasabay tumugtog. Muntikan na rin akong makipagsuntukan sa bokalista nila. Yabang kasi, e.”

“Oo nga. Pag ako, naasar talaga sa kanila –”

“Wag mo na silang patulan. Hayaan mo sila. May araw din ang mga ‘yan. Payong tugtugero, ‘tol.”

Ngumiti sa kanya si Leonard at umalis.

Pinakilala na ng mga emcee ang susunod na banda. Nang sila na ang maiwan sa stage, ang bokalista ay pabalik-balik ang lakad.

“Naka-drugs ba yung singer nila?” Tinanong ni Sage.

“Hindi. Nakainom lang.” Sabi ni Andres. Di matukoy ng mga kasama niya kung saan galing ang sagot niya, ay kung seryoso ba ito.

Nakasuot ng tsinelas ang bokalista. At sa harap ng mga manonood, hinubad niya ito at iniwan sa bungad ng entablado. Tumalon siya at nagwala. Nagsilbi itong senyales sa mga kabanda niyang magsimula sa pagtugtog.

“No way!” Usal ni Tor. “No way, dude! No freakin’ way!”

“Bakit p’re?” Tinanong ni Justin.

“Nag-Bamboo sila.”

“Sabi na e! Sabi na! Sabi na, sabi na, sabi na! Mandurupang talaga yung mga ‘yon!”

“Bakit, Tol?” Tanong ni Andres.

“Pinairal na naman nila yung pagiging madaya nila.”

“Bakit naman?” Nag-isip si Andres. Naalala niya noong sila ay nag-studio at nakasabay nila ang Ten-Twenty. At saka niya na-realize. “Aaaaaaaaaaahh…”

Seryoso si Kidron. Habang pinapakinggan niya ang cover ng Ten-Twenty ng Mr.Clay, nakatitig siya sa drummer nila. Sumulyap ito sa kanya at pinaikot ang drumsticks sa kanyang daliri. Umiling si Kidron sa kanya na nakita naman ni Sage.

“Okay ka lang?” Tinanong ng dalaga.

“Di na maganda yung ginagawa nila.”

“Nahawa ka na sa kanila.”

“Hindi yun yon. Kung balak nila tayong talunin, sana gumamit sila ng kanta na hindi nagpo-protesta sa Creator natin.”

“Di ko gets.”

Hindi na nagsalita pa si Kidron. Walang ibang magawa si Sage kundi ang matawa sa inaasal ng kanyang mga kabanda.

Bumaba na ang Ten-Twenty mula sa stage, kasabay naman ang pagpanik ng Kapritso.

“Tol, galingan niyo.” Bati ni Rigor kay Andres na may kasamang malumanay na akbay.

“Salamat, tol.” Pinilit ni Andres na ngumiti at sumunod na sa kanyang mga kabanda sa entablado.

Inaayos ni Sage ang kanyang gitara. Ina-adjust niya ang higpit ng guitar sash niya.

“Ate!!!” Sigaw ng isang lalaking nasa harap niya. “Crush na kita! Pwede ba malaman pangalan mo?”

“Wag mo pansinin ‘yang mga ‘yan.” Binulong ni Justin sa kanya. “May hawak ka lang kasing gitara kaya tsaka feeling nila, papatol ka sa kanila.”

“Thanks, Justin.” Nakangiti lang si Sage. “Alam mo, hindi naman ‘to yung first time ko sa mga gigs e. Paalala ko lang sa ‘yo.”

Nahiya tuloy si Justin sa kanya. Hindi na lang siya sumagot. Lumapit siya kay Tor para ayusin ang kanyang mga effects.

“Mga pards, okay na ba kayo?” Tapos na si Kidron sa pag-aayos ng kanyang “battle zone”. Ang tanging alalahanin na lang niya ay ang kanyang mga kabanda.

“Okay na, Pards.” Lumapit sa mic stand si Andres. “Magandang gabi. Kami nga pala ang Kapritso. First song namin ay galing sa River-”

“Wala kaming pake! Tumugtog na lang kayo! Dami pang satsat.” Bulyaw ng isang kabilang sa audience.

Iba ang audience nila tugtugan na iyon kung ikukumpara sa audience nila sa school noong unang tugtog nila.

Nag-intro na si Tor. At sa kantang kinokober nila, ang dapat sanang violin piece doon ay ginawa na lang ni Justin na lead sa gitara. Balak niya sana itong i-convert sa bandurria ngunit hindi pumayag ang kanyang mga kabanda. Mabagal ang kanta, easy-easy ang tempo. Naiba sa mga naunang kinanta ng mga naunang banda. At parang nagpapakita ang mga manonood ng motibo na libakin ang bandang nakasalang ngunit hindi natuloy nang marinig ang bokalista na kumanta.

Nobody knows just why we’re here
Could it be fate or random circumstance
At the right place, at the right time
Two roads intertwined

Isang bagsak sa cymbals mula kay Kidron. Malumanay sa pagtugtog si Sage.

And if the universe conspires
To meld our lives, to make us fuel and fire
They know wherever you will be
So, too, shall I be

Isa sa mga manonood, naglabas ng lighter, sinindihan ito sa ere. Winagayway niya ito habang nakikinig sa kanta. Gumaya sa kanya ang iba. winagayway nila sa ere ang kanilang mga kamay at lighter.

Close your eyes, dry your tears
Coz when nothing seems clear
You’ll be safe here
From the shear weight of your doubts and fears
Weary heart
You’ll be safe here

Namangha si Norman sa kakayahan ng banda, kung paano nila naaangkin ang kanta sa sandaling iyon na hindi nangangailangan ng abiso. May mga ibang banda na pinagtatawanan ang nangyayari sa kanila, ngunit para sa ibang banda tulad ng Kamada, naiintindihan nila ang saysay nito.

Kahit ang Kapritso ay nagulat, lalo na si Andres. Hindi niya inaasahang magiging ganito ang mga manonood sa kanila. Kahit sa mga sumunod nilang kanta, madaling nakisama sa kanila ang madla. At sa pagbaba nila sa entablado, sinisigaw ng mga tao sa ere ang kanilang pangalan.

Sinalubong ni Norman ang banda. Kasama niya ang dalawang taong kakilala din ng lima.

“Palong palo, mga d're!” Sabi ni Norman, kasama si Stet at si Lee.

“Magkilala pala kayo?” Namamawis si Justin. Naghahanap siya ng pamunas nito sa kanyang bulsa ngunit wala siyang makuha. Nakaramdam si Sage at inabot ang kanyang panyo na may wisik pa ng pabango.

Pagkakita ni Tor kay Lee at Stet, may naalala siyang bagay na nakalimutan niyang gawin. Dahil doon, nahampas niya ang kanyang sariling ulo.

“Tangengot!”

“Bakit?”

“Nakalimutan kong bidyuhan yung tugtog natin.”

“Okay lang yun.” Sabi ni Lee. “First hand witness naman ako e. Isang video na lang ibigay niyo sa ‘kin.”

“Talaga? Salamat, kuya Lee!”

“Galing niyo kanina ah.” Bati sa kanila ni Stet. “Parang concert lang ng Juan Dela Cruz yung pinuntahan namin. May pa-sway-sway pa.”

“Gulat nga kami e.” Wika ni Andres. Napatingin siya sa pwesto ng Ten-Twenty. Napansin niya na apat lang sila sa kanilang pwesto.

Sumalang na ang susunod na banda. Ang tugtugan nila ay heavy metal na may kasamang growl na nakakagasgas ng buong respiratory system. Nadala naman ang mga manonood at sige ang pagwawala nila. May isang binata na masydong nadala ay napapalakas ang kanyang panunulak at panggigitgit sa mga katabi niya. Pinersonal naman ito ng iba kaya hinamon ang lalaki ng away. Kanya-kanyang silang kuha ng resbak at kanya-kanya na ring suntok sa kung sino. Kahit ang hindi naman kasali ay nakisawsaw sa sapakang nagaganap. Hindi nakuntento ang iba at namato sila ng kung anong madadampot nila – bato, bote, kahit tsinelas. Pinatigil ng organizer ang bandang tumutugtog at pinababa ito sa stage. Tumawag siya ng mga tanod mula sa malapit na outpost. Mahirap nang kontrolin ang mga pangyayari sa bilis nito.

“Kidron!” Malapit na sa tili ang sigaw ni Sage. Patakbo siyang lumapit sa kanilang drummer na nakaluhod sa lupa at hawak ang mukha. Lumapit ang iba pa niyang mga kabanda, pati na rin sina Norman, Stet at Lee.

Marahang tinanggal ni Sage ang kamay ni Kidron mula sa kanyang mukha. Dumadaloy ang dugo sa kanyang mukha. Bali ang tangkay ng kanyang salamin at ang lens nito ay nabahiran din ng dugo. Nakapikit ang kaliwang mata niya.

Tiningnan nila ang palagid. Nakita ni Justin at tinuro sa mga kasama niya ang isang bato na nabahiran din ng dugo. Umalis sila kaagad sa venue at pumunta sa pinakamalapit na medical center.

Habang paalis, nakita ni Andres ang drummer ng Ten-Twenty. Lumapit siya sa isa sa mga lalaking pagkakatanda niya ay nakita niya sa grupo ng mga nag-iislaman. Inabutan ng drummer ng pera ang lalaki at kinamayan niya ito.

“May nangangamoy bulok.” Ika ni Andres sa sarili.

--

Nilalagyan ng nurse ng medical center ng Brgy. Bagong Silangan ng bandage ang sugat ni Kidron habang iniinda pa niya ang pangingirot nito.

“Asan sila?” Tinanong ni Kidron kay Andres. Siya lang ang kasama niya sa center.

“Nasa labas. Nag-uusap lang.” Umupo si Andres sa tabi ni Kidron. Pinagmamasdan niya ang paglalagay ng nurse ng ointment sa sugat niya sa noo. “Sinundo na rin nila yung Mama’t Papa mo.”

“Di niyo na dapat ginawa yun. Magpa-panic lang sila.”

“Slight concussion lang naman ang sinuffer mo. Buti at hindi tinamaan ang lens ng salamin mo. Baka napunta yung bubog sa mata mo at magkaroon ka ng tsansang mabulag. Sabihin mo yun sa mga magulang mo, hijo.”

Iniwan na sila ng nurse upang mag-attend naman sa iba pang mga pasyente. Kasunod namang dumating ang mga magulang ni Kidron na naka-Sunday morning outfit, sa likod nila ay ang kabanda nila, si Norman, Stet at Lee.

“Anak,” Niyakap ng nanay ni Kidron ang kanyang anak. “Ayos ka lang ba?”

“Ano’ng nangyari?” Seryoso ang mukha ng tatay niya. Kinakabahang sumagot ang iba.

“Nagkagulo po kasi e, tapos-” Pilit ipinaliwanag ni Andres ngunit inudlot siya ng tatay ni Kidron.

“Hindi. Ang tinatanong ko ay kung ano ang nangyari? Bakit niyo pinabayaan si Kidron?”

“Sir, di naman po namin sinasadya.” Depensa ni Sage. “Mabilis lang talaga ang mga pangyayari.”

“Tama siya.” Sinabi ni Norman. “Kahit sino naman sa kanila, pwedeng masaktan. Nataon lang na anak niyo yung natamaan ng bato.”

“At sino naman kayo?” Tinanong ng tatay ni Kidron sa mga kasama nilang nakatatanda. “Mga recruiter nila?”

Hindi alam ng tatlo kung paano sila magre-react sa tanong ng matanda.

“Ito na nga ba ang inaasahan ko sa pagsabak niya sa pagbabanda. Buti pa nung drummer siya ng church namin, ligtas siya. Under supervision siya ng mga nakatatanda doon.” Bumaling ang matanda sa kanyang anak. “Kidron, eto na ang huling beses na sasama ka sa kanila, maliwanag?”

“Pa…” Mangiyak-ngiyak si Kidronsa desisyon ng ama. Nangangamba ang kanyang mga kabanda.

“Ayokong mauulit ‘to. Naiintindihan mo?”

“Pa?”

“Naiintindihan mo?”

“Opo.”

Umalis ang nanay at tatay ni Kidron.

“Sorry, mga Pards.” Sumunod si Kidron sa kanyang mga magulang.

Mahigit isang linggo na lang ang natitira at parating na ang Clash of the Real Titans. Dumating ang mga problema. Hindi makaisip si Andres ng magandang solusyon sa mga ito. Hiniling niya sa mga oras na iyon na sana ay siya na lang ang natamaan ng bato. Baka may lumitaw na magandang ideya para sa mga kinakaharap nila kapag nataon.

--

No comments:

Post a Comment